Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Saan Nagmula ang Pagkamasalimuot?

Inaakala ng maraming ebolusyonista na ang sinaunang nabubuhay na mga bagay ay simple subalit ipinalagay na ito’y naging higit at higit na masalimuot sa paglipas ng mga panahon bunga ng kalikasan. Ang kamakailang mga pagsusuri ay nabigo na makasumpong ng pagkakasunud-sunod tungo sa higit na pagkamasalimuot. Sinuri ni Dr. Dan McShea, isang paleobiologist, ang naging fossil na mga gulugod ng iba’t ibang hayop; ang isa pang pagsusuri ay nagtuon ng pansin sa mga fossil ng mollusk. Alinman sa pagsusuri ay walang nasumpungang anumang katibayan ng ebolusyon na umaakay tungo sa higit na pagkamasalimuot. Ni nasumpungan man nila na nagdulot ng bentaha ang higit na pagkamasalimuot sa pananatiling buhay. Ayon sa The New York Times, sinabi ng mga dalubhasa na ang mga natuklasang ito ay “makabibigla sa maraming biyologo na nahirati sa pag-iisip sa gayong mga kausuhan.” Ganito ang sabi ng Times: “Ayon kay Dr. McShea, ang pagkaunawa na umaakay sa pagkamasalimuot ay maaaring higit na pagpapamalas ng mga pagnanais ng mga siyentipiko na makita ang ilang pagsulong ng ebolusyon kaysa pagpapamalas ng anumang biyolohikal na katotohanan.”

Pag-eehersisyo at Edad

Huli na nga bang talaga upang magpasimula ng pag-eehersisyo? Hindi naman ayon sa isang pagsusuri na isinagawa kamakailan sa dakong silangan ng Estados Unidos. Natuklasan sa isang surbey sa mahigit na 10,000 lalaki na kanilang napalawig ang katamtamang haba ng kanilang buhay anuman ang kanilang edad pagka sila’y nag-ehersisyo nang may “katamtamang sigla.” Yaong mga nasa pagitan ng 45 at 54 nang sila’y magsimula ang nakinabang nang higit, anupat napahaba ang kanilang buhay nang sampung buwan. Ang pangkat ng 65 hanggang 74 ay naragdagan ng anim na buwan, at yaong nasa 75 hanggang 84 ay naragdagan ng dalawang buwan. Idiniin ni Dr. Ralph S. Paffenbarger, na siyang nangasiwa ng pagsusuri, na ang mga ito’y aberids lamang; sa gayon, ang ilang sinurbey ay higit na nakinabang mula sa pag-eehersisyo kaysa iba. Ang pangunahing kapakinabangan ay waring ang maingatan sa mga atake sa puso. Gayunman, yaong mga nag-ehersisyo ay malamang makapag-ingat din mula sa karamdamang nakamamatay.

Mga Buto ng Tigre

Ang kahilingan para sa mga buto ng tigre na ginagamit sa tradisyunal na panggagamot sa Silangan ay nagbabadya ng panganib sa umuunting bilang ng tigre sa mundo, sabi ng magasing pangmedisina sa Britanya na The Lancet. Sa kabila ng pang-internasyonal na mga pagsisikap na sugpuin ang pangangalakal ng mga produktong galing sa tigre, ang buto ng tigre ay malawakang ipinagbibili para sa mga alak, gamot at matamis (gamot na pulbos na may halong pulut-pukyutan o arnibal). Noong 1991 lamang, isang bansa sa Asia ang di-umano’y naglabas ng 15,079 karton ng tableta, 5,250 kilo ng mga matamis, at 31,500 bote ng alak na naglalaman ng buto ng tigre. Ang nalalabing bilang ng mga tigre sa buong daigdig ay tinatayang halos 6,000 na lamang.

