Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hanggang Saan ang “Labis”?

Hanggang Saan ang “Labis”?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Hanggang Saan ang “Labis”?

“Maaari bang paalalahanan mo ang mga tao hinggil sa panganib ng pagpapakalabis? . . . Ang lahat ng ‘nasa pagitan’ ay kinakailangang bigyang-pansin, sapagkat ito’y humahantong sa pagtatalik. Ang tanong ko ay, hanggang saan ang limitasyon?”

Ganiyan ang tanong ng isang kabataang babae sa isang magasin para sa mga tin-edyer. Subalit ito marahil ay isang tanong na pinag-iisipan mo rin.

Kung ikaw ay isang Kristiyano, isinasapuso mo ang mga salita sa 1 Tesalonica 4:3-6: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapakabanal ninyo, na kayo’y lumayo sa pakikiapid; . . . upang walang sinoman ang makapinsala at manghimasok sa mga karapatan ng kaniyang kapatid tungkol sa bagay na ito, sapagkat si Jehova ay humihiling ng kaparusahan sa lahat ng bagay na ito.”

Kaya bagaman natatalos mo na mali ang pagtatalik ng mga hindi mag-asawang Kristiyano, maaaring itanong mo kung paano minamalas ng Diyos ang paghalik, pagyakap, o paghaplos nang may pagmamahal sa isa na hindi kasekso.

Bahagi ng Paglaki?

Una sa lahat, makabubuting isipin na hindi hinahatulan ng Bibliya ang matuwid, malinis na mga kapahayagan ng pagmamahal na walang mga pahiwatig ng pakikipagtalik. Ang sinaunang mga Kristiyano ay lubhang mapagpahayag ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Sila’y madalas ‘bumati sa isa’t isa ng banal na halik.’ (Roma 16:16; 1 Corinto 16:20) Maging ang mga Kristiyano na magkasekso ay maaaring humalik at yumakap sa isa’t isa.​—Ihambing ang Gawa 20:37.

Sa maraming kultura, ang paghalik at pagyakap ay itinuturing pa rin na wastong mga paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa isang tao. Subalit, maraming kabataan ngayon ay nagpapahayag ng pagmamahal na lampas sa isang makatuwirang kahulugan ng kung ano ang nararapat. Nasumpungan ng isang surbey sa E.U. na mahigit sa dalawang-katlo ng mga tin-edyer na kinapanayam ang nagsabi na sila’y nakagawa ng ilang anyo ng petting na nagsasangkot ng mga paghipo sa maseselang na bahagi ng katawan. Marami ang nagsimula ng paggawa nito na sing-aga ng edad na 14. Gaya ng nasumpungan ng isa pang surbey, 49 na porsiyento ay nakagawa ng petting hanggang sa punto ng seksuwal na kasukdulan.

Ipinagmamatuwid ng iba na ang gayong pag-eeksperimento sa sekso ay isa lamang bahagi ng paglaki. Sang-ayon sa aklat na The Family Handbook of Adolescence, “ang paglalaro sa sekso at pag-uusisa ay karaniwan sa halos lahat ng normal na mga kabataan.” Inirerekomenda pa nga ng iba ang petting. Ang aklat na Growing Into Love, ni Kathryn Burkhart, ay nagsasabi: “Sapagkat hindi ito humahantong sa pagtatalik, karamihan sa petting ay mararanasan na malaya sa pagkabalisa at nagsisilbing isang mainam na paraan ng pagbibigay-kasiyahan sa seksuwal na kainitan.”

Ang tanong, kung gayon ay, Papaano minamalas ng Diyos ang gayong paggawi?

Saan Hahantong ang Halik?

