Pagka Dumating na ang Bagong Sanlibutan
Pagka Dumating na ang Bagong Sanlibutan
ANG bagong sanlibutan ng Diyos ay darating pagka ang kasalukuyang sanlibutan ay lumipas na. Subalit maitatanong mo, ‘Talaga bang mapaniniwalaan natin na magwawakas ang sanlibutang ito?’ Buweno, isaalang-alang, may dati na bang sanlibutan na lumipas?
Oo, ayon sa tunay na katibayan, isang sanlibutan noon ang nagwakas. “Ang sanlibutan noon [panahon ni Noe] ay napahamak nang ito’y apawan ng tubig,” sabi ng Bibliya. Ang Diyos ay “hindi nagpigil ng pagpaparusa sa isang sinaunang sanlibutan, ngunit si Noe, na mangangaral ng katuwiran, ay iningatang ligtas, kasama ng pito pa nang gunawin niya ang isang sanlibutan ng mga taong balakyot.”—2 Pedro 2:5; 3:6.
Pansinin na iyon ay “isang sanlibutan ng mga taong balakyot,” o isang balakyot na sistema ng mga bagay, na naparam. Hindi ang planetang Lupa, ang mabituing langit, o ang sangkatauhan ang nagwakas. Habang ang mga nakaligtas sa Baha ay dumami, isa pang sanlibutan (ang ating kasalukuyang sanlibutan) ang umiral. Ano ang mangyayari rito?
Pagkatapos na sabihing ang sanlibutan noong kaarawan ni Noe ay nakaranas ng pagkapuksa, ang Bibliya ay nagpapatuloy: “Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa ngayon ay iningatan para sa apoy.” (2 Pedro 3:7) Ang apoy ay nangangahulugan ng pagkawasak para sa sanlibutan. Tunay nga, “ang sanlibutan [ang isa na umiiral ngayon] ay lumilipas.” (1 Juan 2:17) Subalit kailan?
Ibig malaman ito ng mga alagad ni Jesus, kaya sila’y nagtanong: “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanlibutan?” (Mateo 24:3, King James Version) Bilang sagot nagbigay si Jesus ng isang tanda upang mabatid ng mga taong nabubuhay sa panahon ng katuparan nito na isang sanlibutan di-magtatagal ang magwawakas na; isang bagong sanlibutan ang hahalili rito. Ano ang tandang iyan?
Ang Tanda
Kalakip sa tanda ang maraming bahagi, oo, maraming inihulang pangyayari. Upang matupad ang tanda, lahat ng ito ay kailangang maganap sa isang kapansin-pansing paraan nang sabay-sabay, sa isang salinlahi. (Mateo 24:34) Anu-ano ang pangyayaring ito?
Ang ilan sa binanggit ni Jesus ay: “Titindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakaroon ng malalakas na lindol, at ng mga salot sa iba’t ibang dako at magkakagutom.” “Kung magkagayo’y ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at kayo’y papatayin, at kayo’y kapopootan ng lahat ng bansa dahil sa aking pangalan. . . . Dahil sa pagsagana ng katampalasanan ang pag-ibig ng marami ay lalamig.”—Lucas 21:10, 11; Mateo 24:7-9, 12.
Si apostol Pablo ay nagbigay ng ibang mga kalagayan na siyang tanda ng “mga huling araw” ng sanlibutang ito. Siya’y sumulat: “Sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, . . . masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, . . . matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan niyaon.”—2 Timoteo 3:1-5.
Tiyak, nakita mo na o narinig ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito—internasyonal na mga alitan na dinaig pa ang dating mga digmaan, malalakas na lindol, laganap na salot at kakapusan sa pagkain, pagkapoot at pag-uusig sa mga tagasunod ni Kristo, lumalagong katampalasanan, at napakapanganib na panahong di-malalaluan ang lawak. Bukod pa sa mga bagay na ito, inihuhula ng Bibliya na ‘ipapahamak mo [ng Diyos] ang mga nagpapahamak ng lupa.’ (Apocalipsis 11:18) At sinisira ng mga tao ang lupa sa ngayon!
Noong nakaraang Nobyembre, napalathala sa mga pahayagan ang mga ulong balita na gaya nito: “Nagbabala ang Kilalang mga Siyentipiko ng Pagkalipol ng Lupa.” Si Dr. Henry Kendall, na tumanggap ng gawad ng Nobel at tsirman ng Union of Concerned Scientists, ay nagsabi: “Ang babalang ito ay hindi pagmamalabis, at hindi ito pananakot.” Isang artikulo sa pahayagan ang nag-ulat: “Ang listahan ng 1,575 siyentipiko na nagbalangkas ng babala ay kabilang sa talaan ng kilaláng mga tao sa internasyonal na pangkat ng mga siyentipiko.” Ang kanilang babala ng lubusang pagkalipol ng ating lupa ay hindi dapat ipagwalang-bahala!
Walang alinlangan tungkol sa bagay na ito. Ang mga bahagi ng tanda ay natutupad, lakip na ang pangunahing hula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas,” oo, ang wakas ng sanlibutang ito. (Mateo 24:14) Ito’y darating, sabi ni Jesus, pagka ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay naipangaral na sa buong lupa. At ang pangangaral na iyan ay isinasagawa ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa inihulang lawak nito!
Kung Ano ang Kailangan Mong Gawin
Sa gayon, ang lahat ng katibayan ay nagtatampok sa katunayan na napakalapit na ng bagong sanlibutan ng Diyos. Subalit, kung ikaw ay makaliligtas sa kawakasan ng sanlibutang ito at magtatamasa ng buhay sa bagong sanlibutan, may kailangan kang gawin. Pagkatapos na sabihin na “ang sanlibutan ay lumilipas,” ipinakikita ng Bibliya kung ano ang kahilingan sa iyo, na nagpapaliwanag: “Datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Kaya kailangan mong matutuhan ang kalooban ng Diyos at gawin iyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod na tulungan ka. Pagkatapos makaliligtas ka sa katapusan ng sanlibutang ito upang tamasahin nang walang-hanggan ang mga pagpapala ng bagong sanlibutan ng Diyos.
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Larawan ng NASA
[Larawan sa pahina 10]
Isang panahon ng matinding kaligaligan ang agad na mangyayari bago ang bagong sanlibutan