“Oh, Jehova, Panatilihin Po Ninyong Tapat ang Aking Anak!”
“Oh, Jehova, Panatilihin Po Ninyong Tapat ang Aking Anak!”
AKO ay isinilang noong 1930 sa Alsace, Pransiya, sa isang artistikong sambahayan. Kung gabi, si Itay, habang nakaupo sa kaniyang komportableng silya, ay nagbabasa ng ilang aklat tungkol sa heograpiya o astronomiya. Ang aking aso ay natutulog sa kaniyang paanan, at ibinabahagi ni Itay kay Inay ang ilang tampok mula sa kaniyang pagbasa samantalang siya ay nagniniting para sa kaniyang pamilya. Siyang-siya ako sa mga gabing iyon!
Ang relihiyon ay gumanap ng isang malaking bahagi sa aming buhay. Kami’y debotadong mga Katoliko, at ang mga taong nakakakita sa amin na nagsisimba kung Linggo ng umaga ay magsasabi: “Alas nuwebe na. Magsisimba na ang mga Arnold.” Araw-araw bago magtungo sa paaralan, ako ay nagsisimba. Ngunit dahil sa kapilyuhan ng pari, pinagbawalan ako ni Inay na magtungo sa simbahan nang nag-iisa. Anim na taóng gulang ako noon.
Pagkatapos mabasa ang tatlo lamang mga pulyeto ng Bibelforscher (mga Estudyante ng Bibliya, ngayo’y kilala bilang mga Saksi ni Jehova), ang aking ina ay nagsimulang mangaral sa bahay-bahay. Iyan ay ikinabalisa ni Itay. Ginawa niyang tuntunin na walang diskusyon tungkol sa relihiyon ang gagawin sa harap ko. ‘Walang magbabasa ng walang-kuwentang mga literaturang iyan!’ Subalit si Inay ay napakasigasig tungkol sa katotohanan anupat naipasiya niyang magbasa ng Bibliya na kasama ko. Mayroon siyang isang bersiyong Katoliko ng Bibliya at binabasa niya ito tuwing umaga nang hindi nagkokomento tungkol dito, bilang pagsunod kay Itay.
Isang araw ay binasa niya ang Awit 115:4-8: “Ang kanilang mga diyus-diyusan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng makalupang tao. . . . Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila, bawat tumitiwala sa kanila.” Iniugnay niya ito sa ikalawang utos, na nagsasabi: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan.” (Exodo 20:4-6) Agad akong tumayo at sinira ko ang aking personal na altar sa silid ko.
Pumapasok ako sa paaralan at ibinabahagi ko sa aking mga kaklaseng Katoliko ang aking araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Lumikha ito ng kaguluhan sa paaralan. Madalas na sinusundan ako ng mga bata sa kalye at tinatawag akong “mabahong Judio!” Iyan ay noong 1937. Ang kalagayang ito ay nagpangyari sa aking ama na suriin kung ano ang aking natututuhan. Kumuha siya ng aklat na Creation, na lathala ng mga Saksi ni Jehova. Binasa niya ito at naging isang Saksi mismo!
Nang pumasok ang hukbong Aleman sa Pransiya sa pamamagitan ng hangganan sa Belgium, nakita namin ang mga swastika sa mga bandila sa tuktok ng mga simbahan, kahit na wumawagayway pa rin ang bandilang Pranses sa city hall. Ipinasara na ng pamahalaang Pranses ang aming Kingdom Hall at ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, at kami ay gumagawa na nang palihim nang dumating ang mga Aleman. Subalit ang pagsisikap na lupigin ang mga Saksi ay tumindi. Pagkaraan ng dalawang taon, sa gulang na 11, ako’y nabautismuhan.
