Pag-iingat sa Tahanan
Pag-iingat sa Tahanan
Si Monique ay siyam na taóng gulang nang pasimulan niyang abusuhin siya. Nagsimula siya sa pamamagitan ng panunubok sa kaniya habang nagbibihis; pagkatapos ay dumadalaw na siya sa kaniyang kuwarto kung gabi at hinihipo ang maseselang bahagi ng kaniyang katawan. Nang tumanggi ang bata, nagalit siya. Minsan ay pinukpok niya ng martilyo at inihulog ito sa hagdan. “Walang maniwala sa akin,” naaalaala ni Monique—kahit ang kaniyang ina. Ang nang-abuso kay Monique ay ang kaniyang amain.
HINDI iyon isang mahiwagang tao, na laging nag-iisang nakakubli sa likod ng mga halaman, na naghaharap ng pinakamalaking banta sa mga bata. Iyon ay isang miyembro ng pamilya. Ang karamihan sa mga panghahalay ay nagaganap sa tahanan. Kaya papaano mapangangalagaan ang tahanan mula sa pang-aabuso?
Sa kaniyang aklat na Slaughter of the Innocents, sinusuri ng mananalaysay na si Dr. Sander J. Breiner ang ebidensiya ng pang-aabuso sa bata sa limang sinaunang lipunan—Ehipto, Tsina, Gresya, Roma, at Israel. Napaghinuha niya na bagaman umiiral ang pang-aabuso sa Israel, iyon ay bihira lamang kung ihahambing sa iba pang apat na sibilisasyon. Bakit? Di-tulad sa kanilang mga kalapit-bansa, ang mga tao sa Israel ay tinuruan na gumalang sa mga babae at mga bata—ang naunawaang paniniwala na utang nila sa Banal na Kasulatan. Nang ikapit ng mga Israelita ang banal na kautusan sa buhay pampamilya, napigilan ang pang-aabuso sa bata. Kailangan ng mga pamilya ngayon ang malinis, praktikal na mga pamantayang ito higit kailanman.
Mga Batas sa Moral
May nagagawa ba ang batas ng Bibliya sa iyong pamilya? Halimbawa, mababasa sa Levitico 18:6: “Huwag kayong lalapit, sinuman sa inyo, sa kaniyang malapit na kamag-anak upang ilantad ang kaniyang kahubaran. Ako si Jehova.” Ipinasusunod din naman ng kongregasyong Kristiyano ngayon ang matibay na mga batas laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso sa sekso. Ang sinuman na humalay sa isang bata ay nanganganib na matiwalag, maalis sa kongregasyon. a—1 Corinto 6:9, 10.
Dapat na malaman at repasuhing sama-sama ng lahat ng pamilya ang gayong mga kautusan. Ang Deuteronomio 6:6, 7 ay humihimok: “At ang mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay sasaiyong puso; at iyong ikikintal sa isip ng iyong mga anak at iyong sasalitain pagka ikaw ay nauupo sa iyong bahay at pagka ikaw ay lumalakad sa daan at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.” Ang pagkikintal sa isip ng mga batas na ito ay hindi lamang sa pamamagitan ng manaka-nakang pagtuturo sa inyong mga anak. Nasasangkot dito ang regular na usapang nagpapalitan ng idea. Sa pana-panahon, dapat tiyakin kapuwa ng ina at ama ang kanilang pagtataguyod sa mga kautusan ng Diyos hinggil sa insesto at ang maiibiging dahilan ng mga kautusang ito.
Maaari mo ring gamitin ang mga kasaysayan nina Tamar at Amnon, ang mga anak ni David, upang ipakita sa mga anak na kung tungkol sa mga bagay may kinalaman sa sekso, ito ay may mga hangganan anupat walang sinuman—maging ang malapit na mga kamag-anak—ang dapat lumampas kailanman.—Genesis 9:20-29; 2 Samuel 13:10-16.
Ang paggalang sa mga prinsipyong ito ay maipakikita kahit na sa praktikal na mga kaayusan ng pamumuhay. Sa isang bansa sa Silangan, ipinakikita ng pagsusuri na mas maraming kaso ng insesto ang nagaganap sa mga pamilya na ang mga anak ay natutulog kasama ng mga magulang kahit wala namang dahilan kung tungkol sa pinansiyal. Gayundin, karaniwan nang hindi isang katalinuhan na magsama sa isang kama o sa isang silid ang magkapatid na lalaki’t babae habang sila’y lumalaki, kung ito’y maiiwasan naman. Kahit na kung napakarami sa pamilya, dapat na gamitin ng mga magulang ang kanilang katalinuhan sa pagpapasiya kung saan-saan dapat matulog ang bawat miyembro ng pamilya.
