Ang Pagtatanghal ang Diyos Ko Noon
Ang Pagtatanghal ang Diyos Ko Noon
ANG malakas, walang-patid na palakpakan ay musika sa aking pandinig. Pinag-uumapaw nito ang aking kagalakan, na ginawang waring sulit ang di-mabilang na mga oras ng pag-eensayo. Ako’y isang sirkero sa isang trapeze, at ako’y langó sa aking tagumpay.
Bahagi rin ng aking pagtatanghal ay ang magpasirku-sirko sa mga elepante, patiwarik na itukod ang aking ulo sa tikin na mapanganib na nakabalanse sa mga balikat ng isa pang lalaki, magsagawa ng mahihirap na juggle, at magpatawa sa mga manonood bilang isang payaso.
Iyan ay mahigit nang 45 taon ang nakalipas, nang ako’y 17 pa lamang. Namamangha ako ngayon sa kahanga-hangang mga bagay na nagagawa ng maliksing batang katawan na may disiplinadong pag-eensayo at ng istriktong pamantayan ng napakaingat na pamumuhay. Sa katunayan, ang pagtatanghal ang naging buong buhay ko, ang aking diyos, at ito’y nanatili nang mahigit na 20 taon.
Pasimula ng Buhay sa Sirkus
Ako’y isinilang sa Kempsey, New South Wales, Australia. Kami’y dukha lamang—ang dingding ng aming bahay ay mga sako ng mais na pinintahan ng puting kalburo at ang pinakabubong ay lumang piraso ng mga lata. Pagkalipas ng ilang taon, kami’y lumipat sa mas katimugan pa, sa Taree. Ang aming pamilya ay hindi relihiyoso, bagaman kami’y naturingang mga miyembro ng Church of Christ.
Noong 1939 ang aking ama ay nagsundalo. Pagkatapos ay binalot ng aking ina ang mga bagay na tangi naming pag-aari, ang aming mga damit, at nagtungo sa Sydney na kasama ako at ang aking tatlong kapatid na babae. Pumasok ako sa paaralan doon para sa mga sirkero at nagpakita ng nakagugulat na likas na kakayahan. Sa loob lamang ng ilang buwan, ako’y naging isang bihasang sirkero. Pagkatapos, noong 1946, ako’y inalukan ng trabaho sa isang sirkus upang
maging isang sirkero sa isang pagtatanghal sa trapeze.Halos gabi-gabi’y nagtatanghal ang sirkus sa iba’t ibang nayon. Nagpupunta ang mga tao upang makita ang nakahahalinang sirkus, pero, sabihin pa, ang hindi nila nakikita ay ang mga away at mga suntukan ng mga lasing sa likod ng tabing. Ni alam man nila ang mahalay na moral na paggawi ng marami sa mga artista na kanilang hinahangaan nang lubos.
Patuloy akong nagpupunta sa mga parti at lagi akong napapaaway. Ako’y nagpapasalamat at kailanma’y hindi ko kinahiligan ang labis na pag-inom. Iniwasan ko rin ang ugaling nagsasalita ng malalaswa at hindi ko natitiis na marinig ang sinumang nanlalait sa harap ng isang babae. Ito ang dahilan ng madalas kong pakikipag-away.
Sa bawat may-kalakihang bayan na aming pinagtatanghalan, may isang inuutusan sa paring Katoliko roon na may libreng mga pases para sa kaniya at donasyon para sa simbahan. Ipinapalagay na ito’y magdadala ng suwerte at upang tiyakin na marami ang pupunta sa sirkus.
Isang Pagbabago Tungo sa Vaudeville
Noong 1952, ako’y sinabihan ng ilang artista ng vaudeville na ang paraan upang kumita ng higit na pera at matamo ang higit na tagumpay ay ang mag-vaudeville. Kaya nagsimula akong gumawa ng maraming lumilibot na mga palabas na vaudeville. Pagkatapos ako’y nagtrabaho sa maraming klub at sa dakong huli ako’y nagtanghal sa maraming pangunahing teatro sa Australia at New Zealand. Ako’y nakasama ng mga sikat na artista, samantala, sa panahon ding iyon, ay sumisikat naman ako bilang isang juggler at isang sirkero.
