Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Natin Maiingatan ang Ating mga Anak?

Paano Natin Maiingatan ang Ating mga Anak?

Paano Natin Maiingatan ang Ating mga Anak?

“Huwag kang magsusumbong. Ililihim natin iyon.”

“Walang maniniwala sa iyo.”

“Kung magsusumbong ka, magagalit sa iyo ang mga magulang mo. Malalaman nilang ikaw ang may kasalanan.”

“Ayaw mo na bang maging matalik na kaibigan ko?”

“Ayaw mo akong mabilanggo, hindi ba?”

“Papatayin ko ang mga magulang mo kapag nagsumbong ka.”

PAGKATAPOS na gamitin ang mga bata upang pagbigyan ang kasakiman sa laman, pagkatapos na pagkaitan sila ng kanilang seguridad at ng kanilang kawalang-malay, mayroon pa ring kailangan ang mga mang-aabúso ng bata sa kanilang mga biktima​—PANANAHIMIK. Upang matiyak ang pananahimik, ginagamit nila ang pagkapahiya, paglilihim, maging ang hayagang pananakot. Kaya pinagkakaitan ang mga bata ng kanilang pinakamagaling na sanggalang laban sa pang-aabuso​—ang pagnanais na magsumbong, magsabi at humingi ng proteksiyon mula sa isang matanda.

Nakapanlulumo, madalas na hindi namamalayan ng lipunan ng mga nakatatanda na tinutulungan nila ang mga mang-aabúso sa bata. Sa paano? Sa pagtangging alamin ang panganib na ito, sa patuloy na pananahimik, sa paniniwala sa paulit-ulit na mga kathang kuwento. Ang kawalang-alam, maling impormasyon, at pananahimik ay nagbibigay ng proteksiyon sa mga mang-aabúso, hindi sa kanilang mga biktima.

Halimbawa, ipinagpalagay kamakailan ng Canadian Conference of Catholic Bishops na ang “pangkalahatang kasunduan na manahimik” ang dahilan upang magpatuloy ang karumal-dumal na pang-aabuso sa bata sa gitna ng mga klerong Katoliko sa loob ng ilang dekada. Ang magasing Time, sa ulat tungkol sa paglaganap ng salot ng insesto, ay tumukoy rin sa “kasunduan na manahimik” na isang dahilan upang “lalong panatilihin ang trahedya” sa mga pamilya.

Gayunman, sinabi ng Time na ang kasunduang ito ay nabubuwag na rin sa wakas. Bakit? Sa isang salita, edukasyon. Gaya ng sabi ng magasing Asiaweek: “Lahat ng mga eksperto ay sumasang-ayon na ang pinakamabisang pananggalang sa pang-aabuso sa bata ay ang kabatiran ng publiko.” Upang ipagtanggol ang kanilang mga anak, dapat na maunawaan ng mga magulang ang katotohanan ng banta. Huwag hayaang mangapa sa dilim dahil sa mga maling palagay na nagsasanggalang sa mga mang-aabúso ng mga bata at hindi sa mga bata mismo.​—Tingnan ang kahon sa ibaba.

Turuan ang Inyong Anak!

Sinabi ng matalinong si Haring Solomon sa kaniyang anak na ang kaalaman, karunungan, at kakayahang umisip ay magsasanggalang sa kaniya “mula sa daan ng kasamaan, sa taong nagsasalita ng masasamang bagay.” (Kawikaan 2:10-12) Hindi nga ba’t iyan ang kailangan ng mga bata? Ganito ang sabi ng pamplet ng FBI na Child Molesters: A Behavioral Analysis sa ilalim ng titulong “Ang Pinakaangkop na Biktima”: “Para sa maraming bata ang sekso ay paksang hindi dapat pag-usapan anupat kakaunting tumpak na impormasyon lamang ang kanilang tinatanggap, lalo na kung magmumula sa kanilang mga magulang.” Huwag hayaang maging “pinakaangkop na mga biktima” ang inyong mga anak. Turuan sila tungkol sa sekso. a Halimbawa, hindi dapat na marating ng isang bata ang kaniyang pagdadalaga o pagbibinata nang hindi man lamang niya alam kung papaano nagbabago ang katawan sa panahong ito. Ang pagkawalang-alam ay magiging dahilan upang sila’y malito, mahiya​—at maging mabuwáy.

