Kapanglawan—Handa Ka Bang Labanan Ito at Magwagi?
Kapanglawan—Handa Ka Bang Labanan Ito at Magwagi?
NAMAMANGLAW ka ba? May mga pangyayari sa buhay na likas lamang na makadama ng kalungkutan, may asawa ka man o wala, lalaki ka man o babae, matanda ka man o bata. Tantuin din na ang pag-iisa ay hindi laging nagdudulot ng kapanglawan. Ang nag-iisang iskolar na buhos na buhos ang isip sa kaniyang pagsasaliksik ay hindi malungkot. Ang nag-iisang pintor na gumagawa ng dibuho ay walang pagkakataon upang malungkot. Gusto nilang mapag-isa, at ang pag-iisa kung gayon ang kanilang matalik na kaibigan.
Ang pagkadama ng tunay na kapanglawan ay umuusbong mula sa ating panloob na damdamin sa halip na mula sa labas. Ang kapanglawan ay maaaring madama dahil sa ilang malungkot na pangyayari—kamatayan, diborsiyo, pagkaalis sa trabaho, ilang trahedya. Kapag pinagliwanag natin ang ating sarili, mababawasan ang kapanglawang iyan, baka mawala pa ngang tuluyan pagdating ng panahon, at ang pagkaulila na nagpapahirap sa atin ay baka makayanan, mapagtiisan.
Ang mga nadarama ay nagmumula sa iyong isip. Pagkatapos na mapagtiisan ang pagiging ulila at halos malimutan na ang kirot na dulot nito, panahon na upang bigyang-pansin naman ang nakapagpapatibay na mga bagay na tutulong sa iyo upang ipagpatuloy ang masayang buhay.
Bumangon ka. Labanan mo ang iyong sarili. Maraming positibong bagay ang dapat magawa. Kaya makisalamuha ka. Tumawag ka sa telepono. Lumiham ka. Magbasa ka ng aklat. Mag-anyaya ka. Makipagpalitan ka ng kuru-kuro. Upang magkaroon ng mga kaibigan, ipakita mong palakaibigan ka. Suriin mo ang iyong sarili upang makasunod ang iba. Magpakita ng ilang kabutihan. Ibahagi sa iba ang ilang nakagiginhawang espirituwal na mga balita. Makikita mong totoo ang sabi ni Jesus: “Higit na maligaya ang nagbibigay kaysa tumatanggap.” Mauunawaan mo ang katotohanan ng isa pang kasabihan: “Siyang saganang dumidilig sa iba sa ganang sarili niya ay saganang didiligin din.”—Gawa 20:35; Kawikaan 11:25.
Nasasaiyo Na
Mahirap bang isagawa? Madali bang sabihin ngunit mahirap gawin? Anumang kapaki-pakinabang na bagay ay madaling sabihin ngunit mahirap gawin. Iyan ang makapagpapalugod sa iyo sa paggawa niyaon. Dapat na magsikap kang mabuti. Ang isang bahagi mo ay ibinibigay, at ang panloob na sinag ng ilaw ay higit na liliwanag. Nasasaiyo na kung ibig mong magsikap na mabuti upang mapagtagumpayan ang kapanglawan na ibig pumigil sa iyo. Isang manunulat sa magasing Modern Maturity ang nagsabi: “Walang ibang may kagagawan sa iyong kapanglawan, ngunit may magagawa ka tungkol dito. Mapalalawak mo ang iyong buhay sa pamamagitan ng minsang pakikipagkaibigan. Mapatatawad mo ang isa na sa akala mo’y nakasakít sa iyo. Makasusulat ka ng liham. Makatatawag ka sa telepono. Ikaw lamang ang makapagpapabago sa iyong buhay. Walang sinumang makagagawa nito para sa iyo.” Sinipi niya ang isang sulat na kaniyang natanggap na “tamang-tama sa punto: ‘Sinasabi ko sa mga tao na nasasakanila kung ayaw nilang maging mapanglaw o bigo ang kanilang buhay. Kumilos sila!’ ”
