Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pandaigdig na Pamahalaan—Ang United Nations ba ang Sagot?

Pandaigdig na Pamahalaan—Ang United Nations ba ang Sagot?

Pandaigdig na Pamahalaan​—Ang United Nations ba ang Sagot?

SA NAKALIPAS na ilang taon lamang ay natamo ng United Nations ang pagtitiwala at paghanga ng mundo. Para sa milyun-milyon ang daglat na “UN” ay nagpapahiwatig ng magigiting na larawan: ang mga kawal na nakasombrerong asul ay buong katapangang sumusugod sa may alitang mga lugar sa daigdig upang panatilihin ang kapayapaan, ang mga tagapagdala ng tulong na nagbibigay ng mga pagkain sa nagugutom na mga takas sa Aprika, at ang nakatalagang mga lalaki’t babae na walang kasakimang gumagawa upang pairalin ang bagong sanlibutang kaayusan.

Ayon sa siyam-na-buwang pagsisiyasat na isinagawa ng The Washington Post, gaya ng iniulat ng International Herald Tribune, ang katotohanan sa likod ng larawan ay “isang pagkalaki-laki, lubhang di-kontroladong burukrasya, na dumaranas ng mga pag-abuso at mga kakulangan na humahadlang sa pagiging mabisa nito.” Isiniwalat ng pagsusuri, salig sa libu-libong pahina ng mga dokumento at mga panayam sa kasalukuyan at datihang mga opisyal ng UN, ang sumusunod na mga kalagayan.

Tulong sa Aprika: Ang UN ay naghugos ng bilyun-bilyong dolyar ng lubhang kailangang tulong sa Aprika, isang lupain na pininsala ng digmaan, gutom, karukhaan, at sakit. Napakaraming buhay ang nailigtas.

Subalit, angaw-angaw na buhay at milyun-milyong dolyar ang nasayang dahil sa maling pangangasiwa, pagpapabaya, at, kung minsan, ay katiwalian. Ang UN ay nagdadala ng tulong sa Somalia na sinasalot ng gutom, kung saan napakaraming tao ang namamatay araw-araw. Subalit si Aryeh Neier, punong patnugot ng Human Rights Watch, ay sinipi sa Tribune na nagsasabing: “Ang United Nations at ang iba’t ibang organisasyon nito ay naging lubhang pabaya at walang kakayahan anupat halos wala silang ginampanang papel sa pagpapagaan ng paghihirap sa Somalia.”

Pinaratangan din ng pag-uulat na ang ilang opisyal ng UN ay nasangkot sa maling pagpapadala ng mga tulong na pagkain, paglustay ng salaping tulong sa mga tao, pandaraya upang makapangamkam, pagba-black-market, at tusong pagmamaneobra sa palitan ng pera. Natuklasan ng mga tagapagsiyasat ng UN ang gayong katibayan ng pandaraya sa di-kukulangin sa pitong bansa sa Aprika.

Pagpapanatili ng Kapayapaan: Ang pagpapanatili ng kapayapaan ang pangunahing tunguhin ng UN, bagaman sa nakalipas na ilang taon simula ng pagkatatag nito noong 1945, nagkaroon na ng mahigit sa isandaang malalaking alitan, at 20 milyon katao ang nasawi sa digmaan. Gayunman, simula noong 1987 ang UN ay nagpasimula na ng 13 kilusan sa pagpapanatili ng kapayapaan, na kasindami ng sa buong kasaysayan nito bago noon.

Bagaman maaaring nangangatuwiran ang ilan na mas pipiliin nila ang gumastos para sa kilusang ito kaysa sa kakila-kilabot na dulot ng digmaan, marami ang dumaraing na nagiging labis naman ang mga bagay-bagay. Halimbawa, ang mga kilusang pangkapayapaan ay tumatagal sa loob ng mga dekada, gumugugol ng daan-daang milyong dolyar samantalang ang mga pag-uusap ay nananatiling walang-saysay. Ang pangkapayapaang misyon ng UN sa Cambodia ay naglalaan ng mahigit na $1 milyon para sa mga TV set at mga VCR para sa mga kawal at karagdagan pang $600,000 para sa mga magasin at suskrisyon ng pahayagan.

Pagpapabuti: May laganap na mga panawagan para sa pagbabago sa UN mismo, subalit nagkakaiba-iba ang mga palagay sa kung ano ang kinakailangang baguhin. Ang nagpapaunlad na mga bansa ay humihiling ng higit na pagpapahayag ng palagay sa paraan ng pagpapasiya at nagnanais na palawakin ang mga programang pang-ekonomiya at pansosyal. Ang mauunlad na bansa ay nagnanais bawasan ang mga programang ito at wakasan ang katiwalian, maling pangangasiwa, at paglustay.

Ganito ang sabi ng isang matagal nang opisyal ng UN: “Upang talagang makapagbago, kailangang gawin mo ang isang bagay na lubusang imposibleng gawin sa burukrasya: Kailangang linisin mo ang dako. Upang makagawa ng isang may kabuluhang bagay, kailangang tuklapin mo ang mga taliptip na 45 taon nang nakadikit, at napakarami ng taliptip na iyan.”

Bagaman nauunawaan ng mga Kristiyano ang pangangailangan para sa isang pamahalaan upang mangasiwa sa mga kalagayan ng sangkatauhan, hindi sila naniniwala na ang United Nations ang sagot. Sa halip, sila’y umaasa sa Kaharian ng Diyos, ang pamahalaan na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga alagad.​—Mateo 6:10.