Inakala ko na ang pagbabago tungo sa vaudeville ang naging tamang pagpapasiya, subalit ako’y nabigo sapagkat ang mga parti, imoralidad, at labis na pag-iinuman ay mas matindi pa sa vaudeville kaysa sa sirkus. Ngayon nakakasalamuha ko ang mga bakla at mga tomboy. Ang mga droga ay lumitaw rin sa tanawin, subalit nagagalak ako na kailanma’y hindi ako nasangkot sa mga ito.
Ang palaging nasasaisip ko ay ang paggawa ng aking pangalan at pagpapasulong ng aking pagtatanghal. Ang pagtatanghal at ang labis na papuring tinatanggap ko ang tanging ibig ko. Ipinagkakaloob nito ang labis na kagalakang kailangan ko. Ako’y nagpasiya pa ngang hindi kailanman mag-aasawa. Wala akong pananagutan—napakasarap ng aking buhay. Ang pagtatanghal ang diyos ko noon. Subalit ang pinakamagagandang plano ay maaaring masira.
Pag-aasawa
Isang araw, samantalang ako’y naghahanap ng mahuhusay na mananayaw na makakabilang sa isang lumilibot na pagtatanghal ng vaudeville, nakilala ko ang isa sa pinakamagandang babae na kailanma’y nasilayan ko. Ang kaniyang pangalan ay Robyn. Hindi lamang siya isang magaling na mananayaw ng ballet kundi napakahusay rin niyang magbaluktot at magpilipit ng kaniyang katawan (contortionist). Sa tuwa ko agad niyang tinanggap ang trabaho at naging kapareha ko sa isang matagumpay na dalawang-taong pagtatanghal. Pagkalipas ng limang buwan, noong Hunyo 1957, kami’y napakasal. Nang sumunod na tatlong taon, nakapagtrabaho kami sa mga klub, naglibot sa mga palabas, at lumabas sa telebisyon.
Pagkatapos naming makasal, inihiwalay namin hangga’t maaari ang aming mga sarili, na iniiwasang makipagkaibigan sa ibang mga artista hangga’t maaari. Maging sa paglabas sa mga klub, tinitiyak ko na nananatili si Robyn sa silid-bihisan hanggang lumabas na kami sa entablado. Ang mga katatawanan ay may malalaswang biro, at ang ilan sa mga musikero ay nagdodroga. Karamihan sa kanila ay mahilig uminom at malaswa kung magsalita.
Pagtatrabaho sa Ibang Bansa
Noong 1960 kami’y inalukan ng isang kontrata na magtanghal sa ibayong dagat. ‘Ito na ang aming magandang pagkakataon,’ ang inisip ko. Subalit, mayroon na kami ngayong anak, si Julie, na kailangang pangalagaan. Gayunman, dinala ko ang aking pamilya sa Far East, taglay ang mga maleta lamang, kung minsan ay nagtatanghal hanggang limang palabas sa isang gabi. Ito’y tumagal nang mahigit na isang taon, at pagkatapos kami ay nagbalik sa Australia.
Ngayong natamo na namin ang kalagayang pang-internasyonal na pagtatanghal, ang aming palabas ay labis na pinananabikan. Subalit limitado ang mga pagkakataon sa Australia dahil sa kakaunting populasyon nito. Kaya noong 1965 kami’y nangibang bansa muli. Sa pagkakataong ito hindi lamang si Julie ang aming kasama kundi ang
isa pang anak na babae, si Amanda. Nang sumunod na limang taon, kami’y nakapagtrabaho sa 18 iba’t ibang bansa.Labis na mga paghihirap ang idinulot ko sa aking pamilya dahil sa pagkahibang ko na maging ang pinakamagaling. Noong minsan binayaran ko ang isang lalaking de baril upang bantayan ang aming mga anak, na 60 metro lamang ang layo mula sa aming pinagtatanghalan. Kalimitang ako’y nakikipagtalo sa mga may-ari ng klub na gustong paupuin si Robyn sa mga parokyano upang hikayatin silang uminom, subalit higit pa ang ibig ng mga nagkakatuwaang iyon. Nagtrabaho kami sa mga klub na may kasamang mga mananayaw na naghuhubad, mga babaing nagbibili ng aliw, at homosekso, na ang ilan ay may malalaswang alok sa akin o sa aking asawa. At ang mga musikerong tumutugtog sa banda ay kalimitang lango sa droga.
