Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-aliw sa mga Adultong May Masakit na Alaala Nang Bata Pa

Pag-aliw sa mga Adultong May Masakit na Alaala Nang Bata Pa

Pag-aliw sa mga Adultong May Masakit na Alaala Nang Bata Pa

SILA’Y palakaibigang mag-asawa, iginagalang na mabuti sa kongregasyon. Subalit ang kaniyang tinig ay nakababahala nang kaniyang sabihing kung maaari’y tulungan sila ng isang elder, at ang babae ay umiiyak. Siya’y nakararanas ng mga yugto ng matinding panlulumo at pagkamuhi sa sarili, at ng pagpapatiwakal pa nga. Siya ay hinalay noong siya’y bata pa. Nagpapasalamat na naglaan ng patnubay ang organisasyon ni Jehova kung paano matutulungan ang mga biktima ng gayong mga krimen, pinag-aralan ng elder ang mga sulat ng Samahan sa matatanda gayundin ang Oktubre 8, 1991, mga artikulo ng Gumising! at ang Oktubre 1, 1983, ang artikulo ng Bantayan na tumalakay sa paksang ito. Narito ang ilan sa kapaki-pakinabang na mga puntong mula sa mga pinagkunang ito.

1. Makinig, makinig, makinig. Pagka nagasgas ang tuhod ng isang bata, ang una niyang gagawin ay tumakbo kay Inay o Itay upang maaliw. Subalit ang isang batang inabuso ay maaaring wala man lamang ganiyang mapagpipilian. Kaya bilang isang adulto, gayundin ang kaniyang kailangan​—na sabihin iyon, ipakipag-usap iyon, aliwin ng isang madamaying tagapakinig. (Ihambing ang Job 10:1; 32:20.) Nang dalawin ng elder ang mag-asawang nabanggit, nagtaka ang asawang lalaki dahil sa di-gaanong nagsalita ang elder subalit gayon na lamang siya nakinig. Palibhasa’y napakapraktikal, matulunging tao ang asawang lalaki, naunawaan niya na sinisikap niyang lutasin ang suliranin sa pamamagitan ng pagbibigay katuwiran sa emosyon, sinisikap na ituwid ang mga damdaming waring walang katuwiran sa kaniya. Natalos niya na kailangan ng kaniyang asawa ang higit na empatiya kaysa sa mga paliwanag. (Ihambing ang Roma 12:15.) Kinailangan niyang marinig na may makatuwiran siyang mga dahilan sa kaniyang nadama.

2. Isiwalat ang Kasinungalingan. Itinuturo ng pang-aabuso sa mga bata na sila’y marurumi, hindi kaibig-ibig, walang-halaga. Gaya ng huwad na relihiyosong mga turo, maaaring gawing napakahirap ng mga kaisipang ito ang pagkakaroon ng isang mabuting kaugnayan kay Jehova. Kaya isiwalat ang mga kasinungalingan, at halinhan ang mga ito ng katotohanan​—nang mahinahon, nang paulit-ulit, nang may pagtitiis. Mangatuwiran mula sa Kasulatan. (2 Corinto 10:4, 5) Halimbawa: “Nauunawaan kong nadarama mong marumi ka. Subalit ano ang nadarama ni Jehova sa iyo? Kung pinahintulutan niyang mamatay ang kaniyang Anak at maglaan ng isang pantubos para sa iyo, hindi ba nangangahulugan iyan na mahal ka niya? [Juan 3:16] Sa Kaniyang paningin, ginawa ka bang marumi ng pang-aabuso, o ginawa niyaong marumi ang mang-aabúso? Tandaan, sinabi ni Jesus: ‘Walang ano mang nasa labas ng katawan ng tao na pagpasok sa kaniya ay nakapagpaparungis sa kaniya; kundi ang mga bagay na nagsisilabas sa tao ang nakarurungis sa isang tao.’ [Marcos 7:15] Talaga bang sa iyo nagmula ang pang-aabuso, sa isang bata? O binalak iyon ng mang-aabúso sa kaniya mismong isip?”

3. Magsalita nang may kaaliwan. Ang bawat indibiduwal ay natatangi, kaya ang payo ni Pablo na “aliwin ang mga kaluluwang namamanglaw” ay iba-iba ang pagkakapit sa bawat kalagayan. (1 Tesalonica 5:14) Gayunman, waring bihirang makaaliw ang simpleng pakikipag-usap. Halimbawa, ang basta pagsasabi sa nakaranas ng pang-aabuso na higit na magbasa ng Bibliya, mangaral nang higit, o ‘basta ilagay ang pasan kay Jehova’​—bagaman kung minsa’y nakatutulong ang mga mungkahing ito—​ay maaaring hindi maging mabunga. (Awit 55:22; ihambing ang Galacia 6:2.) Marami ang gumagawa na ng mga bagay na ito sa pinakamabuting paraan na magagawa nila subalit walang awang hinahamak ang kanilang sarili pagka hindi nagagawa itong mabuti.​—Ihambing ang 1 Juan 3:19, 20.

Gayundin naman, ang basta pagsasabi sa nakaranas na limutin ang nakaraan ay higit na makapipinsala kaysa sa makabubuti. Kung magagawa lamang nila, malamang na gawin nila iyon​—at hindi na mangangailangan ng tulong para humantong sa gayong kasimpleng solusyon. a Tandaan, ang kanilang suliranin ay isang matinding pangit na karanasan sa emosyon. Upang ilarawan, isip-isipin na nasumpungan mo ang isang naaksidente sa kotse na nakahigang umuungol sa gitna ng gayong pagkawasak. Sasabihin mo ba lamang sa kanya na huwag niyang isipin ang sakit? Maliwanag na higit pa ang kailangan.

Kung hindi mo tiyak na ang iyong sinasabi ay nakaaaliw at nakatutulong, bakit hindi tanungin ang nanlulumo? Sa paano man, maging ang payong totoo at maka-Kasulatan ay kailangang nasa tamang panahon at angkop din naman.​—Ihambing ang Kawikaan 25:11.

Pagkatapos ng ilang pagdalaw, napansin ng sister ang ilang pagbuti sa kaniyang saloobin, at higit na natulungan siya ng kaniyang asawa sa panahon ng mga kahirapan. Simula noon kapuwa sila nakapag-usap nang may kaaliwan sa iba pa na nakaranas ng katulad na pangit na karanasan. Anong laking pampatibay ng pananampalataya na mabatid na si Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan,” ay tumutulong sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang bayan upang ‘mapagaling ang mga bagbag ang puso’ sa maligalig na panahong ito.​—2 Corinto 1:3; Isaias 61:1.

[Talababa]

a Totoo, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘limutin ang mga bagay na nasa likuran.’ Subalit tinutukoy rito ni Pablo ang dati niyang katanyagan at tagumpay sa sanlibutan, na ngayo’y inari niyang “sukal lamang.” Hindi niya tinutukoy ang nakaraan niyang mga kapighatian, na malaya niyang nasabi.​—Filipos 3:4-6, 8, 13; ihambing ang 2 Corinto 11:23-27.