Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Karaniwang Maling mga Palagay

Karaniwang Maling mga Palagay

Karaniwang Maling mga Palagay

Maling Palagay: Ang mga mang-aabúso ng bata ay karaniwang mga di-kilala, nawawalan ng katinuan ng isip na dinudukot ang mga bata at dinadahas upang abusuhin sila.

Sa karamihan ng mga kaso​—mula 85 hanggang 90 porsiyento ayon sa ilang pagtaya—​ang mang-aabúso ay isang taong kilala at pinagtitiwalaan ng bata. Sa halip na dahasin, kalimitang unti-unting nililinlang ng mga mang-aabúso ang bata na gumawa ng seksuwal na mga gawain, sinasamantala ang kawalang-muwang at kamangmangan ng bata. (Ihambing ang 1 Corinto 13:11 at Kawikaan 22:15.) Ang mga mang-aabúsong ito ay hindi ang uring tumutulo ang laway na laging nag-iisa. Marami ay relihiyoso pa man din, iginagalang, at naiibigan sa komunidad. Ayon sa U.S. Federal Bureau of Investigation, “ang ipagpalagay na ang isa ay hindi isang pedophile dahil lamang sa siya’y mabuting tao, nagsisimba, masipag, mabait sa mga hayop, at iba pa, ay walang katotohanan.” Ipinakikita ng kamakailang pananaliksik na hindi rin tamang ipagpalagay na ang lahat ng mang-aabúso ay lalaki o na ang lahat ng biktima ay babae.

Maling Palagay: Ang mga bata ay kumakatha o nagsisinungaling tungkol sa seksuwal na pang-aabuso.

Sa ilalim ng normal na mga kalagayan ang mga bata ay kulang sa karanasan o kasanayan sa mga bagay tungkol sa sekso para kumatha ng tahasang mga paghayag ng pang-aabuso, bagaman maaaring malito ang ilang paslit na mga bata tungkol sa mga detalye. Kahit na ang pinakanag-aalinlangang mga mananaliksik ay sumasang-ayon na karamihan sa mga isinasaysay tungkol sa pang-aabuso ay totoo. a Isaalang-alang ang aklat na Sex Abuse Hysteria​—Salem Witch Trials Revisited, na nagtutuon ng pansin sa maling mga salaysay ng pang-aabuso. Inaamin ng aklat na ito: “Ang tunay na panghahalay sa mga bata ay laganap at ang karamihan ng panghahalay na sinasabi ng mga bata . . . ay malamang na bigyang-matuwid pa (marahil 95% o higit pa).” Labis na nahihirapan ang mga bata na isuplong ang pang-aabuso. Pagka sila’y nagsinungaling tungkol sa pang-aabuso, ito’y kalimitang pagtanggi sa nangyari bagaman ito’y talagang nangyari.

Maling Palagay: Ang mga bata ay nang-aakit at kalimitang inaabuso dahil sa kanilang paggawi.

Ang kaisipang ito ay totoong baluktot, yamang, ang totoo, sinisisi nito ang biktima dahil sa pang-aabuso. Ang mga bata ay walang tunay na pagkaunawa sa seksuwalidad. Wala silang idea kung ano ang ipinahihiwatig ng gayong gawain o kung paano sila mababago nito. Sa gayon wala silang kakayahan na sumang-ayon dito para sa pansariling kasiyahan. Ang mang-aabúso, at mang-aabúso lamang, ang dapat sisihin sa pang-aabuso.​—Ihambing ang Lucas 11:11, 12.

Maling Palagay: Pagka ipinagtapat ng mga bata ang tungkol sa pang-aabuso, dapat ituro ng mga magulang na iwasan nilang ipakipag-usap ito at ‘kalimutan na lamang ito.’

Sino ba ang napapabuti nang husto kung ang bata ay mananahimik na lamang tungkol sa pang-aabuso? Hindi ba ang mang-aabúso? Sa katunayan, ipinakita ng mga pagsusuri na ang pagtanggi nang may pagtitimpi ay maaaring ang pinakadi-mabisang paraan ng pagbatá sa pangit na karanasan ng pang-aabuso. Sa siyam na paraan ng pagbatá na ginamit ng isang pangkat ng mga adultong nakaranas ng pag-abuso na sinuri sa Inglatera, yaong mga tumanggi, umiwas, o nagpigil sa suliranin ang nagdanas ng higit na matinding suliranin sa emosyon at kabagabagan sa kanilang buhay bilang isang adulto. Kung ikaw ay nakaranas ng isang nakatatakot na panghahalay, ibig mo bang sabihan ka na huwag ipakipag-usap iyon? Bakit ninyo sasabihin iyon sa isang bata? Ang pagpapahintulot sa bata na magkaroon ng normal na reaksiyon sa gayong nakasisindak na pangyayari, gaya ng pagkahapis, pagkagalit, pagdadalamhati, ay magbibigay sa kaniya ng pagkakataon na limutin sa dakong huli ang nakaraan.

[Talababa]

a Sa ilang kaso ng pagdidiborsiyo, ang isa sa mga nangangatuwirang adulto ay napag-alamang gumagamit ng paratang na pang-aabuso sa bata bilang isang pananggalang.