Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Iniwan Ko ang Pagkapari Para sa Isang Mas Mabuting Ministeryo

Kung Bakit Iniwan Ko ang Pagkapari Para sa Isang Mas Mabuting Ministeryo

Kung Bakit Iniwan Ko ang Pagkapari Para sa Isang Mas Mabuting Ministeryo

AKO’Y inordina bilang isang paring Katoliko noong Hulyo 31, 1955, sa gulang na 24. Ito ang wakas ng 12 taon ng paghubog na ginugol sa seminaryong arkidiyosesis, sa Rachol, Goa, India. At ano ang lumikha ng pagnanais ko na maging isang pari?

Ako’y isinilang sa Bombay, India, noong Setyembre 3, 1930. Nang sumunod na taon, ang aking ama ay nagretiro, at ang pamilya ay nanirahan sa Salvador do Mundo, Bardez, Goa, sa timog-kanlurang baybayin ng India. Ako ang bunso sa apat na anak. Mula sa pagkasanggol ako ay pinalaki sa isang Portuges na Katolikong kultura at tradisyon, na umiral sa Goa mula noong 1510, nang ito ay gawing kolonya ng Portugal.

Ang aking mga magulang, na tapat sa kanilang mga paniwala, ay masigasig na mga Katoliko na taun-taon ay nagdiriwang ng Pasko, Kuwaresma, Pasko ng Pagkabuhay, at mga kapistahan sa karangalan ni Birhen Maria at ng ilang “santo.” Ang mga paring nakikibahagi sa mga selebrasyong ito ay kadalasang tumutuloy sa aming bahay, kung minsan ay mahigit na sampung araw sa isang panahon. Kaya, kami ay may patuloy na kaugnayan sa kanila, at bilang isang kabataan ako ay hangang-hanga sa kanila.

Ang Aking Paglilingkod sa Goa, Salamanca, at Roma

Sinimulan ko ang makaparing ministeryo taglay ang matinding sigla, at wala akong anumang alinlangan tungkol sa katunayan ng mga doktrina at mga gawain sa Iglesya Katolika. Sa aking unang pitong taon ng ministeryo sa Goa, ako’y nagsagawa ng sosyopastoral na mga tungkulin sa Kapilya ng Sto. Tomas sa Panaji, ang kabisera ng Goa. Kasabay nito, sa dating Polytechnic Institute ng pamahalaang Portuges, hawak ko ang isang sibil na atas na may dalawang bahagi​—propesor at patnugot ng kampus ng institute.

Noong 1962, ako’y ipinadala sa University of Salamanca, sa Espanya, kung saan nakamit ko ang aking PhD sa Philosophy of Law and Canon Law. Sa panahon ng aking panghukom na pagsasanay, ang ilang asignaturang pinag-aralan ko, lalo na ang Batas Romano at ang Kasaysayan ng Batas Kanoniko, ay nag-udyok sa akin na suriin ko kung paano nagsimula at lumitaw ang konstitusyon ng Iglesya Katolika hanggang sa punto ng pagkilala sa papa bilang kahalili ni Pedro taglay ang ‘kataas-taasang kapangyarihan sa iglesya.’

Natutuwa ako na ang mga plano ay ginagawa na para sa aking doktoral na pag-aaral sa teolohiya sa Roma, Italya, kung saan ako ay magkakaroon ng pagkakataon na matuto nang higit pa tungkol sa herarkiya ng simbahan. Nagtungo ako sa Roma noong tag-araw ng 1965.

Nang panahong ito ang konseho ekumenikal na Vatican II ay nasa sukdulan nito. Samantalang itinataguyod ko ang aking teolohikal na pag-aaral, nagkaroon ako ng kawili-wiling talakayan na kasama ng ilang teologo at “mga Ama ng Konseho” na salungat sa labis na mga konserbatibo sa konseho. Ang nagpupunong papa ay si Paulo VI, na mayroon akong personal na pakikisama dahil sa aking kapangyarihan bilang bise presidente ng Samahan ng mga Paring Indian sa Roma.

