Isang Bagong Paaralan sa Aprika
Isang Bagong Paaralan sa Aprika
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria
NOONG Hulyo 1990 isang liham ang binasa na nagdulot ng malaking katuwaan sa gitna ng mahigit na 400 boluntaryo, mga Saksi ni Jehova, na nakatira at nagtatrabaho sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Igieduma, Nigeria. Ang Ministerial Training School, na itinatag sa Estados Unidos noong 1987, ay dumarating na sa Aprika, at ang unang mga klase ay gaganapin sa Igieduma!
Nang sumunod na mga buwan, ang pamilyang Bethel ay naghanda para sa unang klase. a Ang mga estudyante at mga guro ay nangangailangan ng mga tuluyan. Ang mga silid na naroroon para sa bisita ay hindi sapat; 15 karagdagang silid ang kailangan pa. Kaya sinimulang gawin ng mga Saksi ang mga bodega tungo sa magagandang silid na tirahan. Kasangkot dito ang paglalatag ng mga baldosa sa mga sahig, pagpipinta sa mga dingding, at paglalagay ng mga kurtina. Ang karpinterya ay gumawa at nagkabit ng mga kama, kabinet, at mga desk. Sa wakas, ang mga silya, ilawan para sa pagbabasa, at mga istante ng aklat ay ipinasok. Ang mga istante ay pinunô ng teokratikong mga publikasyon.
Isa pa, ang malaking silid ng pamilya ay ginawang silid-aralan at aklatan para sa mga estudyante. Ang isa sa mga silid ng pagamutan ay naging pansamantalang tanggapan para sa mga guro at nilagyan ng mga desk, mesa, at iba pang kagamitan sa opisina. Samantala, habang ang balita tungkol sa dumarating na paaralan ay ipinaalam sa buong bansa sa mga kombensiyon at mga asamblea ng mga Saksi ni Jehova, daan-daang aplikasyon ang dumating mula sa inaasahang mga estudyante.
Noong unang linggo ng Pebrero 1992, handa na ang lahat. Dalawang guro, sina Michael Purbrick at Peter Nicholls, ay dumating mula sa Britaniya upang magturo sa unang klase. Karagdagan pa sa 22 estudyante, dumating din ang tatlong inaasahang mga guro, sina Isaiah Mnwe, Isaiah Olabode, at Pius Oparaocha. Ang mga Saksing taga-Nigeria na ito ay sasanayin upang magturo sa kasunod na mga klase.
Layunin ng Paaralan
May pananabik at katuwaan sa buong Bethel. Bakit? Dahil sa positibong epekto ng paaralan sa gawaing paggawa-ng-alagad sa Nigeria. Malaon na ay inihula ni Jehova na siya ay maglalaan ng “mga kaloob na mga lalaki.” (Awit 68:18) Ginawa niya ito noong panahon ng mga apostol, gaya ng isinulat ni apostol Pablo sa Efeso 4:8-11. Sa ngayon, si Jehova ay naglalaan din ng mga kaloob na mga lalaki. Ang Ministerial Training School ay isang maibiging paglalaan upang sangkapan ang ilan sa mga lalaking ito na kumuha ng karagdagang mga pananagutang pang-organisasyon.
Sa bansa, may mahigit na 160,000 Saksi sa mahigit na 3,000 kongregasyon. Ang ilan sa mga kongregasyong ito ay may isa o dalawa lamang matatanda at ilang ministeryal na mga lingkod. Ang ibang kongregasyon ay may napakalawak na mga teritoryo kung saan ang mabuting balita ay hindi malawakang naipangangaral. Kaya, may malaking pangangailangan para sa kuwalipikadong mga lalaki hindi lamang upang manguna sa gawaing pag-eebanghelyo kundi rin naman upang pastulin ang kawan at magturo sa kongregasyon.
