“Pagkatuto sa Aral ng Pagpaparaya”
“Pagkatuto sa Aral ng Pagpaparaya”
HABANG papalapit tayo sa wakas ng ika-20 siglo, ang sangkatauhan ba sa pangkalahatan ay natuto ng anumang aral mula sa marahas na kasaysayan nito sapol noong 1914? Si Federico Mayor, panlahat na patnugot ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization), ay hindi gaanong optimistiko sa isang artikulo na isinulat niya para sa The Unesco Courier. “Ang daigdig na ang paglitaw ay mauunawaan . . . ay hindi pumupukaw ng buong-pusong kasiglahan. Ang relihiyosong pundamentalismo, nasyonalismo, panlahi at etnikong pagtatangi, pagkapoot laban sa mga Judio: muling pinagdingas ng mga hangin ng kalayaan ang mga baga ng pagkapoot. . . . Ang pagguho ng matandang kaayusan ay nag-iwang bukás sa larangan para sa lahat ng uri ng bagong mga pangunguna, ilan sa mga ito ay lubhang magulo—at ang karahasan ay lumalago sa isang hungkag na dako.”
Bakit lumalago ang karahasan? Bakit napopoot at pumapatay ang mga tao dahil lamang sa mga pagkakaiba ng relihiyon o etnikong pinagmulan? Ito man ay sa dating Yugoslavia, sa India, sa Hilagang Irlandya, sa Estados Unidos, o saanman sa daigidg, ang isa sa mga ugat na sanhi ay waring nasa nailigaw na edukasyon. Sa halip na matuto ng pagpaparaya at paggalang sa isa’t isa, natutuhan ng mga tao ang kawalan ng tiwala at pagkapoot mula sa kanilang mga magulang, mula sa kanilang mga paaralan, at mula sa lipunan sa pangkalahatan.
Si Federico Mayor ay nagpatuloy: “Ating talikdan ang kahina-hinalang pagpaparaya na nagpapangyari sa atin na pagparayaan ang hindi mapagpaparayaan—ang karukhaan, gutom at pagdurusa ng angaw-angaw na mga tao. Kung gagawin natin ito, mararanasan natin ang init ng sikat ng araw ng pagkahabag at kapatiran.” Ang mga ito ay marangal na mga damdamin. Ngunit anong umiiral na praktikal na paraan ang maaaring bumago sa madilim na espiritung pinagsasaligan ng ating tinatawag na naliwanagang daigdig?
Mahigit na 2,500 taon ang nakalipas, iniulat ni Isaias ang mga salitang ito ni Jehova: “Lahat mong mga anak ay tuturuan ni Jehova, at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak.” (Isaias 54:13) Yamang ang “Diyos ay pag-ibig,” yaong tunay na namumuhay ayon sa kaniyang mga simulain ay matututo ng kapayapaan, hindi ng digmaan; pag-ibig, hindi pagkapoot; pagpaparaya, hindi ng di-pagpaparaya.—1 Juan 4:8.
Sino ang nagtataguyod ng turong ito na umaakay sa mga tao sa kapayapaan at pag-ibig at pagpaparaya? Sino ang mga namumuhay sa pagkakaisa anuman ang bansang pinagmulan nila? Sino ang tumanggap ng isang edukasyon sa Bibliya na bumago sa kanilang buong pangmalas mula sa pagkapoot tungo sa pag-ibig? Iminumungkahi namin sa iyo na suriin mo ang mga turo at mga gawain ng mga Saksi ni Jehova upang masumpungan mo kung bakit sila ay tunay na nagkakaisa sa buong daigdig.—Juan 13:34, 35; 1 Corinto 13:4-8.