Ang iyong matulunging mga kaibigan ay hindi kailangang maging limitado sa mga tao lamang. Isang doktor ng panggagamot sa hayop ang nagsabi: “Ang pinakamalaking problema na napapaharap sa mga may edad na ay hindi ang pisikal na karamdaman, kundi ang kapanglawan at pagpapabaya na kanilang nararanasan. Sa paglalaan . . . ng kasama, ang mga alagang hayop (kasali na ang aso) ay nagbibigay ng layunin at kahulugan kapag ang mga may edad na ay lagi nang hiwalay sa lipunan.” Ganito ang sabi ng Better Homes and Gardens: “Tinutulungan ng mga alagang hayop na magamot ang mga may problema sa emosyon; napalalakas-loob ang may karamdaman sa pisikal, ang may kapansanan, at ang inutil; at napasisigla ang namamanglaw at ang may edad na.” Isa pang artikulo sa magasin ang nagsabi hinggil sa mga taong nagsisimula pa lamang magkainteres sa mga alagang hayop: “Nabawasan ang mga alalahanin ng mga pasyente at naipadarama na nila ang pag-ibig sa kanilang mga alagang hayop na di-nangangambang aayawan sila. Pagkatapos ay nagsimula na silang makipag-usap sa mga tao, una’y tungkol sa pag-aalaga ng kanilang paboritong hayop. Nagsimula silang makadama ng responsibilidad. Nadama nilang kailangan sila, may umaasa sa kanila.”
Madalas na ang isang namamanglaw ay hindi lubusang nagsisikap na matulungan ang kaniyang sarili, maibangon ang sarili mula sa pagkabulid sa kawalang-pag-asa. Walang ginagawa, walang interes, na magsikap sa kaniyang sarili sa abot ng kaniyang makakaya, ngunit kung susuriin niya ang tunay na dahilan ng kaniyang kapanglawan, dapat na gawin niya iyon. Sumulat si Dr. James Lynch tungkol sa pagtanggi ng mga tao sa mga payo na hindi nila gusto: “Ayon sa kalagayan ng tao karaniwan nang ayaw nating makinig, o sa papaano man ay ilakip sa ating gawi, ang impormasyon na hindi natin gusto.” Baka ibig ng isang
tao na matakasan ang kaniyang kapanglawan, ngunit baka ayaw naman niyang patibayin ang kinakailangang hangarin upang makatakas.Kumilos Ayon sa Ibig Mong Madama
Upang mapagtagumpayan ang matinding pamimighati, kailangang patuloy na itaguyod ang tunay na kagalakan at kabaitan. (Ihambing ang Gawa 20:35.) Nangangailangan ito na mapagtagumpayan ang kalungkutan sa pamamagitan ng pagkilos nang taliwas sa nakapananamlay na panghihina nito. Maging masaya, sumayaw-sayaw, umawit ng masayang awitin. Gawin ang anumang magpapaaninag ng kaligayahan. Magpakalabis, magpakasobra, hawiin ang kalumbayan sa pamamagitan ng masayang álalahanín. Gaya ng ano?
Gaya ng nasa Filipos 4:8: “Sa wakas, mga kapatid, anumang bagay ang totoo, anumang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, anumang bagay ang matuwid, anumang bagay ang malinis, anumang bagay ang kaibig-ibig, anumang bagay ang may mabuting ulat, kung may anumang kagalingan at kung may anumang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.”
Dapat ay bigyang-kahulugan ang iyong buhay. Kung nadarama mong may kahulugan ang iyong buhay, mapasisigla kang tugunan iyon at sikaping matupad iyon. Malamang na hindi ka mahuhulog sa pagkadama ng walang-pag-asang kapanglawan. Kapansin-pansing ipinakita ito sa aklat ni Viktor Frankl na Man’s Search for Meaning. Tinalakay niya ito hinggil sa mga bilanggo sa mga kampong piitan ni Hitler. Yaong nawalan ng kahulugan ang buhay ay napadala sa kapanglawan at ayaw nang mabuhay. Ngunit “ang pagkadama ng panloob na pagpapahalaga ay nakaangkla sa mas mataas, higit na espirituwal na mga bagay, at hindi maaaring yanigin ng buhay sa piitan.” Patuloy pa niya: “Ang pagdurusa ay gumagaan sa papaano man sa sandaling masumpungan nito ang kahulugan, gaya ng kahulugan ng pagpapakasakit. . . . Ang pangunahing mithiin ng tao ay hindi upang magtamo ng kasiyahan o iwasan ang kirot, kundi ang makitang may kahulugan ang kaniyang buhay. Iyan ang dahilan kung bakit ang tao ay handa pa ngang magtiis, sa kondisyon, upang matiyak, na ang kaniyang pagpapakasakit ay may kahulugan.”
