Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Normal ba ang Aking Paglaki?

Normal ba ang Aking Paglaki?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Normal ba ang Aking Paglaki?

“Isa ako sa pinakamaliliit na bata sa aking klase​—at ako ang may pinakamagaang na timbang. Hindi ko gusto ang aking mga braso. Palagay ko’y napakapapayat nito. Sumulat pa nga ako upang humiling ng mga kagamitan para sa pag-eehersisyo na inianunsiyo sa likod ng isang comic book. Hindi naman ito umepekto sa akin.”​—Eric.

“Hindi ako masyadong matangkad. Ako’y 13 anyos at ang taas ko’y isandaan at limampung sentimetro lamang. Lahat sa aking klase ay mas matatangkad! Buweno, may ilang batang lalaki na mas mabababa, subalit lálakí siguro sila sa tag-araw. Hindi ko gusto ang pagiging pandak ko! Wala akong makita! Sana’y tumangkad na ako ngayon.”​—Kerri.

NAPAKATANGKAD! Napakapandak! Napakataba! Napakapayat! Hindi lamang ito mga panunukso ng malulupit na kasama. Maraming kabataan ang humahatol sa kanilang sarili sa ganitong paraan sa tuwing sila’y magsasalamin. “Noong ako’y 13,” gunita ng isang maliit na babaing Hispanico na nagngangalang Mari, “naiinis ako sa aking ilong; napakalapad nito anupat inaakala ko na kailangan kong paopera! At ako’y may malapad na pangangatawan! May damit ang ate ko na napakagandang tingnan sa magandang hubog ng kaniyang katawan. Nang isukat ko ito, nagtawanan ang lahat.”

Pagka ikaw ay nasa “kasariwaan ng kabataan,” lalo na sa nakababalisang panahon ng mabilis na pagbabago sa pisikal at emosyon na tinaguriang pagdadalaga o pagbibinata, napakadali mong kainisan ang iyong sarili. (1 Corinto 7:36) Sa iyong paningin, ang iyong mga kasama ay lumalaki na matatangkad, kaakit-akit na mga adulto. Subalit para bang ikaw ay halos hindi lumalaki​—o lumalaki nang husto. Isiniwalat ng isang surbey na ang di-kapani-paniwalang 56 na porsiyento ng mga tin-edyer ay hindi nasisiyahan sa kanilang mga katawan. Sinasabi ng mga mananaliksik na sina Jane Norman at Myron W. Harris na marami sa mga hindi nasisiyahang kabataan ay nag-aakalang sila’y “napakapandak” o na sila’y “napakabansot.”

Maraming kabataan ang nababahala rin tungkol sa paglaki ng maseselang bahagi ng kanilang katawan; sila’y nag-iisip kung ang mga ito nga’y normal? Ganito ang paliwanag ng aklat na Growing Into Love, ni Kathryn Watterson Burkhart, ang “pagkadama ng paggalang sa sarili, kakayahan at pagpipitagan sa sarili [ng mga kabataan] ay nagmumula sa kanilang mga katawan, kaya nagiging napakahalaga na husto ang paglaki ng kanilang katawan.” Kung gayon, hindi kataka-taka na ang mga kabataan ay kalimitang nababahala sa mga kalagayan (gaya ng klase sa gym) kung saan ang kanilang mga katawan ay nahahantad sa pag-uusisa​—o paghahambing. “Ako’y talagang naaasiwa pagka naliligong kasama ng mga batang lalaki sa paaralan,” ang pagtatapat ng isang kabataang lalaki.

Ikaw ba’y nayayamot sa paraan ng paglaki ng iyong katawan? Buweno, huwag kang mag-alala! Tiyak na ikaw ay ganap na normal.

Mga Hirap sa Paglaki

Ang pagdadalaga at pagbibinata ay isang likas at malusog na paglaki. Maging si Jesu-Kristo man ay nakaranas nito, “lumalaki sa karunungan at sa pangangatawan.” (Lucas 2:52) Kasama sa pagdadalaga at pagbibinata ay ang paglaki ng iyong mga sangkap sa pag-aanak. a Gayunman, lakip din dito ang biglang paglaki, kalimitang doble ng katamtamang taunang bilis ng paglaki ng isa. “Nagsimula akong lumaki nang sampung sentimetro sa isang taon,” gunita ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Danny. “Pagsapit ko ng edad 13 ako’y tumaas nang isandaan at walumpung sentimetro.”

