Talaga bang Kailangan Natin ng mga Saserdote?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Talaga bang Kailangan Natin ng mga Saserdote?
“PASALAMATAN ang kaloob na Pagkasaserdote,” sabi ni John Paul II sa kaniyang taunang liham sa mga pari noong “Huwebes Santo,” 1992. Hindi lamang mga Katoliko kundi ang iba rin ay nakadarama ng kirot sa pagkabatid ng kanilang sariling mga pagkakamali. Nadama nila ang pangangailangan ng isa na sinasang-ayunan ng Diyos upang sabihin sa kanila ang kalooban ng Diyos, upang maghandog sa Kaniya ng hain, at upang mamagitan sa kanila at sa Diyos. Ang taong iyon ay tinatawag na isang saserdote. Kailangan ba natin talaga ng saserdote upang tulungan tayong makamit ang kapatawaran ng Diyos?
Ang idea hinggil sa mga saserdote at mga hain ay hindi nanggaling sa mga tao kundi nanggaling sa Diyos. Kung walang kasalanan laban sa Diyos, hindi na mangangailangan ng mga saserdote. Sa Eden, hindi kinailangan ng sakdal na si Adan ang saserdote. Siya’y nilalang na walang kasalanan.—Genesis 2:7, 8; Eclesiastes 7:29.
Sinu-Sino ang Unang mga Saserdote?
Tayong lahat ngayon ay nagmana ng pagkamakasalanan sapagkat si Adan ay kusang nagkasala at tayo ay kaniyang mga supling. (Roma 3:23) Inamin ito ni Abel, ang anak ng unang tao, si Adan. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng isang hain.” (Hebreo 11:4) Bagaman si Abel at iba pang sinaunang lalaking may pananampalataya—gaya nina Noe, Abraham, at Job—ay hindi tinawag na mga saserdote, sila’y naghain sa Diyos para sa kanilang sarili o sa kanilang mga pamilya. Halimbawa, ganito ang sabi ng Bibliya tungkol kay Job at sa kaniyang mga anak: “Naghandog [si Job] ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat; sapagkat, sinabi ni Job, ‘marahil ang aking mga anak ay nagkasala.’” (Job 1:5) Kung gayon, papaano nauso ang mga saserdote at mga hain sa napakaraming kultura?
Isaalang-alang ang mga pangyayaring nakapalibot sa sinaunang patriyarkang si Noe. Si Noe at ang kaniyang pamilya lamang ang mga taong nakaligtas sa pandaigdig na Baha. Sa kanilang pagyapak sa nilinis na lupa, gumawa si Noe ng isang dambana at naghandog ng mga hain bilang pasasalamat sa awa at pagkalinga ni Jehova. Yamang ang lahat ng bansa ay nagmula kay Noe, walang pagsalang tinularan nila ang kaniyang halimbawa at pagsapit ng panahon ay nagkaroon ng iba’t ibang tradisyon may kinalaman sa mga tagapamagitan at mga hain para sa kasalanan.—Genesis 10:32.
Pagkaraan ng mahigit na isang siglo, sumiklab ang isang paghihimagsik laban sa Diyos sa lungsod ng Babel. Ginulo ng Diyos ang wika ng mga tao at sila’y nagsipangalat. (Genesis 11:1-9) Ang ilang saserdote, na ngayo’y nagpapaunlad ng liko at pinasamang mga paniniwala, ay bumuo ng nakakikilabot na mga seremonya sa mga lupaing pinangalatan nila. Gayunpaman, nakita ng Diyos ang pangangailangan na turuan ang kaniyang mga mananamba tungkol sa kanilang pangangailangan para sa isang tunay na pagkasaserdote na may mataas na saserdote, katulong na mga saserdote, at mga haing sinasang-ayunan niya.
Kung Bakit Nag-atas ang Diyos ng mga Saserdote
Dumating ang panahon na binigyan ni Jehova ang bansang Israel ng mga saserdote na gumawa ng dalawang pangunahing tungkulin. Una, kumatawan sila sa Diyos sa harap ng mga tao bilang mga hukom at mga tagapagturo ng Kautusan ng Diyos. (Deuteronomio 17:8, 9; Malakias 2:7) Ikalawa, kumatawan sila sa mga tao sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hain sa kaniya para sa mga tao. Nagpapaliwanag ang liham ni Pablo sa Hebreong mga Kristiyano: “Ang bawat mataas na saserdote na pinili mula sa mga tao ay hinirang alang-alang sa mga tao tungkol sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang siya’y makapaghandog ng mga kaloob at mga hain patungkol sa mga kasalanan. . . . Tinatanggap ng isang tao ang karangalang ito, hindi sa kaniyang sariling kalooban, kundi liban sa siya’y tawagin ng Diyos.”—Hebreo 5:1, 4.
