Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Maiiwasang Magkaroon ng AIDS?

Paano Ko Maiiwasang Magkaroon ng AIDS?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Maiiwasang Magkaroon ng AIDS?

“NAMUMUHI ako na hinayaan kong mangyari ito,” sabi ni Kaye. “Naiwala ng mga pagpapasiyang ginawa ko ang mga pagkakataon na maaaring taglayin ko sa hinaharap.” (Magasing Newsweek, Agosto 3, 1992) Sa edad na 18, si Kaye ay nahawahan ng virus ng AIDS.

Si Kaye ay isa lamang sa mahigit na isang milyong katao sa Estados Unidos na nahawahan ng nakamamatay na HIV (Human Immunodeficiency Virus)​—ang virus na sinasabi ng mga doktor na sanhi ng kinatatakutang sakit na AIDS. a Walang sinuman ang talagang nakaaalam kung gaano karaming mga kabataan ang nahawahan, subalit ang mga kabataan ay maliwanag na nababahala. Ipinakita sa isang surbey na sa gitna ng mga kabataang taga-Britanya, ang AIDS ang labis na ikinababahala nila. Sa kabila ng gayong pagkabahala, sinasabi ng U.S. Centers for Disease Control: “Maraming adolesent ang patuloy na naiuulat na may mga paggawing nagsasapanganib sa kanila sa pagkakaroon ng HIV.”

Ang AIDS sa tuwina’y nakamamatay, at ito’y lumalaganap nang napakabilis sa buong-daigdig. Paano mo maiingatan ang iyong sarili?

AIDS​—Pagkakaiba ng Katha Mula sa Katotohanan

Isang buklet na isinulat ng U.S. Centers for Disease Control ay nagpapaliwanag: “Ang pagkahawa ng HIV ay hindi ‘basta nangyayari.’ Hindi ka ‘mahahawa’ nito na gaya ng sipon o trangkaso.” Kung gayon, ang karaniwan, pang-araw-araw na pakikisalamuha sa mga biktima ng AIDS ay hindi naman mapanganib. Hindi ka dapat mabahala sa pagkakaroon ng AIDS mula sa isang nahawahang kaklase dahil lamang sa nakatabi mo siya. Yamang ang virus ng HIV ay hindi nakukuha sa hangin, hindi ka dapat mabahala kung ang biktima ng AIDS ay umuubo o bumabahin. Sa katunayan, ang mga miyembro ng pamilya ng mga nagdaranas ng AIDS ay naghihiraman ng mga tuwalya, mga gamit sa pagkain, at mga sipilyo pa nga na hindi kumakalat ang virus. b

Ito’y sa dahilang ang nakamamatay na virus ay namamalagi sa dugo, semilya (semen), o mga inilalabas sa kaluban. Kung gayon, sa karamihan ng kaso ang AIDS ay naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik​—ng homosekso o ng lalaki’t babae. c Maraming biktima ang nahawahan din sa pamamagitan ng paghiram ng mga karayom o pang-iniksiyon, kalimitan sa pag-aabuso ng droga, sa taong nahawahan ng HIV. d At bagaman sinasabi ng mga doktor na ang panganib ay “halos naglaho na” sa pamamagitan ng mahigpit na pagsusuri, ang AIDS ay maaaring mailipat sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo.

Kaya ang sinuman na nagsisiping bago ikasal o nag-eeksperimento sa isinasaksak na bawal na mga droga ay totoong nanganganib na mahawa ng AIDS. Totoo, ang isang posibleng makatalik ay maaaring hindi naman mukhang may sakit. Subalit ang buklet na Voluntary HIV Counseling and Testing: Facts, Issues, and Answers ay nagpapaalaala: “Hindi mo masasabi sa pamamagitan ng pagtingin lamang sa isa kung siya nga ay nahawahan ng HIV. Ang isa ay maaaring magmukha o makadamang ganap na malusog at maaari pa ring nahawahan. Sa dahilang ito, karamihan ng mga taong nahawahan ng HIV ay hindi ito alam.”

“Ligtas na Pakikipagtalik”?

Sa gayon, maraming manggagawa sa kalusugan at mga tagapagturo ang humihimok sa paggamit ng kondom. e Ang mga patalastas sa TV, mga nakapaskil, at mga panayam sa paaralan ang nagpapalaganap ng mensahe na ang paggamit ng kontraseptibo ay gumagawang “ligtas” sa pakikipagtalik​—o sa paano man ay “mas ligtas.” Ang ilang paaralan ay namamahagi pa nga ng mga kondom sa estudyante. Palibhasa’y napasigla ng gayong mga propaganda, napakaraming kabataan ang gumagamit ng mga ito higit kailanman.