Unang mga Alitan at Pag-aalinlangan

Sa buong panahon ng mga pakikisamang ito at ng aking mga pag-aaral at pananaliksik para sa aking doktoral na theses, nagkaroon ako ng pagkakataon na magtamo ng higit na pagkaunawa sa kasaysayan at pag-unlad ng pangunahing kayarian ng Iglesya Katolika. a Salungat sa mga palagay ng mga konserbatibo sa konseho, na sanay na sa uring ganap na monarkiya ni Pius XII (1939-58), sa wakas ay nagawa ng mga liberal na makuha ang pagsang-ayon ng konseho sa Dogmatikong Konstitusyon sa Iglesya (Pamagat sa Latin, Lumen Gentium, Liwanag ng mga Bansa). Kabilang sa iba pang mga bagay, sa kabanata 3 ay binabanggit nito ang karapatan ng mga obispo na makibahagi bilang isang lupon sa ganap at kataas-taasang awtoridad ng papa sa iglesya. Ang doktrinang ito ay malalim na nag-uugat sa tradisyon subalit ito ay itinuring na erehiya at rebolusyonaryo ng mga konserbatibo.

Nasumpungan ko na ang kapuwa mga palagay ay hindi kalugud-lugod, yamang ang mga ito ay walang katotohanan ng Ebanghelyo. Ito’y pagpilipit ng Mateo 16:18, 19 at nagpapahintulot sa lahat ng nakalipas at hinaharap na hindi makakasulatang mga doktrina at turo ng simbahan. b Napansin ko na ang mga salitang Griego na ginamit sa tekstong ito, ang peʹtra (pambabae), nangangahulugang “isang batong-bundok,” at peʹtros (panlalaki), nangangahulugang “piraso ng bato,” ay hindi ginamit ni Jesus bilang mga kasingkahulugan. Isa pa, kung si Pedro ay binigyan ng kahigitan bilang ang batong-bundok, tulad ng isang batong-panulok, wala sanang pagtatalo sa gitna ng mga apostol nang dakong huli sa kung sino ang pinakadakila sa kanila. (Ihambing ang Marcos 9:33-35; Lucas 22:24-26.) Gayundin, si Pablo ay hindi mangangahas na sawayin si Pedro nang hayagan dahil sa “hindi paglakad nang matuwid ayon sa katotohanan ng mabuting balita.” (Galacia 2:11-14) Nahinuha ko na ang lahat ng inianak-sa-espiritu na mga tagasunod ni Kristo ay pare-parehong tulad-bato, na si Jesus ang kanilang pundasyong batong-panulok.​—1 Corinto 10:4; Efeso 2:19-22; Apocalipsis 21:2, 9-14.

Mientras mas mataas na antas ng akademiko at pastoral na kalagayan ang natatamo ko at mas maraming pagpapalitan ng mga idea, lalong lumalayo ang aking isip at puso sa iba’t ibang doktrina ng Iglesya Katolika, lalo na yaong nauugnay sa ordinasyon ng pari sa konteksto ng “Banal na Sakripisyo ng Misa” at “ang Santisimo Sakramento ng Eukaristiya”​—na tinatawag na transubtansyasyon.

Sa mga Katoliko, “ang Banal na Sakripisyo ng Misa” ay isang walang katapusang paggunita at walang-dugong pag-uulit ng sakripisyo o hain ni Jesus sa “krus.” Subalit ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa pangkalahatan at ang sulat ni Pablo sa mga Hebreo lalo na ay napakalinaw sa akin upang mahinuha na ang hain ni Jesus ay isang sakdal na hain. Ang kaniyang gawain ay ganap. Hindi ito humihiling o nangangailangan ng anumang karagdagan, pag-uulit, o pagpapabuti. Ang hain ay inihandog “minsan at magpakailanman.”​—Hebreo 7:27, 28.

Ang Paghahanap Ko ng Katotohanan ay Nagpapatuloy

Upang subukin ang aking sarili, patuloy akong nagtrabaho sa ilang diyosesis at arkidiyosesis sa Kanlurang Europa, sa arkidiyosesis ng New York, at sa diyosesis ng Fairbanks, Alaska. Ito ay isang mahirap na siyam-na-taóng pagsubok sa paghahanap ko ng katotohanan. Ako’y pangunahin nang nasangkot sa mga bagay na may kinalaman sa pangasiwaan, hurisprudensiya eklesiastikal, at paghatol. Hangga’t maaari ay iniwasan ko ang mga ritwal at seremonya ng liturhiya. Ang pinakamalaking hamon ay ang araw-araw na pagmimisa. Lumikha ito ng masidhing nag-aalinlangang damdamin at emosyon sapagkat hindi ako naniniwala sa paulit-ulit na walang-dugong hain ni Kristo o sa transubtansyasyon o sa makalupang sagradong pagkapari na hinihiling upang isagawa ang mabisa at ipinahihintulot na “magic” ng transubtansyasyon.