Ang Tunay na Relasyon na Kailangan Mo
Ang paraan upang matamo ang isang tunay na pangmalas sa espirituwal ay ang lubusang pagtitiwala sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang pananampalataya sa Diyos at ang taimtim na pananalangin sa kaniya ay makapagbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Pagkatapos, kahit na gumuho ang relasyon ng mga tao, hindi tayo nag-iisa, hindi tayo itinalaga sa kapanglawan. Gaya ng sabi ni Frankl, ang pagpapakasakit na may kahulugan ay napagtitiisan, nagdudulot pa nga ng kaligayahan. Isang tagamasid ng kalikasan ng tao ang nagsabi: “Maaaring taglay ng isang martir na nasa tulos ang kagalakan na kinaiingitan naman ng haring nasa luklukan.”
Ang mga apostol ni Kristo ay nakadama ngMateo 5:10-12) Ang katulad na tugon ay nakaulat sa Gawa 5:40, 41: “Kanilang ipinatawag ang mga apostol, binugbog, at iniutos na huwag na silang magsalita ng anuman tungkol sa pangalan ni Jesus, at sila’y pinalaya. Sila ay nagsialis nga sa harapan ng Sanedrin, na natutuwa dahil sa sila’y ibinilang na karapat-dapat magbata ng masama dahilan sa kaniyang pangalan.”
kagalakan mula kay Jehova nang pag-usigin ng mga tao; ang gayong pagpapakasakit ay may dakilang kahulugan para sa kanila. “Maligaya ang mga pinag-uusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Maligaya kayo pagka kayo’y inaalimura ng mga tao at kayo’y pinag-uusig at kayo’y pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin. Magalak kayo at lumundag sa kagalakan, sapagkat malaki ang ganti sa inyo sa langit; sapagkat gayundin ang pagkausig nila sa mga propeta na nangauna sa inyo.” (Kung Saan Ka Nag-aalaga ng Rosas, Hindi Tutubo Roon ang Dawag
Punuin mo ng mga binhi ng kagandahan at positibong layunin ang lupa ng iyong isip; huwag mag-iwan ng lugar para sa mga binhi ng negatibong kawalang-pag-asa at matamlay na kapanglawan. (Ihambing ang Colosas 3:2; 4:2.) Mahirap bang gawin? Sa ilang kalagayan, wari ngang imposible. Binanggit ng isang makata: “Kung saan ka nag-aalaga ng rosas, . . . hindi tutubo roon ang dawag,” na nangangailangang muli ng positibong pagsisikap at handang maging determinado. Ngunit magagawa ito, ginagawa na ito.
Kuning halimbawa si Laurel Nisbet. Siya’y nagkasakit ng polio at sa gulang na 36 ay inilagay sa isang iron lung, na doo’y nakahiga siya sa loob ng 37 taon. Ganap na paralisado mula leeg pababa, ulo ang kaniyang naigagalaw, ngunit iyon lamang. Sa pasimula ay nawalan siya ng pag-asa. Pagkatapos, pagkalipas ng halos isang araw ng pagkaawa sa sarili, ipinasiya niya, ‘Tama na!’ May dalawa siyang anak na dapat palakihin at asawang dapat mahalin. Sinimulan niyang panumbalikin ang kaniyang buhay; natutuhan niyang pangasiwaan ang kaniynang tahanan habang nasa iron lung.