Isang babae na tatawagin nating Janet ang hinalay nang bata pa, at pagkalipas ng mga taon ang kaniyang dalawang anak ay hinalay rin. Naalaala niya: “Sa paraan ng pagpapalaki sa amin, hindi namin kailanman pinag-usapan ang sekso. Kaya lumaki akong ikinahihiya iyon. Ito’y nakasisirang-puri. At nang magkaanak ako, gayon na naman. Nasasabi ko sa mga anak ng iba ngunit hindi sa aking sariling mga anak. Para sa akin iyon ay hindi tama sapagkat ang mga bata ay nagiging mabuway kapag hindi mo sinasabi sa kanila ang tungkol sa mga bagay na ito.”

Ang pag-iwas sa pang-aabuso ay maaaring ituro habang bata pa. Kapag itinuturo mo sa mga bata ang mga bahagi ng katawan gaya ng ari ng babae, ang dibdib (breasts), ang labasan ng dumi, ang ari ng lalaki, sabihin sa kanila na ang mga bahaging ito ay mabuti, ang mga ito ay natatangi​—ngunit ang mga ito ay pribado. “Hindi dapat pakialaman ng ibang tao​—kahit ng Mommy at Daddy—​at maging ng doktor maliban lamang kung naroroon ang Mommy o Daddy o nagsabing payag sila.” b Ang gayong pangungusap ay dapat na manggaling sa dalawang magulang o sa bawat nakatatandang tagapangalaga.

Sa The Safe Child Book, sinabi ni Sherryll Kraizer na bagaman dapat na huwag mag-atubili ang mga bata na waling-bahala, sigawan, o layuan ang isang mang-aabúso, ipinaliliwanag sa bandang huli ng mga batang inabuso na ayaw nilang magmukhang walang-galang. Kaya dapat maunawaan ng mga bata na ang ilang nakatatanda ay gumagawa ng masasamang bagay at na hindi komo’t siya’y isang bata ay susunod na siya kaninuman na magsasabi sa kaniyang gawin ang isang bagay na masama. Sa gayong mga pagkakataon ang isang bata ay may ganap na karapatan na magsabi ng ayoko, gaya ng sinabi ni Daniel at ng kaniyang mga kasama sa mga nakatatandang taga-Babilonya na ibig magpakain sa kanila ng maruruming pagkain.​—Daniel 1:4, 8; 3:16-18.

Ang isang paraan ng pagtuturo na laging iminumungkahi ay ang larong “Ano kaya kung . . . ?” Halimbawa, maaaring itanong mo: “Ano kaya kung sabihin sa iyo ng guro mo na suntukin mo ang isang bata? Ano ang gagawin mo?” O: “Ano kaya kung sabihin sa iyo ng (Mommy, Daddy, ministro, pulis) na tumalon ka mula sa isang mataas na gusali?” Maaaring kulang ang sagot ng bata o talagang mali, ngunit huwag mo siyang itutuwid nang pagalít. Hindi kailangang samahan ang laro ng panggugulat o pananakot; sa katunayan, iminumungkahi ng mga eksperto na laruin iyon sa isang paraang mahinahon, mapagmahal, at masaya.

Sumunod, turuan ang mga bata na tumanggi sa mga nagpapakita ng pagmamahal na hindi naman angkop o nagiging dahilan upang sila’y maging di-komportable. Itanong, halimbawa, “Ano kaya kung ibig kang hagkan ng isang kaibigan ng Mommy at Daddy mo sa paraang naaasiwâ ka? ” c Malimit na ang pinakamabuti’y ipagawa sa bata ang kaniyang gagawin anupat ginagawa iyon na isang larong “Kunwa-kunwarian tayo.”