Ang batas ng Bibliya ay nagbabawal sa paglalasing, na nagpapahiwatig na ito’y maaaring umakay sa lisyang pagnanasa. (Kawikaan 23:29-33) Sang-ayon sa isang pagsusuri, mga 60 hanggang 70 porsiyento ng mga biktima ng insesto ang nag-ulat na ang kanilang nang-aabusong magulang ay lasing nang magsimula ang pang-aabuso.
Isang Mapagmahal na Ulo ng Pamilya
Natuklasan ng mga mananaliksik na mas madalas maganap ang pang-aabuso sa mga pamilyang may dominanteng mga asawang lalaki. Ang malawakang pangmalas na ang mga babae ay sadyang ginawa para lamang sapatan ang pangangailangan ng mga lalaki ay mali ayon sa Kasulatan. Ginagamit ng ilang lalaki ang di-maka-Kristiyanong palagay na ito upang bigyang-katuwiran ang kanilang pagbaling sa anak na babae upang makamtan ang isang bagay na hindi maibigay ng kanilang asawa. Ang ganitong uri ng pang-aapi ay maaaring magkait ng emosyonal na katatagan sa mga babaing nasa ganitong kalagayan. Marami tuloy ang nawawalan ng likas na pagnanais na maingatan ang kanilang sariling mga anak. (Ihambing ang Eclesiastes 7:7.) Sa kabilang banda, natuklasan ng isang pagsusuri na kung ang subsob-sa-trabahong mga ama ay palaging wala sa tahanan, kung minsan ang ina-at-anak-na-lalaking kalisyaan ang lumalalâ.
Kumusta ang inyong pamilya? Ginagampanan mo bang mabuti bilang asawang lalaki ang iyong papel bilang ulo, o ipinauubaya mo iyon sa iyong asawa? (1 Corinto 11:3) Mahal mo ba ang iyong asawa, pinararangalan, at iginagalang? (Efeso 5:25; 1 Pedro 3:7) Isinasaalang-alang mo ba ang kaniyang opinyon? (Genesis 21:12; Kawikaan 31:26, 28) At kumusta naman ang inyong mga anak? Pinahahalagahan mo ba sila? (Awit 127:3) O itinuturing mo ba silang pabigat lamang, na napakadaling pagsamantalahan? (Ihambing ang 2 Corinto 12:14.) Alisin ang pilipít, di-maka-Kasulatang pangmalas sa mga ginagampanang papel ng pamilya sa iyong sambahayan, at mapatitibay mo ito nang higit laban sa pang-aabuso.
Isang Ligtas na Dako Taglay ang Panatag na Damdamin
Ganito ang sabi ng isang dalaga na tatawagin nating Sandi: “Ang aming buong pamilya ay nakalantad sa pang-aabuso. Walang kaibigan, at malayo sa isa’t isa.” Ang pag-iisa, paghihigpit, at patuloy na paglilihim—ang mga paggawing ito na nakasasamâ, di-maka-Kasulatan ay tatak ng mapang-abusong sambahayan. (Ihambing ang 2 Samuel 12:12; Kawikaan 18:1; Filipos 4:5.) Gawin ang kapaligiran ng tahanan na isang ligtas na dako para sa mga bata na taglay ang panatag na damdamin. Ang tahanan ay dapat na maging isang dako na doo’y nadarama nilang sila’y itinataguyod, na doo’y malaya nilang nabubuksan ang kanilang puso at nasasabi ang lahat.
Gayundin, kailangang-kailangan ng mga bata ang pisikal na pagpapakita ng pagmamahal—ang yakap, karinyo, paghahawakan ng kamay, pagbibiruan. Huwag naman sanang magmalabis sa panganib ng pang-aabuso sa sekso sa pamamagitan ng pagpigil sa ganitong pagpapakita ng pagmamahal. Ituro sa mga bata na sila’y pinahahalagahan sa pamamagitan ng hayagan, mainit na pagmamahal at papuri. Nagunita ni Sandi: “Para sa Mommy ko mali ang purihin ang sinuman dahil sa ano pa man. Lálakí raw ang ulo.” Tahimik na nagtiis si Sandi nang di-kukulangin sa sampung taon ng panghahalay. Ang mga bata na nag-aalinlangan kung sila nga ba’y minamahal, minamahalagang mga indibiduwal ay maaaring madaling maakit sa papuri ng mang-aabúso, sa kaniyang “pagmamahal,” o sa kaniyang banta na titigilan niya ito.
Ang isang pedophile na humalay na sa daan-daang batang lalaki sa mahigit na 40 taon ay umamin na ang mga batang lalaki na may emosyonal na pangangailangan para sa isang kaibigang tulad niya ang “pinakamadaling” maging biktima. Huwag mong hayaang magkaroon ng gayong pangangailangan ang iyong anak.
