Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Bagong Sanlibutan—Darating Kaya Ito?

Isang Bagong Sanlibutan—Darating Kaya Ito?

Isang Bagong Sanlibutan​—Darating Kaya Ito?

NOONG Abril 13, 1991, si George Bush, dating pangulo ng Estados Unidos, ay nagtalumpati sa Montgomery, Alabama, na pinamagatang: “Ang Posibilidad ng Isang Bagong Sanlibutang Kaayusan.” Sa pagtatapos, kaniyang sinabi: “Ang bagong sanlibutan na ating kinakaharap . . . , ito’y kamangha-manghang sanlibutan ng pagtuklas.”

Pagkalipas ng dalawang buwan sinabi ng The Bulletin of the Atomic Scientists na sa pagbagsak ng mga rehimeng Komunista sa Silangang Europa, “isang bagong sanlibutang kaayusan salig sa kapayapaan, katarungan, at demokrasya ang waring napakalapit na.”

Ang gayong paksa tungkol sa isang bagong sanlibutan ay nagpatuloy hanggang 1993. Ang The New York Times ay nag-ulat noong Enero tungkol sa isang kasunduang nangako ng mga pagbabawas sa mga sandatang nuklear. Sinabi ng pahayagan: “Inilalagay niyan ang Amerika at Russia ‘sa bungad ng isang bagong sanlibutan ng pag-asa,’ ayon sa piling mga salita ng Pangulong Bush.”

Pagkalipas ng dalawang linggo ang bagong pangulo ng E.U., na si Bill Clinton, ay nagpahayag sa kaniyang pampasinayang talumpati: “Sa ngayon, habang palipas ang dating kaayusan, ang bagong sanlibutan ay higit na malaya subalit mabuway.” Sinabi pa niya: “Ang bagong sanlibutang ito ay nagpayaman na sa buhay ng milyun-milyong Amerikano.”

Kaya napakaraming usap-usapan tungkol sa isang bagong sanlibutan​—isang naiiba at higit na mabuting sanlibutan. Ayon sa isang pagbilang, sa isang maikling panahon, binanggit ni George Bush nang 42 ulit sa pangmadlang mga pahayag ang “Bagong Sanlibutang Kaayusan.”

Subalit ang gayon bang pahayag ay naiiba? Narinig na ba ito noon?

Hindi na Talaga Bago

Noong Mayo 1919, pagkatapos na pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang Federal Council of the Churches of Christ sa Amerika ay nagdaos ng isang pulong sa Cleveland, Ohio, na kung saan ipinahayag ang ‘posibilidad ng isang bago at mas mabuting sanlibutan.’ Sinabi pa ng isang tagapagsalita: “Ito’y magiging isang bagong sanlibutan na kung saan ang simulain ng pakikipagpaligsahan ay nahalinhan na ng simulain ng samahan at pakikipagkapuwa-tao. Ito’y magiging isang bagong sanlibutan na kung saan ang simulain ng pagkakaisa ang hahalili sa simulain ng pagkakabaha-bahagi . . . Ito’y magiging isang bagong sanlibutan kung saan ang kapatiran at pagkakaibigan ang papalit sa lahat ng alitan maliban sa pakikipagtunggali laban sa masama.”

Paanong naniwala ang mga iglesya na ang bagong sanlibutang ito ay darating? Sa pamamagitan ba ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos na ipinangako sa Bibliya? Hindi. Sila’y umaasa sa isang pulitikal na organisasyon na siyang magdadala ng bagong sanlibutang ito. “Ang ating tinatawag sa ngayon na Liga ng mga Bansa,” sabi ng isang pinuno ng simbahan, “ay isang napakahalaga at di-maiiwasang bunga ng lahat ng ating Kristiyanong pananampalataya at pagsisikap sa daigdig.” Itinataguyod pa nga ng mga pinuno ng simbahan nang panahong iyon ang Liga ng mga Bansa bilang “ang pulitikal na kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa.”

Sa kabilang dako, sinalungat ng makapangyarihang pinuno sa Alemanya, si Adolf Hitler, ang Liga ng mga Bansa at itinatag noong dekada ng 1930 ang Third Reich ng Alemanya. Sinabi niya na ang Reich ay tatagal nang isang libong taon at makatutupad sa sinasabi ng Bibliya na ang makagagawa lamang ay ang Kaharian ng Diyos. “Pasisimulan ko ito sa mga kabataan,” ani Hitler. “Sa pamamagitan nila magagawa ko ang isang bagong sanlibutan.”

