Bilang Isang Takas, Nasumpungan Ko ang Tunay na Katarungan
Bilang Isang Takas, Nasumpungan Ko ang Tunay na Katarungan
SA DAHILANG malamig pa at may yelo sa paligid, nagsuot ako ng makapal na amerikana. Pagkatapos ay ininom ko ang lahat ng pinaghalu-halong lason na nakita ko sa aking munting silid, kasali na ang panlinis na likido (carbon tetrachloride). Dumaan ako sa Charles River sa Cambridge, Massachusetts, sa pag-asang mamamatay na ako roon. Sa halip na mamatay, ang nahita ko sa aking kawalan ng pag-asa ay limang araw sa intensive care unit sa ospital. Ano ang umakay sa akin sa gayong desperadong hakbangin? Balikan natin ang aking pinagmulan.
Ako’y ipinanganak sa Jaffa, Palestina, noong 1932, isang Griegong taga-Palestina. Ako’y pinalaki sa relihiyon ng Greek Orthodox, na nangangahulugan ng lingguhang pagsisimba at pag-aayuno kung kailangan. Subalit iyon ay isang walang-kahulugang rutin para sa akin.
Ang aking mga magulang ay medyo nakaririwasa sa buhay, yamang ang aming pamilya ay may malaking kompanya na nagsusuplay ng pagkain at alak. Sa edad na sampu, ako’y ipinasok sa Friends’ Boarding School sa Ramallah at pagkaraan ay sa St. George’s Anglican School sa Jerusalem. Medyo humanga ako sa huling nabanggit—may mga estudyanteng Kristiyano, Arabe, at Judiong pinagmulan na lahat ay sama-samang nag-aaral nang may kapayapaan. Ang paaralan ay nagtuturo ng muling-pagkakasundo, kabutihang asal, at pagkamagalang. Subalit ang paaralan at ang katotohanan ay dalawang magkaibang bagay.
Sa panahon ng aking kamusmusan, ang alitang pansibil ay palasak, anupat ang mga Judio, Arabe, at Britano ay waring mga alakdan sa loob ng botelya. Noong ako’y bata pa, nasaksihan ko ang pagpatay sa isang lalaki sa labas ng aming tahanan. Maraming ulit na nanganib ang buhay ng aking mga magulang sa barilan. Pagkatapos noong Digmaang Pandaigdig II, ang Haifa ay naging isang mahalagang daungang lunsod, ang tudlaan ng pambobomba ng mga Aleman—higit pang pagpatay at pagwasak.
Sa pagwawakas ng pamiminuno ng Britanya sa Palestina noong Mayo 1948, lalong nag-ibayo ang alitang pansibil. Noong Hulyo 1946 ang King David Hotel, ang pinakabantog sa Jerusalem, ay pinasabog. Ang mga nasawi ay halu-halo
—41 Arabe, 28 Britano, 17 Judio, at 5 iba pa. Nagpasiya ang aming pamilya na takasan ang kaguluhan. Lumipat kami isang gabi sa Cyprus, kung saan si Inay ay may mga kamag-anak. Iniwan ni Itay ang kaniyang negosyo at sari-saring ari-arian.Ang mga pangyayaring ito ay nakaapekto sa aking mga saloobin bilang kabataan. Sa edad na 16, naging interesado ako sa pulitika at nagbabasa ng diyaryo araw-araw upang makaalinsabay sa mga nagaganap. Ang lider ng Ehipto, si Gamal Abdel Nasser, ang aking idolo. Pinahina niya ang impluwensiya ng dayuhan sa kaniyang bansa.
Noong 1950 lumipat ang aming pamilya sa Estados Unidos. Noon ay nagaganap ang Digmaan ng Korea, at ibig kong gawin ang aking bahagi para sa bansa na nagligtas sa aking pamilya mula sa mapaniil na kalagayan. Nagboluntaryo ako sa Hukbong Panghimpapawid, kung saan nataas ang ranggo ko bilang staff sergeant. Gayunman, hindi ako kailanman nakarating sa Korea—hanggang doon lamang sa base ng hukbong panghimpapawid sa Omaha, Nebraska.
