Bakit Napakasumpungin ng Aking mga Magulang?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Napakasumpungin ng Aking mga Magulang?
“ANG hirap maintindihan ni Inay,” ang sabi ng kabataang si Jeanette. a “Kung siya ay pagod, ako ang napagbabalingan niya. Wala na akong sinabing tama.” Si Jim ay may gayon ding problema. “Kapag may nangyaring hindi maganda,” aniya, “ikaw ang pagbabalingan nila nang wala namang makatuwirang dahilan. Halimbawa kapag ayaw umandar ng kotse. Sisigawan ako ni itay—na para bang ako ang may kasalanan!”
Ito’y isang laganap na reklamo ng mga tin-edyer: Ang kanilang mga magulang ay sumpungin, mainitin ang ulo, pabigla-bigla. Sa isang araw sila’y masaya, maligaya, at nagtitiwala. Sa susunod na araw, sila’y matamlay at mapamintas sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo. “Sinisigawan nila ako nang wala namang dahilan,” panangis ng isang kabataan.
Gayunpaman, waring nakalilito kung minsan, halos lahat—pati ang mga magulang—ay nagiging sumpungin sa pana-panahon. Bahagi ito ng pagiging isang tao. Kaya nga binabanggit ng Bibliya ang iba’t ibang tao na nasa “masayang kondisyon,” “mahinahong kondisyon,” o maging nasa “kondisyong palaging galít.” (Esther 1:10; Job 11:19; Gawa 12:20) Ang ilang pagbabago ng kalooban ay waring kaugnay ng iba’t ibang biyolohikal na siklo. Halimbawa, ang mga babae ay madalas makaranas ng pagbabago ng kondisyon ng katawan sa panahon ng kanilang buwanang pagkakaroon. At karaniwan na sa kapuwa lalaki at babae na makaranas ng pisikal o emosyonal na panghihina sa dakong hapon o gabi.
Mga Kaigtingan at Pagkapagod
Isang artikulo sa American Health ang nagsasabi: “Ang karamihan sa mga di-mabuting kondisyon ay dahilan sa kalagayan ng katawan. Yamang ang pagkakasakit at di-timbang na pagkain ay maaaring maging panimulang salik, ang pagkapagod ay karaniwan nang pangunahing dahilan.” Ang mga ito’y “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan,” at sa marami kung hindi man lahat ng pamilya, kapuwa ang ina at ama ay kinakailangang maghanapbuhay. (2 Timoteo 3:1) Ang karaniwang resulta ay pagkapagod at panlalata. Dahil sa panlalata bunga ng patuloy na kaigtingan, ang ilang magulang ay maaaring makadama ng tulad ng matuwid na si Job, na inilarawan ang kaniyang sarili na “puspos ng kadalamhatian.”—Job 10:15; 14:1.
Kapag ang mga magulang ay lubhang nabibigatan sa kanilang pansariling mga suliranin, maaaring humina ang pakikipagtalastasan. Dumaraing ang batang si Jason: “Uutusan ka nilang gawin ang isang bagay, at susunod ka naman. Pagkatapos ay sasabihin nilang hindi iyon ang ipinagagawa nila sa iyo, at sila’y maiinis. Magagalit ka, at pagkatapos ay parurusahan ka nila dahil naiinis ka!”
Kung minsan ang mga kaigtingan sa buhay ay maaari ring umubos ng emosyonal na lakas ng mga magulang na kailangan para matugunan ang iyong mga pangangailangan. Ang Kawikaan 24:10 ay nagsasabi: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa araw ng kagipitan? Ang lakas mo ay uunti.” Inamin ng isang magulang: “Madalas kong sunduin si Diana sa paaralan kapag umuuwi ako galing sa trabaho. Siya’y sasakay sa kotse at magsisimulang makipag-usap sa akin tungkol sa lahat ng bagay na nangyari sa paaralan sa araw na iyon—at may mga araw na wala man lamang akong lakas na makinig. Ako’y totoong latang-lata na at nabibigatan sa mga nangyari sa akin sa araw na iyon para pakinggan pa ang kaniyang sinasabi.” Maaaring ito’y waring personal na pagtanggi kapag ang mga magulang ay gumagawi ng ganito, subalit kalimitang ito’y wala kundi dahil lamang sa pagod.
