Babaligtarin Kaya ng Bagong Katekismo ang mga Pangyayari?
Babaligtarin Kaya ng Bagong Katekismo ang mga Pangyayari?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya
“ISANG Katekismo para sa Taóng 2000,” “Ang Talaan ng Bagong mga Kasalanan,” “Bagong Larawan Para sa Iglesya”—ito ang ilan sa mga ulong-balita kamakailan sa mga pahayagan sa Italya tungkol sa bagong Catechism of the Catholic Church, na sa ngayon ay nailathala sa wikang Pranses, Aleman, Italyano, at Kastila. Sa Italya ang benta ng katekismo ay dumami hanggang sa 110,000 kopya sa loob ng wala pang tatlong linggo. Mangyari pa, sa isang bansang Katoliko na halos 58 milyon katao, ang bilang na iyan ay hindi gaanong mataas. Isang Italyanong manunulat ay nagsabi na ang sinumang bumibili nito “na hinahanap lamang ang isang katalogo ng bagong mga kasalanan” ay “mabibigo.”
Noong Disyembre 7, 1992, opisyal na iniharap ni Papa John Paul II ang 450-pahinang aklat na tinawag niyang isang “kalipunan ng Katolikong pananampalataya at asal.” Tumagal ito ng mahigit na anim na taon ng pagbabanghay at muling pagbabanghay, taglay ang maraming pagpuna mula sa mga Katoliko, upang mailathala ang aklat na ito. Natural, pinapanatili nito ang misteryo ng Sangkakristiyanuhan “tungkol sa Santisima Trinidad . . . , ang pinakamahalagang misteryo ng pananampalataya.” Sinasabi rin nito na “lahat ng espirituwal na kaluluwa ay tuwirang nilalang ng Diyos . . . , at ito ay walang kamatayan.” (Ihambing ang 1 Corinto 15:28; Mateo 24:36; tingnan din ang Ezekiel 18:4, 20.) Ngunit bakit ba kinakailangan ang isang bagong katekismo?
Isang Katolikong iskolar ay sumulat: “Maraming katekismong inilathala ng mga sentro ng diyosesis para sa katekismo ay lubhang mapusok, punô ng pagkakamali at karangyaan sa mga doktrina.” Gayunman ang mga ito ay ginamit sa loob ng mga taon upang turuan ang tapat na mga Katoliko. Ang publikasyong Katoliko na La Civiltà Cattolica ay nagsabi na ang bagong teksto ay upang magbigay ng “isang mahalagang tulong upang igarantiya ang pagkakaisa ng pananampalataya,” na nayanig nitong nakalipas na mga dekada. Ang papa mismo ay nagsabi: “Hindi madaling makita kung anong mga pag-unlad ang dadalhin ng katekismong ito. Gayunman, . . . ito ay maaaring maging isang kapaki-pakinabang, mabungang instrumento para sa mas malalim na kaalaman at makatotohanang espirituwal at moral na pagbabago.”
Magiging ganiyan nga kaya? Maayos kaya ng katekismong ito ang di-pagkakaisa ng mga Katoliko? Ang mga pagkakabahaging ito ay kitang-kita sa reaksiyon ng mga Katoliko sa buong daigdig sa mga isyung gaya ng aborsiyon, kontrasepsiyon, teolohiya ng pagpapalaya, at pakikibahagi sa tinatawag na makatuwirang mga digmaan (kahit na kung ito ay nagbubunga ng pagpatay ng mga Katoliko sa kapuwa Katoliko). Sa mas mataas na antas, ang pagkamuhi at pagkakabaha-bahagi na tumitindi sa pagitan ng ngayo’y malakas na Opus Dei, na tinatangkilik ng papa at ng maraming maimpluwensiyang mga miyembro ng herarkiya, at ng mga Jesuita, ang pangkat na ngayo’y wala nang pagsang-ayon ng papa.
Babaguhin kaya ng katekismong ito ang mga puso at paggawi ng libu-libong Italyanong lider sa pulitika at negosyo na nasangkot kamakailan sa katiwalian at mga iskandalo? Gaano nga kalalim maaapektuhan ng dokumentong ito ang paggawi ng nagpupunong piling mga tao sa Italya? Kung hindi nito mabago ang etika ng nagpupunong klase, bakit dapat maimpluwensiyahan ang karaniwang Katoliko? Yamang ang tomo ay may 450 pahina—at ang pagbabasa ay hindi ang pinakapopular na gawain ng masa—maaasahan kaya ang isang nagtatagal na epekto sa paggawi?