Kapag ikaw ay nasa “kasariwaan ng kabataan,” ang seksuwal na hangarin ay napakatindi. (1 Corinto 7:36) Kung gayon, likas lamang na mag-usisa tungkol sa kung ano ang nadarama na mahalikan o mahawakan ang isang di-kasekso. Subalit idiniriin ng The Family Handbook of Adolescence: “Ang seksuwal na kakayahan ay nauuna, kung minsan nang maraming taon, kaysa sa emosyonal na pagkamaygulang.” Tunay nga, hindi natatalos ng maraming kabataan na ang isang halik o yakap ay may puwersa upang pukawin ang matitinding romantikong damdamin o pagnanasa sa sekso.

Kung gayon, dapat mong isaalang-alang nang may katalinuhan ang mga kahihinatnan ng pagkasangkot sa mga paggawi na nakapupukaw ng seksuwal na damdamin. Papaano kung ikaw ay napakabata pa para mag-asawa? Kung gayon, bakit hahalik o gagawa ng anumang bagay na makapupukaw sa pakikipagtalik? Ang pawang magagawa nito ay ang magdulot sa iyo ng kabiguan. Sapagkat walang dahilan para sa iyo bilang isang tunay na Kristiyano ang makarating sa totoong hantungan ng mga romantikong damdamin​—ang seksuwal na pagtatalik. Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang gayong kaugnayan ay wasto lamang sa mag-asawa.​—1 Corinto 6:18.

Isaalang-alang din ang taong mapupukaw sa seksuwal dahilan sa iyong romantikong paggawi. Hindi ba’t mapandaya, at kalupitan pa nga, ang humalik o yumakap sa isa na hindi mo naman pakakasalan o ni hindi man lamang isinasaalang-alang bilang potensiyal na mapapangasawa? (Ihambing ang Kawikaan 26:18, 19.) Nagbabala ang Bibliya: “Ang taong malupit ay nagtatakwil sa kaniyang sariling laman.”​—Kawikaan 11:17.

Hindi dapat maging lihim sa isang estudyante ng Bibliya na ang romantikong paghaplos o isang halik ay maaaring pumukaw ng seksuwal na pagnanasa. Sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa isang kabataang lalaki na tinutukso ng isang patutot. Sinasabi nito: “Hinawakan niya siya at hinagkan siya.” (Kawikaan 7:13) Ang gayong paghalik o paghawak ay maaaring gumanyak ng masidhing pisikal na pagtugon. Habang nagkakalapit nang husto ang isang lalaki o babae lalong tumitindi ang pagkapukaw. Sa katunayan, ang katawan ay nahahanda sa pagtatalik.

Kung sila ay kasal na, maaari nilang masapatan ang kanilang matitinding damdamin sa isang kasiya-siya at marangal na paraan. Subalit kung masangkot sa nakapupukaw-damdaming seksuwal na laro ang dalawa na hindi kasal, tiyak na lilikha ng mga suliranin. Sa isang surbey, natuklasan ng manunulat na si Nancy Van Pelt na maraming kabataang nasangkot sa petting ay hayagang umaamin na sila’y, gaya ng pagkakasabi nila, “nadalá lamang.” Isang halimbawa ay isang kabataang babae ang ginipit na gumawang higit kaysa sa dati niyang ginagawa. Bagaman hindi siya nasangkot sa pagtatalik, pinahintulutan niya ang lalaki na hawakan siya sa maseselang na bahagi ng kaniyang katawan. Ang sabi niya: “Nakapangingilabot ang nadarama ko ngayon.” Ang pagsang-ayon ba niya sa ginawa ng lalaki sa kaniya ay talagang masama?

Ano ang “Labis”?