Ang Balakid ng Kasarian

“Kalimitan na sa Third World, ang buhay ng isang babae ay hindi gaanong mahalaga,” pasimula ng kamakailang serye ng mga ulat sa The Washington Post. Napag-alaman ng mga tagapag-ulat ng Post, pagkatapos kapanayamin ang maraming babae sa maralitang mga lugar sa Aprika, Asia, at Timog Amerika, na “ang kultura, relihiyon at ang batas ay kalimitang nagkakait sa kababaihan ng pangunahing mga karapatang pantao at kung minsan ay ibinababa sila sa halos di-makataong kalagayan.” Halimbawa, sa isang nayon sa Himalaya, ginagawa ng kababaihan ang 59 na porsiyento ng mga gawain, nagtatrabaho ng 14 na oras sa isang araw at kalimitang nagpapasan ng mahigit sa 1.5 ulit ng kanilang timbang mismo. Nasumpungan ng isang pagsusuri na “pagkatapos ng dalawa o tatlong . . . pagdadalang-tao, ay nauubos ang kanilang lakas, sila’y humihina, at sa mga huling taon sa edad na treinta ay pagal na pagal na, matanda na at pagod na, at di-nagluluwat ay namamatay na.” Ang mga batang babae ay di-gaanong pinakakain, inaalis sa mga paaralan at pinagtatrabaho nang mas maaga, at hindi gaanong binibigyan ng pansin na ipagamot kaysa mga batang lalaki. Pinapatay ng maraming babae ang mga babaing sanggol, na minamalas sila bilang napakalaking kalugihan. Sinabi ng mga tagapag-ulat na sa lalawigan ng katimugang India, ang karaniwang paraan ng pagpatay sa mga sanggol ay banlian ng sabaw ng manok ang lalamunan ng bata. Isang opisyal na pulis, nang tanungin kung ang gayong krimen ay pinarurusahan, ay sumagot: “May higit pang mahahalagang bagay. Kakaunting mga kaso ang itinatawag-pansin sa amin. Kakaunting tao ang nagmamalasakit.”

Ang Napakahalagang Buwan

Sa kapuna-punang dami ng mga salik na nagpapangyari sa planetang Lupa na maging natatanging pamuhayan, maaaring idagdag pa ng mga astronomo ang isang bagay: ang Buwan. Higit pa ang nagagawa ng ating buwan kaysa maglaan lamang ng palamuting liwanag sa gabi sa kalangitan at lumikha ng mga paglaki at pagliit ng tubig. Ayon sa mga pagsusuri sa computer ng mga astronomong Pranses, ito rin ay nakatutulong upang maayos ang paghilig ng lupa, yaon ay, ang antas ng pagtagilid sa palaikutang axis nito. Ang Mars, na wala ng gayong malaking buwan, ay waring nagbabagu-bago ng antas ng paghilig nito sa pagitan ng 10 at 50 degree sa loob ng mahabang panahon. Ang pagbabagu-bagong ito marahil ang dahilan ng mapanganib na mga pagbabago sa klima, anupat ang mga polar cap ay natutunaw at muling nagyeyelo. Isiniwalat ng mga pagsusuri sa computer na kung walang buwan, na siyang pumipigil, ang paghilig ng lupa ay maaaring pumaling ng mga 85 degree. Sa gayon, naghinuha ang mga astronomong Pranses: “Maaaring ipalagay ng isa ang Buwan bilang isang may kakayahang tagaayos ng klima sa Lupa.”

Binigyang-Pansin ng Timog Aprika ang Seksuwal na Pang-aabuso

Sa loob lamang ng limang taon, ang bilang ng mga batang hinalay sa Timog Aprika ay higit pang nadoble, ayon sa The Star, isang pahayagan sa Johannesburg. Iniuulat ng pahayagan na may 1,707 panghahalay sa mga bata ang naiulat noong 1988; noong 1992 ang bilang na iyan ay tumaas sa 3,639. Binanggit ng Minister ng Katarungan na si Kobie Coetsee ang mga bilang na iyan nang magbukas ang unang korte na nilayon upang magtuon ng pansin sa mga kaso ng panghahalay, na matatagpuan sa Wynberg, Cape Town. Siya’y nagpahayag ng pag-asa na pangangasiwaan ng hukuman ang gayong mga kaso nang mabilis at higit na may habag. Sinabi ng Kinatawang Abogadong Heneral na si Natalie Fleischack na ang bagong pagpapasimunong ito ay makababawas sa paghamak at kahihiyan na karaniwang nararanasan ng mga biktima ng panghahalay sa panahon ng paglilitis at makapagpapabilis din naman sa “sikolohikal na pagpapanibagong-buhay.”

