Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Babala Hinggil sa Tuberkulosis
Ipinahayag ng World Health Organization (WHO) na ang tuberkulosis ay isang pandaigdig na suliranin, nagbibigay babala na mahigit na 30 milyon katao ang mamamatay sa sakit na ito sa susunod na sampung taon malibang may magagawa upang masugpo ang pagkalat nito. Bagaman ang TB ay naiiwasan at nagagamot, ang bilang ng kaso ay mabilis na dumami nitong nakaraang mga taon. Sa ngayon, walong milyon katao ang nagkakasakit taun-taon. Sang-ayon sa WHO, ang bahagyang dahilan ng muling-paglitaw ng sakit ay ang kapabayaan sa pangmadlang-patakaran at mahinang pangangasiwa sa mga programa sa pagsugpo. Ang isa pang salik sa pagdami ay ang malakas na ugnayan sa pagitan ng TB at pagkahawa sa HIV (ang virus na humahantong sa AIDS). Ang isang taong nahawahan ng HIV ay 25 ulit na mas nanganganib na magkaroon ng nakamamatay na kaso ng TB. Mahigit sa 95 porsiyento ng mga namamatay dahilan sa TB ay nagaganap sa nagpapaunlad na mga bansa.
Mga Bahagi ng Bibliya sa Mahigit na 2,000 Wika
Ipinatalastas ng United Bible Societies (UBS) na noong 1992, ang mga bahagi ng Bibliya ay naisalin na sa 31 pang karagdagang wika; kaya ang kabuuang bilang ng mga wika na kung saan makakukuha kahit isang aklat man lang ng Bibliya ay umabot na sa 2,009. Di-magtatagal, ang bilang na ito ay tataas pa sapagkat isinasalin ngayon ng UBS ang mga bahagi ng Bibliya sa 419 karagdagang wika. Ang kumpletong mga Bibliya ay makukuha ngayon sa 329 na wika at ang “Bagong Tipan” sa 770 iba pa. “Ang mga pagtaya sa kabuuang bilang ng mga wika sa mundo,” sulat ng Ecumenical Press Service, “ay nasa pagitan ng 5,000 hanggang 6,500.” Kapuna-puna, sa 1993, ang kabuuang bilang ng mga Bibliyang nagawa ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., nang buo o bahagi man ay mahigit sa 83 milyon.
Mapakikinabangang Lumang mga Gulong
Sa Brazil, 17 milyong gulong ng sasakyan ang kinakailangang palitan taun-taon. Gayunman, ang magasing Superinteressante ay nag-uulat na ang gayong lumang mga gulong ay magagamit muli, alalaong baga’y, sa pamamagitan ng paghahalo nito sa aspalto na magagamit sa pagpapatag ng lansangang-bayan. Bagaman hindi na bago ang muling paggamit ng lumang gulong, ang paggamit ng mga goma kasama ng aspalto ay bago. Inaasahan na ang pamamaraang ito ay “makababawas ng malaki sa gabundok na basurang naiipon sa planeta.”
AIDS sa Timog Aprika
Ang patuloy na pagdami ng AIDS sa pinakatimog na mga rehiyon ng Aprika ay hindi napipigilan. Noong 1992, mahigit na 50 katao sa isang araw sa Timog Aprika ang nasumpungang nahawahan ng virus ng AIDS. Yamang hindi kabilang dito ang mga naninirahan sa mataong malalayang estado ng bansang iyan, ang araw-araw na bilang ng mga potensiyal na biktima ng AIDS ay higit na mataas. Iniuulat ng The Star ng Johannesburg, Timog Aprika, na “ang mabilis na pagdami ng AIDS sa katimugang Aprika ay malawakang ipinapalagay na isa sa pinakamaigting na hamon ng dumarating na dekada.”
Pagbabalik ng Rabies
Ang rabies, na minsang nasugpo sa lalawigan ng Natal sa Timog Aprika, ay dumarami ngayon. Sa Natal at sa karatig na Mozambique, nilisan ng marami ang rurál at nandayuhan sa mga lungsod, dala ang kani-kanilang mga alagang hayop. Ang mga programa para sa pagbabakuna ay hindi nakaabot sa nangalat na mga taong ito. Noong 1992 mahigit sa 300 kaso ng rabies ang naiulat sa lugar na iyon. Karamihan sa ibinungang 29 na kamatayan ay nagsasangkot ng mga bata. Si Paul Kloeck, direktor ng rehiyon sa mga paglilingkod sa hayop, ay may pangambang nagsasabi: “Lubhang napakahirap maabot ang mga taong naninirahan sa impormal na mga pamayanan.” Ang sabi niya: “Ang karahasan sa pulitika, mga pagtutol dahil sa kultura at ang takot sa pagtitipon ay humahadlang sa ating mga programa.”
