Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Krisis sa Relihiyon sa Netherlands

Krisis sa Relihiyon sa Netherlands

Krisis sa Relihiyon sa Netherlands

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Netherlands

“MAAARI bang patayin ng huling pari ang mga ilaw?” Ito ay isang nakatatawang biro na kumakalat sa mga monasteryo sa Netherlands. Hinuhulaan nito ang panahon kapag ang huling monghe o pari ay lalabas sa kahuli-hulihang gumaganang monasteryo sa bansang iyon at iiwan itong walang laman. At hinihiling nito sa kaniya na tiyakin niyang patayin ang mga ilaw sa isang abandonadong gusali! Maaari nga kayang mangyari ang bagay na iyon? Ang mga klero ba ay nanganganib na maglaho sa Netherlands, maglalahong kasama ng kanilang mga kawan?

Umaalis sa Pagkapari

Kung tungkol sa Iglesya Katolika, taun-taon ang bilang ng mga klero ay umuunti. Mula noong 1968 hanggang 1978, ang bilang ng sekular na mga pari ay bumaba ng 27.2 porsiyento, at ang kalakarang ito ay nagpatuloy mula noon. Bakit? Ang isang dahilan na ibinigay ay ang sapilitang hindi pag-aasawa ng mga pari. Noong 1970 ang National Pastoral Council ay nagpasiya na “ang obligasyon na hindi pag-aasawa ng pari bilang isang kahilingan sa pagsasagawa ng mga tungkulin ng isa bilang isang ministro ay dapat alisin.” Inaakala ng mga obispong Olandes na ang mga tapat ay makikinabang pa nga kung sila ay paglilingkuran ng mga paring may asawa. Gayunman, mariing tinanggihan ni Papa Paulo VI ang idea. Tiyak na ito ang isang dahilan kung bakit sa dakong huli mahigit na 2,000 pari ang nagbitiw sa pagkapari sa pasimula ng 1980 at ang bilang ng mga pumapasok sa pagkapari ay bumaba.

Tinatalakay ang umuunting pagkapari sa Netherlands, nagunita ng yumaong Kardinal Alfrink ang panahon nang isang nunsiyo ng papa, na minamasdan ang isang seminaryo sa harap ng bahay ng kardinal, ay nagtanong kung bakit isasara ng mga obispo ang magagandang gusaling iyon. Ang kardinal ay sumagot: “Maliwanag na hindi mo nauunawaan. Hindi isinara ng mga obispo ang alinmang seminaryo; isinara lamang nila ang mga pinto pag-alis ng mga estudyante.”

Hindi lamang ang mga klero kundi rin naman ang kanilang mga kawan ay umaalis ng simbahan sa Netherlands. At ito ay hindi bagong bagay. Noon pang 1879 ipinahihiwatig ng isang sensus na wala pang 1 porsiyento ng populasyon ay sekular, yaon ay, hindi mga miyembro ng isang relihiyon. Noong 1920, halos 8 porsiyento ng populasyon ang nag-aangking hindi kabilang sa isang relihiyon. Noong 1930 ang bilang ay tumaas tungo sa 14.4 porsiyento. Noong 1982 ang bilang ay nakatatakot na 42 porsiyento, at ipinakikita ng pinakahuling surbey na mahigit 51 porsiyento ng mga Olandes ang hindi kabilang sa alinmang relihiyon.

“Panahon ng Yelo” Para sa Simbahan

Mas madula pa sa pagbaba ng bilang ng mga miyembro ng simbahan ang pagbaba ng bilang niyaong mga nagsisimba na kabilang sa isang relihiyon. Noong 1988 ang pahayagang De Telegraaf ay may ulong-balita na “Dumarating na ang Panahon ng Yelo Para sa Simbahan.” Sinabi ng pahayagan: “Wala nang nagugulat kapag giniba ang isang simbahan. Ang nagsisimba ay umuunti sa nakatatakot na paraan. Totoo ito hindi lamang sa Katolisismo kundi rin naman sa mga simbahan ng Reformed at Calvinistic. Kung magpapatuloy ang sekularisasyong ito, sa loob lamang ng ilang salinlahi, wala nang magsisimba.”

Binanggit pa ng pahayagan na ang paghina ng Katolisismong Romano ang pinakagrabe. Binanggit nito na noong 1965 mga 60 porsiyento ng lahat ng Katolikong Olandes ay dumadalo pa ng Misa. Noong 1975 ang bilang na ito ay 28 porsiyento. Nitong nakalipas na mga taon ito ay bumaba sa wala pang 16 na porsiyento.

Ang pagbaba sa bilang ng nagsisimba ay nagkaroon ng epekto sa mga simbahan, na isinasara kapag ang mataas na halaga ng pagmamantini at pagpapatakbo nito ay hindi na matugunan ng lumiliit na mga kongregasyon. Kaya, maraming relihiyosong gusali ang giniba o ipinagbili para sa ibang gamit. Ang ilan sa ngayon ay nagtatakang pumasok sa isang simbahan at masumpungan na ito ay ginagamit bilang isang museo, tindahan ng bisikleta, bulwagang pampalakasan, bulwagang pangkonsiyerto, tindahan ng bulaklak, restawran, o mga apartment.