Sa katulad na paraan, matututuhan ng mga bata na labanan ang iba pang taktika ng mga mang-aabúso. Halimbawa, maitatanong mo: “Ano kaya kung may magsabi, ‘Alam mo, paborito kita. Gusto mo bang maging kaibigan ko?’ ” Kapag natutuhan na ng bata ang pag-iwas sa gayong mga taktika, pag-usapan naman ang iba pa. Maitatanong mo: “Kung may magsasabi, ‘Ayaw mong masaktan ang damdamin ko, hindi ba?’ Ano ang sasabihin mo?” Ipakita sa bata kung paano magsasabi ng ayoko sa mga salita at ng tiyak, matatag na posisyon ng katawan. Tandaan, madalas na sinusubukan ng mga mang-aabúso kung paano tutugon ang mga bata sa mapandayang pang-aakit. Kaya ang bata ay dapat turuang matatag na tumanggi at sabihin, “Isusumbong kita.”

Maging Puspusan sa Inyong Pagsasanay

Huwag limitahan ang gayong pagsasanay sa minsanang pag-uusap lamang. Kailangan ng mga bata ang higit na pag-uulit. Kayo ang bahalang magpasiya kung gaano kaespesipiko gagawin ang pagsasanay. Ngunit dapat na maging puspusan.

Halimbawa, tiyakin na maunahan ang anumang pagtatangka ng isang mang-aabúso na makipaglihiman. Dapat na maunawaan ng mga bata na kailanman ay hindi naging tama na hilingin ng isang nakatatanda na paglihiman ang sinuman sa mga magulang. Tiyaking muli sa kanila na laging angkop na sila’y magsumbong​—kahit nakapangako na silang hindi magsusumbong. (Ihambing ang Bilang 30:12, 16.) Tinatakot ng ilang mang-aabúso ang bata kapag nalaman nilang sinuway ng bata ang ilang patakaran sa pamilya. Ang mensahe ay “Hindi kita isusumbong kung hindi mo rin ako isusumbong.” Kaya dapat maunawaan ng mga bata na hindi sila kailanman mapagagalitan dahil sa pagsusumbong​—kahit sa ilalim ng ganitong mga kalagayan. Walang masama sa pagsusumbong.

Turuan din na harapin ang pagbabanta. Ang ilang mang-aabúso ay pumapatay ng maliliit na hayop sa harap ng isang bata at pinagbabantaan na gayon ang gagawin sa kanilang mga magulang. Tinatakot ng ilan ang kanilang biktima na kanilang hahalayin ang mga nakababatang kapatid. Kaya ituro sa mga bata na palaging isusumbong ang mga mang-aabúso, anumang pananakot ang gawin.

Hinggil dito ang Bibliya ay maaaring maging isang pantulong sa pagtuturo. Dahil sa maliwanag na idiniriin nito ang makapangyarihang lakas ni Jehova, makakayanan nito ang pananakot ng mang-aabúso. Dapat malaman ng mga bata na anumang pananakot ang gawin, matutulungan ni Jehova ang kaniyang bayan. (Daniel 3:8-30) Kahit na saktan ng masasamang tao ang mga iniibig ni Jehova, maaalis niya ang naging pinsala at mapabubuting muli ang mga bagay-bagay. (Job, kabanata 1, 2; Job 42:10-17; Isaias 65:17) Tiyakin sa kanila na nakikita ni Jehova ang lahat, pati na ang mga taong gumagawa ng masasamang bagay at ang mabubuting tao na gumagawa nang kanilang makakaya upang paglabanan ang mga iyon.​—Ihambing ang Hebreo 4:13.

Maingat na Gaya ng mga Ahas

Hindi karaniwan sa mga pedophile na gumamit ng pisikal na lakas upang abusuhin ang isang bata. Malimit na kinakaibigan muna nila ang mga bata. Ang payo ni Jesus na maging “maingat na gaya ng mga ahas” ay angkop kung gayon. (Mateo 10:16) Ang maingat na pangangalaga ng maibiging mga magulang ay isa sa pinakamagagaling na sanggalang sa pang-aabuso. Ang ilang mang-aabúso ay naghahanap ng nagsosolong bata sa pampublikong lugar at kinakausap upang hikayatin ang bata. (“Gusto mo ba ng motorsiklo?” “Halika tingnan mo ang mga tuta sa aking trak.”) Totoo, hindi naman maaaring palagi kayong kasama ng inyong mga anak sa lahat ng pagkakataon. At inaamin ng mga eksperto sa pag-aalaga ng mga bata na kailangan din ng mga bata ang maging malaya. Subalit ang matatalinong magulang ay maingat kung tungkol sa pagkakaloob ng higit na kalayaan nang wala sa panahon.