Isang Repormador sa Isang Paaralang Teolohiko
Pagkatapos ng aking pagbibitiw sa Hukbong Panghimpapawid, ako’y pumasok sa University of Texas at pagkaraan ay sa Ohio University, kung saan nakatapos ako ng economics. Naging totoong tahasan ako tungkol sa kawalan ng katarungan sa Gitnang Silangan at naanyayahan pa man din ako upang magbigay ng pahayag tungkol doon. Isang propesor na Episcopal, si Dr. David Anderson, na nakinig sa aking pahayag, ay nagmungkahi na tanggapin ko ang isang iskolarsip sa Episcopal Theological School sa Boston para sa isang postgraduate course. Yamang tutol ako sa bayaráng mga klero, wala akong intensiyon na maging isang klerigo. Gayunman, noong 1958, tinanggap ako sa paaralan.
Kasali sa kurso ng pinag-aaralan ang pagtatrabaho sa mga mental institution kasama ng mga pari. Ang hinggil sa teorya at akademya ng pag-aaral ay totoong interesante, ngunit ibig kong makita ang higit pang pagkilos at katarungan sa sanlibutan. Kaya pinasimulan ko ang isang grupo ng repormang kilusan na tinawag na “Ang Pangalan Niya Nawa’y Makilala sa Gitna ng mga Bansa.” Gusto kong maging palaisip ang paaralan sa pagkilos. Ibig kong sundan si Jesus, hindi sa aklatan, kundi sa sanlibutan.
Gayunman, di-nagtagal ay natuklasan kong hindi isasagawa ang aking iminungkahing reporma. Sa wakas, pinaalis ako sa paaralan. Nang mga panahong ito ako’y umibig sa isang dalaga na naging hangganan ng aking paghahanap sa isang taong magiging kabahagi ng aking kinabukasan. Nadama kong kami’y para sa isa’t isa. Pagkatapos ay natuklasan kong hindi pala magkatugon ang aming mga damdamin. Hindi ko matanggap ang biglang dagok na ito. Iyon ang naging dahilan ng aking pagtatangkang magpakamatay.
Isang Karera Bilang Guro
Pagkatapos na magpanibagong-buhay, ako’y pumasok sa Columbia University ng New York
upang magpakadalubhasa sa pagtuturo ng heograpiya at kasaysayan. Sa buong panahong ito, hinahanap ko pa rin ang pagkilos ng aking tinatawag na tunay na Kristiyanismo. Sa aking pagtuturo ay nakarating ako sa South Glens Falls, New York. Doon ay isang malaking pagbabago ang naganap sa aking buhay. Nakilala ko ang isang guro, si Georgia na naging kabiyak ko at kasama noong 1964.Ako’y mahilig pa rin sa pulitika at sinubaybayan ko ang mga pahayag ni Senador James Fulbright, na nagpahayag laban sa digmaan sa Vietnam. Ako man ay laban sa digmaang iyon. Isang malaking dagok ang naganap sa pagkamatay ni Presidente John F. Kennedy noong Nobyembre 1963. Ako’y totoong nalumbay anupat dumalo ako sa libing niya sa Washington.
Ang Aking Paghahanap sa Kristiyanismo
Noong 1966 kami’y lumipat sa Long Island, New York, kung saan ako’y nagturo sa Northport High School. Ako’y totoong interesado sa mga pangyayari sa daigdig—noon ay nauuso ang paggamit ng droga, mga hippy, at mga Jesus freak. Dumalo ako sa isang grupo ng charismatic at nakita kong sila man ay hindi nakatugon sa tunay na mensahe ng Kristiyanismo, na higit na nagbibigay-pansin sa emosyon sa halip na sa pagkilos. Sa isang pagkakataon narinig ko pa man din ang isang ministrong Episcopal na itinataguyod ang digmaan sa Vietnam. Napag-isip-isip ko na mas makatao pa ang ilang ateista kaysa sa mga palasimba.
Nawala ang aking pananalig sa Diyos ngunit hindi sa pulitikal na kahalagahan ng Sermon [ni Jesus] sa Bundok. Para sa akin ay hinadlangan niya ang patuloy na pagkapoot sa pamamagitan ng kaniyang turo, at nakita kong ito ang solusyon sa problema ng Gitnang Silangan. Sinubukan ko ang maraming relihiyon—Katoliko, Salvation Army, Baptist, Pentecostal—subalit palaging bigo sa dahilang hindi nila isinasagawa ang Kristiyanismo ng sinaunang mga Kristiyano. Pagkatapos, noong 1974, nakilala ko ang isang ahente ng lupa na nagpabago ng aking buhay.
