Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kahaliling Pagka-Ina Sa inyong artikulong “Kahaliling Pagka-Ina—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?” (Marso 8, 1993), inyong sinipi ang Levitico 18:20 na nagsasabi: “Huwag mong ibibigay ang iyong inilabas na semilya (semen) sa asawa ng iyong kapuwa.” Gayunpaman, ang King James Version ay basta nagsasabi: “Huwag kang sisiping sa asawa ng iyong kapuwa.” Gayundin ang mababasa sa The New English Bible at New American Standard Bible. Inyong pinapalitan ang mga Kasulatan. Ano ba ang sinasabi ng orihinal na Salita ng Diyos?
S. S., Estados Unidos
Binubuod ng karamihan sa mga salin ang talatang ito. Isinasalin ito ng “New World Translation” nang literal, gaya rin ng “The NIV Interlinear Hebrew-English Old Testament” at “The Interlinear Hebrew/Greek English Bible.” Isinasalin ng huling banggit ang talatang ito na: “At huwag mong ibibigay ang binhi ng iyong pagtatalik sa asawa ng iyong kapuwa.”—ED.
Luha Ang artikulong “Bakit Tayo Lumuluha?” (Setyembre 22, 1992) ay labis na nakaakit sa akin. Noon ay ibig kong malaman kung bakit tayo umiiyak at ano ang tungkulin ng luha. Salamat sa napakainam-na-pagkakasulat na artikulong ito, ngayo’y nauunawaan ko na. Pinangyari nito na madama ko ang malaking pasasalamat kay Jehova sa kamangha-manghang paraan ng pagkalalang niya sa atin.
F. G., Portugal
Pag-aaral sa Bahay Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Pag-aaral sa Bahay—Ito ba’y Para sa Iyo?” (Abril 8, 1993) Sa kasalukuyan ay pinag-aaral ko ang dalawa sa aking apat na anak sa amin mismong tahanan. Maraming beses na ako’y pinagsasabihan ng iba na labis kong pinangangalagaan ang aking mga anak. Sa gayon, ang inyong walang pinapanigang paninindigan sa bagay na ito ay labis kong pinahahalagahan.
B. W., Estados Unidos
Salaysay ng Buhay Ang karanasan ni Marlene Pavlow, “Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata” (Marso 22, 1993), ay marahil ang pinakanakapagpapatibay na artikulong nabasa ko. Gustung-gusto ko ang tapat at tahasang paglalarawan niya ng kaniyang buhay. Palibhasa’y nagkaroon din ako ng gayong mga problema, nakadama ako ng pagkamalapít kay Marlene. Salamat sa pagkakaroon ng gayong kamangha-manghang mga artikulo para sa karaniwang mga taong tulad namin. Nadarama kong may pag-asa kung ang iba ay may taglay ring kaligayahan at paghihirap na katulad namin.
R. H., Estados Unidos
Hindi pa ako nakabasa ng gayong artikulo na labis na nakabagbag sa akin. Bawat salita, inilalarawan nito ang aking buhay. Ito mismo ang kailangan ko!
K. B., New Zealand
Pag-iistima Sumusulat ako upang papurihan kayo sa artikulong “Nais Mo bang Istimahin ang Iyong mga Kaibigan?” (Abril 22, 1993) Bilang isang baguhang manunugtog, labis akong nakinabang mula rito. Madalas akong anyayahan ng aking mga kaibigan sa mga sosyal na pagtitipon upang tumugtog at umawit. Ang inyong mungkahi hinggil sa pagbuo ng mga palabas at pagsasangkot ng mga tagapanood ay totoong napakahusay!
P. S. S. M., Brazil
Mga Alagang Hayop Sa artikulong “Gusto ba ng Iyong Anak ng Isang Alagang Hayop?” (Enero 22, 1993), ay inyong sinabi: “Hinahawahan ng maaamong mga pusa ang halos 3,300 magiging mga ina sa isang taon ng toxoplasmosis, na nagbubunga ng 15 porsiyento ng kamatayan ng ipinagbubuntis na sanggol.” Sang-ayon sa isang mapanghahawakang impormasyon, ang panganib ng pagkahawa ng sakit na ito ay maliit lamang. Hindi kaya nagmamalabis kayo hinggil sa panganib ng pag-aalaga ng pusa?
K. T., Japan
Ang pangungusap na sinabi mo ay sinipi mula sa “U.S.News & World Report.” Bagaman kakaunting bilang lamang ng mga babaing nagdadalang-tao ang nahahawahan ng mga pusa, ang “Wellness Letter” na inilathala ng University of California sa Berkeley ay nagbababala pa rin sa mga babaing nagdadalang-tao hinggil sa “paghimas sa pusa.” Nakatutuwa naman, ang sakit ay bihirang mailipat nang basta paghawak lamang sa pusa. Sinasabi ng “Wellness Letter”: “Ang sakit ay karaniwang naililipat kapag nakahawak ka ng dumi ng pusa, tulad ng pagtatapon ng kalat ng pusa.”—ED.