“Posible rin,” ang sabi ng manunulat na si Clayton Barbeau, “na ang iyong mga magulang ay may mga suliraning hindi mo nalalaman. Maraming kabataan ang nag-iisip na maliit na bagay lamang ang mga suliraning pangkabuhayan ng mga pamilya. Kung isasaalang-alang ang gastusin sa bahay at pagkain at ang di-katatagan ng trabaho sa modernong pinagtatrabahuhan, ang iyong mga magulang ay maaaring nababahala sa mga bagay na hindi nila nasabi sa iyo subalit pinag-uusapan nila.” O maaaring isinasabalikat nila ang mga pananagutang hindi puwedeng malaman ng iba. Isang amang Kristiyano ang naglilingkod bilang tagapangasiwa sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang sabi ng kaniyang anak na babae: “Minsan kung marami siyang problema sa kongregasyon, siya’y totoong mainit ang ulo. Sinisikap niyang huwag maibunton iyon sa amin, subalit labis siyang nagigipit anupa’t hindi na niya kayang harapin ang ibang bagay.” May kawastuang isinasaad ito ng Kawikaan 12:25: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon.”
Baka may katapangang itinatago ng iyong mga magulang ang kanilang kabalisahan. Subalit gaya ng isinasaad ng isang kawikaan: “Dahilan sa kapanglawan ng puso ay nababagabag ang diwa.” (Kawikaan 15:13) Kung minsan maaaring madaig sila ng kanilang samâ ng loob, at ang pinakamaliit na bagay na ikagagalit ay makapagpapasigalbo sa kinikimkim na pagkasiphayo. “Kung minsan kapag umuuwi si itay galing sa trabaho,” sabi ng isang tin-edyer na babae, “waring siya’y galít dahil sa nangyari sa trabaho. At kapag nalimutan kong gawin ang isang bagay, ipinaaalaala sa akin iyon ni itay. Pagkatapos maghahanap siya ng iba pang bagay na maaari niyang ibulyaw sa akin.”
Ngayon, walang alinlangan na dapat iwasan ang nakasasakit na salita. (Colosas 3:8) Inutusan ng Diyos ang mga magulang na huwag ipamungkahi sa galit ang kanilang mga anak. (Efeso 6:4) Subalit maging ang matuwid na taong si Job, sa ilalim ng panggigipit ng bumabagabag na mga kalagayan, ay nasumpungan ang kaniyang sarili na nagsasalita “nang pabigla.” (Job 6:3) Kaya bago mo hatulan nang masakit ang iyong mga magulang, tanungin mo ang iyong sarili: ‘Papaano ako kumikilos kapag masama ang aking araw o kapag nakadarama ako ng labis na panggigipit? Umiinit ba ang aking ulo o madaling nayayamot kung minsan?’ Kung oo, marahil higit mong mapatatawad ang iyong mga magulang.—Ihambing ang Mateo 6:12-15.
Isang tin-edyer na kabataan na nagngangalang
Chad ang nakatuklas mismo kung gaano kaigting ang buhay ng kaniyang ama. “Ako’y nagtatrabaho kasama ng aking ama sa kaniyang negosyo sa pagpipinta at pagkukumpuni ng kotse,” ang sabi niya, “at ngayon nauunawaan ko kung gaano katindi ang kaniyang hirap. Siya’y abalang-abala sa buong maghapon!”Kahirapan sa Kalagitnaan ng Buhay
Sa 2 Corinto 7:5, inamin ni apostol Pablo na siya’y may mga bagay na ‘kinatatakutan sa loob.’ Ang ilan sa emosyon ng iyong mga magulang ay maaaring dulot ng panloob na kabalisahan. Ganito ang sabi ng aklat na The Healthy Adolescent: “Kung papaano nakikipagpunyagi ang nagdadalaga o nagbibinata sa mga suliranin ng kabataan, gayundin naman ang mga magulang ay nakikipagpunyagi sa mga problema ng pagtanda. Ang huling nabanggit ay sumasapit na sa katanghaliang gulang, na, gaya ng mga taon ng pagkatin-edyer, ay isang mahirap na yugto na lipos ng sarili nitong mga kahirapan.”