Nagpatayo si Hitler ng pagkalaki-laking istadyum sa Nuremberg para itanghal ang kapangyarihan ng Nazi. Kapansin-pansin, 144 na gahiganteng mga haligi ang itinayo sa isang entablado na halos 300 metro ang haba. Bakit 144 na haligi? Binabanggit ng Bibliya ang 144,000 na makakasamang maghahari ng “Kordero” si Jesu-Kristo, at na ang kanilang pamamahala ay isang libong taon. (Apocalipsis 14:1; 20:4, 6) Maliwanag, ang pagtatayo ng istadyum sa Nuremberg na may 144 na haligi ay hindi nagkataon lamang na bilang, yamang ang mga salita sa Bibliya at paglalarawan na ginamit ng mga opisyal na Nazi ay totoong nasusulat.

Ano ang resulta ng mga pagsisikap ng mga tao upang tuparin kung ano ang sinasabi ng Bibliya na magagawa lamang ng Kaharian ng Diyos?

Kabiguan ng mga Pagsisikap ng Tao

Ang kasaysayan ay tahasang nagpapatunay na nabigong pangyarihin ng Liga ng mga Bansa ang isang bagong sanlibutan ng kapayapaan. Ang organisasyong iyan ay bumagsak nang nalugmok ang mga bansa sa Digmaang Pandaigdig II. Isa pa, pagkalipas lamang ng 12 taon, gumuho ang Third Reich. Ito’y isang lubusang pagkabigo, isang kahihiyan sa sangkatauhan.

Sa buong kasaysayan patuloy na hindi naging matagumpay ang mga pagsisikap ng tao na lumikha ng mapayapang bagong sanlibutan. “Ang bawat sibilisasyon na umiral kailanman ay lubusang gumuho,” sabi ng dating U.S. Secretary of State na si Henry Kissinger. “Ang kasaysayan ay isang salaysay ng mga pagsisikap na nabigo, ng mga mithiing hindi natupad.”

Kung gayon, ano naman ang tungkol sa bagong sanlibutang kaayusan na kamakailan lamang ay ipinagpaparangalan ng mga pinuno ng daigdig? Ang pagsiklab ng panlahing karahasan ay kumutya sa talagang idea ng bagong sanlibutan. Halimbawa, nitong nakaraang Marso 6, may panunuyang nagsabi ang kolumnistang si William Pfaff: “Ang bagong sanlibutang kaayusan ay dumating na. Napakahusay nito at totoong bago, pinababanal nito ang pananakop, pagsalakay at paglipol ng lahi na siyang nararapat na internasyonal na paggawi.”

Ang matinding alitan at ang mga kalupitan na naganap pasimula ng pagbagsak ng Komunismo ay nakapangingilabot. Maging si George Bush, bago lumisan sa kaniyang panunungkulan noong Enero, ay umamin: “Ang bagong sanlibutan, di-maglalaon, ay magiging kasinsama rin ng dati.”

Dahilan Para Umasa?

Nangangahulugan ba ito na ang kalagayan ay wala nang pag-asa? Ang bagong sanlibutan ba’y isang panaginip lamang? Maliwanag, hindi nagawang pangyarihin ng tao ang isang bagong sanlibutan. Subalit kumusta naman ang pangako ng Maylikha na siyang magpapangyari niyon? “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang [ng Diyos] pangako,” sabi ng Bibliya.​—2 Pedro 3:13.

Ang mga bagong langit na ipinangako ng Diyos ay isang bagong pamamahala sa lupa. Ang bagong pamamahalang ito ay ang Kaharian ng Diyos, ang kaniyang makalangit na pamahalaan na itinuro ni Jesus sa mga tao na ipanalangin. (Mateo 6:9, 10) Ang makalangit na pamahalaang iyan ay binubuo ni Jesu-Kristo at ng 144,000 kasamang maghahari, at ang bagong lupa ay isang bagong lipunan ng mga tao. Oo, sila’y mabubuhay sa isang maluwalhating bagong sanlibutan na may katapatang magtataguyod sa pamamahala ng Diyos.

Ang pamahalaang Kaharian ng Diyos ay mamumuno sa ipinangakong bagong sanlibutan. Kaya ang bagong sanlibutang ito ay hindi gawa ng tao. “Ang kaharian ng Diyos ay hindi kailanman nangangahulugan ng isang pagkilos na isasagawa ng mga tao o isang kaharian na kanilang itatatag,” ang paliwanag ng isang ensayklopidiya sa Bibliya. “Ang kaharian ay isang banal na pagkilos, hindi gawa ng tao ni ito man ay gawa ng nag-alay na mga Kristiyano.”​—The Zondervan Pictorial Encyclopedia of the Bible.

Ang bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay tiyak na darating. Ikaw ay makaaasa sa pagdating nito sapagkat ipinangako iyan ng “Diyos, na hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Pakisuyong isaalang-alang kung magiging anong uri ng sanlibutan ang bagong sanlibutan ng Diyos.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Larawan ng NASA