Gayunman, karaniwan nang nagsisimula ang biglang paglaki ng mga batang babae nang halos dalawang taon ang aga sa mga lalaki. Kaya naman sa edad na 12, ang isang batang babae ay mas matangkad kaysa kaniyang mga kaklaseng lalaki. Malamang na sandaling panahon lamang siya masisiyahan sa taas niyang ito. Sa loob ng dalawang taon, karamihan sa mga batang lalaki ay nakahahabol sa taas at patuloy na siya’y nalalampasan.

Gayunman, may mga problema sa biglang paglaki. Karaniwan na, ang unang lumalaki ay ang iyong mga paa. Pagkatapos, di-magtatagal ang iyong mga paa ay hindi na bagay sa laki ng iyong katawan. Sinisipi ng manunulat na si Lynda Madaras ang isang batang babae na nagsasabi: “Mataas-taas lang ako nang kaunti sa isandaan at limampung sentimetro nang ako’y labing-isang taóng gulang, subalit ang sukat ng sapatos ko ay otso. Iniisip ko, naku po, kung lálakí nang lálakí ang mga paa ko, magiging gahigante ang mga ito! Subalit ako’y disisais na ngayon, at ang aking taas ay isandaan at pitumpung sentimetro, subalit ang sukat ng aking mga paa ay otso pa rin.” Sumusunod naman ang mabilis na paglaki ng iyong mga binti, hita, at katawan.

Ang higit na nakababalisa pa ay maaaring ang nagbabagong hitsura na nakikita mo sa salamin. Ganito ang sabi ng manunulat na si Lynda Madaras sa The What’s Happening to My Body? Book for Girls: “Habang nararanasan mo ang pagdadalaga, ang iyong mukha ay nagbabago. Ang ibabang bahagi ay humahaba at ang iyong mukha ay lumalaki.” Ito ay totoo kapuwa sa mga batang babae at lalaki. Matagal-tagal din bago tila mahusto sa sukat ang hugis ng iyong mukha.

Dahil sa ang iba’t ibang bahagi ng iyong katawan ay lumalaki sa iba’t ibang bilis, ang iyong mga braso at mga binti ay waring nakahihiya rin ang paghaba. “Ang aking mga braso ay waring sumasayad sa sahig,” gunita ni Christine, na nang maglaon ay lumaking isang kaakit-akit na adulto. Ang kalimitang nakahihiyang yugto ng pagiging asiwâ ay maaari ring mangyari bago ang iyong katawan sa wakas ay waring ‘magkakasuwatong nagkasama-sama at nagkatulung-tulong sa pamamagitan ng bawat kasukasuan.’​—Efeso 4:16.

Mga Huli ang Paglaki

Gayunman, ang pagdadalaga at pagbibinata ay maaaring maging kakatwang bagay. Kung minsan ang isang 12-anyos ay maaaring mapagkamalang 20-anyos. Subalit para sa ibang mga kabataan, ang mga hormone ay hindi gumagana sa tamang panahon. Ganito ang panangis ng isang kabataan, na nagngangalang Willie: “Isa ako sa pinakamaliliit na bata sa aking klase, at alam ko kung ano ang nadarama pagka tinutukso.” Kung ikaw ay tumitingkayad upang makapantay ang iyong mga kasama, huwag kang mabahala. Karaniwan na, ito’y nangangahulugan lamang na ang iyong katawan ay lumalaki nang mas mabagal kaysa sa iyong mga kaklase. b

Ipagpalagay na, ang pagiging mas mababa o kung tingnan ay parang mas bata kaysa sa iyong mga kasama ay hindi kanais-nais. “Alam kong para akong bata kung tingnan, at kinayayamutan ko ito!” hinaing ng 16-anyos na si Allison. Maaari mo bang mapabilis ang proseso ng paglaki? Hindi, ngunit mapadadali mo ito. Sinasabi ng Bibliya sa Job 8:11: “Makatataas ba ang yantok ng walang putik? Tutubo ba ang damo ng walang tubig?” Kung paano ang halaman ay lumalago sa tamang kapaligiran at pagkain, ikaw rin naman ay nangangailangan ng sapat na pahinga at masustansiyang pagkain. Ang patuloy na pagkain ng sitsiriya ay magkakait sa iyong katawan ng nutrisyon na kailangan para sa tamang paglaki.

Maliban sa pangangalaga ng kalusugan na ginagamit ang isip, bahagya lamang ang iyong magagawa sa iyong pisikal na paglaki. Subalit di maglalaon ang biglang paglaki ay magsisimula. Sa katunayan, maaari ka pa ngang patuloy na lumaki pagkatapos na maabot ng iyong mga kasama ang sukdulan ng kanilang taas. “Noong ako’y nasa ikawalong baitang,” gunita ng kabataang lalaki na si John, “ako ang ikalawa sa pinakamaliit sa klase, subalit pagkatapos ng tag-araw, ako’y biglang lumaki. Nang ako’y magsimula sa ikasiyam na baitang, halos ako na ang pinakamataas na batang lalaki sa klase.” Tayo’y napaaalalahanan ng sinaunang kawikaan: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso, ngunit ang bagay na ninanasa ay isang punungkahoy ng buhay pagka dumating na iyon.”​—Kawikaan 13:12.

