Mahihiwagang Sakay ng Makalangit na Hangin
Mahihiwagang Sakay ng Makalangit na Hangin
“Sino kundi Diyos lamang ang makauunawa sa gayong walang-hanggang tanawin ng kaluwalhatian? Sino kundi Diyos lamang ang makagagawa ng mga ito, ginuguhitan ang mga langit ng gayong napakarilag na pagtatanghal?”
ANO ang pumukaw sa pagpipitagan ni Charles F. Hall, ika-19-na-siglong manggagalugad sa Artico? Ang isa sa pinakakahanga-hangang likas na kababalaghan na natatanaw ng mga mata ng tao, ang aurora borealis—karaniwang kilala bilang mga liwanag ng kahilagaan.
Ang pagkabighani sa mga liwanag na ito sa langit ay sapol pa noong ikaapat na siglo B.C.E., nang ang Griegong pilosopo na si Aristotle ay sumulat ng kaniyang teorya tungkol sa kababalaghang ito. Gayunman, noon lamang 1621 na ipinakilala ng Pranses na siyentipiko at matematikong si Pierre Gassendi ang katagang “aurora borealis” (o, bukang-liwayway sa kahilagaan) gaya ng kasalukuyang ginagamit natin. Aurora ang pangalan ng mala-rosas ang daliri na diyosa ng bukang-liwayway ng mga Romano sa klasikong mitolohiya. Siya rin ang ina ng mga hangin, ang hilagang hangin na tinatawag na Boreas.
Ano ang nagpapangyari sa aurora? Ito ba’y nalilikha ng mga silahis ng araw na naaaninag mula sa mumunting kristal na yelo sa hangin? O ang sinag ng araw na naaaninag mula sa gabundok na mga yelo? O mga pagsabog na likha ng pagsasama ng mainit at
malamig na hangin? Wala ni isa man sa mga ito. Natunton ng masulong na pagsusuri ng siyensiya ang kababalaghang ito mula sa tuwirang kaugnayan sa pagitan ng pagkilos ng araw at ng pinakasentro ng magnetiko ng lupa.Isandaan at limampung milyong kilometro ang layo, sa pinakapusod ng sistemang solar, nagpapasimula ang kamangha-manghang pagtatanghal ng liwanag. Ang nuklear na mga pagsabog na nagaganap sa ibabaw at sa loob ng araw ay naghahagis ng napakaraming gas sa kalawakan sa bilis na tinataya ng ilan na umaabot ng
4,000,000 kilometro bawat oras. Ang bugso ng hangin na ito mula sa araw, na may mga dumadaloy na kargado-ng-enerhiyang tipík (high-energy particle), ay maaaring umabot sa panlabas na atmospera ng lupa sa loob ng 24 hanggang 48 oras. Habang ang mga ito’y pumapasok sa pinakagilid ng magnetiko ng lupa, maraming kinargahan ng enerhiyang tipík ang nakukulong at nahihila sa mga polo. Ang mga ito sa dakong huli ay bumabangga sa mga molekula ng nitroheno at mga atomo ng oksiheno, pinakikislap ang mga ito at nagsisimulang magtanghal ng mga liwanag. Ang katulad na reaksiyon ay nagaganap pagka nagsisindi ng ilaw na neon.Kung minsan wari bang sumasayad sa lupa ang tulad-telon na tanawing ito ng mga liwanag. Gayunman, ang kahanga-hangang pangyayaring ito ay nagaganap lamang sa pagitan ng 100 at 1,000 kilometro sa ibabaw ng lupa. Ang mabababang pagbubungguan ay lumilikha ng mga kulay na dilaw at berde, samantalang sa matataas na lugar, nagsasabog ito ng pula at bughaw na kulay. Ang ilang pagtatanghal ay napakalawak—sumusukat ng 3 hanggang 5 kilometro ang lawak at mahigit na 160 kilometro ang taas—literal na umaabot nang libu-libong milya.
Saan Natin Makikita ang mga Ito, at Ano ang Anyo ng mga Ito?