Kaya nga, hindi inaasahan na ang mga awtoridad ng relihiyon ay mapunô ng pag-asa tungkol sa hinaharap. Pagkatapos dalawin ni Papa John Paul II ang Netherlands, isang obispo ang nagsabi: “Dinalaw ng papa ang isang bangkay, o sa paano man isang naghihingalong pasyente na nag-aakalang siya’y buháy pa.”

Kung Bakit Iniiwan Nila ang Simbahan

Ang pagbaba sa bilang ng mga miyembro ng relihiyon ay pinabilis ng bagong mga salik. Kabilang dito ang kawalan ng paggalang sa awtoridad. Hindi na tinatanggap ng mga tao ang mga bagay dahil lamang sa sinasabi ito sa kanila ng isa na nasa awtoridad. Kaugnay rito ang pagdiriin sa indibiduwal na kalayaan. Sa ngayon, nais ng mga taong magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang paniniwalaan nila at kung paano sila kikilos.

Ang dalawa pang salik ay sinasabing ang impluwensiya ng media at ang modernong hilig na mawalan ng tiwala sa mga institusyon. Nariyan din ang damdamin na inaalis ng tatag na mga institusyon ang kalayaan at ang kakanyahan. Isa pa, kahit na kung ang mga tao ay relihiyoso pa rin, ang mga kalagayan ay maaaring mag-udyok sa kanila na iwan ang kanilang relihiyon. Halimbawa, ang mga miyembro ng relihiyon na mahilig-sa-tradisyon ay naaasiwa sa isang relihiyon na may ministro o pari na pabor sa pagbabago. At nadarama ng makabagong mga nagsisimba na sila ay hindi nababagay sa konserbatibong mga kongregasyon.

Sa panig ng Protestante, ang Calvinistic Church ay malaon nang may reputasyon ng pananatili sa makalumang moralidad. Kaya, marami ang nagulat nang himukin ng Sinodong Calvinistic sa Netherlands noong 1979 ang lokal na mga simbahan na tanggapin ang mga homosekso sa eukaristiya at sa ministeryo. Noong 1988 hiniling ng internasyonal na Calvinistic Ecumenical Synod ang mga Calvinista sa Netherlands na muling isaalang-alang ito, subalit ang sinodo ay nagpalabas ng salita na ang desisyon ay hindi na mababago. Noong 1989 ang sinodo ng Dutch Reformed Church ay bumoto rin upang salungatin ang anumang pagparusa laban sa mga homosekso. Isip-isipin lamang kung ano marahil ang nadama ng “makalumang” mga Protestante nang isang ministrong Calvinistic, isang homosekso, ay nagsabi sa simbahan na ang “homoseksuwalidad ay isang regalo ng Diyos; mahal din ng Diyos ang mga homosekso”!

Maglaho Kaya ang Kristiyanismo?

Dahil sa nasabing mga salik at marami pang iba, kataka-taka ba na maraming nagsisilabas mula sa mga relihiyon sa Netherlands at sa marami pang bansa? Oo, ang palaisip na mga tao ay naghinuha pa nga na marahil ang tunay na Kristiyanismo ay hindi masusumpungan saanman. Mamatay kaya sa wakas ang Kristiyanismo?

Inihula ng Bibliya ang paghupa ng suporta para sa Sangkakristiyanuhan, kasama ng iba pang relihiyon, sa ating panahon. (Apocalipsis 16:12; 17:15) Subalit inihula rin nito na tatalikdan ng ilan ang huwad na relihiyon hindi lamang dahil sa kawalan ng kasiyahan o kawalan ng tiwala kundi dahil sa isang positibong layunin. Ang Bibliya ay makahulang humihimok: “Magsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan.” (Apocalipsis 18:4) Ang “kaniya” na tinutukoy rito ay ang simbolikong relihiyosong patutot, ang “Babilonyang Dakila,” na sumasaklaw sa lahat ng relihiyon ng daigdig, pati na yaong sa modernong Sangkakristiyanuhan. Ang “aking bayan” ay ang taimtim na mga naghahanap ng katotohanan na lumalabas sa Babilonyang Dakila sapagkat nais nilang maglingkod sa Diyos sa paraang itinuro ni Jesus. Ang Sangkakristiyanuhan ay lumayo na nang husto sa tunay na Kristiyanismo anupat ang taimtim na mga tao ay dapat na lumabas upang kalugud-lugod na makapaglingkod sa Diyos.

Ang tunay na Kristiyanismo ay buháy at sumasagana sa Netherlands gayundin sa buong globo. Sa kabila ng kanilang mga di-kasakdalan, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang mga turo at gawain ni Kristo. Hindi namin inaasahang basta tatanggapin mo ang sinabing iyan. Bakit hindi suriin ang mga paniwala ng mga Saksi sa liwanag ng Bibliya, at tingnan mo ito mismo kung hindi ito totoo. Alamin buhat sa Salita ng Diyos ang Kristiyanismo ng mga apostol ni Jesus, na kabaligtaran ng itinuro at isinagawa ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa loob ng mga dantaon. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ito ay magdudulot sa iyo ng mga pakinabang para sa “buhay ngayon at sa darating.”​—1 Timoteo 4:8.

[Mga larawan sa pahina 10, 11]

Maraming simbahan sa Europa ang ngayo’y ginagamit para sa sekular na mga layunin. Pahina 10: Isang garahe sa Netherlands. Pahina 11: Bulwagan para sa mga pensiyonado, talyer, samahan ng mga batang lalaki, at abandonadong simbahan sa Penygraig, Wales