Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naipagtanggol ang mga Saksi ni Jehova sa Usapin ng Pangangalaga sa Bata

Naipagtanggol ang mga Saksi ni Jehova sa Usapin ng Pangangalaga sa Bata

Naipagtanggol ang mga Saksi ni Jehova sa Usapin ng Pangangalaga sa Bata

MATAGAL nang ipinaglalaban ni Ingrid Hoffmann ang pangangalaga sa kaniyang dalawang anak mula pa noong kalagitnaan ng nakalipas na dekada. Siya’y isang babaing taga-Austria, na isinilang at pinalaking isang Romano Katoliko. Siya’y napakasal sa isang kapuwa Katoliko, at nagsilang ng isang anak na lalaki noong 1980 at isang anak na babae noong 1982. Subalit nagdiborsiyo silang mag-asawa noong 1983; kapuwa naghangad ang mga magulang ng pangangalaga sa mga anak. Ipinaratang ng ama na ang relihiyon ng ina​—siya ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova—​ay maaaring makasamâ sa mga bata, mapagkaitan sila ng isang normal, mabuting pagpapalaki. Binanggit niya ang mga usaping gaya ng pagtangging magdiwang ng mga Saksi ng ilang pistang pangilin na karaniwan sa kaniyang bansa at ng kanilang pagtangging magpasalin ng dugo.​—Gawa 15:28, 29.

Ang paimbabaw na mga pangangatuwirang ito ay hindi pinaniwalaan. Kapuwa ang hukuman sa paglilitis at ang hukuman sa pag-apela ay tumanggi sa mga pag-aangkin ng ama at ipinagkaloob ang pangangalaga sa ina. Gayunman, noong Setyembre 1986, binaligtad ng Korte Suprema ng Austria ang mga pasiya ng mababang hukuman. Ipinahayag nito na nilabag ng mga pagpapasiyang ito ang Austrian Religious Education Act, isang batas na humihiling sa mga batang isinilang na Katoliko na maturuan bilang mga Katoliko. Ipinasiya rin ng hukuman na hindi makabubuti para sa mga bata na sila’y mapalaki bilang mga Saksi ni Jehova!

Anong pagdulog ang ginawa ni Ingrid Hoffmann laban sa napakalupit na relihiyosong pagtatanging ito? Iniharap ang kaniyang kaso sa Europeong Komisyon ng mga Karapatang Pantao noong Pebrero 1987. Noong Abril 13, 1992, idinulog ng komisyong ito, na binubuo ng mga hurista na kumakatawan sa iba’t ibang bansa na miyembro ng Council of Europe, ang kaso sa ganap na pagdinig sa harap ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao.

Ang hukuman ay nagpasiya noong Hunyo 23, 1993. Ganito ang pahayag nito: “Sa gayon ay tinatanggap ng Europeong Hukuman na nagkaroon ng pagkakaiba sa pakikitungo sa kaso at na ang pagkakaibang iyon ay dahilan sa relihiyon; ang pasiyang ito ay itinataguyod ng paraan at pagpapahayag ng pagsusuri ng Korte Suprema [ng Austria] may kinalaman sa makatuwirang mga dahilan ng relihiyon ng dumudulog. Ang gayong pagkakaiba sa pakikitungo ay may pagtatangi.” [Amin ang italiko.] Sinabi pa nito na “naiibang pinagtimbang-timbang ng [Korte Suprema] ang mga kalagayan mula sa mabababang hukuman, na ang pangangatuwiran ay higit na itinaguyod ng kuru-kuro ng dalubhasa sa sikolohiya. Sa kabila ng anumang posibleng mga pangangatuwiran na salungat dito, ang pagtatangi na pangunahin nang salig sa pagkakaiba lamang ng relihiyon ay hindi tinatanggap.”

Sa pamamagitan ng boto ng lima sa apat, nagpasiya ang mga hukom na pabor kay Ingrid Hoffmann at laban sa Austria, na nagsasabi, sa katunayan, na may pagtatangi ang Austria laban sa kaniya salig sa kaniyang relihiyon at nilabag ang kaniyang karapatan na siya’y magpamilya. Bukod pa riyan, dahil sa boto ng walo sa isa, siya’y pinagkalooban ng mga hukom ng bayad pinsala.

Ang di-malilimot na tagumpay na ito sa relihiyosong kalayaan ay naganap isang buwan lamang pagkatapos ng isang pagkapanalo sa mismong hukuman ding iyon​—ang kaso ng Kokkinakis v. Greece, na nagpatunay na nilabag ng Gresya ang karapatan ng tao na ipangaral ang Salita ng Diyos sa bahay-bahay. Ang mga umiibig sa kalayaan sa buong daigdig ay nagagalak nang mabigo ang gayong mga pagtatangka na supilin ang relihiyosong kalayaan at naingatan ang personal na mga karapatan na sambahin ang Diyos at magpamilya ayon sa mga simulain ng Bibliya.