Nakalulungkot nga, napakaliit na porsiyento lamang ng mga tao sa lupa ang makakikita kailanman ng aurora. Ito’y totoong di-kilala ng mga tao na naninirahan sa tropiko. Gayunman, kung ikaw ay nakatira sa timugang Greenland, Iceland, hilagang Norway, o hilagang Alaska, ang aurora ay tila sumasayaw na kasindalas ng 240 gabi sa isang taon. Makikita ang mga ito sa hilagang Siberia at gitnang Canada nang halos 100 gabi sa isang taon, samantalang matatanaw ang mga ito ng mga naninirahan sa katimugang Alaska sa halos 5 gabi lamang sa isang taon. Ang gitnang Mexico ay maaaring makasaksi sa pangyayaring ito minsan sa loob ng sampung taon. Sa Katimugang Hemispero, ang nagsasayaw na mga liwanag na ito, tinatawag na aurora australis, ay karaniwan nang nagtatanghal para sa mga seal, balyena, at mga penguin. Gayunman, ang New Zealand, mga bahagi ng Australia, at Argentina ay kabilang sa rehiyon ng aurora na may kalat-kalat na mga tao at sa gayon ay nakapagmamasid ng pagtatanghal na ito sa langit.
Ang maliwanag na kalangitan sa gabi ay nagbibigay ng napakagandang tanawin para sa pabagu-bagong panoorin ng tulad-tabing, mga arko, at mga hugis ng talon na wari bang umiindayog at umuugoy sa langit. Isang di-nakikitang sinturon, na pumapalibot sa hilaga at timog na magnetikong mga polo sa lupa, sa pagitan ng 55 at 75 degrees latitude, ang lumilitaw kung saan pinakamaningning ang mga liwanag. Ganito ang pahayag ng polar explorer na si William H. Hooper: “Walang saysay ang mga salita upang ilarawan ang pagkasarisari at napakarilag na mga anyo nito; di-magagawang isulat ang pabagu-bagong mga kulay nito, ang kaningningan, at karingalan nito.”
Talaga bang Maririnig Mo ang mga Ito?
Bagaman hindi tinatanggihan ng mga siyentipiko ang posibilidad na makarinig ng tunog dahil sa aurora, hindi tiyak kung paano ang anumang naririnig na ingay ay maaaring magmula sa mismong pagtatanghal na iyon. Ang likas na kababalaghan ay nagaganap sa napakalayong agwat sa ibabaw ng lupa. Ang tunog ay nakaaabot ng isang kilometro sa loob ng halos tatlong segundo, kaya naman naiiwan ang ingay pagkatapos ng pagkidlat.
Kapuna-puna, nang naganap ang isang maliwanag na aurora, piniringan ang isang tao, at “sa
halos bawat maningning na paghagibis ng liwanag ng aurora, ay nagsabi, ‘Hindi ba ninyo narinig iyon?’ ” Isang baguhang astronomo ang nagsabi: “Para ba itong kinukuyumos na cellophane at sumisingaw na hangin. Isa ito sa pinakanakatatakot na pangyayari sa buhay ko.” Isang katutubong Inuit mula sa Fort Chimo, Ungava, Canada, ang hinilingan na magsaysay kung ano ang kaniyang narinig noong isang gabing maliwanag habang siya’y pauwi kasama ng kaniyang mga aso. “Humugong iyon ng ganito, whoo-o-o-sh, whish- whoo-o-o-sh. Hindi iyon hangin. Napakatahimik ng gabi. . . . At natakot ang mga aso. Nagtakbuhan ang mga ito dahil sa labis na takot.”Guniguni ba ang gayong mga tunog—nasa isip lamang? Ganiyan ang palagay ng ilan. Gayunman, ang siyentipikong si William Petrie sa kaniyang aklat na Keoeeit—The Story of the Aurora Borealis ay nagbibigay ng posibleng paliwanag. Ganito ang paliwanag niya: “Ang isang sirang switch ng ilaw ay maaaring lumikha ng mahinang sagitsit o lagitik na tunog habang umaalpas ang mga kuryente sa halip na sumunod sa karaniwang daanan sa pamamagitan ng switch. Ngayon yamang ang aurora ay bunga ng pagpasok sa atmospera ng mga tipík na kargado ng kuryente, maaasahan ng isa na ang mga kalagayang elektrikal na malapit sa lupa ay magbabago. Kamakailan, natiyak nang ang mga kalagayan ay lubusang nabago, na ang mga karga ng kuryente ay ‘lumalagos’ mula sa ibabaw na siyang resulta, at sa gayon, ay maaaring lumikha ng bahagyang tunog.”