Ang layunin ng Ministerial Training School ay upang sanayin ang mga kapatid na lalaki na pangalagaan ang mga pananagutang ito. Pagkaraang magtapos, ang ilan sa mga estudyante ay nagpasimulang maglingkod bilang espesyal payunir o naglalakbay na tagapangasiwa, mga larangan ng paglilingkod
na may malaking pangangailangan sa Nigeria. Ang iba ay nagbabalik sa kani-kanilang kongregasyon upang tumulong at palakasin ang loob ng lokal na mga kapatid. Anong laking pagpapala ang kuwalipikadong mga lalaking iyon sa mga kongregasyon na kanilang pinaglilingkuran!Pambihirang Pagsasanay
Bagaman ang Ministerial Training School ay isang karagdagang bahagi ng Watchtower Bible School of Gilead, na nagsasanay sa mga misyonero para sa paglilingkod sa ibang bansa, ang kurikulum nito ay natatangi. Sa panahon ng walong-linggong pag-aaral, ang mga estudyante ay nagsasagawa ng masinsinang pag-aaral ng Bibliya. Maingat na sinusuri nila ang maraming turo ng Bibliya, pati na ang payo tungkol sa mga pananagutan ng pagpapastol at mga tuntunin sa paglutas ng mga problema sa Kristiyanong pamumuhay. Pinag-aaralan din nila kung ano ang itinuturo ng Kasulatan tungkol sa pampangasiwaan, panghukuman, at pang-organisasyonal na mga bagay. Sila’y tumatanggap ng pantanging pagsasanay sa pagsasalita sa madla at tumatanggap ng personal na atensiyon mula sa nagmamalasakit na mga guro, na tumutulong sa kanila sa kanilang espirituwal na paglaki.
Lahat-lahat, ang karaniwang estudyante ay tumatanggap ng 45 atas sa silid-aralan, at siya ay nakikinabang mula sa 256 na oras ng pagtuturo sa silid-aralan. Karagdagan pa, siya’y gumugugol ng 140 oras sa paggawa ng takdang-aralin at 14 na oras na pagkuha ng mga eksamen.
Bagaman ang pangunahing aklat-aralin ay ang Bibliya, ang mga estudyante ay hiniling na dalhin sa paaralan ang kanilang personal na mga kopya ng 16 pang aklat, mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na inilathala ng Samahang Watch Tower. Noong panahon ng pag-aaral, ang mga estudyante ay nagsagawa rin ng malawakang pananaliksik sa iba pang mga publikasyon na makukuha sa nasasangkapang-mainam na aklatan ng Bethel. Maliwanag, sila’y kailangang maging mahusay na mga mambabasa.
Bukod pa sa gawain sa paaralan, ang mga estudyante
ay nagtatrabaho ng 45 minuto araw-araw sa isa sa walong departamento sa Bethel: sa paglilinis, silid kainan, pagmamantini sa bakuran, housekeeping, kusina, laundry, shipping, at trucking. Sila’y palipat-lipat ng trabaho upang sa katapusan ng walong-linggong kurso, ang bawat isa ay nakaranas magtrabaho sa lahat ng departamentong ito. Ganito ang sabi ng isang estudyante: “Ang pagtatrabaho ko sa iba’t ibang departamento ay nagpangyari sa akin na maunawaan ko na si Jehova ang superbisor ng gawain.” Sabi naman ng isa: “Ang mga tagapangasiwa ay handang magturo at magtuwid taglay ang pag-ibig.” At ang isa pa ay nagkomento: “Ang gawain sa Bethel ay isang bagay na dapat matikman at makita ng lahat na ito ay mabuti.”Paano tumugon ang mga kapatid sa pagsasanay na kanilang tinanggap? Sabi ng isa: “[Ito ay] paaralan ng mga paaralan.” Ang isa pa ay buong siglang bumulalas: “Anong kahanga-hangang kaayusan!” Taglay ang mga pusong nag-uumapaw sa kagalakan at pagpapahalaga, ang mga estudyante ng unang klase ay sumulat sa isang liham: “Ang aming pasiya ay . . . isentro ang aming buhay sa mensahe ng mabuting balita.”