Sa panahon ng aming paglalakbay, marami akong oras sa araw upang magliwaliw. Palagi akong bumibisita sa mga zoo, mga moske, mga templo, mga simbahan, o relihiyosong mga pagdiriwang. Pinupuntahan ko ang mga ito upang mag-usyoso, bagaman hindi naman ako talaga relihiyoso. Nakagulat sa akin ang napakaraming iba’t ibang bagay na sinasamba. May mga istatwang tao na may mga ulo ng hayop, at mga hayop na may mga ulo ng lalaki’t babae. Sa isang bansa, sinasamba pa nga ng mga tao ang mga ari ng lalaki’t babae, waring pinaniniwalaan na ito’y makapagpapasidhi sa seksuwal at kakayahang mag-anak ng mga mananamba mismo.
Sa isa namang bansa, hinahampas ng mga batang lalaki at kalalakihan ang kanilang likod ng patalim na may tatlong-talas hanggang sa bumulwak ang dugo. Nang araw na ako’y naroon, tatlong lalaki ang namatay dahil sa labis na nawalang dugo. Sa isang kilalang katedral, ako’y nasuya nang makita ko ang karatula sa mga kahon para sa kumpisal: “Isang kumpisal, 1 franc; dalawang kumpisal, 2 franc; tatlong kumpisal, 2.50 franc.” Nasabi ko sa aking sarili: ‘Kung iyan ang relihiyon, sa kanila na lamang iyan!’
Pagbabalik sa Australia
Noong 1968 pinauwi na namin si Julie, subalit nagtagal pa nang 18 buwan bago kami nakaipon ng sapat na pamasahe para sa aming lahat upang makauwi na. Noong 1970 umuwi kaming salat sa pera o katanyagan upang ipagparangya ang lahat ng aming pagpapagal. Ang halos lahat ng aming salapi ay napunta sa mga kasuutan, musika, paglalakbay, tuluyan, at mapagsamantalang mga ahenteng namamahala sa amin. Ang taglay lamang namin ay ang mga gamit sa entablado at kung ano ang madadala sa aming mga maleta.
Pagkatapos na makabalik sa Australia, pinalawak ko pa ang aking mga gawain at naging isang ahente ng teatro. Nakakuha ako ng isang kontrata bilang isang payaso sa isang matagal nang palabas sa telebisyon na tinatawag na The Yellow House. Ako’y sumulat at gumawa ng mga pantomime para sa mga bata at mga palabas ng payaso para sa iba’t ibang klub, habang gumagawang kasama si Robyn sa aming pagtatanghal. Ang pagtatanghal pa rin ang aking diyos. Nagsimulang magdusa si Robyn at ang mga bata; para bang ako’y hindi asawang lalaki ni ama man.
Ang Hamon ng Relihiyon
Isang araw ipinakita ng aking biyenang babae, na nakapisan sa amin, kay Robyn ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. “Basahin mo ito,” aniya. “Ito’y tungkol sa relihiyon, pero ibang-iba ito.” Tumanggi si Robyn, na nagsasabing pagkatapos naming makita ang mga bagay-bagay sa pangingibang bansa, siya’y hindi interesado sa relihiyon. Gayunman, hindi siya nilubayan ng kaniyang ina. Sinundan-sundan niya si Robyn sa loob ng isang linggo, iginigiit na kaniyang basahin ang aklat. Sa wakas pinagbigyan na rin siya ni Robyn, para lamang mapalugdan ang kaniyang ina.
Wari bang ang mga mata ni Robyn ay biglang nabuksan, ang paliwanag niya sa dakong huli. Humanga siya nang lubos sa mga kasagutan sa napakarami niyang mga katanungan anupat ibig pa niyang makaalam nang higit. Pagkalipas ng dalawang linggo nagsaayos ang kaniyang ina ng pagdalaw ng dalawang Saksi ni Jehova sa aming bahay. Pagkatapos ng dalawang pagdalaw, inanyayahan nila kami na dumalo sa kanilang mga asamblea na ginanap sa malapit. Bantulot akong sumama. Ang totoo, ako’y labis na humanga anupat nagsimula kaming dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall.
Subalit, ang pagtatanghal pa rin ang aking diyos, kaya nang maglaon napagtanto ko na wala akong kinabukasan sa mga Saksi. Gayunman, nais ni Robyn na patuloy na matutuhan ang katotohanan ng Bibliya, kahit na ayaw ko. Ako’y galit na galit. ‘Anong karapatan,’ ang sabi ko, ‘mayroon ang mga taong ito na makialam sa akin at sa aking asawa, na pinupunô ang kaniyang isip ng walang kuwentang mga bagay tungkol sa relihiyon?’
