Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang AIDS at ang Tanyag na mga Tao

Ang AIDS at ang Tanyag na mga Tao

Ang AIDS at ang Tanyag na mga Tao

YAONG mga makababasa ng patalastas sa pagkamatay ay madalas mamangha sa bilang ng tanyag na mga taong namamatay dahil sa AIDS. Ang Newsweek ng Enero 18, 1993, na nagpatunay na marami sa gayong tao ang namamatay, ay nagsasabi: “Sa bawat sangay ng kultura​—sayaw, dulaan, panitikan, musika, pagguhit, kausuhan sa kasuutan, sining, telebisyon, pelikula​—ang pagkamatay dahil sa AIDS ay nagpapatuloy.”

Ang Newsweek ay nagsabi rin: “Ang Paris ay katulad ng New York o Los Angeles: ipinakita ng isang pagsusuri na mahigit sa 60 porsiyento ng namamatay na lalaking taga-Paris sa pagitan ng 25 at 44 sa mga propesyon ng pamamahayag, sining at libangan ay dahilan sa AIDS.”

Ang magasing People ng Enero 23, 1993, sa artikulo nitong “Fear on the Ice” ay nagsabi tungkol sa pagkalipol na sanhi ng AIDS sa propesyonal ice skating. Sabi nito: “Ang kanilang isport ay niwasak ng mahigit na 40 kamatayan, ang mga nangungunang figure skater ng Hilagang Amerika ay nahahapis sa pagkawala ng kanilang mga kaibigan at ang nakatatakot na dami ng nasasawi sa AIDS.”

Si John Curry, isang Britanong nagwagi ng gintong medalya sa Olympic, ay ipinakilala ng magasin bilang “ang pinakabantog na skater na may AIDS.” Siya’y sinipi sa pagsasabing: “Ang aking mga kaibigan ay namatay dahil sa AIDS.” Bakit napakaraming skater ang nahawahan ng AIDS?

Ito’y dahilan sa kanilang istilo ng pamumuhay. Ipinahayag ito ng People nang sabihin nito: “Habang ang mga skater, mga tagasanay at mga opisyal ay pansariling nagdadalamhati sa kamatayan ng kanilang mga kaibigan, sila’y nananatiling naguguluhan at natatakot hinggil sa pangmadlang pagharap sa AIDS at sa isyu ng homoseksuwalidad sa skating.”

Maliwanag, ang pagkagahaman sa sekso​—kapuwa ng homoseksuwal at ng heteroseksuwal​—ang pangunahing dahilan ng AIDS. Noong Disyembre 1991, dalawang doktor sa Canada ang nagsiwalat na isang babae na namatay dahil sa AIDS ang bumanggit ng 70 manlalaro ng National Hockey League na kaniyang nakatalik. “Ang pangyayaring ito’y nagdulot ng kabalisahan sa ilang pangkat ng N.H.L.” ayon sa ulat ng The New York Times noong Disyembre 5, 1991. “Naaaninaw ito sa malulungkot na grupo ng mga manlalaro at tagasanay na nagtipon upang pag-usapan ang isyu sa mga kaugalian ngayon.”

Ano ang dapat gawin? “Ang mensaheng dapat nating ihatid sa mga bata ay hindi ang ligtas na pagtatalik, ito’y dapat na ilaan ang pagtatalik sa pag-aasawa,” sabi ng isang manlalaro ng hockey ng Montreal Canadiens. “Huwag kang makipagtalik hangga’t hindi ka naikakasal.” Iyan ay hindi isang bagong payo, sapagkat ang Bibliya ay humihimok: “Magsitakas kayo sa pakikiapid.”​—1 Corinto 6:18.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Focus On Sports