Pagkalipas ng isang buwan, noong Setyembre 4, 1941, alas dos ng hapon, tumunog ang timbre sa pinto. Pauwi na si Itay mula sa trabaho. Lumukso
ako, binuksan ang pinto, at patakbong yumakap sa kaniya. Isang lalaki sa likuran niya ang sumigaw, “Heil Hitler!” Pagkabitiw mula sa kaniyang yakap, saka ko natanto na ang lalaking niyapos ko ay isang sundalong SS! Pinapunta nila ako sa aking silid at kanilang pinagtatanong ang aking ina sa loob ng apat na oras. Pag-alis nila, ang isa sa kanila ay sumigaw: “Hindi mo na makikita pa ang iyong asawa! Gayundin din ang mararanasan ninyong mag-ina!”Si Itay ay dinakip nang umagang iyon. Taglay niya sa kaniyang bulsa ang kaniyang buwanang suweldo. Ipinasara ng SS ang deposito sa bangko at hindi binigyan ang nanay ko ng isang kard sa pagtatrabaho—isang mahalagang dokumento upang makapagtrabaho. Ang kanilang patakaran ngayon ay: “Hindi dapat bigyan ng ikabubuhay ang mga panganib sa lipunan!”
Pag-uusig sa Paaralan
Nang panahong ito ang mga panggigipit sa paaralan para sa paghahanda sa kolehiyo na aking pinapasukan ay patuloy na tumindi. Kailanma’t dumarating ang guro sa klase, lahat ng 58 estudyante ay kailangang tumayo na nakaunat ang mga bisig at sinasabi, “Heil Hitler.” Pagdating ng pari para sa pagtuturo ng relihiyon, siya ay papasok at magsasabi, “Heil Hitler—pagpalain nawa ang isa na dumarating sa pangalan ng Panginoon.” Ang klase naman ay sasagot, “Heil Hitler—amen!”
Tumanggi akong magsabi ng, “Heil Hitler,” at ito’y nakarating sa direktor ng paaralan. Isang nagbababalang liham ang isinulat na nagsasabi: “Isang estudyante ang hindi sumusunod sa mga alituntunin ng paaralan, at kung walang pagbabagong mangyayari sa loob ng isang linggo, ang estudyanteng ito ay paaalisin sa paaralan.” Binanggit nito sa ibaba na ang sulat na ito ay kailangang basahin ko sa mahigit na 20 klase.
Dumating ang araw nang ako’y ipatawag sa harap ng aking klase upang ipaalam ang aking pasiya. Binigyan ako ng direktor ng karagdagang limang minuto upang sumaludo o kunin ang aking mga gamit sa paaralan at umalis. Ang limang minutong iyon sa orasan ay para bang walang katapusan. Nanlambot ang aking mga paa, nanlaki ang ulo ko, at kumakabog ang dibdib ko. Ang nakabibinging katahimikan ng buong klase ay binasag ng isang malakas na “Heil Hitler,” na inulit naman ng buong klase nang tatlong beses. Tumakbo ako sa desk, kinuha ko ang aking mga gamit, at tumakbong palabas.
Nang sumunod na Lunes, ako’y pinahintulutang pumasok sa ibang paaralan. Sinabi ng patnugot na makapapasok ako sa kondisyon na hindi ko sasabihin kaninuman kung bakit ako pinaalis sa isang paaralan. Ang mga kaklase ko ay galít sa akin, tinatawag akong isang magnanakaw, delingkuwenteng bata, sinasabing iyan ang dahilan kung bakit ako pinaalis. Hindi ko maipaliwanag ang tunay na dahilan.
Ako’y nakaupo sa likuran ng klase. Napansin ng batang babae na katabi ko na hindi ako sumasaludo. Inakala niyang ako ay isang Pranses na laban kay Hitler. Kinailangang ipaliwanag ko sa kaniya kung bakit tumatanggi akong magsabi ng heil Hitler: “Ayon sa Gawa 4:12, ‘Sa kaninumang iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.’ Tanging si Kristo lamang ang ating Tagapagligtas. Yamang ang ‘heil’ ay nangangahulugan ng kaligtasan sa pamamagitan ng isa, hindi ko maipalalagay ang kaligtasang ito sa kaninumang tao, pati na kay Hitler.” Ang batang babaing ito at ang kaniyang ina ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at naging mga Saksi mismo!
