Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakatutulong ba ang Ehersisyo sa mga May-edad Na?

Nakatutulong ba ang Ehersisyo sa mga May-edad Na?

Nakatutulong ba ang Ehersisyo sa mga May-edad Na?

“Mababago Kaya ng Ehersisyo ang Pagtanda?” Iyan ang ulong balita sa The New York Times halos limang taon na ang nakalipas. Ganito ang ulat ng artikulo: “Nasumpungan ng mga siyentipiko sa medisina mula sa Tufts University [sa Boston] na ang mga taong halos kasintanda nang 90 ay maaari pang higit na lumakas at mapalaki pa ang kanilang mga kalamnan kung mapasusunod lamang sila sa isang mahigpit na pamantayan ng masiglang pagsasanay sa pagbubuhat ng mabibigat na bagay.”

Ang katibayan na ang mga may edad na ay totoong makikinabang mula sa pag-eehersisyo ay patuloy na dumarami. Ang Pebrero 1991 na labas ng Harvard Health Letter na naiulat sa isang pagsusuri noong 1990, ay nagsasabi: “Ang siyam na [naninirahan sa nursing home] sa pagitan ng mga edad na 87 at 96 ay nakapagtapos ng dalawang buwang mahigpit na pagsasanay sa pampalakas na gumagamit ng kagamitang mabibigat.” May kaugnayan sa pagsusuring ito, ang Mayo Clinic Nutrition Letter ay nagpaliwanag: “Ang mga kalahok ay dumoble halos ang lakas ng kalamnan sa binti, lumaki ang sukat ng kalamnan sa hita ng 9 na porsiyento at sumulong ang paggawa sa mga pagsubok sa kadaliang kumilos.”

Iniulat ng mga mananaliksik: “Ang kaayaayang pagtugon sa pagsasanay sa lakas ng aming mga sinasanay ay kapansin-pansin sa kabila ng kanilang may katandaang gulang, labis na ugaling palaupo, napakaraming talamak na mga karamdaman at mga kapansanan sa pagkilos at kakulangan sa nutrisyon.” Paulit-ulit na napatunayan ang kahalagahan ng pag-eehersisyo.

Halimbawa, isaalang-alang ang 90-taóng-gulang na si Jack Siebert, na inatake noong 1979 anupat naparalisado ang kaniyang kanang katawan at hindi makalakad kung walang tulong ng isang walker. Halos tuwing umaga sa loob ng sampung taon, siya’y naratay sa kama at itinataas ang kaniyang kaliwang paa na hindi paralisado, na ikinikilos ito sa loob ng halos 20 minuto sa paraang mistulang pumapadyak ng bisikleta. At kung minsan kaniyang ipinapatong ang paralisadong kanang binti sa kaliwang binti (gaya ng makikita sa larawan) at iniikot ang dalawa. Hindi lamang napalakas ng regular na pag-eehersisyong ito ang mga kalamnan ng kaniyang binti para siya’y makalakad pa na may walker kundi natulungan siyang mapanatiling malakas ang kaniyang puso at mapanatiling aktibo ang kaniyang isip.

Kaya, tandaan, hindi pa napakahuli upang pasimulan ang pag-eehersisyo. Totoo, maaaring hindi ka makatakbo sa Boston Marathon​—42-kilometro, 385-yarda na takbuhan—​sa loob ng limang oras at limang minuto, gaya ng ginawa ng 82-taóng-gulang na si John Kelley noong 1990. Ni malamáng na matatapos mo ang distansiyang iyan sa loob ng pitong oras at siyam na minuto, gaya ng ginawa ng 84-taóng-gulang na lola-sa-tuhod na si Mavis Lindgren noong 1991. Gayunman, ang Circulation, isang magasin ng American Heart Association, ay humimok noong nakaraang taon: “Napakahalaga na ugaliing maghanap ng mga paraan na maging masigla.”

Ang magasin ay nagpaliwanag: “Kahit na ang di-mabibigat na mga gawain na isinasagawa araw-araw ay maaaring may matagalang mga pakinabang sa kalusugan at mapabababa ang panganib ng sakit sa puso. Kalakip sa gayong mga gawain ay ang paglalakad-lakad, paghahalaman, pagtatrabaho sa bakuran, gawaing bahay, pagsasayaw at iminungkahing ehersisyo sa bahay.”

[Larawan sa pahina 23]

Ang isang may edad na ay maaaring makinabang mula sa pag-eehersisyo, gaya ng 90-taóng-gulang na ito na biktima ng atake