Noong Ikalawang Konseho ng Vaticano, may pagkakaingay tungkol sa “magic” na ito. Itinaguyod ng mga liberal na pinangungunahan ng herarkiya ng mga Katolikong Olandes ang “transignification,” yaon ay, ang tinapay at ang alak ay nangangahulugan o kumakatawan lamang sa katawan at dugo ni Kristo. Sa kabilang dako, matatag na ipinagtanggol ng labis na mga konserbatibo, na pinangungunahan ng herarkiya ng mga Katolikong Italyano, ang “transubtansyasyon,” yaon ay, ang pagbabago ng tinapay at alak tungo sa tunay at totoong katawan at dugo ni Kristo sa pamamagitan ng “mga salitang pagpapabanal” na binibigkas sa panahon ng Misa. Kaya nga, ang kasabihan ay: ‘Sa Holland ang lahat ng bagay ay nagbabago maliban sa tinapay at alak, samantalang sa Italya walang nagbabago maliban sa tinapay at alak’.

Humiwalay Ako

Dahil sa gayong maling pagpapakilala kay Kristo at sa kaniyang ebanghelyo, ako’y nakadama ng matinding kabiguan at pagkasiphayo na ang aking tunguhing luwalhatiin ang Diyos at iligtas ang mga kaluluwa ay pinahina ng huwad na mga doktrina. Kaya, noong Hulyo 1974, ako sa wakas ay nagbitiw sa aktibong ministeryo at humiling ng walang takdang bakasyon. Hindi makatuwiran at hindi kalugud-lugod sa akin na humingi ng dispensasyon sa pagkapari na walang saligan sa Bibliya. Kaya, mula noong Hulyo 1974 hanggang Disyembre 1984, ako’y nanatiling hiwalay sa anumang relihiyon. Hindi ako nakisama sa anumang ibang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sapagkat walang isa man sa mga ito ang katulad ng mga konklusyon ko laban sa Trinidad, pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ang idea na ang lahat ng taong matuwid ay magkakamit ng buhay na walang-hanggan sa langit, at ang walang-katapusang parusang apoy sa impiyerno. Minalas ko ang mga doktrinang ito bilang bunga ng paganismo.

Panloob na Kapayapaan at Kaligayahan

Ang aking paghiwalay sa mga relihiyon ay nagwakas noong Disyembre 1984. Bilang ang manedyer ng Credit and Accounts Receivables Department sa isang negosyo sa Anchorage, Alaska, kailangang ipakipag-usap ko ang ilang talaan ng mga binili at halaga sa isang parokyano, si Barbara Lerma. Siya ay nagmamadali at sinabi niya na kailangan niyang dumalo sa isang “pag-aaral sa Bibliya.” Nakatawag ng aking pansin ang katagang “pag-aaral sa Bibliya,” at tinanong ko siya ng ilang tanong mula sa Bibliya. Mabilis at mabisang binigyan niya ako ng maka-Kasulatang mga kasagutan na katugma ng aking sariling mga konklusyon sa mga doktrina. Nasusumpungang marami pa akong mga tanong, ipinakilala ako ni Barbara kay Gerald Ronco, na nasa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Alaska.

Ang nakapagpapatibay na mga talakayan na nauugnay sa Bibliya na kasunod nito ay nagdulot sa akin ng panloob na kapayapaan at kaligayahan. Ito ang uri ng mga tao na hinahanap ko​—ang bayan ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos para sa patnubay at sa takdang panahon ay nagsimula akong makisama sa mga Saksi ni Jehova bilang isang di-bautisadong mamamahayag ng mabuting balita. Nagulat nga akong malaman na ang punong-tanggapan ng organisasyong ito ay nasa Brooklyn, New York, mga ilang milya lamang mula sa Holy Family Church sa Manhattan, kung saan ako naglingkod (noong 1969, 1971, at 1974) bilang isang kasamang pastor ng Parish Church ng United Nations.