Tapusin ang Patuluyang Pang-aabuso
Sa ilalim ng matinding pagsubok sinabi ni Job: “Ang aking kaluluwa ay nalulunos sa aking buhay. Aking palalayain ang aking daing. Ako’y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!” (Job 10:1) Gayundin, natuklasan ng maraming magulang na matutulungan nila ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagtulong nila sa kanilang sarili. Sinabi kamakailan ng The Harvard Mental Health Letter: “Ang matibay na kaugalian ng lipunan laban sa pagtatapat ng mga lalaki sa nadaramang sakit ng kalooban ang malamang na nagpapanatili sa patuluyang pang-aabuso.” Waring yaong mga lalaking hindi kailanman naipahayag ang nadaramang sakit ng kalooban dahil sa seksuwal na pang-aabuso sa kanila ang malamang na nagiging mang-aabúso mismo. Iniuulat ng The Safe Child Book na karamihan sa mga mang-aabúso ng bata ay inabuso rin noong bata pa ngunit hindi kailanman natulungan upang gumaling. Ipinakikita nila ang sakit at pagkapoot sa pamamagitan ng pang-aabuso sa ibang bata. b—Tingnan din ang Job 7:11; 32:20.
Mas mataas din ang panganib sa mga bata kapag hindi natutong makayanan ng mga ina ang nakaraang pang-aabuso. Halimbawa, iniuulat ng mga mananaliksik na ang mga babaing inabuso noong bata pa ay madalas na nakikipag-asawa sa mga lalaking mang-aabúso ng bata. Bukod pa rito, kapag hindi nakayanan ng isang babae ang nakaraang pang-aabuso, natural lamang na mahirapan siyang ipakipag-usap ang pang-aabuso sa kaniyang mga anak. Kapag naganap ang pang-aabuso, maaaring hindi niya ito mapansin upang makagawa ng positibong hakbang. Sa gayon ang mga bata ang nagdurusa dahil sa di-pagkibo ng ina.
Kaya nga, ang pang-aabuso ay nagpapatuloy sa bawat henerasyon. Mangyari pa, maraming indibiduwal na minabuti pang huwag nang pag-usapan ang kanilang masakit na kahapon ang waring matiwasay na nakaraos sa kanilang buhay, at iyon ay dapat papurihan. Subalit para sa marami ang sugat ay mas masakit, at sila’y tiyak na dapat gumawa ng isang nagkakaisang pagsisikap—kasali na, kung kailangan, ang paghingi ng mabisang tulong mula sa isang propesyonal—upang magamot ang malulubhangGumising! ng Oktubre 8, 1991, pahina 3 hanggang 11.
sugat ng kaniyang kabataan. Ang kanilang tunguhin ay hindi upang magmukmok sa pagkaawa sa sarili. Nais nilang tapusin ang napakasamâ, nakasasakit na patuluyang pang-aabuso sa bata na nakaaapekto sa kanilang pamilya.—Tingnan angAng Katapusan ng Pang-aabuso
Kung tama ang pagkakapit, malaki ang magagawa ng nasabing impormasyon upang mabawasan ang posibilidad ng pang-aabuso sa bata sa inyong tahanan. Gayunman, tandaan na ang mga mang-aabúso ay lihim na nagmamatyag, sinasamantala nila ang pagtitiwala, at ginagamitan nila ang walang-malay na mga bata ng mga taktikang pangmatanda. Kaya nga, karaniwan nang nakaiiwas sa parusa ang ilan sa kanila sa kanilang nakapandidiring krimen.
Gayunman, nakatitiyak tayo na nakikita ng Diyos ang kanilang ginagawa. (Job 34:22) Malibang sila’y magsisi at magbago, hindi niya kalilimutan ang kanilang balakyot na mga gawa. Ilalantad niya sila sa kaniyang takdang panahon. (Ihambing ang Mateo 10:26.) At maniningil siya ng katarungan. Ipinangangako ng Diyos na Jehova ang isang panahon na ‘bubunutin sa lupa’ ang gayong mapanlinlang na mga tao, at tanging ang maaamo at masunurin na umiibig sa Diyos at sa kapuwa ang pahihintulutang manatili. (Kawikaan 2:22; Awit 37:10, 11, 29; 2 Pedro 2:9-12) Taglay natin ang kahanga-hangang pag-asa ng isang bagong sanlibutan dahil sa pantubos na hain ni Jesu-Kristo. (1 Timoteo 2:6) Doon, at tanging doon lamang, matatapos ang pang-aabuso magpakailanman.