Nagpatuloy si Pablo sa pagpapaliwanag na ang pagkasaserdote sa Israel ay hindi siyang katapusang paraan ng Diyos upang makipagkasundo ang mga tao sa Kaniya. Ang mga tungkulin ng mga saserdote ay mga sagisag na tumutukoy sa mas mabubuting bagay, “mga bagay na makalangit.” (Hebreo 8:5) Kapag dumating na ang mga bagay na makalangit, hindi na kailangan ang mga sagisag. Upang ilarawan: Maaaring itinatago mo ang isang anunsiyo ng isang produkto na kailangang-kailangan mo, ngunit hindi ba itatapon mo na iyon kapag nakuha mo na ang produktong iyon?
Matagal pa bago umiral ang bansang Israel, nilayon ng Diyos ang isang pagkasaserdote na maglilingkod para sa pagpapala, hindi lamang ng Israel, kundi ng buong sangkatauhan. Sa pasimula, naging pribilehiyo ng Israel na sa kanila magmula ang mga miyembro ng pagkasaserdoteng iyon. Nang mabuo ang bansa, sinabi ni Jehova sa Israel: “Kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig . . . , kayo mismo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6; ihambing ang Genesis 22:18.) Nakalulungkot, malimit na sinuway ng bansa ang tinig ng Diyos. Sa gayon, sinabi ni Jesus sa mga saserdote at mga Fariseo: “Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga ng mga bunga niyan.” Sino sa ngayon ang maglilingkod bilang mga saserdote para sa pagpapala ng sangkatauhan?—Mateo 21:43.
Anong Pagkasaserdote ang Kailangan ng mga Kristiyano?
Sa dahilang nagmana tayo ng kasalanan kay Adan, ang kaligtasan tungo sa walang-hanggang buhay ay naging posible lamang sa pamamagitan ng sakdal na hain na inilaan ni Jesus. (1 Juan 2:2) Si Jesus mismo ay namagitan para sa atin bilang Mataas na Saserdote, gaya ng inilarawan ng pagkasaserdote sa Israel. Sinasabi sa Hebreo 9:24: “Pumasok si Kristo, hindi sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na isang kopya lamang ng tunay, kundi sa mismong langit, ngayo’y upang humarap sa persona ng Diyos alang-alang sa atin.” Kung gayon, hindi na kinailangan ang mga saserdoteng tao bilang tagapamagitan dahil sa pambihirang kahusayan ng mataas na pagkasaserdote ni Kristo. Ngunit, ang paglilingkod ng katulong na mga saserdote ay kailangan pa rin. Sa anong paraan?
Ang mga saserdote ay dapat na “maghandog ng espirituwal na mga haing nakalulugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (1 Pedro 2:5) Kung anong uri ng hain ang mga ito, sumulat si Pablo: “Tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi.” (Hebreo 13:15) Samakatuwid, yaong bubuo ng maharlikang pagkasaserdote, samantalang naririto pa sa lupa, ay kakatawan sa Diyos sa harap ng mga tao bilang kaniyang mga Saksi, hindi bilang mga tagapamagitan. Sa dakong huli, sa langit kasama ni Jesu-Kristo, kumakatawan sila sa mga tao sa harap ng Diyos, anupat pangangasiwaan ang mga pakinabang ng hain ni Kristo at isasagawa ang pagpapagaling sa lahat ng karamdaman.—Ihambing ang Marcos 2:9-12.
Bagaman lahat ng sumasampalataya ay dapat magpatotoo, iilan lamang ang maglilingkod sa makalangit na “kaharian ng mga saserdote.” Sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan na ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Lucas 12:32; Apocalipsis 14:1) Ang mga ito’y bubuhayin sa langit at “magiging mga saserdote ng Diyos at ni Kristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.”—Apocalipsis 20:6.
Naisaayos na ng Diyos na ang makalangit na mga saserdoteng ito ay gumawa ng mga bagay kapuwa sa espirituwal at pisikal na diwa na hindi pa nagagawa ng anumang pagkasaserdote. Di-magtatagal, habang ikinakapit nila ang pakinabang ng haing pantubos ni Jesus, sila’y makikibahagi sa pagsasauli sa kasakdalan ng lahat ng sumasampalatayang sangkatauhan. Pagkatapos, magkakaroon ng kahanga-hangang katuparan ang Isaias 33:24. Sinasabi nito: “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ Ang bayan na tumatahan doon ay patatawarin na sa kanilang pagkakamali.”
[Picture Credit Line sa pahina 26]
“Benediction of the Wheat at Artois” 1857 ni Jules Breton: France/Giraudon/Art Resource, N.Y.