Gayunman, gaano nga ba kaligtas ang “ligtas na pakikipagtalik”? Isang brosyur ng American Red Cross ay nagsasabi: “Maaaring mapabuti ng mga kondom ang iyong tsansa na maiwasang mahawa.” Subalit inaakala mo bang ligtas ka kung basta ‘napabuti ang iyong tsansa’ ng pag-iwas sa isang sakit na sa tuwina’y napatutunayang nakamamatay? Ganito ang pag-amin ng U.S. Centers for Disease Control: “Ang mga kondom na latex (artipisyal na goma o plastik) ay napatunayang nakatutulong upang makaiwas sa pagkahawa ng HIV at iba pang mga sakit na naililipat ng pagtatalik . . . Subalit ang mga ito’y nagmimintis.” Totoo nga, ang mga ito’y nabubutas, napupunit, o natatanggal sa panahon ng pagtatalik. Ayon sa Time, ang mga kondom ay “maaaring magmintis sa pagitan ng 10% at 15%”! Isasapanganib mo ba ang iyong buhay sa gayong kataas na porsiyento ng pagmintis? At ang mas masama pa, wala pa sa kalahati ng mga kabataang mahilig sa sekso sa Estados Unidos ang gumagamit ng kondom.

Kaya naman ang payo sa Kawikaan 22:3 ay angkop: “Matalino ang isa na nakakikita ng kapahamakan at nagkukubli, subalit hindi ito pinapansin ng mangmang at nagdaranas ng paghihirap.” Ang isa sa pinakamabuting paraan upang maiwasang mahawa ng AIDS ay lubusang umiwas sa pag-abuso sa droga at imoral na sekso. Mas madaling sabihin kaysa gawin? Marami ang nag-aakala ng ganiyan, lalo na kung may kinalaman sa napakaraming panggigipit na nakakaharap ng mga kabataan.

Ang mga Panggigipit

Sa panahon ng “kasariwaan ng kabataan,” napakatindi ng mga pagnanasa sa sekso. (1 Corinto 7:36) Idagdag pa ngayon ang impluwensiya ng telebisyon at mga pelikula. Ayon sa ilang pagsusuri, ang mga tin-edyer ay nakapanonood ng TV nang mahigit na limang oras araw-araw​—na karamihan sa mga ito ay detalyado sa sekso. Ngunit sa di-makatotohanang daigdig ng TV, ang pakikipagtalik ay wala namang masasamang epekto. Isiniwalat ng isang pagsusuri na sa telebisyon sa E.U. “ang di-kasal na lalaki’t babae ay nagtatalik mula apat hanggang walong ulit ang kahigitan kaysa mga nagsasama nang kasal. Ang mga kontraseptibo ay hindi man lamang nababanggit o ginagamit, subalit bihirang magdalang-tao ang mga babae; madalang na mahawa ang mga lalaki’t babae ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik maliban na sila’y masasamang babae o mga homosekso.”​—Center for Population Options.

Ang labis ba na panonood ng gayong mga programa ay talagang nakaaapekto sa inyong paggawi? Oo, ayon sa simulain ng Galacia 6:7, 8: “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman.” Natuklasan ng isang pagsusuri sa 400 kabataan na “yaong mga labis na nanonood ng ‘seksing’ mga palabas sa telebisyon ay malamang na maging mahilig sa sekso kaysa mga di-gaanong nanonood.”

Ang isa pang malakas na impluwensiya ay ang panggigipit ng mga kasama. “Naghahanap ako ng mga kasamang makakabagay, at napakahirap niyan,” pag-amin ng isang tin-edyer na nagngangalang David. “Talagang madalas akong malagay sa alanganin. . . . Ako’y narekunusi na may AIDS.” Gayundin naman, ang mga kabataan noong panahon ng Bibliya ay kalimitang napaharap sa panggigipit ng mga kasama. Ang payo ng Bibliya? “Anak ko,” sabi ng isang manunulat sa Kawikaan, “kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.”​—Kawikaan 1:10.