Naniniwala ang ilang kabataan na hangga’t hindi sila nasasangkot sa seksuwal na pagtatalik, sila’y hindi lumalabis, na ang kanilang ginagawa ay hindi naman masama. Ipinakikita ng Bibliya ang kabaligtaran. Sa Galacia 5:19-21, sinabi ni apostol Pablo: “Ang gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito’y pakikiapid, karumihan, kahalayan . . . ang mga namimihasa sa paggawa ng ganito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”

Ano ang pakikiapid? Ang orihinal na salitang Griego para sa pakikiapid ay por·neiʹa. Ito’y tumutukoy sa seksuwal na gawaing nasasangkot ang paggamit ng mga sangkap sa pag-aanak na isinasagawa ng mga hindi mag-asawa. Isang kabataang babae na sinipi sa Seventeen ang nagpahintulot na gipitin siya ng kaniyang kasintahan na magsagawa ng oral sex. “Napakahangal kong talaga,” sabi niya, “dahil sa lahat ng aking kaibigan ay nagsasabing ginagawa nila iyon sa kanilang mga nobyo at mawawala siya sa akin kung hindi ko iyon gagawin.” Ipinakikita ng pananaliksik na ang nakababahalang bilang ng mga kabataan ay nasangkot sa gayong uri ng imoralidad. Gayunman, ang gayong mga paggawi ay kalakip sa por·neiʹa at hindi sinasang-ayunan ng Diyos.

Iniugnay rin ni apostol Pablo ang pakikiapid sa “karumihan.” Ang orihinal na salitang Griego, a·ka·thar·siʹa, ay sumasaklaw sa anumang uri ng kahalayan, sa salita o sa kilos. Tunay na isang karumihan na hayaan ng isa na gumapang ang kaniyang kamay sa ilalim ng damit ng iba, hubarin ang damit ng isa, o kaya’y haplusin ang maseselang na bahagi ng katawan ng iba, gaya ng dibdib. Aba, sa Bibliya ang paghaplos sa dibdib ay kaugnay ng mga kasiyahang nakalaan para sa mga mag-asawa.​—Kawikaan 5:18, 19; ihambing ang Oseas 2:2.

Gayunman ang ibang kabataan ay may kapangahasang sumusuway sa maka-diyos na mga pamantayang ito. Sila’y kusang nagpapakalayu-layo, o sila’y may kasakimang humahanap ng maraming kapareha upang kanilang magawa ang seksuwal na karumihan. Samakatuwid sila’y nagkakasala ng sinabi ni apostol Pablo na “mahalay na paggawi.”

Ipinakikita ng iba’t ibang awtoridad na ang orihinal na salitang Griego para sa “mahalay na paggawi” (a·selʹgei·a) ay nangangahulugang ‘di-makatuwirang paggawi, kalabisan, kapusungan, di-mapigilang pagnanasa, at pagkadi-makatuwiran.’ Ang mga kabataang gumagawa ng kahalayan ay tulad ng mga paganong tinukoy ni Pablo. Dahilan sa “kawalan ng pakiramdam ng kanilang mga puso,” ang mga paganong yaon ay “walang bahagya mang wagas na asal, sila’y napahikayat sa mahalay na paggawi upang gumawa ng lahat ng uri ng karumihan pati ng kasakiman.” (Efeso 4:17-19) Tiyak na ayaw mong mapasa-ilalim sa gayong paghatol!

Kung gayon, dapat mong mabatid, na hindi kinakailangang masangkot ang isa sa pagtatalik upang sabihing siya’y “lumabis” mula sa pangmalas ni Jehova. Kung ikaw ay napakabata pa para mag-asawa, dapat mong iwasan ang romantikong paghahawakan at paghahalikan. At yaong mga nagliligawan ay dapat mag-ingat sa kanilang pagpapahayag ng pag-ibig upang ito’y hindi maging karumihan. Sabihin pa, hindi madali ang manghawakan sa maka-diyos na mga pamantayan. Subalit sinasabi ng Diyos sa Isaias 48:17: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran.”​—Tingnan din ang Galacia 5:16.

[Mga larawan sa pahina 21]

Kung ikaw ay walang-asawa, ang pagsangkot sa mga paggawi na pumupukaw ng masidhing damdamin ay maaaring humantong sa pagkasiphayo at mas malubha pa rito