Ang Nakabibighaning Ganda ng Opal
Ang Nakabibighaning Ganda ng Opal
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
ISANG popular na liriko ang nagsasabi na ‘ang diyamante ang pinakamatalik na kaibigan ng babae.’ Subalit hindi lamang ang mga diyamante ang nakaaakit sa nabighaning mga nagmamay-ari nito. Aba, kung ang pag-uusapan ay ang kumikinang na mga kulay at makapigil-hiningang kagandahan, natatangi ang napakaraming kulay na opal!
Ang opal ay isang anyo ng di-kristal na silica. Kung tungkol sa kemikal, ito’y katulad na katulad ng karaniwang buhangin. Gayunman, ito’y nagtataglay ng tubig sa pinakamineral na kaanyuan nito. Sa nakalipas na dantaon, ang matubig na mistulang gel na silica ay tumagos sa mga siwang at bitak ng mga bato. Pagka ang tubig ay sumingaw, sa kalaunan ang gel ay tumitigas at nagiging opal.
Paghahanap ng Opal
Gayunman, ang pag-aalis ng opal mula sa mabatong kinalalagyan nito ay hindi madali. Karamihan nito’y nasusumpungan sa liblib, disyerto nang bahagya na mga lugar, kung saan ang init, katakut-takot na dami ng humihiging na langaw, at limitadong makukuhang tubig ang kalimitang nagpapahirap. At para sa karamihan ng masikap na mga naghahanap, ang tagumpay ay depende nang malaki sa pagkakataon.
Higit pa, ang 95 porsiyento ng lahat ng opal na natutuklasan ay pangkaraniwang opal. Ito’y walang kinang at walang halaga. Sa nalalabi pang di-nahuhukay na opal, kakaunting porsiyento lamang ang may halagang opal, o hiyas na opal.
Kaya bagaman ginantimpalaan ng pambihirang kayamanan ang ilang naghahanap ng opal, napakaraming iba pa ang walang saysay na naghukay. Ang mga piko, pala, at martilyo ang pangunahing mga kagamitan ng naghahanap sa loob ng maraming taon. Una, kaniyang ibabaon ang makitid na tagdan (shaft) sa matigas, tigang na lupa hanggang sa maabot niya ang antas ng luwad kung saan malamang na masumpungan ang opal. Pagkatapos magbubutas siya nang pahalang, may hawak na ilawan, tatanawin ang kislap ng kulay na nagpapahiwatig na siya’y nakasumpong ng opal.
Ang paraang ito ay nagbigay-daan sa higit na magastos na kagamitan. Ang ilang komersiyal na kompanya ngayon ay nakaaabot na sa pinakalugar ng opal na nagdudukal ng lupa sa pamamagitan ng mga bulldozer. Ang karamihan ng mga tagdan ay ibinabaon ng malalaking makinang pambarena na nakakabit sa mga trak. Ang masusulong na mga makina para sa paggawa ng tunel ay ginagamit din upang matunton ang kinalalagyan ng opal.
Pagkakamit ng Ganda Nito
Mangyari pa, ang opal na di pa natatabas ay malayung-malayo sa nayari na. Ang di pa tabas na opal ay kailangang tabasin at pakinisin. Sa gayon ito’y maaaring maging singsing,
palawit, at iba pang alahas. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Yamang ang ganda ng opal ay natatago sa mga kinang ng kulay sa loob, hindi ito kailanman tinatabas na may iba’t ibang tapyas, tulad ng diyamante. Sa halip, ito’y tinatabas na may maumbok na ibabaw na maingat na binilog.”Kung paanong ito’y nagbibigay ng nakaaakit na pagtatanghal ng mga kulay ay nanatiling isang misteryo sa loob ng matagal na panahon. Gayunman, sa pamamagitan ng mikroskopyong electron, natuklasan ng mga siyentipiko ang mga lihim ng opal. Ang diyamante ay nagbibigay ng kulay nito sa pamamagitan ng refraction, iyon ay, sa pamamagitan ng paglihis ng liwanag sa pinakamukha ng hiyas. Ang panlabas at panloob na kaanyuan ng opal ay nagsasabog ng liwanag, na ang bato mismo ang nagsasaboy ng maraming kulay.
Ang aklat na The Australian Opals in Colour ay nagsasabi: “Kung ang hiyas ay iikutin nang patagilid, ang lahat ng kulay ay magbabago. Tinatawag natin itong ‘paglalaro ng kulay’ at ang katangiang ito ng patuloy na pagbabago ng kulay ang nagbibigay sa mga opal ng napagkakakilanlang panghalina nito.”
Mga Salik na Nakaaapekto sa Halaga
Gayunman, bago bumili ng opal, dapat mong mabatid na hindi lahat ng opal ay matigas. Ang doublet ay isang manipis na sapin, o pang-ibabaw, ng mahalagang opal na idinikit sa karaniwang pinakasapin na opal. Ang mga triplet ay katulad din ng doublet, subalit upang maingatang di-magasgas, ang walang-kulay na pinakapang-ibabaw na kuarso (quartz) ay idinaragdag. Bagaman maaaring maging maganda iyon, ang aklat na Australian Opals & Gemstones—Nature’s Own Fireworks ay nagbabala: “Ang mga opal na doublet at triplet ay hindi dapat ilubog sa tubig, sabon, alkohol o mga panlinis na ultrasonic, yamang ang mga ito’y pinatungan lamang at idinugtong ng pandikit.”
Ang isa pang salik sa halaga nito ay ang pinakasapin, o nakapalibot na kulay ng bato. Karaniwan nang ang itim na opal ang pinakamahal na uri. Ito’y tinatawag na itim dahil sa maitim na paligid, subalit ang bato mismo ay may napakarilag na iba’t ibang kulay na halos walang-takda. Ang mapusyaw, o puti, na opal ay karaniwan nang mura. Bagaman ang uring ito ay mapusyaw o puti ang paligid nito, ito’y lumilikha pa rin ng matitingkad na kulay—rosas, pula, berde, at bughaw. Ang isa pa ring mahalagang bagay sa pagtasa ng halaga ng opal ay ang nangingibabaw na pulang kulay (karaniwan nang mas mahal ang pula kaysa sa berde o bughaw) at ang disenyo ng kulay.
Subalit ito man ay makinang na buo o ang mas simpleng doublet o triplet, kumikislap na hiyas na pula o mapusyaw na bughaw, ang opal ay isang bagay ng kagandahan upang pagmasdan at magbigay-kasiyahan sa iyo.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Halos 95 porsiyento ng hiyas na opal ay nanggagaling sa Australia
[Credit Line]
Mga Larawan: Sa kagandahang-loob ng Australian Overseas Information Service