Ang Pagtanggi

Ang mga nagtataguyod ng “ligtas na pakikipagtalik” ay nangangatuwiran na ang abstinensiya ay di-makatuwiran. Ngunit sa dakong huli, talaga bang nakatutulong na tulutan ang imoralidad? Inamin ng isang tin-edyer na ito’y nakalilito lamang sa mga kabataan, sa pagsasabing: “Sinasabi nila sa amin na basta tanggihan ang pakikipagtalik at mabuti na maging kapuri-puri at malinis. Gayundin naman, sila’y namamahagi ng [mga kondom] at sinasabihan kami kung paano makikipagtalik nang hindi nagdurusa sa masasamang epekto.”

Huwag maging biktima ng gayong kalituhan sa moral. Ang Bibliya​—ipinapalagay na waring makaluma—​ay humihimok sa iyo na iwasan ang paggawi na magsasapanganib sa iyo sa pagkahawa ng AIDS. Kung susundin mo ang utos ng Bibliya na ‘lumayo sa dugo,’ hindi ka mahahawa ng AIDS sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. (Gawa 15:29) Tumalima sa pagbabawal ng Bibliya laban sa “pagdodroga” at hindi ka kailangang mangamba na mahawa sa pamamagitan ng mga karayom na pang-iniksiyon. (Galacia 5:20; Apocalipsis 21:8; The Kingdom Interlinear) Lalo nang maiingatan ka ng mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa moralidad sa sekso. “Magsitakas kayo sa pakikiapid,” ang tagubilin ng Bibliya. “Lahat ng mga iba pang kasalanan na gawin ng tao ay nasa labas ng kaniyang katawan, ngunit ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Corinto 6:18) Ang kapanganiban ng AIDS ay nagdiriin sa kapantasan ng mga salitang iyon.

Paano ‘makatatakas’ ang isang kabataan mula sa imoralidad? Sa loob ng maraming taon ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ay nakapagbigay ng maraming praktikal na mga payo, gaya ng hinggil sa pagde-date sa mga grupo, pag-iwas sa nakakokompromisong mga kalagayan (gaya ng pag-iisa na kasama ang di-kasekso sa isang silid o apartment o nakaparadang kotse), paglalagay ng mga hangganan sa pagpapahayag ng pagsinta, pag-iwas sa pag-inom ng alak (na kalimitang nakahahadlang sa mabuting pagpapasiya), at may katatagang pagtanggi kung ang kalagayan ay nagiging romantiko. f Sa anumang kalagayan huwag hayaan ang sinuman na gipitin ka na gumawi na hindi lamang mapanganib sa pisikal kundi nakapipinsala rin naman sa espirituwal. (Kawikaan 5:9-14) “Nais mo bang ipagkatiwala ang iyong buhay sa ibang tao?” tanong ng kabataang babae na nangangalang Amy na sinipi sa isang artikulo ng Newsweek. Siya’y nahawa ng AIDS mula sa kaniyang nobyo bago siya nakapagtapos ng high school. Tahasang sinabi niya: “Talaga bang sulit na mamatay ka para sa lalaki o babaing iyon? Palagay ko’y hindi.”

[Mga talababa]

b Sinagot ng dating panlahatang siruhano ng Estados Unidos na si Dr. C. Everett Koop ang mga nag-aalinlangan sa pagsasabing: “Ang unang mga kaso ng AIDS ay naiulat sa bansang ito noong 1981. Malalaman na natin ngayon kung ang AIDS ay naipasa sa pamamagitan ng karaniwan, pakikisalamuha nang walang pagtatalik.”

c Kalakip dito ang pagtatalik sa pamamagitan ng bibig at puwit.

d Ang U.S. Centers for Disease Control ay nagbabala pa: “Kung ikaw ay nagpaplano na magpabutas ng tainga . . . , tiyakin mo na ang lalapitan mo’y may kasanayang tao na gumagamit ng bago o isterilisadong gamit. Huwag mahiya na magtanong.”

e Ganito ang sabi ng magasing FDA Consumer: “Ang kondom ay ang pinakasupot na bumabalot sa buong ari ng lalaki. Nangangalaga ito laban sa mga STD [sexually transmitted disease] sa pamamagitan ng pagiging isang hadlang, o pader, upang huwag mailipat ang semilya (semen), dugo, at mga likido sa kaluban sa ibang tao.”

f Tingnan, halimbawa, ang mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” sa labas ng Abril 22, 1986; Abril 22, 1989; at Abril 22, 1992, ng Gumising!

[Larawan sa pahina 15]

Ang pagsuko sa panggigipit sa sekso ay maaaring humantong sa AIDS