Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Laruan sa Aprika Anong inam na artikulo ang “Mga Libreng Laruan sa Aprika”! (Marso 22, 1993) Bilang isang guro sa sining, batid ko kung gaano kahalaga na paunlarin ang pagkamapanlikha ng mga bata sa panahong ito ng telebisyon at mga laro sa computer. Pagka ang mga magulang ay gumugugol ng panahon sa paggawa ng mga bagay-bagay kapiling ng kanilang mga anak, sila’y lumilikha rin ng nagluluwat na mga alaala!

D. B., Alemanya

Ako ay pitong taóng gulang. Nagustuhan ko ang artikulo, at sa palagay ko’y napakagaling [ng mga batang Aprikano] na gumagawa ng kanilang sariling mga laruan! Para bang nakatutuwa, at nais kong subuking gawin iyon.

M. S., Estados Unidos

Paggahasà Ang inyong serye na “Paggahasà​—Ang Kinatatakutan ng Isang Babae” ay napakahusay. (Marso 8, 1993) Ako’y 14 na taóng gulang, at nakabalita ako ng mga batang babae na mas bata pa sa akin na hinalay. Subalit nang mabasa ko lamang ang inyong artikulo na ako’y naiyak, at natalos ko na ito’y mas malubha kaysa inaakala ko. Maraming salamat.

S. B., Estados Unidos

Noong ako’y nasa unang taon sa high school, ako’y hinalay ng isang “kaibigan ng pamilya.” Sa nakalipas na ilang taon, inakala kong ako’y nakagawa ng pakikiapid. Ngayon ay nauunawaan ko na batid ni Jehova na hindi ko ito kasalanan! Sayang nga lamang at hindi ako agad natulungan.

A. S., Estados Unidos

Maraming programa ang may kinalaman sa pakikitungo sa panghahalay, subalit ang mga ito ay hindi nagsasabi kung paano ito maiiwasan. Tiyak na mas mahalaga na mag-ingat kaysa magpagamot! Sa bagay na ito ay napakalaki ng naitulong sa akin ng artikulo, at tiyak na makatutulong ito sa kababaihan saanman na potensiyal na maging mga biktima.

J. A. M., Brazil

Ako’y sinalakay ng isa sanang manggagahasa sa labas ng aming tahanan. Ako’y nakipaglaban na kailanma’y hindi ko pa nagawa at ilang ulit kong isinigaw nang napakalakas ang pangalan ni Jehova anupat ang mga aso ay nagtahulan. Sa wakas ang sumalakay ay nasuya na sa pagpapalahaw ko at tumakbo. Iminumungkahi ko sa lahat na sundin ang inyong mga payo. Depende sa mga kalagayang nasasangkot, malaki ang magagawa ng ating mga pagkilos.

S. P., Estados Unidos

Halos 20 taon na ang nakalipas, ako’y hinalay ng isang kakilala. Hindi ko kailanman isinuplong iyon sapagkat ako’y nahihiya. Hindi ko rin kailanman ipinakipag-usap ito hanggang nito na lamang tatlong taon na nakararaan sa isang terapi. Noon ko lamang ito naipagtapat sa aking asawa. Ngayon ay nauunawaan niya ang aking pagtanggi sa pagtatalik. Nang natapos kong basahin ang inyong mga artikulo, napaluha ako sa kagalakan​—hindi sa pagdadalamhati—​sa unang pagkakataon sa loob ng 20 taon, at pinasalamatan ko si Jehova.

T. P., Estados Unidos

Panggagalugad sa Kalawakan Katatapos ko lamang basahin ang napakahusay na mga artikulo sa Gumising! tungkol sa panggagalugad sa kalawakan sa labas ng Setyembre 8, 1992. Bagaman kakaunti ang aking kaalaman sa paksang ito, humanga ako sa napakainam na pagpapaliwanag ninyo. Sa palagay ko’y makatutulong ang mga artikulong ito sa atin na pahalagahan nang higit ang layunin ni Jehova para sa masunuring sangkatauhan.

W. D. F., Costa Rica

Sumulat kami upang pasalamatan kayo sa inyong pagsisikap na tipunin ang mga artikulo tungkol sa panggagalugad sa kalawakan. Pagkatapos na mabasa ang huling artikulo, may kagalakang pinasalamatan namin si Jehova, ang kataas-taasang Diyos, ang lumikha ng sansinukob sa kamangha-manghang paraan. Aming inaasam-asam nang may pananabik ang bagong sistema, pagka kaniyang ipagkakaloob sa masunuring mga tao taglay ang sakdal na utak ang pagkakataon na higit na maunawaan ang sansinukob.

I. N. O. at J. N. O., Nigeria