Hindi gaanong nakakatulog si Laurel. Papaano niya pinalipas ang mahahabang oras sa gabi? Sa pamamanglaw ba? Hindi. Nanalangin siya sa kaniyang makalangit na Ama, si Jehova. Humiling ng lakas para sa sarili, ipinanalangin ang kaniyang Kristiyanong mga kapatid, at humiling ng mga pagkakataon na makapagpatotoo sa iba hinggil sa Kaharian ng Diyos. Umisip siya ng mga paraan upang makapangaral at pinahanga ang marami sa kaniyang pagpapatotoo sa pangalan ni Jehova. Hindi niya hinayaang tumubo ang mga dawag ng kapanglawan; siya’y abalang-abala sa pag-aalaga ng mga rosas.
Gayundin ang nangyari sa isang misyonero ng Watch Tower, si Harold King. Sa kaniyang sentensiyang limang taon na pagkabilanggo nang nag-iisa sa isang piitan sa Tsina, malamang na nakaranas siya ng mahabang pagsalakay ng kapanglawan.
Gayunman, inalis niya ang negatibong isipang iyon, at sa pamamagitan ng kusang pagpapakilos ng determinasyon inihanda niya ang kaniyang isip sa isang naiibang pamamaraan. Ganito ang kaniyang paglalarawan dito nang dakong huli:“Nagsaayos ako ng isang programa ng gawaing ‘pangangaral.’ Ngunit kanino mangangaral ang nag-iisang bilanggo? Ipinasiya ko na maghanda ng ilang naaangkop na mga sermon sa Bibliya ayon sa aking natatandaan at pagkatapos ay mangaral sa mga tao sa aking imahinasyon. At nagsimula na akong mangaral, wika nga, kunwari’y kumakatok sa pinto at nagpapatotoo sa kunwari’y maybahay, na dumadalaw sa maraming bahay kung umaga. Dumating ang panahon na nakilala ko kunwari si Gng. Carter, na nagpakita ng interes, at pagkaraan ng ilang pagbabalik-muli ay nagsaayos kami ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya. Sa panahon ng aming pag-aaral na ito ay nasaklawan namin ang pangunahing mga tema mula sa aklat na ‘Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat,’ ayon sa aking naaalaala. Lahat ng ito ay isinagawa sa malakas na tinig, upang ang mga naririnig ko ay lalo kong matandaan.”
Ang libu-libong Saksi ni Jehova na ibinilanggo sa mga kampong piitan ni Hitler ay nakalaya sana kung tinalikuran lamang nila ang kanilang pananampalataya. May ilan lamang ang gumawa nito. Libu-libo ang namatay nang tapat—ang ilan sa pamamagitan ng pagbitay, ang ilan naman ay sa sakit at sa malnutrisyon. Isang nakabilanggong Saksi—Josef ang pangalan—ay may dalawang kapatid sa ibang mga kampo. Ang isa ay pinilit na mahiga na ang mukha’y nakatingin sa itaas upang abangan ang pagbagsak ng talim na pumugot ng kaniyang ulo. Ipinaliwanag ni Josef: “Nang marinig ito ng ibang nasa kampo ay binati nila ako. Naantig ang aking kalooban ng kanilang positibong pagkilos. Ang pananatiling tapat ay higit naming pinahalagahan kaysa makaligtas.”
Ang isa pa niyang kapatid, na nakaharap sa firing squad, ay tinanong kung mayroon siyang gustong sabihin. Humingi siya ng pahintulot na manalangin, at siya’y pinayagan. Iyo’y punung-punô ng makabagbag-damdaming pananalita at taos-sa-pusong kagalakan anupat nang ang utos upang magpaputok ay ibinigay, walang isa man ang sumunod. Inulit ang utos, na doo’y iisang putok ang narinig, na tumama sa kaniyang katawan.
Sa tindi ng galit, binunot ng commanding officer ang kaniyang baril at tinapos ang pagbitay.Kung Ano ang Nagbibigay ng Halaga sa Buhay
Nasasangkot sa lahat ng pangyayaring ito ang matibay na pananampalataya sa Diyos. Kapag nasubok na ang anuman at nabigo, nananatili iyon upang magdulot ng tagumpay laban sa kapanglawan at magbigay ng kahulugan sa minsa’y walang-halagang buhay. Maraming buhay na itinuturing ng sanlibutan na mahalaga ang sa katunayan ay walang kahulugan. Bakit ganito? Sapagkat nagwawakas ang mga ito sa kamatayan, bumabalik sa alabok, nababaon sa limot, walang naiiwang alon sa dagat ng sangkatauhan, walang bakas sa buhangin ng panahon. Iyo’y gaya ng sinasabi sa Eclesiastes 9:5: “Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman, ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan.” Anumang pangangahulugan ang ipagpalagay sa buhay na ginugol nang hiwalay sa mga layunin ng Diyos ay walang kabuluhan.