Budismo na may Jazz
Sa isang pambihirang pagkakasama, isang libong paring Budista mula sa lahat ng panig ng Hapón ay nagtipon kasama ng tanyag na mga manunugtog ng jazz sa napakalaking Nippon Budokan ng Tokyo upang magtanghal ng isang konsiyerto ng shomyo at jazz. Ang shomyo ay isang awit na kinatha nang walang-paghahanda o pag-awit ng mga sutra, istilong India, na malayung-malayo sa Kanluraning musika. Kahit na sa iba’t ibang uri ng kanilang musika, hindi nahirapan ang mga manunugtog ng jazz na isama ang kanilang musika sa mga sutra. “Sa palagay ko ang pagkatha ng awit nang walang-paghahanda ay may malapit na kaugnayan sa espirituwal na pagkagising sa relihiyon,” gaya ng pagkasabi ng isang popular na piyanista ng jazz na sinipi ng The Daily Yomiuri. Isinusog niya: “Kung minsan nararamdaman kong hindi ako ang tumutugtog ng piyano kundi isang kakatwang kapangyarihan mula sa ibang daigdig.”
Takot sa Krimen sa Alemanya
Itinuturing ng 2 sa 3 Aleman ang grupo ng mga extremist bilang isang panganib sa demokrasya ng bansang iyon. Mahigit sa kalahati ng populasyon ang nagnanais na makitang ang Estado ay lalong maging mahigpit sa pakikitungo sa mararahas na demonstrador. Halos 50 porsiyento ay sumasang-ayon na ang mga pulis ay dapat na gumamit ng mga batuta at tear gas. At tungkol naman sa paglaban sa organisadong mga krimen, halos 60 porsiyento ay sumasang-ayon sa paggamit
ng kagamitang panubok para mapakinggan ang mga usapan sa pribadong mga tahanan. Iyan ang mga resulta ng surbey sa mga palagay ng halos 3,000 tao na isinagawa ng Emnid Institute noong 1992 at iniulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung.Naiibang Kuwento ng Pag-ibig
Ang mga kuwento ng pag-ibig na may kinalaman sa “pag-iibigan” sa pagitan ng mga lalaki ay lalong naging popular sa Hapón noong nakaraang dalawang taon. Ang pinakamahilig magbasa ay mga babae, lalung-lalo na mula sa mga tin-edyer hanggang sa unang mga taon ng edad 20. Sinasabi ng Asahi Evening News na ang hilig na ito sa mga nobela ay ikinaliligalig ng mga homosekso sa bansang iyan. Sinipi nito ang isang manunulat na homosekso, si Masaki Sato, na nagsasabi: “Sa seksuwal na paglalarawan sa mga kuwentong pag-ibig ng mga tin-edyer, ang mga lalaki ay itinuring na paksa ng pag-uusyoso ng mga babae.” Inireklamo pa niya: “Tumututol ang kababaihan sa mga palagay sa mga babae na inilalarawan ng kalalakihan sa mahahalay na nobela. Ngayon ang (mga binabae) ay nasa gayunding kalagayan.”
Mga Batang Nawawala
Sa Italya daan-daang bata ang nawawala taun-taon nang walang palatandaan. Marami ay umaalis ng bahay sa umaga patungo sa paaralan at hindi na bumabalik. Noong 1992 lamang, 734 bata ang nawala, 245 na kahigitan sa nakaraang taon. Sang-ayon sa report ng Italian Ministry of the Interior, ang kabuuang bilang ng bagong mga kasong nabuksan ay 3,063. Mas maraming batang babae ang nawawala kaysa sa mga batang lalaki.
Ano ang Nagpapaligaya sa Iyo?
Maliwanag, ang pagkakaroon ng maraming salapi ay hindi nagpapangyari sa mga tao na maging mas maligaya. Sinasabi ng magasing Psychology Today: “Kapag ang kita ng isa ay mas mataas kaysa sa karaniwan, nakapagtataka na ang dagdag na kita ay may kakaunting kaugnayan sa personal na kaligayahan.” Ang sumusunod na mga salik ay sinasabing mahalaga sa kaligayahan: ang optimistiko, subalit makatotohanang pananaw; nakikisama at palakaibigan; pagkadama ng pagsupil sa sariling buhay, kalakip ang “mabisang pangangasiwa ng sariling panahon”; at pagkakaroon ng “isang aktibong relihiyosong pananampalataya.”