Mga Komento Buhat sa Larangan
Noong unang bahagi ng 1992 at ng 1993, ang unang apat na mga klase ng Ministerial Training School sa Nigeria ay idinaos. Sa isang liham ng pasasalamat na isinulat sa Lupong Tagapamahala, ang mga estudyante ng ikalawang klase ay sumulat: “Tunay, kailanman ay hindi pa kami nakapag-aral sa anumang paaralan na mas mahusay pa rito. Ang kurso ay mas mahusay kaysa isang programa sa pamantasan. Nasumpungan naming madaling sumang-ayon kay William Phelps na ‘ang kaalaman sa Bibliya nang walang kurso sa kolehiyo ay mas mahalaga kaysa isang kurso sa kolehiyo nang walang Bibliya.’ Sa lahat ng ito, ang inyong tunay na interes sa amin ay maliwanag. Kaya kami ay determinadong gawing karera namin ang buong-panahong gawain.”
Paano tinanggap ang mga nagtapos sa kanilang bagong mga atas? Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang sumulat tungkol sa dalawang nagtapos sa unang klase na naglilingkod bilang mga espesyal payunir: “Ang mga pulong ngayon ay kawili-wili, nakapagpapatibay, kasiya-siya, at makabuluhan. Ang mga gawain sa paglilingkod sa larangan ay dumarami . . . Ang kongregasyon ay nag-uumapaw sa kagalakan . . . Nang kapanayamin ko ang ilang kapatid tungkol sa nagawa ng mga espesyal payunir na ito, ang punong tagapangasiwa ay sumagot na may mga luha ng kagalakan, na ang sabi: ‘Pinasasalamatan namin si Jehova at ang kaniyang organisasyon sa pagpapadala ng mahuhusay at epektibong mga katulong sa aming kongregasyon.’ ”
Sino ang Kuwalipikado?
Ang pag-aaral sa Ministerial Training School sa alinmang bansa ay isang kahanga-hangang pribilehiyo ng paglilingkod, isang kamangha-manghang pagpapala mula kay Jehova. Walang alinlangan, ang pagsasanay na ito ay tumutulong sa mga estudyante na pasulungin ang kanilang katayuan bilang espirituwal na mga lalaki at sinasangkapan sila upang lubusang magamit ni Jehova.
Natural lamang, mataas ang mga kahilingan. Upang maging kuwalipikado, ang mga aplikante ay dapat na naglingkod bilang matatanda o mga ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano sa loob ng di-kukulanging dalawang taon. Higit na gusto yaong nasa regular payunir na paglilingkod. Ang lahat ay dapat na walang asawa at nasa pagitan ng edad na 23 at 50 anyos. Sila ay dapat na hindi sinaway o itiniwalag ng hukumang komite sa loob ng nakalipas na limang taon. Ang mga aplikante ay dapat na marunong bumasa, sumulat, at magsalita nang matatas na Ingles, at kailangang sila’y nasa mabuting kalusugan, hindi nangangailangan ng pantanging pangangalaga o pagkain.
Higit sa lahat, yaong mga nagboboluntaryo ay kailangang handa, kusa, at may kakayahang maglingkod saanman sila kakailanganin. Ito’y nangangailangan hindi lamang ng isang matinding pagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos kundi rin naman ng espiritu ni Isaias, na buong pananabik na inihandog ang kaniyang sarili na gawin ang isang pantanging gawain, na ang sabi: “Narito ako! Suguin mo ako.”—Isaias 6:8.
Mayroon ka rin ba ng gayong espiritu? Ikaw ba’y nasa kalagayang abutin ang pribilehiyong ito ng paglilingkod? Yaong mga gumawa ng gayon ay hindi nagsisi. Ganito ang sulat ng isang nagtapos sa paaralan na ngayo’y naglilingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito: “Para sa akin, ang Ministerial Training School ay isang walang katulad na regalo. Ito ang tugatog ng aking espirituwal na buhay. Kung may pagkakataon ako na ulitin ang aking buhay, hindi ko pipiliin ang ibang paraan ng buhay.”
[Talababa]
a Ang “Bethel,” mula sa Hebreo para sa “bahay ng Diyos,” ang pangalang ibinibigay sa bawat tahanan ng sangay ng Samahang Watch Tower.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Mga guro na sina Isaiah Mnwe at Pius Oparaocha
Pagtuturo sa klase
Pagtalakay ng grupo sa klase
Pananaliksik sa aklatan
[Mga larawan sa pahina 18]
Paggawa sa laundry at sa Shipping Department