Nakahihinalang mga Depekto sa Pagsilang sa Hungarya

Sa isang munting nayon sa timog-kanlurang Hungarya, ang isang mataas na porsiyento ng mga sanggol ay ipinanganak na may malulubhang depekto sa pagsilang noong 1989 at 1990. Sa katunayan, 11 sa 15 sanggol na isinilang sa panahong iyon ang nakaranas ng mga sakit na gaya ng Down’s syndrome at mga diperensiya sa baga, puso, at sa daanan ng pagkain. Ang bilang na ito ay 223 ulit kung ihahambing sa kalakhan ng bansa. Nagbuhos ng pansin si Andrew Czeizel, kasama ang isang pangkat ng mga siyentipikong Hungaryano at Aleman, sa isang posibleng sanhi: trichlorfon, isang pamatay-insekto. Tila noong 1988 ang nayon ng pangisdaan ay tumanggap ng isang bagong paraan ng paggamit ng trichlorfon: ang isda ay ibinabad sa walang-halong kemikal at ibinalik sa tubig na ang dami ng kemikal ay isang libong ulit kaysa iminumungkahing sukdulang dami. “Iyon ay lason,” sabi ni Czeizel tungkol sa trichlorfon. Ayon sa magasing New Scientist, ito ay unti-unting nagbabago tungo sa ibang kemikal na isandaang ulit na higit na nakamamatay at maaaring maipasa sa sanggol sa pamamagitan ng inunan ng ina.

Isinalin ng Computer

Sa kauna-unahang pagkakataon, isang computer kamakailan ang nagsasalin ng pag-uusap sa telepono sa pagitan ng mga mananaliksik sa Hapón, Alemanya, at Estados Unidos. Pagka nag-uusap, nililimitahan ng mga siyentipiko sa Kyoto, Munich, at Pittsburgh ang kanilang talasalitaan sa 550 pangkaraniwang salita at karagdagan pang 150 pantanging mga katawagan mula sa larangan ng kombensiyon at pagrereserba ng mga otel. Ito lamang ang mga salitang maaaring maunawaan at maisalin ng programa ng computer. Iniuulat ng pahayagang Süddeutsche Zeitung ng Munich na ang mga siyentipiko ay “sama-samang gumagawa ng isang computer na nagsasalin na mangangasiwa ng mga pagrereserba sa kombensiyon mula sa mga kalahok sa iba’t ibang bansa at makasasagot sa simpleng mga tanong.”

Bar ng Budista

Sa isang pagsisikap na maibalik muli ang Budismo sa nakakalat nilang kawan, ang mga paring Budista ay nagbukas ng isang bar sa Osaka, Hapón. “Noong sinaunang panahon,” sinipi ng Asahi Evening News ang isa sa mga pari na nagsasabing, “ang lahat ng uri ng tao ay nagkakatipon sa mga templo at nag-uusap habang kumakain at umiinom. Nang lumipas ang daan-daang taon, ang Budismo ay nalayo mula sa mga tao.” Labinlimang pari, ang karamihan sa kanila ay kabataan, ay naghahalinhinan bilang mga tagasilbi sa bar at nakikipag-inuman sa mga parokyano. “Ang aming bar ay isang templo sa tunay na diwa ng salita kung saan maaari mong makausap nang tapatan ang isang pari,” sabi ng namamahala. Ang mga insenso at relihiyosong mga sagisag ay nakasabit sa dingding. Ang pinatutugtog na musika ay rock.

Kaunting Alak Para sa Iyong Puso

Ang katamtamang pag-inom ng pulang alak ay maaaring makabawas sa panganib ng atake sa puso. Matagal-tagal na rin na ang mga siyentipiko ay nagugulumihanan sa tinatawag na “Kabalintunaan sa mga Pranses.” Bagaman ang katamtamang pagkain ng isang Pranses ay mayaman sa taba na nagdudulot ng mga suliranin sa puso, ang mga Pranses ay isa sa may pinakamababang bilang ng kamatayan dahil sa sakit sa puso sa mauunlad na bansa sa Kanluran. Ayon sa pahayagang Le Figaro sa Paris, na tinutukoy ang mga ulat na inilathala ng pangmedisinang magasin sa Britanya na The Lancet, inaakala ng mga siyentipiko na maaaring ito’y may kinalaman sa pulang alak na karaniwang iniinom ng mga Pranses kasama ng kanilang pagkain. Ipinakita na ang mga timplang may asido na nasa pulang alak, na tinatawag na mga phenol, ay humahadlang sa tinatawag na masamang kolesterol (LDL) na mabarahan ng taba ang mga ugat na nagiging sanhi ng mga atake sa puso. Sinabi pa ng Le Figaro na ang mga phenol na ito ay mga sangkap ng alak na walang alkohol at pagka lumabis sa sangkapat na litro sa isang araw, higit na makapipinsala ang alkohol kaysa makabuti.