Ang kaniyang pangalan ay Frank Born. Ako’y kumukonsulta sa kaniya hinggil sa ilang ari-arian. Sa aming pag-uusap, kumuha siya ng Bibliya. Tumutol agad ako, sa pagsasabi: “Wala kang makikitang
sinuman na nakasusunod sa mga prinsipyo niyan.” Sumagot siya: “Sumama ka sa akin, at tingnan mo mismo sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.” Subalit ibig kong sagutin muna niya ang ilang pangunahing tanong bago ako pumunta sa kaniyang Kingdom Hall.Una: “May bayarán ba kayong klero?” Ang kaniyang sagot ay: “Wala. Lahat ng aming mga elder ay boluntaryo na sinusuportahan ang kani-kanilang sarili at ang kani-kanilang pamilya sa pamamagitan ng kanilang sekular na trabaho.” Ang sumunod kong tanong ay: “Nagtitipon ba kayo sa mga pribadong tahanan gaya ng mga sinaunang Kristiyano upang mag-aral ng Bibliya?” Ang sagot ay: “Oo. Mayroon kaming lingguhang pagpupulong sa mga pribadong tahanan sa iba’t ibang lugar sa komunidad.” Ang aking ikatlong tanong ay waring bago sa kaniya. “Nagpapadala ba ang inyong simbahan ng ministro sa mga seremonya ng presidensyal na inagurasyon upang ipagdasal ang presidente?” Sumagot si Frank: “Kami’y neutral sa lahat ng gawain ng pulitika at hindi nakikibahagi roon. Ang aming katapatan ay para lamang sa Kaharian ng Diyos bilang tanging kalutasan sa mga suliraning nagpapahirap sa sangkatauhan sa ngayon.”
Hindi ako makapaniwala sa aking naririnig. Nasabik akong makita ang pinagpupulungan ng mga Kristiyanong ito. Ano ang aking natuklasan? Hindi tungkol sa emosyon kundi isang makatuwirang pagtalakay sa Bibliya. Nakapagtuturo ang kanilang mga pulong, pinagiging kuwalipikado ang mga tao na ipaliwanag at ipagtanggol ang kanilang Kristiyanong pananampalataya. Sila’y isang grupong kumikilos, pinupuntahan ang mga tao upang hanapin yaong nananabik sa makatuwirang pamamahala ng Diyos. Narito ang sagot sa akin sa problema ng Gitnang Silangan—ang lahat ng lahi ng mga tao, wika, at kultura ay nagkaisa sa mapayapang pagsamba sa Soberanong Panginoon ng uniberso, ang Diyos na Jehova. At lahat ng ito ay ayon sa halimbawa at turo ni Kristo. Dito ay walang pagkakagalit at kaguluhan. Tanging kapayapaan at pagkakaisa lamang.
Naging bautisadong Saksi ako noong 1975, at sumunod si Georgia pagkaraan ng limang taon. Mayroon kaming dalawang anak na lalaki, sina Robert at John, na aktibong naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Nagbagong Saloobin
Sa pagdaan ng mga taon ang aking saloobin ay nabago. Dati, ako’y mabagsik na palaaway na halos walang simpatiya sa opinyon ng iba. Tulad ng milyun-milyon, ang aking pag-iisip ay naimpluwensiyahan ng maling relihiyon at pulitika. Ngayon ay napagtanto ko na ang Diyos ay walang pinapanigan at na ang tapat-pusong mga tao sa lahat ng lahi ay makapaglilingkod sa kaniya sa kapayapaan at pagkakaisa.
Sa hanay ng mga Saksi ni Jehova, natagpuan ko ang mga tao mula sa bawat maiisip na pinagmulan, mga taong dati’y namumuhi sa iba. Ngayon, tulad ko, naunawaan nilang tunay na ang Diyos ay pag-ibig, at iyan ang isa sa mga bagay na itinuro sa atin ni Jesus. Sabi niya: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung papaanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35)—Ayon sa paglalahad ni Constantine Louisidis.
[Larawan sa pahina 13]
Ang sampung-taóng-gulang na si Constantine Louisidis sa Friends’ Boys School
[Larawan sa pahina 14]
Isang malaking dagok ang naganap sa pagkamatay ni Presidente John F. Kennedy