Maging ang aking mga pananakot na tapusin ang aming pagsasama ay naging walang-saysay. Nanatiling matatag si Robyn at nagpatuloy sa pag-aaral. Nagsimula pa nga siyang magbahay-bahay upang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa kaniyang mga paniwala. Ang pinakanakayayamot ay nang sabihin niya sa akin na ibig niyang magpabautismo at maging isang nag-alay na Saksi. Gayunman, siya’y sinabihan na maghintay hanggang sa siya’y huminto na sa pagtatanghal.
‘Aha!’ ang sabi ko sa sarili. ‘Panalo na ako. Hindi nila makukuha siya. Kailanma’y hindi siya hihinto sa pagtatanghal.’ Subalit nagkamali ako. Binigyan ako ni Robyn ng isang taon, pagkatapos niyon, nagsabi siya, na siya’y hihinto na. Natawa ako, inaakala kong hindi niya ihihinto kailanman ang pagtatanghal na kinagigiliwan niya. Subalit minsan pang ako’y nagkamali. Pagkaraan ng isang taon iniwan niya ang pagtatanghal at nabautismuhan. At gayundin ang aking anak na si Julie at ang ina ni Robyn.
Ang Aking Pakikipagpunyagi Laban sa Katotohanan
Pagkatapos niyan pinagsalitaan ko ng masasakit si Robyn, na sinasabi sa kaniyang binigo niya ako, na hindi siya nagmamalasakit sa akin. “Ang pagtatanghal ang buong buhay ko. Wala na akong iba pang maaaring gawin,” ang panangis ko. “Ang kaligaligan ko’y kasalanan mong lahat.” Nagbanta pa nga akong mambubugbog ng mga Saksi, na siyang sinisisi ko sa pagtigil ng aming pagtatanghal at dahilan ng lahat ng aming mga problema.
Nagsimulang mag-iwan si Robyn sa bahay ng mga magasin tungkol sa Bibliya, umaasang babasahin ko ang mga ito. Nawalan ito ng kabuluhan, kaya sa dakong huli’y nanghinawa siya. Subalit hindi siya naglubay sa pananalangin kay Jehova na sa paano man ay matutuhan ko ang katotohanan at na kaming lahat ay magsama-sama bilang isang pamilya sa bagong sanlibutan.
Di-naglaon, napagpaparayaan ko na ang mga Saksi pagka sila’y dumadalaw sa bahay, at paminsan-minsan hinahayaan kong ako’y himukin ng mga bata na sumama sa kanila sa pulong. Subalit labis akong mapamunahin sa lahat ng aking naririnig doon. Subalit, inaamin ko sa aking sarili na ang mga tao sa Kingdom Hall, na binubuo ng iba’t ibang nasyonalidad—Arabe, Griego, Italyano, Ingles, gayundin ng mga Australiano—ay waring nagkakasundu-sundo. Sila’y palaging palakaibigan, at walang sinuman ang nagsasalita nang malaswa o nagkakaroon ng mahalay na usapan.
Tinulungan ng Isang Tunay na Kristiyano
Sa dakong huli sumang-ayon ako na regular na makipag-aral ng Bibliya kay Ted Wieland, isang napakabait, mapagpakumbabang tao. Siya’y naglilingkuran sa Bethel, ang tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova. Minsan nang pinagmamalupitan ko si Robyn, tinawag ako ni Ted sa kaniyang kotse, binuksan ang likod ng awto, at binigyan ako ng isang kahon ng mangga. Nagkataon namang mangga ang paborito kong prutas, pero sa palagay ko’y hindi ito alam ni Ted. Nagpatuloy ito sa loob ng ilang linggo: isang kahon ng mangga sa tuwing dumadalaw si Ted. Isang araw binuksan niya ang likod ng awto sa pag-aakala kong iyon ay isang kahon na naman ng prutas, pagkatapos dahan-dahang humarap sa akin at nagsabi: “Maaari mo bang isabit ito sa dingding?” Iyon ay teksto sa Bibliya para sa taon, na isinasabit ng mga Saksi sa kanilang mga tahanan. Ano pa ang magagawa ko? Isinabit ko iyon sa dingding.