Tingnan ang mabituing langit, damhin ang kalawakan ng madilim na lambong na bumabalot sa itaas, at madarama mong ikaw ay walang kabuluhan. Mauunawaan mo ang nadama ng salmistang si David nang isulat niya: “Pagka natatanaw ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano nga ba ang taong mortal upang alalahanin siya, at ang anak ng makalupang tao upang iyong pangalagaan siya?” Niwalang-saysay ng anak ni David na si Solomon ang mga gawa ng tao, na sinasabi, “Ang lahat ay walang kabuluhan,” at nagtapos: “Ang wakas ng mga bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Awit 8:3, 4; Eclesiastes 12:8, 13.
Sa gayon, bilang huling pagsusuri, papaano nga bang ang isang nalulumbay, o sino pa mang may kinalaman doon, ay makapagbibigay ng kahulugan sa kaniyang buhay? Sa pamamagitan ng pamumuhay na may takot sa Diyos, na tinutupad ang mga utos ng Diyos. Sa gayon lamang siya magiging karapat-dapat sa mga layunin ng Diyos, ang Maylalang ng malawak na sansinukob na ito at maging bahagi ng walang-hanggang banal na kaayusang iyan.
Kung Kasama Mo ang Diyos, Hindi Ka Kailanman Mag-iisa
Isang tapat na Aprikanong Saksi ni Jehova, pagkatapos na dumanas ng matinding pag-uusig at makadama na siya’y pinabayaan, ay nagsabi na kahit na nabigo ang kaniyang pakikisama sa tao, hindi pa rin siya nag-iisa. Sinipi niya ang Awit 27:10: “Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayunman’y dadamputin ako ni Jehova.” Ganiyan din ang nadama ni Jesus. “Narito! Dumarating ang oras, oo, dumating na nga, na kayo’y mangangalat bawat isa sa inyo at ako’y iiwanan ninyong mag-isa; gayunma’y hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko.”—Juan 16:32.
Hindi natakot si Jesus na mag-isa. Malimit na kusa niyang hinangad na mag-isa. Kapag siya’y nag-iisa, hindi siya namamaglaw. Tinanggap niya ang pag-agos ng espiritu ng Diyos at nadamang napakalapit niya sa Kaniya pagka napalilibutan ng Kaniyang mga nilalang. Paminsan-minsan ay iniwasan niya ang mga kasama upang mapag-isa siya kasama ng Diyos. Siya’y ‘lumapit sa Diyos; ang Diyos ay lumapit sa kaniya.’ (Santiago 4:8) Walang alinlangan na siya ang pinakamatalik na kaibigan ng Diyos.
Ang isang kaibigan na gaya ng paglalarawan ng Kasulatan ay isang napakahalagang bagay. (Kawikaan 17:17; 18:24) Dahilan sa kaniyang lubusang pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang di-mapag-aalinlangang pagsunod sa kaniya, si Abraham “ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’” (Santiago 2:23) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Ngunit tinatawag ko na kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko na sa aking Ama ay ipinaalám ko na sa inyo.”—Juan 15:14, 15.
Sa mga kaibigang gaya ng Diyos na Jehova at ni Kristo Jesus, papaano pang mabibigo sa kanilang pakikibaka sa kapanglawan yaong mga may pananampalataya?
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang panalangin at iba pang gawain ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang kapanglawan
[Larawan sa pahina 10]
Ipinakikita ng mga karanasan ni Harold King at ng libu-libong ibang mga Saksi ni Jehova na maaaring daigin ng pananampalataya ang kapanglawan sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan
[Credit Line]
Larawan ng U.S. National Archives