Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Isa na Mag-iingat ng Ating mga Hayop sa Parang

Ang Isa na Mag-iingat ng Ating mga Hayop sa Parang

Ang Isa na Mag-iingat ng Ating mga Hayop sa Parang

SA PASIMULA ng kasaysayan ng sangkatauhan, ang tao ay nasiyahan sa pag-aaral ng mababangis na hayop. Gayunman, nakalulungkot na pagkatapos pahintulutan ng Diyos ang tao na idagdag sa kaniyang pagkain ang karne, bumaba ang pagpapahalaga sa buhay ng hayop na nauwi sa di-kinakailangang pagpatay at malupit na pangangaso para sa mga ulo ng hayop.​—Genesis 2:19, 20; 9:2; 10:9; 25:27.

Subalit ang ilang tao ay nagpatuloy na humanga sa mga hayop sa lupa. Halos 3,000 taon na ang nakalipas, ang mga salita sa Awit 104 ay isinulat ng isang maibigin sa mga hayop sa parang. Binabanggit niya ang sari-saring mababangis na hayop sa pangalan, gaya ng mga zebra, leon, kambing sa kabundukan, rock badger, at ang tagak. Mula sa kaniyang pagsusuri sa mga ibon, mga awit ng ibon, at mababangis na hayop, ang salmista ay napakilos na bumulalas na may pagpuri: “Sa karunungan ay ginawa silang lahat [ni Jehova].”​—Awit 104:10-12, 17-21, 24.

Tunay nga, ang Diyos na Jehova ay may katuwirang magalak sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa ng paglalang. (Genesis 1:31) Sa gayon, makatitiyak tayo na hindi niya pahihintulutang malipol ang nalalabing mga hayop sa lupa. May kaugnayan diyan, kinasihan ng Diyos ang salmista na isulat ang impormasyon na magiging isang mabuting balita sa lahat ng mga maibigin sa hayop. Tayo ay sinabihan na ‘ang lupa . . . ay magiging matatag hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.’ (Awit 104:5) Ang gayong pagkabahala sa walang-hanggang kabutihan ng planetang ito ay tiyak na nagsasangkot sa mga nilalang na naninirahan dito. (Isaias 45:18) Pinatunayan ni Jesu-Kristo ang pagmamalasakit ng Diyos sa mga hayop sa parang nang kaniyang sabihin: “Hindi baga ipinagbibili ang limang maya sa dalawang beles? Subalit isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Diyos.” (Lucas 12:6) Ang pagmamalasakit ng Diyos sa kaniyang mga nilalang ay itinampok din sa Awit 104, talatang 14, na kababasahan ng ganito: “Kaniyang pinatutubo ang luntiang damo para sa mga hayop, at ang gugulayin sa paglilingkod sa tao, upang siya’y maglabas ng pagkain sa lupa.”

Kasuwato ng mga katotohanang ito, ang Diyos na Jehova ay hindi kailanman magpaparaya sa mga tao na nagtatakwil sa kaniya at nagsasapanganib ng kinabukasan ng lupa at ng mga hayop nito. Sa pagdiriin dito, ang Awit 104 ay nagtatapos sa nagbibigay-katiyakang mga pananalitang gaya nito: “Malilipol ang masasama sa lupa; at ang masasama ay mawawala na.”​—Awit 104:35.

Anong laking kaaliwan na malamang ipinahayag ng Diyos ang kaniyang matibay na hangaring “ipahamak ang mga nagpapahamak ng lupa.” (Apocalipsis 11:18) Sa panahong iyan ang iba pang hula na natutupad sa ngayon sa matalinghagang paraan ay magkakaroon ng literal na katuparan. Halimbawa, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Oseas, si Jehova ay nagsasabi: “At sa araw na iyon ay ipakikipagtipan ko sila sa mga hayop sa parang at sa mga ibon sa himpapawid at sa mga bagay na nagsisiusad sa lupa, at aking babaliin ang busog at ang tabak at patitigilin ko ang pagbabaka sa lupain, at akin silang pahihigaing tiwasay.”​—Oseas 2:18; Isaias 11:6-9.

Gunigunihin mo ang iyong sarili sa dumarating na makalupang Paraiso. Anong ligayang panahon iyon! ‘Subalit,’ baka maitanong mo, ‘ano ang kahilingan upang magmana ng gayong mga pagpapala?’ Una sa lahat, kailangan na mag-aral ng Salita ng Diyos. Pagkatapos, para sa mga sumusunod sa patnubay ng Bibliya, ganito ang kahanga-hangang pangako ng Diyos na Jehova: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”​—Awit 37:29.