Palihim na Gawain
Sa lahat ng panahong ito, kami’y patuloy na nangangaral nang palihim. Tuwing unang Linggo ng buwan kami ay nagpupunta sa isang dako sa mga kabundukan kung saan nakukuha namin ang edisyong Pranses ng Ang Bantayan upang isalin ito sa Aleman. Si Inay ay gumawa ng isang natatanging garter belt na may nakatagong bulsa upang dalhin ko Ang Bantayan. Isang araw kami ay pinahinto ng dalawang sundalo at dinala kami sa isang bukid sa kabundukan, kung saan kami ay kinapkapan. Masamang-masama ang pakiramdam ko anupat ako’y pinahiga nila sa dayami, at dahil dito, hindi nila kailanman nasumpungan Ang Bantayan. Sa paano man, para bang lagi akong sinasagip ni Jehova.
Isang araw tumanggap ako ng tawag na magtungo sa isang “saykayatris.” Ito pala ay dalawang SS. Naroon din ang iba pang mga anak ng Saksi. Ako ang huling tinawag. Ang dalawang “doktor” ay nakaupo sa likod ng mesa, ako’y naupo at isang maliwanag na ilaw ang itinutok sa aking mukha,
at nagsimula na ang pagtatanong. Isang “doktor” ang nagtatanong sa akin tungkol sa ilang heograpikal o makasaysayang mga tanong, subalit bago pa ako makasagot, tatanungin naman ako ng isa tungkol sa palihim na gawain. Itinatanong din niya ang mga pangalan ng iba pang mga Saksi. Halos sumuko na ako nang biglang gambalain ng isang tawag sa telepono ang kanilang pagtatanong. Kamangha-manghang laging dumarating ang tulong ni Jehova!Pagkalipas ng isang buwan ang aming klase sa paaralan ang napiling magtungo sa isang kampong sanayan ng Hitler Youth sa loob ng dalawang linggo. Kailanman ay hindi ko sinabi sa aking ina ang tungkol dito. Ayaw kong pasanin niya ang anumang pananagutan tungkol sa aking pasiya na huwag magpunta roon. Bago ang araw ng pag-alis, ako’y binabalaan ng direktor ng paaralan: “Kung wala ka sa istasyon ng tren o sa aking opisina sa Lunes, ipadarakip kita sa pulis!”
Kaya noong Lunes ng umaga ako ay nagdaan sa istasyon ng tren patungo sa paaralan. Lahat ng aking mga kaklase ay tumatawag sa akin upang sumama sa kanila, subalit ako ay desidido na magtungo sa tanggapan ng direktor. Tanghali na nang dumating ako roon, kaya inaakala niyang ako’y kasama na sa tren. Galit na galit siya nang makita niya ako. Dinala niya ako sa kaniyang klase at pinahirapan niya ang buong klase sa loob ng apat na oras. Halimbawa, tatawagin niya ang bawat bata sa harap ng klase, at sa halip na iabot sa kanila ang kanilang notebook, sasampalin niya sila nito. Ituturo niya ako at sasabihin: “Siya ang dahilan!” Sinikap niyang gumanti sa akin ang 45 bata, sampung taóng gulang lamang. Ngunit sa pagtatapos ng klase, nilapitan nila ako at binati sapagkat tumanggi akong umawit ng mga awiting militar.
Nang maglaon ako ay inatasang magbukod ng papel, mga lata, at mga buto. Tumanggi akong gawin iyon, yamang ang mga lata ay ginamit sa militar na mga layunin. Ako’y binugbog at iniwang walang-malay. Nang maglaon tinulungan ako ng aking mga kaklase.