Mangyari pa, walang katiyakan na ikaw ay magiging kasintaas ng isang basketbolista. Kung mababa ang iyong mga magulang, malamang na maging mababa ka rin. Gayunman, maaaring lumikha ng mga suliranin ang pagiging maliit kaysa sa iyong mga kaibigan.

Kung Paano ito Mababata

Bagaman ang Diyos ay hindi humahatol sa taas ng isang tao, kalimitang humahatol nang gayon ang mga taong makitid ang isip. Ipinakikita ng mga pagsusuri na mahilig malasin ng mga kabataan ang mga taong mas mabagal lumaki na di-gaanong kaibig-ibig at walang gaanong kasanayan kaysa mukhang may-edad na mga kabataan. Nilalayuan pa nga nila ang kanilang mga kaibigan na waring hindi na nababagay sapagkat sila’y parang mga bata kung tingnan. Ito’y maaaring makasugat sa iyong paggalang sa sarili. Ipinakita ng isang pagsusuri na matagal pa pagkatapos na makahabol sa pisikal ang mga kabataang huli ang paglaki sa kanilang mga kaeskuwela, ang pagkadama ng kakulangan ay maaaring magluwat.

Paano mo ito mababata? Ang ilang kabataan na huli ang paglaki ay nagiging tahimik at malayô. Subalit ang iba naman​—lalo na ang mga batang lalaki—​ay nagiging nakakasuyang mga mapagpasikat o mga walang taros sa maling pagtatangka na matawag ang pansin sa kanilang sarili. Subalit hindi ka magkakaroon ng tunay na mga kaibigan sa alinman sa gayong pagkilos. Pagtagal-tagal, maiibigan ka ng mga tao dahil sa kung sino ka, hindi dahil sa kung ano ang iyong hitsura. Kung ikaw ay magpapakita ng tunay na interes sa iba at pauunlarin ang kabaitan at pagkabukas-palad, maiibigan ka ng karamihan ng mga tao. (Kawikaan 11:25; Filipos 2:4) Kung ang ilan ay patuloy na tumutukso o umiiwas sa iyo, ipakipag-usap mo ang suliranin sa iyong mga magulang. Sila’y maaaring makapagbigay ng ilang mahuhusay na payo.

Tandaan din na ang Diyos ay “tumitingin sa puso.” (1 Samuel 16:7) Sinasabi ng Bibliya na si Haring Saul ay isa sa pinakamataas at pinakamaganda sa mga lalaki sa Israel. Subalit siya ay isang bigo kapuwa bilang isang hari at bilang isang lalaki. (1 Samuel 9:2) Sa kabilang dako, ang lalaking nagngangalang Zacheo ay “pandak.” Subalit siya’y pinagpala na maging panauhin ang Anak ng Diyos. (Lucas 19:2-5) Kung gayon ang mahalaga ay kung ano ang saloobin ng isang tao. At kung ang katawan mo ay hindi man lumalaki na kasimbilis na gaya ng iyong nais, ikaw ay maaliw na malamang ito’y normal lamang. “Sa bawat bagay ay may kapanahunan,” at di magtatagal ang iyong katawan ay tutugon sa pagpapasimula ng pagdadalaga at pagbibinata. (Eclesiastes 3:1) Kakatwa naman, maraming kabataan ang nagrereklamo na ang kanilang mga katawan ay mabilis na lumalaki. Ang kanilang kalagayan ang magiging paksa sa susunod na artikulo sa seryeng ito.

[Mga talababa]

a Tingnan ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” na nalathala sa Enero 22 at Pebrero 8, 1990, labas ng Gumising!

b Iminumungkahi ng ilang dalubhasa na kung ang isang nagdadalaga at nagbibinata ay hindi nakaranas ng anumang pagbabago sa edad na 15, sila’y kailangang magpasuri sa manggagamot upang maiwasan ang anumang malubhang karamdaman.

[Larawan sa pahina 23]

Karaniwan nang nagsisimula ang biglang paglaki ng mga batang babae na halos dalawang taon ang aga sa mga lalaki. Gayunman, karamihan sa mga batang lalaki ay nakahahabol at sa dakong huli ay natataasan pa nga ang mga batang babae