Samantala’y dapat nating gawin ang lahat ng ating magagawa upang maingatan ang ating mga anak. Sila’y napakahalaga! Handang isapanganib ng halos lahat ng magulang ang kanilang sariling kaligtasan upang maingatan ang kanilang maliliit na mga anak. (Ihambing ang Juan 15:13.) Kung hindi natin iingatan ang ating mga anak, maaaring may masamang mangyari. Kung iingatan natin sila, binibigyan natin sila ng isang magandang regalo—isang kamusmusang walang kamalayan at ligtas sa kapahamakan. Madarama nila ang nadama ng salmista, na sumulat: “Sasabihin ko kay Jehova: ‘Ikaw ang aking kanlungan at aking matibay na moog, aking Diyos, na aking pagtitiwalaan.’ ”—Awit 91:2.
[Mga talababa]
a Ang panghahalay sa bata ay nagaganap kapag ang isa’y gumamit sa bata upang bigyang-kasiyahan ang kaniyang sariling pagnanasa sa sekso. Karaniwan nang nasasangkot dito ang tinatawag sa Bibliya na pakikiapid, o por·neiʹa, kasali na ang paghawak-hawak sa sangkap sa pag-aanak, pagsisiping, at oral o anal sex. Ang ilang pang-aabuso, gaya ng paghawak-hawak sa dibdib (breasts), tuwirang pag-aalok na gumawa ng imoralidad, pagpapakita ng mahahalay na larawan sa isang bata, at masagwang pagbibilad ng katawan, ay katumbas ng hatol ng Bibliya bilang “mahalay na paggawi.”—Galacia 5:19-21; tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1983, talababa sa pahina 22, 23.
b Bagaman ang karamihan sa mga nanghahalay ng bata ay inabuso noong bata pa, hindi ito nangangahulugan na ang pang-aabuso ay gumagawa sa mga bata upang maging mang-aabúso. Hindi pa umabot sa bawat ikatlo sa inabusong bata ang naging mga manghahalay ng bata.
[Kahon sa pahina 11]
Isang dumanas ng kung ilang taóng insesto ang nagsabi: “Ang pang-aabuso ay kumikitil ng mga bata, kinikitil nito ang kaniyang pagtitiwala, ang kanilang karapatang makadama ng pagkawalang-malay. Iyan ang dahilan kung bakit dapat na ingatan ang mga anak. Sapagkat ngayon kinailangan kong itayong-muli ang aking buong buhay. Bakit pararamihin pa ang mga batang gagawa ng ganito?”
Bakit nga ba?
[Kahon sa pahina 11]
Pakinggan ang mga Anak!
SA BRITISH COLUMBIA, Canada, sinuri ng isang pag-aaral kamakailan ang gawain ng 30 mang-aabúso ng bata. Nakapangingilabot ang resulta. Ang 30 indibiduwal ay, sa kabuuan, nang-abuso na ng 2,099 na bata. Kalahati sa kanila ay may katayuang dapat pagkatiwalaan—mga guro, ministro, administrador, at mga tagapag-alaga ng bata. Isang mang-aabúso, isang 50-anyos na dentista, ang nang-abuso na ng halos 500 bata sa loob ng 26 na taon.
Gayunman, napansin ng The Globe and Mail ng Toronto: “Sa 80 porsiyento ng mga kaso, isa o higit pang sektor ng komunidad (kasali na ang mga kaibigan o kasamahan ng nagkasala, pamilya ng mga biktima, iba pang mga bata, ilang biktima) ang tumanggi o niwalang-halaga ang pang-aabuso.” Hindi kataka-taka, “iminumungkahi ng pag-uulat na ang pagtanggi at di-paniniwala ay nagpapangyaring magpatuloy ang pang-aabuso.”
Isinumbong ng ilang biktima ang mga mang-aabúso. Gayunman, “ayaw paniwalaan ng mga magulang ng mga batang biktima ang sinasabi ng kanilang mga anak,” ayon sa siniping ulat ng The Globe and Mail. Gayundin, isang opisyal sa pamahalaan sa Alemanya ang tumukoy sa isang ulat kamakailan na kinailangan pa munang ikuwento nang pitong beses ng mga batang biktima ng panghahalay ang kanilang istorya sa matatanda bago sila paniwalaan.
[Kahon sa pahina 12]
“Humingi Na ng Tulong Ngayon”
“Kung ikaw ay isang lalaki at nasasangkot sa mga bata may kinalaman sa sekso, baka sinasabi mo sa iyong sarili, ‘Gusto naman niya,’ o ‘Siya ang humiling niyaon,’ o ‘Tinuturuan ko siya tungkol sa sekso.’ Nagsisinungaling ka sa iyong sarili. Ang tunay na mga lalaki ay hindi nasasangkot sa mga bata kung tungkol sa sekso. Kung may natitira ka pang pagmamalasakit sa batang iyon, tigilan mo na. Humingi na ng tulong ngayon.”—Isang mungkahing patalastas bilang paglilingkod sa madla, sinipi mula sa aklat na By Silence Betrayed.
[Larawan sa pahina 13]
Kailangan ng mga anak ang saganang magiliw, mapagmahal na atensiyon