Pagtulong sa Aking Pamilya na Makita ang Katotohanan

Pagkaraan ng anim na buwan ng pakikisama sa mga Saksi ni Jehova sa Anchorage, ako’y lumipat sa Pennsylvania noong Hulyo 31, 1985. Dito ay nagkaroon ako ng pribilehiyo na ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ni Jehova sa aking pamangkin na si Mylene Mendanha, na kumukuha ng graduate studies sa biochemistry sa University of Scranton. Nang malaman ni Mylene na hinahanap ko ang mga Saksi ni Jehova, siya ay nagulat, sapagkat bago nito siya ay may kamaliang napahiwatigan na ang mga Saksi ni Jehova ay isang kulto. Sa simula wala siyang sinabing anuman sa akin sapagkat iginagalang niya ako bilang kaniyang tiyo at isang pari at may mataas na pagtingin siya sa aking akademiko at pastoral na mga natapos.

Nang sumunod na Linggo, si Mylene ay nagtungo sa Iglesya Katolika para sa Misa, at ako’y nagtungo sa Kingdom Hall para sa pahayag sa Bibliya at sa Pag-aaral sa Bantayan. Nang gabing iyon kami ay naupong magkasama, taglay niya ang Katolikong Jerusalem Bible at taglay ko naman ang New World Translation of the Holy Scriptures. Ipinakita ko sa kaniya ang pangalang Yahweh sa kaniyang Bibliya at ang katumbas nito, ang Jehova, sa New World Translation. Tuwang-tuwa siyang malaman na ang Diyos ay may pangalan at na nais niyang tawagin siya sa kaniyang pangalan. Sinabi ko rin sa kaniya kung paanong ang mga doktrinang gaya ng Trinidad, transubtansyasyon, at ang kawalang-kamatayan ng kaluluwa ay hindi makakasulatan at ipinakita ko sa kaniya ang kaugnay na mga kasulatan. Manghang-mangha siya!

Ang interes ni Mylene ay lalo pang napukaw nang sabihin ko sa kaniya ang tungkol sa pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa Paraiso sa lupa. Bago niyan siya ay nag-aalala kung ano ang mangyayari sa kaniya pagkamatay niya. Akala niya siya ay hindi gaanong banal upang magtungo agad sa langit, subalit hindi rin naman niya inaakala na siya ay napakasama upang siya’y hatulan sa walang-hanggang parusa sa apoy ng impiyerno. Kaya, ang tanging mapagpipilian sa kaniyang isipan ay ang purgatoryo, kung saan siya ay matiyagang maghihintay sa mga dasal at Misang ipatutungkol sa kaniya ng mga tao upang mapunta siya sa langit. Gayunman, pagkatapos na ipakita at ipaliwanag ko sa kaniya ang ilang kasulatan tungkol sa pag-asang buhay na walang-hanggan sa Paraiso sa lupa, sabik siyang malaman ang higit pa tungkol sa kahanga-hangang mabuting balitang ito. Si Mylene ay dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall na kasama ko. Sinimulan namin ang isang pormal na pag-aaral sa Bibliya na kasama ng mga Saksi roon. Di-nagtagal, kami’y nag-alay sa Diyos na Jehova at nabautismuhan noong Mayo 31, 1986.

Ang aking pamilya, lalo na ang kuya ko, si Orlando, ay nabalisa sa balita tungkol sa pag-alis ko sa pagkapari. Sinangguni niya ang aking ate na si Myra Lobo Mendanha, na nagpahinahon sa kaniya, na ang sabi: “Huwag tayong mabahala tungkol dito, yamang hindi tatalikuran ni Alinio ang buong 43 taon ng pagpapagal niya nang walang mabuting dahilan.” Noong Setyembre 1987, si Myra at ang kaniyang pamilya ay sumama sa akin sa Wisconsin, E.U.A. Hindi ako nahirapan na ipakita sa kanila na marami sa mga doktrina at gawaing Katoliko ay hindi makakasulatan. Sabik silang malaman ang katotohanan ng Bibliya. Karaka-raka, sinimulan namin ni Mylene ang pag-aaral ng Bibliya sa kanila. Nang lumipat sila sa Orlando, Florida, ipinagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral.