Nang magbalik ako sa paaralan, nagulat ako na makita ang lahat ng klase na nakatayo sa bakuran sa paligid ng flagpole, mga 800 bata. Ako’y inilagay sa gitna. Isang mahabang paglalarawan ng kalayaan at ang kahihinatnan para sa mga traidor ang ibinigay, kasunod ng tatlong sigaw ng Sieg heil (tagumpay at kaligtasan). Ang pambansang awit ay inawit habang ako ay nakatayo nang tuwid at nanginginig. Inalalayan ako ni Jehova; iningatan ko ang aking katapatan. Nang maglaon, pagpasok ko sa aming apartment, natagpuan ko ang aking mga damit na nakalatag sa ibabaw ng kama at isang sulat na nagsasabi: “Ihaharap ni Simone Arnold ang kaniyang sarili sa istasyon ng tren bukas ng umaga.”
Nang malaman ng direktor ng aking paaralan na ako’y nagpapaliwanag tungkol sa aming mga paniniwala sa isa sa aking mga kaklase, ako ay dinakip, nilitis sa hukuman, at hinatulan ng hukom na magtungo sa isang “repormatoryo.” Binanggit ng hatol na ‘siya ay pinalaki sa mga turo ng International Bible Students Association, na ang mga turo ay ipinagbabawal ng batas, at siya ay magiging masama at isang panganib sa iba.’ Ito ay isang nakatatakot na karanasan para sa akin, ngayo’y isang 12-anyos, sa nakasisindak na hukumang iyon! Gayunman, dahil sa tulong ng isang maawaing kaibigan na nagtatrabaho sa administrasyon, hindi agad naipataw ang aking sentensiya.
Patungo sa Repormatoryo
Kinaumagahan kami ni Inay ay nasa istasyon ng tren. Dinakip ako ng dalawang babae. Sa tren inulit-ulit ni Inay ang payo niya tungkol sa aking paggawi: “Lagi kang maging magalang, mabait, at magiliw, kahit na kung ikaw ay inaapi. Huwag na huwag kang maging matigas ang ulo. Huwag na huwag kang sasagot o mawawalan ng galang. Tandaan mo, ang pagiging matatag ay walang kaugnayan sa pagiging matigas ang ulo. Ito ang magsasanay sa iyo para sa buhay sa hinaharap. Kalooban ni Jehova na tayo ay dumanas ng mga pagsubok para sa ating kapakinabangan sa hinaharap. Handang-handa ka para riyan. Marunong kang manahi, magluto, maglaba, at maghalaman. Dalaga ka na.”
Nang gabing iyon sa isang ubasan sa labas ng aming otel, kami ni Inay ay lumuhod, umawit ng isang awit Pangkaharian tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, at nanalangin. Sa matatag na tinig, si Inay ay nagsumamo alang-alang sa akin: “Oh, Jehova, panatilihin po ninyong tapat ang aking anak!” Sa huling pagkakataon, kinumutan ako ni Inay sa kama at hinagkan ako.
Mabilis na lumipas ang mga bagay kinabukasan
nang kami’y dumating sa repormatoryo, ni hindi man lamang ako nagkaroon ng pagkakataon na makapagpaalam kay Inay. Ipinakita sa akin ng isang batang babae ang isang kama na may kutson na ang laman ay ipa ng trigo. Ang aking sapatos ay kinuha, at kailangan naming lumakad nang nakayapak hanggang sa aprimero ng Nobyembre. Ang unang pananghalian ay mahirap lunukin. Ako’y binigyan ng anim na pares ng medyas upang sulsihan; kung hindi ay hindi ako pakakanin. Sa kauna-unahang pagkakataon, ako’y umiyak. Binasâ ng mga luha ang mga medyas na iyon. Halos magdamag akong umiyak.Kinabukasan ako’y nagising ng 5:30. Ang aking kama ay may mantsa ng dugo—nagsimula na pala ang aking buwanang pagkakaroon. Nanginginig, nilapitan ko ang unang guro na nakasalubong ko, si Miss Messinger. Tinawag niya ang isang batang babae na nagpakita sa akin kung paano lalabhan ang aking sapin sa kama sa malamig na tubig. Ang sahig na bato ay malamig, at tumindi ang kirot. Nagsimula akong umiyak na muli. Pagkatapos ay pangising sinabi ni Miss Messinger: “Sabihin mo kay Jehova mo na labhan ang sapin ng kama mo!” Iyan nga ang kailangan kong marinig. Pinunasan ko ang aking mga mata, at kailanman ay hindi na ako lumuha pang muli.