Habang sumusulong ang pakikipag-aral ko kay Ted, ipinakita niya sa akin mula sa Bibliya na walang magandang kinabukasan sa pagtatanghal. Ang tanging tunay na pag-asa para sa maligayang kinabukasan, paliwanag niya, ay nasa katuparan ng mga hula sa Bibliya may kinalaman sa Kaharian na itinuro sa atin ni Kristo na ipanalangin. (Mateo 6:9, 10) Bagaman may mga kontrata pa ako sa pagtatanghal na dapat kong tapusin, nagsimula na akong dumalo nang regular sa mga pulong sa kongregasyon. Ako’y nagpatala sa Theocratic Ministry School at nakibahagi pa nga sa bahay-bahay na ministeryo.
Nabatid ko na walang mabuting maidudulot ang pagtatanghal sa akin. Wala akong nakamit na anupaman sa materyal sa buong panahon na iniukol ko sa naging diyos ko. Ang pamilya ko ay nagdusa—na nagpalibut-libot sa mundo at namuhay na mga maleta lamang ang dala. Tunay nga, halos nawasak ng pagtatanghal ang aking pag-aasawa. Subalit ngayon ang Kataas-taasang Isa ng sansinukob ang nag-aalok sa akin ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian.
Kaya ginawa ko ang pinakamahalagang pagpapasiya sa aking buhay. Nang natapos kong lahat ang aking mga kontrata sa pagtatanghal, lubusan kong pinutol ang aking pakikipag-ugnayan sa daigdig ng aliwan. Hindi na ako kailanman bumalik sa klub o nakisama pang muli sa mga taong ang naging paraan ng kanilang pamumuhay ay ang negosyong iyan. Nirepaso sa akin ni Ted ang mga katanungang para sa mga kandidato sa bautismo. Gayunman, si Ted ay yumao, at di-nagtagal ako’y nabautismuhan, noong Hulyo 26, 1975. Inaasam-asam kong makita ang kahanga-hangang taong iyon sa bagong sanlibutan pagka siya’y binuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
Hindi Nagkulang sa mga Pagpapala
Pinaglaanan kami ni Jehova nang higit kaysa aming natamo mula sa buong panahon ng aming pagtatanghal. Pinalaya niya ako sa buktot, imoral na daigdig ng aliwan. Ginantimpalaan niya ang mga panalangin ng aking matapat na asawa, na nanatiling kasama ko at hindi sumuko. Pinagpala niya kami anupat ang ina ng aking asawa at ang dalawa naming mas matandang mga anak na babae at ang kani-kanilang asawa ay aktibong lahat sa ministeryong Kristiyano. Ang bunso naming anak, si Leticia, at ang pinakamatanda sa tatlong apo namin, si Micah, ay kapuwa di-bautisadong mga mamamahayag ng mabuting balita. Ako rin ay pinagpala ni Jehova na magkapribilehiyong maglingkod bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano.
Hindi namin kailanman mababayaran ni Robyn si Jehova sa mga bagay na kaniyang ginawa sa amin. Subalit, mabababalaan namin ang iba—lalo na ang mga kabataan—hinggil sa mga panganib ng daigdig ng pagtatanghal at sa maling uri ng paglilibang. Mapag-iingat namin sila, mula sa sarili naming pagmamasid, sa pagdurusa na nararanasan dahil sa imoralidad, pagdodroga, labis na pag-inom, sa maling uri ng musika, mga awiting nagtatampok ng bawal na pakikipagtalik, at sa mga panganib na nasasangkot pagka ang isa ay madalas sa mga klub o mga rock concert. Lahat ng ito ay bahagi ng sanlibutan na lubusang nasa ilalim ng pagsupil ni Satanas na Diyablo.—2 Corinto 4:4.
Napakadali na madaya nang hindi namamalayan sa pagsamba kay Satanas, tulad ko nang maging diyos ko ang pagtatanghal. Gayunman, kaming mag-asawa ay maligaya ngayong humihimok sa lahat ng kabataan na sambahin si Jehova, ang Diyos na magbibigay-kasiyahan sa lahat ng hinahangad ng puso—ang Diyos na totoong nagmamalasakit sa atin sa lahat ng paraan.—Gaya ng inilahad ni Vivian A. Weekes.
[Larawan sa pahina 14]
Ang babaing pinakasalan ko ay isang contortionist
[Larawan sa pahina 15]
Si Robyn at ako ngayon