Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Kapansanan Makatotohanang tinalakay ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kailangan Kong Pagtiisan ang Isang Kapansanan?” (Mayo 22, 1993) ang suliraning ito. Ang aking mga paa ay lumpo at napakasensitibo ko pagka nakatingin ang mga tao sa akin na parang naaawa. Ang pinakanakasasakit sa aking kalooban ay pagka may nagbibigay sa akin ng abuloy—para bang ako’y isang pulubi! Ang nakaaaliw sa akin ay ang mabatid na hindi tumitingin si Jehova sa pisikal na kalagayan kundi siya’y “tumitingin sa puso.”—1 Samuel 16:7.
A. A. A. S., Brazil
Hindi ako sang-ayon sa sinabi ninyo na isang sakit ang cerebral palsy (paralisis sa utak). Ang cerebral palsy ay isang kalagayan na sanhi ng pagkapinsala sa utak, karaniwang nangyayari bago, sa panahon mismo, o pagkatapos ng pagsilang. Hindi ito lumulubha ni nakahahawa. Hindi ito isang sakit at hindi dapat tukuyin nang gayon.
L. Z., Estados Unidos
kinalulungkot namin kung nakabahala sa inyo ang aming pagpili ng mga salita. Ginamit namin ang salitang “sakit” dahil sa pangkalahatang diwang ibinigay ng “Webster’s New Collegiate Dictionary,” alalaong baga’y, “isang kalagayan . . . na pumipinsala sa pagkilos ng isang mahalagang gawain.”—ED.
Pagtutuli sa mga Babae Salamat sa inyong pagbubunyag kung gaano kalupit at kasamâ ang pagpuputol sa bahagi ng ari ng babae! (“Angaw-angaw ang Nagdurusa—Matutulungan ba Sila?” Abril 8, 1993) Kung isang bata man lamang ang maililigtas sa pagdurusa ng lihim, kahindik-hindik na mabigat na kasalanang ito, sa gayo’y mapatutunayang kapaki-pakinabang ang paglalathala ng artikulong ito.
J. C., Estados Unidos
Naiyak ako na isiping ang mga magulang ang dahilan ng pagdurusa ng walang-kayang mga bata. Ang mga balitang gaya nito ay hindi inilalathala sa aming pahayagan, kaya ako’y nagpapasalamat sa inyong pagbibigay ng pinakabagong impormasyon.
C. C. G. M., Brazil
Araling-Bahay Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Magagawa Ko Tungkol sa Napakaraming Araling-Bahay?” (Abril 8, 1993) Nabasa ko ang artikulo nang ako’y totoong naiigting dahil sa napakaraming araling-bahay. Wala akong panahon para makapagpahingalay o maghanda para sa Kristiyanong mga pagpupulong. Ikinakapit ko na ngayon ang inyong mga payo.
M. H., Estados Unidos
Mandayuhan Natutuwa akong ipahayag ang aking pagpapasalamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Lumipat sa Isang Mas Maunlad na Bansa?” (Abril 22, 1993) Ako’y 16 na taóng gulang at nag-iisip na mandayuhan sa isang bansa kung saan maaari akong magkaroon ng mas mabuting kalagayan sa buhay. Subalit pagkatapos kong basahin ang artikulo, nabatid ko na hindi mahalaga kung saan tayo nakatira. Kung uunahin natin ang Kaharian ni Jehova sa ating buhay, tiyak na tayo’y sasagana [sa espirituwal] yamang tutulungan tayo ni Jehova.
V. L. A., Brazil
Paggahasa Magkahalong tuwa at lungkot ang aking nadama nang matanggap ko ang “Panggagahasà—Ang Kinatatakutan ng Isang Babae,” na labas ng Marso 8, 1993. Alam ninyo, ang aking ina, na isang buong-panahong ebanghelisador sa loob ng maraming taon, ay biktima ng isang nakatatakot na panghahalay at tangkang panghahalay sa loob ng kaniyang tahanan. Nakatulong ang pagbabasa ng mga artikulong ito sa pagpapagaling.
P. G., Estados Unidos
Ako ang ikalawang direktor ng “Family Violence and Sexual Assault Services” sa aming lugar. Nahikayat kami ng isa sa inyong mga kabataang ministro na magbasa ng Gumising! nang talakayin niya ang usapin tungkol sa pang-aabuso sa bata. (Oktubre 8, 1991) Ngayon kami ay nagpapasuskribe. Nais kong malaman ninyo kung gaano ang paghanga ko sa inyong mga labas tungkol sa karahasan sa tahanan at panghahalay. Mahusay ang pagkasulat ng mga ito at sinaliksik ito nang lubusan.
D. G., Estados Unidos