Vatican II—Pagpapala o Sumpa?
Vatican II—Pagpapala o Sumpa?
TAÓNG 1962 noon sa Vaticano. Sa harap ng isang naiintrigang obispo, binuksan ng papa ang isang bintana sa kaniyang palasyo sa Vaticano. Sa gayo’y ipinakita ni Papa John XXIII kung ano ang inaasahan niya sa Ikalawang Konseho ng Vaticano (1962-65): magpasok ng makabagong kalagayan sa Iglesya Katolika, magdala ng isang aggiornamento, isang pagbabago.
Anong mga pagbabago ang dinala ng konseho sa simbahan? Ito ay isa pa ring nauugnay na tanong, yamang ang Vatican II at ang mga resulta nito ay malawak na pinagtatalunan hanggang sa ngayon.
‘Katotohanan sa Ibang Relihiyon’
Nais ni Papa John XXIII ng mga pagbabago—naging maliwanag iyan. Ang mga teologo na ang modernong mga idea ay tinuligsa mga ilang taon na ang nakalipas ay inanyayahan sa Konseho ng Vaticano bilang mga dalubhasa. Ang mga dignitaryong Orthodoxo at Protestante ay inanyayahan din bilang mga tagamasid.
Ang bagong saloobing ito ay nagbunga ng malaking pagbabago sa mga bagay na may kinalaman sa kalayaan ng relihiyon at budhi. Sa loob ng mga dantaon mahigpit na ipinagbawal ng simbahan ang mga ideang ito; inilarawan pa nga ito ni Gregory XVI, isang papa noong ika-19 na siglo, bilang “kamangmangan.” Gayunman, noong 1964, sa malaking kalamangan, pinagtibay ng konseho ang isang batas na kumikilala na ang bawat tao ay may karapatang pumili ng kaniyang sariling relihiyon. Ito’y lumampas pa sa dalisay at payak na kalayaan, gaya ng paliwanag ng magasing Notre Histoire: “Mula sa sandaling iyon patuloy, tinatanggap na may ilang katotohanang masusumpungan sa ibang relihiyon.”
Pagkatapos ng Vatican II ang simbahan ay nagpatuloy sa mas liberal na patakaran nito sa ibang relihiyon. Ipinakikita ito, si Papa John Paul II ay dumalaw kay Haring Hassan II ng Morocco, isang espirituwal na lider na Muslim. Dinalaw rin niya ang isang simbahang Protestante at isang sinagoga sa Roma. Natatandaan ng maraming Katoliko ang pulong sa Assisi, Italya, noong 1986, kung saan inanyayahan ni Papa John Paul II ang mga lider ng malalaking relihiyon sa daigdig na manalanging kasama niya alang-alang sa kapayapaan.
Vatican II—Isang Sumpa?
Para sa ilan, ang nakarerepreskong “pagbabago” na inaasahan ni Papa John XXIII ay waring isang marahas na pagbabago. Upang suportahan ang kanilang opinyon, binanggit nila ang isang bantog na pahayag kung saan ipinahayag ni Papa
Paulo VI, na humalili kay John XXIII, na ang “usok ni Satanas” ay pumasok sa iglesya. Ang aklat na La Réception de Vatican II ay nagpaliwanag na, sa kaniyang pahayag, “waring iniuugnay [ni Paulo VI] ang pagbabagong likha ng konseho sa isang paraan na salungat sa mga kapakanan ng simbahan.”Maraming nagsisimba ang may ganito ring palagay. Isiniwalat ng isang surbey kamakailan na halos kalahati ng mga Katoliko sa Pransiya ay nag-aakala na “ang simbahan ay lumabis sa pagpapatupad ng mga pagbabago.” Pinaratangan ng mga kritiko ng Vatican II ang simbahan na hindi nanatiling tapat sa tradisyon nito kundi hinawahan ang sarili nito ng modernismo. Sinasabi nila na sinuportahan ng simbahan ang mga pagbabagong ito na yumanig sa Kanluraning lipunan at nagdulot ng problema sa simbahan.
Vatican II—Isang Pagpapala?
Para naman sa iba ang konseho ay hindi dapat pag-alinlanganan. Sinasabi nila na ang unang mga tanda ng kahinaan sa loob ng simbahan ay malinaw na nakikita na bago pa ang Vatican II. Ang pahayagang Pranses na La Croix ay nagsabi: “Ang kakulangan ng makapari at hindi makaparing mga bokasyon sa mga bansa sa Kanluran ay dapat na malasin may kaugnayan sa panlahat na krisis sa lipunan at sa mga resulta nito sa pamayanang Kristiyano: Pinahintulutan ng napakaraming Kristiyano ang kanilang sarili na mababad sa modernong mga kaisipan at ideolohiya.”
Ang iba naman ay nag-aakala na ang mga pagbabagong iminungkahi ng Vatican II ay mahalaga. Ganito ang sabi ng isa pang peryodista ng La Croix: “Ang isa ay maaaring . . . magtanong kung ano kaya ang kahihinatnan ng simbahan kung ito ay nanatiling interesado lamang sa sariling kapakanan.” Sa wakas, iba’t ibang komentaristang Katoliko ay nagsabi na ang iglesya ay isang organisasyong binubuo ng di-sakdal na mga tao, na ito ay dumanas na ng mga problema noon at makakaraos din sa isang ito. Si Gilles, na sinipi sa naunang artikulo, ay nagsabi: “Nang itawag-pansin namin ang mga problema ng simbahan, kami’y sinabihan na ang simbahan ay nasa gitna ng isang problema ng tin-edyer at na ito ay magwawakas.”
Kung ang Vatican II ay may pananagutan man sa positibo o negatibong mga pagbabago, ito ay nagkaroon ng isang malubhang epekto sa mga Katoliko, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 6]
Ang Ikalawang Konseho ng Vaticano ay nagpasok ng mga pagbabago at kalituhan
[Credit Line]
UPI/Bettmann Newsphotos