Kami’y gumigising ng 5:30 tuwing umaga upang linisin ang bahay bago mag-almusal—isang mangkok ng sopas sa ika-8:00 n.u. Ang eskuwela ay ginaganap sa bahay para sa 37 bata, mula 6 hanggang 14 anyos. Sa hapon kami ay naglalaba, nananahi, at naghahalaman, yamang walang lalaki na gagawa ng mabibigat na trabaho. Noong taglamig ng 1944/45, kasama ng isa pang batang babae, kailangan kong maglagare ng mga punungkahoy na hanggang animnapung sentimetro ang diyametro na ginagamit ang isang lagareng pantroso. Ang mga bata ay pinagbabawalang mag-usap at hindi hinahayaang mapag-isa, kahit na patungo sa kasilyas. Kami ay naliligo dalawang beses sa isang taon, at hinuhugasan namin ang aming buhok minsan sa isang taon. Ang parusa ay pagkakait ng pagkain o pagpalo.
Ako ang tagalinis ng silid ni Miss Messinger. Iniutos niya na ako’y magtungo sa ilalim ng kama araw-araw upang linisin ang mga muwelye ng kama. Mayroon akong maliit na Bibliya na naipuslit ko sa bahay, at isiniksik ko ito sa mga muwelye. Mula noon, nababasa ko ang mga bahagi ng Bibliya araw-araw. Hindi kataka-taka na ako’y tinawag na ang batang pinakamabagal magtrabaho!
Ang mga batang Protestante ay nagpupunta sa kanilang simbahan kung Linggo, at ang tatlong batang Katoliko ay sa kanilang simbahan, subalit ako ang nagluluto para sa lahat ng 37 bata. Napakaliit ko anupat kailangan kong tumuntong sa bangko at tangnan ang sandok nang dalawang kamay upang haluin ang sopas. Para sa aming apat na guro, kailangan kong magluto ng karne, gumawa ng cake, at maghahanda ng gulay. Kung Linggo ng hapon, kailangan naming magburda ng mga serbilyeta. Walang panahon para maglaro.
Pagkaraan ng ilang buwan, halatang-halata ang
katuwaan, ibinalita sa akin ni Miss Messinger na ang aking mahal na Inay ay dinakip at nasa isang kampong piitan.Makabagbag-damdaming mga Pagkikita-Muli
Ang digmaan ay natapos noong 1945. Gumuho ang mga kampong piitan at nangalat sa buong lupain ang pinahirapang mga biktima nito, nagpagala-gala ang libu-libo na naghahanap sa sinumang natira sa pamilya na maaaring buháy pa.
Sa paano man alam ng nanay ko kung nasaan ako, subalit nang dumating siya upang sunduin ako, hindi ko siya nakilala. Hindi kataka-taka, dahil sa dinanas niya! Nang si Inay ay dakpin, siya’y ipinadala sa kampong pinagdalhan din kay Itay, sa Schirmeck, siya nga lang ay inilagay sa kampo ng mga babae. Tumanggi siyang sulsihan ang mga uniporme ng mga sundalo at siya’y inilagay sa bartolina sa loob ng ilang buwan sa isang sisidlan sa ilalim ng lupa. Pagkatapos, upang siya’y mahawa, siya’y inilipat na kasama ng mga babaing may sipilis. Samantalang inililipat sa Ravensbrück, siya’y labis na nanghina dahil sa ubo na dala ng gutom. Nang panahong iyon tumakas ang mga Aleman, at ang mga bilanggong patungo sa Ravensbrück ay biglang naging malaya, kabilang sa kanila ang aking ina. Siya’y nagtungo sa Constance, kung saan ako naroroon, subalit isang pagsabog ng bomba sa himpapawid ang nag-iwan sa kaniyang mukha na sugatan at nagdurugo.