Tiyakin na makilalang mabuti ang sinumang nakatatanda o may edad-edad na mga kabataan na malapít sa inyong mga anak, anupat lalong nag-iingat sa pagpapasiya kung sino ang mag-aalaga sa inyong mga anak kapag kayo ay wala. Mag-ingat sa mga tagapag-alaga ng bata na nagdudulot sa inyong mga anak ng kakaibang damdamin o pagiging di-komportable. Gayundin, mag-ingat sa mga tin-edyer na waring labis na interesado sa mga mas nakababata at walang mga kaibigan na kasing-edad nila. Suriing mabuti ang mga pasilidad ng day-care at mga paaralan. Tingnan ang buong kapaligiran at kausapin ang mga tauhan, na minamanmanang mabuti kung papaano sila nakikitungo sa mga bata. Itanong kung maaari kayong dumaan anumang panahon na ibigin ninyo upang alamin ang kalagayan ng inyong mga anak; kung ayaw nila, humanap ng iba.​—Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 8, 1987, pahina 3-11.

Gayunman, ang mapait na katotohanan ay na hindi kayang kontrolin kahit na ng pinakamagagaling na magulang ang lahat ng nangyayari sa kanilang mga anak.​—Eclesiastes 9:11.

Kung nagkakaisa ang mga magulang, may isang bagay na maaari nilang makontrol: ang kalagayan sa tahanan. At yamang madalas na sa tahanan nagaganap ang pang-aabuso sa bata, diyan iinog ang pag-uusap sa susunod na artikulo.

[Mga talababa]

b Mangyari pa, pinaliliguan at binibihisan ng mga magulang ang maliliit na bata, at sa mga pagkakataong iyon ay hinuhugasan ng mga magulang ang mga pribadong bahagi. Subalit turuan agad ang inyong mga anak na maligong mag-isa; ang ilang eksperto sa pag-aalaga ng mga bata ay nagmumungkahi na matutuhan nilang hugasan ang kanilang pribadong mga bahagi sa edad na tatlo hangga’t maaari.

c Nagbababala ang ilang eksperto na kung pinipilit mo ang iyong anak na hagkan o yakapin ang bawat taong humihiling ng gayong pagpapakita ng pagmamahal, maaari mong masira ang pagsasanay na ito. Kung gayon, ang ilang magulang ay nagtuturo sa mga bata na magdahilan o iba na lang ang gawin sa paraang magalang kapag ipinagagawa sa kanila ang ayaw nila.

[Kahon sa pahina 7]

Pasigaw Siyang Humingi ng Tulong

“PINIGIL ng Pagsusumamo kay Jehova ang Mánghahalay sa Pagsalakay sa Kabataan,” ang sabi ng isang ulo ng balita sa pahayagang The Arizona Republic, ng E.U. noong Mayo 5, 1993. Dinukot ng nasabing mánghahalay ang 13-taóng-gulang na kabataan habang nakatutok ang baril nito, at dinala siya sa sariling apartment ng kriminal. Nang sumigaw ang kabataan ng, “Jehova, tulungan po ninyo ako!” natigatig ang mánghahalay at pinakawalan ang batang lalaki. Pagkaraan ay dinakip ng pulis ang lalaki.

Bagaman ang pagtawag sa pangalan ni Jehova ay totoong angkop sa ilalim ng gayong mga kalagayan, hindi nangangahulugan na ang mga lingkod ni Jehova ay maliligtas mula sa pagsalakay sa mapanganib na “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Dapat sanayin kung gayon ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang mga anak na mag-ingat sa lahat ng di-kilala, maging ito man ay waring may autoridad.

[Larawan sa pahina 8]

Ituro sa bata ang paggamit ng mga pananalita at ng tiyak, matatag na posisyon ng katawan upang maiwasan ang pagsasamantala