Gaano kalakas ito? Ang magasing lumalabas tuwing ikatlong buwan na Alaska Geographic na may artikulong Aurora Borealis—The Amazing Northern Lights, na inilathala noong 1979, ay nag-uulat na “ang kuryente na kaugnay sa pagsabog ng aurora ay napakalakas, halos 1,000 bilyong watt, o taunang 9,000 bilyong kilowatt hour—higit pa sa kasalukuyang taunang konsumo sa kuryente ng E.U., na kulang lamang nang kaunti sa 1,000 bilyong kilowatt hour!” Ang aurora ay naglalabas ng mga alon na tinatawag na ingay ng radyo na maaaring matanggap ng isang receiver ng radyo ngunit hindi maririnig ng mga tao. Mabuti naman, naiingatan tayo ng ionosphere mula sa ingay na ito, kaya naman nakagagamit pa rin tayo ng radyo.
Ang malalakas na bagyo ng aurora ay pumutol sa komersiyal na mga pakikipagtalastasan sa media. Sa isang pagkakataon hinadlangan ng maiingay na tawag sa telepono ang kaaya-ayang musika na isinasahimpapawid ng isang istasyon ng radyo. Ang Trans-Alaska Pipeline ay minsang tinamaan ng 100 amperes ng elektrisidad dahil sa aurora. Maging ang mga sistemang radar ay nadayang mag-ulat ng mga pagsalakay ng nuclear-missile. Isang pagkalaki-laking pagtatanghal sa Hilagang Amerika noong 1941 ang naiulat na gumising sa mga sea gull sa peninsula ng Toronto, Canada.
Nagluluwat na mga Pangmalas
Si Edward Ellis, ika-19 na siglong abenturero at manunulat, na sa pagkakita sa aurora borealis, ay napabulalas: “Nahahabag ako sa taong nagsasabi, ‘Walang Diyos’ o wari bang hindi natitinag sa kaibuturan ng kaniyang kaluluwa sa gayong mga pagtatanghal ng walang-hanggang kapangyarihan.” Ang pagkasaksi sa mahihiwagang sakay ng makalangit na hangin sa kauna-unahang pagkakataon ay pumupukaw sa pinakamagagandang paglalarawan, gaya ng kamangha-mangha! kagila-gilalas! napakaringal! Ang kababalaghang ito ay kaakit-akit anupat ang mga tao mula sa mga lugar na kasinlayo ng Hapón ay umuupa ng eroplano patungo sa Yellowknife, Northern Territories, Canada, upang makita lamang ang mga liwanag sa kahilagaan. Isang naninirahan doon ang nagsabi tungkol sa isang pangkat: “Ang ilan sa kanila ay napaiyak sa dakong huli, inisip nilang napakaganda nito.”
Tunay nga, tanging ang gawa ng ating Dakilang Disenyador ang makaaantig ng ating damdamin sa gayong napakagandang paraan. Sa gayunding paraan napakilos na sumulat ang salmista: “Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.”—Awit 19:1.
[Kahon sa pahina 26]
Mga Alamat at Pamahiin Tungkol sa Aurora Borealis
Sa loob ng napakatagal na panahon may paniwala ang kultura ng mga taga-hilaga na ang aurora ay: “Mga sulô na hawak ng mga espiritu upang gabayan ang mga kaluluwa ng mga taong kamamatay lamang patungo sa lupain ng kaligayahan at kasaganaan”
“Ang espiritu ng mga patay ay naglalaro na ang ulo ng walrus ang pinakabola”
“Isang masamang pangitain ng digmaan at salot”
“Ang multo ng kanilang pinaslang na mga kaaway”
Isang pahiwatig na “sasamâ ang lagay ng panahon”
“Mga apoy na kung saan unti-unting pinakukuluan ng dakilang mga albularyo at mga mandirigma . . . ang kanilang patay na mga kaaway sa pagkalaki-laking palayok”
“Isang naaaninag na ahas na nagsasayaw sa langit”
“Ang espiritu ng mga batang namatay sa pagsilang”
“Nakatutulong sa paggamot sa mga sakit sa puso”
[Picture Credit Line sa pahina 24, 25]
Larawan ng NASA