Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kakaiba at Nakatatakot na mga Pangyayari sa Ilalim ng Butas ng Ozone

Kakaiba at Nakatatakot na mga Pangyayari sa Ilalim ng Butas ng Ozone

Kakaiba at Nakatatakot na mga Pangyayari sa Ilalim ng Butas ng Ozone

ANG 125,000 naninirahan sa Punta Arenas, ang pinakatimog na lungsod sa Chile, ay matagal nang nagbibiruan tungkol sa pamumuhay sa “katapusan ng mundo.” Subalit ang sunud-sunod na kakaiba at nakatatakot na mga pangyayari noong nakaraang taon ang siyang gumawang bahagyang totoo sa biro. Ang ilang siyentipiko ay nagsisimulang mag-isip na maaaring may “isang bagong bagay rito na nagaganap sa ilalim ng araw.” Isang balita sa The Wall Street Journal, ng Enero 12, 1993, ang nagbibigay ng ilang detalye.

Si Felix Zamorano, isang miyembro ng Atmospheric Studies Group sa malapit na University of Magallanes, ay nag-uulat: “Noong Oktubre, naitala namin ang nasukat na pinakamababang antas ng ozone. Ang sapin ng ozone ay numipis sa halos kalahati ng karaniwang sukat sa loob ng tatlong araw at bumaba sa inaakalang mapanganib na mga antas.” Kasali sa mga epekto ng matinding radyasyong ultraviolet mula sa butas sa sapin ng ozone ay “kanser sa balat at mga katarata, at kapinsalaan para sa phytoplankton, na pinakasaligan ng kawing ng pagkain sa dagat,” sabi ng Journal.

Noong nakaraang taon “kalahati sa kawan ng 1,200 baka ni Radovan Vilicic ay nabulag dahil sa conjunctivitis anupat sila’y nagkakabungguan sa isa’t isa gaya ng mga bump car, at lima ang nagutom dahil sa hindi makita ng mga ito ang kanilang pagkain.”

Nagpatuloy pa ang balita ng Journal: “Gayundin ang salaysay ni Jose Bahamonde. Ang kaniyang rantso, na 125 kilometro ang layo mula rito, ay may napakagandang tanawin ng Strait of Magellan, subalit ito, o ang anumang bagay, ay hindi makita ng karamihan ng kaniyang 4,300 tupa. Halos 10% sa mga ito ay ginamot dahil sa mga impeksiyon sa mata, at 200 ng kaniyang kawan ang nabulag noong nakaraang taon.”

Iginigiit ng dalubhasa sa sakit sa balat na si Jaime Abarca na “ang nangyayari rito ay isang bagay na lubusang bago sa daigdig. Ito’y kasimpambihira ng paglapag ng mga taga-Mars.” Parami nang paraming pasyente ang nasusuri niyang may mga sakit sa balat, biglang dumami ang mga kaso ng pagkasunog sa balat, at ang bilang ng bagong mga kaso ng kanser sa balat na ang mga ito’y higit na mapanganib na kanser na melanoma ay limang ulit kaysa karaniwan. Siya mismo ay kumbinsido na may kaugnayan ito sa tumitinding radyasyon ng ultraviolet.

Ang mga tao sa Punta Arenas ay labis na nababahala. Isang parmasya ang nakapagbili ng 40 porsiyento pang sun block kaysa noong nakaraang taon. Isang paglilingkod sa telepono ang nagbibigay-alam sa antas ng ultraviolet. Tatlong istasyon ng radyo roon ang nagsasahimpapawid din nito. Sinasabihan ng mga paaralan ang mga estudyante na magsumbrero, mag-sun block, at mag-sunglass. Sa isang tindahan, ang benta sa mga sunglass ay tumaas ng 30 porsiyento. At “isang magsasaka na tagaroon ang sumusubok na magdisenyo ng sunglass para sa mga tupa.”

Ganito ang sabi ng gobernador na si Scarpa: “Hindi ko ikinakaila ang mga katotohanan. . . . Ano ang nais ninyong gawin? Hindi namin magawang ilagay ang buong rehiyon sa ilalim ng isang bubong.”