Nang ako’y iharap sa kaniya, hindi ko siya nakilala—ibang-iba siya, ang kaniyang mukha ay pasá-pasâ at duguan, nangayayat sa gutom, halatang may-sakit, hindi halos marinig ang kaniyang tinig. Ako’y nasanay na yumuko sa harap ng mga bisita at ipakita sa kanila ang lahat ng aking mga gawa—ang mga burda, ang mga tahi—sapagkat ang ilang babae ay nagpupunta sa bahay upang kumuha ng katulong. At ganiyan ko pinakitunguhan ang kawawang si Inay! Noon lamang dalhin niya ako sa isang hukom upang kumuha ng legal na karapatan na maiuwi ako ng bahay saka natalos kong ito pala ang nanay ko! Kapagdaka ang mga luhang pinigil ko sa nakalipas na 22 buwan ay umagos.
Pag-alis namin, ang pananalita ng direktor, si Miss Lederle, ay parang nakagiginhawang langis kay Inay. Sabi niya: “Ibinabalik ko sa iyo ang anak mo taglay ang gayunding isipan na taglay niya nang dumating siya.” Naroroon pa rin ang aking katapatan. Nasumpungan namin ang aming apartment at nagsimula kaming manirahan doon. Ang isang bagay lamang na ikinalulungkot namin ay ang pagkawala ni Itay. Siya ay itinala ng Red Cross bilang patay na.
Noong kalagitnaan ng Mayo 1945, may kumatok sa pinto. Minsan pa ako ay tumakbo upang buksan ito. Isang kaibigan, si Maria Koehl, ang nasa pinto, at sabi niya: “Simone, may kasama ako. Nasa ibaba ang tatay mo.” Nahirapan si Itay na umakyat ng hagdan, at nawala ang kaniyang pandinig. Nilampasan niya ako at dumiretso kay Inay! Ang masiglang munting 11-anyos na batang babaing nakilala niya noon ay isa nang mahiyaing tin-edyer pagkaraan ng maraming buwan. Hindi niya nakilala ang batang babaing ito sa ngayon.
Naapektuhan siya ng mga dinanas niya. Una sa Schirmeck, isang pantanging kampo, pagkatapos sa Dachau, kung saan siya’y natipos at nawalan ng malay sa loob ng 14 na araw dahil dito. Nang maglaon siya ay ginamit sa medikal na mga eksperimento. Mula sa Dachau siya ay ipinadala sa Mauthausen, isang kampong lipulán na masahol pa sa Dachau, kung saan siya ay dumanas ng mabigat na trabaho at pambubugbog at pang-aatake ng mga police dog. Subalit siya ay nakaligtas at sa wakas siya ay minsan pang narito sa bahay.
Nang ako’y maging 17, pumasok ako sa buong-panahong paglilingkod bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova at pagkatapos ay sa Gilead sa Estados Unidos, ang paaralan para sa mga misyonero ng Samahang Watch Tower. Sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahan, nakilala ko si Max Liebster, isang Alemang Judio na naging Saksi sa isa sa mga kampong piitan ni Hitler. Kami’y nagpakasal noong 1956, at sa tulong ng ating Diyos na Jehova, hanggang sa ngayon kami ay nakapanatili sa buong-panahong paglilingkod bilang mga ministrong espesyal payunir dito sa Pransiya.
Anong pagkatotoo ng mga salitang binigkas ni Inay sa kaniyang mga panalangin para sa akin maraming taon na ang nakalipas nang gabi bago niya ako iwan: “Ako po’y nagsusumamo sa inyo, oh, Jehova, panatilihin po ninyong tapat ang aking anak!”
At hanggang sa araw na ito, gayon nga ang ginawa ni Jehova!—Gaya ng inilahad ni Simone Arnold Liebster.
[Larawan sa pahina 18]
Si Simone (Arnold) Liebster at ang kaniyang asawa, si Max Liebster