Ang kapayapaan at kaligayahan na tinatamasa naming lahat ay nagpangyari sa amin na ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ni Jehova sa aking panganay na kapatid na babae, si Jessie Lobo, na nakatira sa Toronto, Canada. Siya’y napatotohanan noong 1983. Gayunman, palibhasa’y mayroon siyang kapatid na pari, naniwala siyang walang makapagpapabago sa kaniyang pananampalataya. Pagkalipas ng apat na taon ng unang pakikipag-usap na iyon sa mga Saksi ni Jehova, nang malaman niya na ako ay naging Saksi ni Jehova at na si Myra at ang kaniyang pamilya ay mga mangangaral ng mabuting balita, nakipagkita siya sa isang Saksi na agad na nagsaayos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Si ate Jessie ay nabautismuhan noong Abril 14, 1990; si Myra, ang bayaw kong si Oswald, at ang pamangkin kong si Glynis ay nabautismuhan noong Pebrero 2, 1991. Sila’y maligayang-maligayang naglilingkod kay Jehova, ang Kataas-taasan.

Ang konserbatibong mga tradisyunalista at ang mga progresibong liberal sa Iglesya Katolika ay tiyak na matatalinong tao. Sila’y naniniwala na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos. Gayunman, hindi natin dapat kaligtaan ang bagay na “binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga isip ng mga di-sumasampalataya, upang sa kanila’y huwag sumikat ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos.” (2 Corinto 4:4) Maliwanag, kung gayon, na ang karunungan ng sistemang ito ng mga bagay ay kamangmangan sa Diyos. (1 Corinto 3:18, 19) Anong laking pasalamat at ligaya ko na ginagawa ni Jehova na “pantas ang mga walang karanasan” sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ng kaniyang Salita.​—Awit 19:7.

Ang aking 19 na taon ng paglilingkod bilang isang paring Katoliko ay lipas na. Ako ngayon ay isang Saksi ni Jehova. Nais kong lumakad sa mga daan ni Jehova at sundin ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang ating Hari at Tagapagligtas. Nais kong tulungan ang iba na makilala si Jehova upang sila man ay maging kuwalipikado sa gantimpalang buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa, sa kaluwalhatian ng tunay na Diyos, si Jehova.​—Gaya ng inilahad ni Alinio de Santa Rita Lobo.

[Mga talababa]

a Umalis ako ng Salamanca samantalang ginagawa ko pa ang aking pananaliksik sa aking thesis sa Batas Kanoniko na iniharap ko noong 1968.

b Ang tekstong ito ay nagsasabi sa bahagi, ayon sa Katolikong New American Bible: “Sinasabi ko sa iyo, ikaw ay ‘Bato,’ at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya . . . Anumang talian mo sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang kalagan mo sa lupa ay kakalagan sa langit.”​—Tingnan ang kahon, pahina 23.

[Kahon sa pahina 23]

Mga Susi ng Kaharian

Kung tungkol sa “mga susi ng kaharian ng langit,” ang kahulugan nito ay nagiging maliwanag kung isasaalang-alang ang mahigpit na pangaral ni Jesus sa mga lider ng relihiyon: “Inalis ninyo ang susi ng karunungan; hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok!” (Lucas 11:52) Nililiwanag pa ng Mateo 23:13 ang “pumasok” na nagpapahiwatig ng pagpasok sa “kaharian ng mga langit.”

Ang mga susi na ipinangako ni Jesus kay Pedro ay binubuo ng isang walang katulad na bahaging pagtuturo na magbubukas ng pantanging mga pagkakataon para sa mga indibiduwal na pumasok sa makalangit na Kaharian. Ginamit ni Pedro ang pribilehiyong ito sa tatlong pagkakataon, tinutulungan ang mga Judio, Samaritano, at mga Gentil.​—Gawa 2:1-41; 8:14-17; 10:1-48; 15:7-9.

Ang pangako ay, hindi si Pedro ang nag-uutos sa langit kung ano ang dapat o hindi dapat na talian o kalagan, kundi si Pedro ay ginagamit bilang instrumento ng langit para sa tatlong espesipikong mga atas. Ganiyan nga ang kalagayan sapagkat si Jesus ay nananatili bilang tunay na Ulo ng kongregasyon.​—Ihambing ang 1 Corinto 11:3; Efeso 4:15, 16; 5:23; Colosas 2:8-10; Hebreo 8:6-13.

[Larawan sa pahina 24]

Si Alinio de Santa Rita Lobo ngayo’y isang Saksi