Hindi pa Huli Para Huminto
Mientras mas maaga mong ihihinto ang paninigarilyo, malamang na mas mabawasan ang posibilidad mo na mamatay sa kanser sa baga. Sa isang kamakailang pagsusuri sa 900,000 Amerikano, ang pag-uulat ng The Lancet, ay nagsiwalat ng mga sumusunod. Sa mga hindi naninigarilyo ang bilang ng mga taong namatay dahil sa kanser sa baga bago sumapit sa edad na 75 ay mababa sa 50 sa bawat 100,000. Para sa kalalakihan na huminto nang manigarilyo sa edad na 30, ang bilang ng namamatay ay umabot sa halos 100 sa bawat 100,000. Para sa mga huminto sa edad na 60, ang bilang ay tumaas hanggang 550 sa bawat 100,000. Sa mga naninigarilyo na hindi huminto, ang bilang ng namamatay dahil sa kanser sa baga ay 1,250 sa bawat 100,000. Sa mga babae ang bilang ng mga namamatay dahil sa kanser sa baga ay mas mababa subalit halos katulad din dito.
Mga Pagkakamali sa Laboratoryo
Daan-daan libo katao ang namamatay o nagkakasakit nang malubha bawat taon dahilan sa mga pagkakamaling nagawa sa mga laboratoryong pang-medisina, sabi ng World Health Organization. Ang mga laboratoryo ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pagsusuri ng dugo at himaymay ng tao upang matuklasan at mapatunayan ang sakit. Ang pagkakamali sa resulta ng pagsusuri ay maaaring humantong sa maling pagrerekunusi at panggagamot. Noong Abril mahigit na 90 dalubhasa mula sa buong mundo ang nagtipon sa Geneva, Switzerland, upang pag-usapan ang suliraning ito.
“Malalaking Siyudad”
“Sa pagbabago ng siglo, magkakaroon ng 21 ‘malalaking lungsod’ (megacity) na may populasyong 10 milyon o higit pa,” ang sabi ng magasing Time. “Sa mga ito, 18 ay sa nagpapaunlad na mga bansa, kasama ang ilan sa pinakamahihirap na bansa sa daigdig.” Labintatlong bansa ang itinala na mayroon nang sampung milyong tao o higit pa sa kanilang malalaking lungsod. Ang Tokyo ang nangunguna, na may halos 26 na milyong naninirahan, sinusundan ng São Paulo, New York City, Mexico City, Shanghai, Bombay, Los Angeles, Buenos Aires, Seoul, Beijing, Rio de Janeiro, Calcutta, at Djakarta. Ang ilang lungsod sa Aprika ay lumalaki nang 10 porsiyento taun-taon—ang pinakamabilis na bilang ng pagiging lungsod na kailanma’y naiulat—ang sabi ng World Bank. Ang mas malalaking populasyon ay kadalasang sinusundan ng malubhang polusyon at ng banta ng pagkakasakit.
Mga Pag-aangkin mula sa Titanic
Ang mga nagmamay-ari ay binigyan ng tatlong buwan upang angkinin ang alinman sa 1,800 mga bagay na nakuhang-muli mula sa Titanic, pitong taon pagkaraang matagpuan ang lumubog na barko sa mayelong tubig mula sa Newfoundland. Nang lumubog ang barko mula sa unang paglalakbay nito noong 1912, karamihan sa mga taong nag-aangkin ay maaaring mga tagapagmana ng 687 tao na nakaligtas sa trahedya o ng 1,513 na nasawi. Kabilang sa mga nalikom ay mga relo at iba’t ibang uri ng mga alahas, barya, mga gamit na yari sa balat, at mga gamit sa pag-aayos ng buhok. Gayunpaman, mahirap patunayan ang katibayan ng pagmamay-ari, yamang kakaunting bagay ang may nakaukit na pangalan. Bukod diyan, sinumang nagnanais na makuhang muli ang gamit at makapagbibigay ng katibayan ng pagmamay-ari ay kailangang mag-abuloy para sa $5.5 milyon na halaga ng paglalakbay-dagat, batay sa napagkasunduang halaga ng mga kagamitan. Ang mga kagamitang walang nag-angkin ay magiging pag-aari ng samahan na namuhunan sa proyekto. Kapuna-puna, sa mga pang-araw-araw na gamit na nakukuhang muli ay walang yari sa plastik.