Para sa ilang magulang ang pagkatanto na sila’y tumatanda na ay nakababahala. “Nagsimula akong makadama na ang buhay ko ay nagwawakas na,” sabi ng isang ama. “Ang aking trabaho ay hindi na nakasisiya, ang aking mga anak ay naghahanda nang magsarili, wari bang napakatanda ko na, at wala na akong maisip na anupamang aasahan kundi ang pagreretiro.” Habang nasisiyahan ka sa “kasariwaan ng buhay,” maaaring sila nama’y nagtitiis sa mga problemang pampisikal na dumarating kaakibat ng pagtanda. (Eclesiastes 11:10) Halimbawa, ang iyong ina marahil ay dumaranas ng mga pagbabago sa hormone dahil sa pagmemenopos at ng kalimitang nakayayamot na mga sintoma nito—pagkapagod, pananakit ng likod, hot flashes, pabagu-bago ng emosyon, na iilan lamang sa maaaring banggitin. b
Mientras sumasapit ka sa pagka-adulto, lalong kailangang harapin ng iyong mga magulang ang katotohanan ng mga salita sa Bibliya sa Genesis 2:24: “Kaya iiwan ng lalaki ang ama niya at ang ina niya.” Aba, maaaring ikaw ay gumagawa na ng isang malaking hakbang tungo sa kalayaan mula sa kanila! Ganito ang sabi ng aklat na Talking With Your Teenager: “Ito’y totoong masakit. . . . Kami [na mga magulang] ay maaaring makadamang hindi na kami minamahal na gaya ng dati . . . Ang aming nagdadalaga o nagbibinatang mga anak ay madalas na mas malayô, hindi na gaanong malambing, higit na mapangatuwiran. Ang kanilang pagnanais na lumayo sa amin, magkaroon ng mga karanasan sa labas ng pamilya, magpasiya o gumawa ng mga plano na malaya mula sa aming impluwensiya ay nagpapakita na kami’y di-gaanong mahalaga sa kanilang buhay na hindi gaya noon.”
Sa gayon madaling maunawaan kung bakit minsan ang iyong mga magulang ay lalo nang nagiging sumpungin o maramdamin kapag napag-uusapan ang tungkol sa iyong pagsasarili. Ganito ang sabi ng kabataang si Steve: “Ang mga magulang ko ay malilimutin. Sabihin mo sa kanilang aalis ka, at pagkatapos maya-maya’y magtatanong sila, ‘Saan ka pupunta?’ Sasabihin mo, ‘Nagsabi na po ako sa inyo na maglalaro ako ng volleyball.’ Sasabihin nila, ‘Hindi ka kailanman nagpaalam sa amin,’ at hihiyawan ka na nila. Palagi itong nangyayari.” Subalit ang inaakala mong kakitiran ng isip o pagkamatampuhin ay pagpapahayag lamang ng kanilang matinding pagmamahal at pagmamalasakit sa iyo. Batid nila kung gaano kasamâ ang sanlibutan, at bagaman natatanto nila ang iyong pangangailangan na magsarili, kung minsan maaaring pinangangambahan nila ang iyong kapakanan. (Ihambing ang 2 Corinto 11:3.) Sila’y maaaring magmalabis sa kanilang mga reaksiyon sa ilang bagay o maging pabagu-bago. Dapat bang mabawasan ang iyong pagmamahal sa kanila?
Pag-unawa sa mga Magulang
Noong ikaw ay bata pa, maaaring itinuturing mo ang iyong mga magulang bilang ang nakaaalam-ng-lahat at ang may kapangyarihan-sa-lahat. Habang ikaw ay lumalaki at nagkakaisip, marahil higit na kapansin-pansin ang kanilang mga pagkakamali. At kapag ang mga magulang ay nagiging sumpungin o matampuhin paminsan-minsan, madaling bumababa ang iyong pagtingin sa kanila. Subalit ang Bibliya ay nagbababala laban sa ‘panunuya sa magulang.’ (Kawikaan 30:17) Bukod pa rito, tiyak naman na hindi lamang sila ang sumpungin sa inyong tahanan. “Kung minsan ako’y nagiging sumpungin din,” ang pag-amin ng isang batang babae. Marahil ikaw ay higit na maramdamin, malungkutin, o walang-kibo kaysa sa iyong akala.
Ano man ang kalagayan, sa halip na maging mapamuna sa iyong mga magulang, sikapin na paunlarin ang ‘pakikiramay’ at empatiya sa kanila. (1 Pedro 3:8) Gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo sa seryeng ito, makatutulong ito sa iyo upang pakitunguhan ang kanilang mga emosyon.
[Mga talababa]
a Ang ilan sa mga pangalan ay binago.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa katanghaliang gulang at mga hamon nito, tingnan ang Hulyo 22, 1983, at Oktubre 8, 1983, na mga labas ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 23]
Maraming magulang ang nababahala lamang sa mga pangangailangan sa buhay