Kumain Tayo ng Balinghoy!
Kumain Tayo ng Balinghoy!
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria
HAWAK ang tabak, hinahawan ni Janyere ang kaniyang dinaraanan sa gitna ng nagtataasang tanim ng balinghoy. Isang sumbrerong balanggot ang tumatabing sa kaniya mula sa nakapapasong init ng malapit na araw. Sa pagpili ng tanim na may mga tatlong metro ang taas, dinadaklot niya ang sanga ng kaniyang dalawang kamay at maingat na binubunot. Nadadala ang mga ugat at ang mga bunga mula sa ilalim ng lupa. Tinatagpas niya ang mga ito ng kaniyang tabak at inilalagay sa isang malapad na bandeha na may iba pang bunga na kabubunot niya lamang. Dinarampot naman ni Ngozi, asawa niya, ang lutuan, ipinapatong niya sa ulo, at magkasamang naglalakad pauwi.
Ang simpleng paraan na ito ng pag-aani ay pamilyar sa milyun-milyon sa buong tropiko na patuloy na nasisiyahan sa balinghoy. a Sa Aprika lamang mga 200 milyon ang umaasa sa balinghoy para sa mahigit na kalahati ng kanilang pang-araw-araw na nakukuhang calorie. At umuunlad ang pagiging popular nito. Ang ilang eksperto ay nagsasabi na sa taóng 2000, ang bilang ng mga tao na magiging depende sa balinghoy ay maaaring madoble ng bilang niyaong umasa rito noong kalagitnaan ng dekada ng 1980.
Nakakain ka na ba ng balinghoy? Kung ikaw ay nakatira sa temperate area ng lupa, marahil ay sasabihin mong hindi pa. Ngunit huwag kasisiguro! Ang sustansiya ng balinghoy ay isang mahalagang sangkap ng mga sawsawan, sarsa, mga pagkain ng sanggol, mustards, mga produkto ng
tapioca, pampalapot, kendi, at tinapay. Kahit ang mga karneng iyong kinakain o gatas na iniinom ay maaaring galing sa mga hayop na pinakain ng pinulbos na balinghoy bilang bahagi ng kanilang pagkain.Karagdagan pa sa kontribusyon nito sa industriya ng pagkain, ang balinghoy ay ginagamit sa paggawa ng mga pandikit, kola, at pintura.
Madaling Magpatubo Nito
Ngunit para sa karamihan sa mga Aprikano, gaya nina Janyere at Ngozi, ang balinghoy ay itinatanim
upang kanin. Bagaman mababa sa protina, ang malalaking bunga nito ay sagana sa carbohydrates. Libra por libra, ang balinghoy ay nagtataglay ng mahigit na dalawa at kalahating ulit ng calorie na taglay ng mais o yam, ang sumunod na dalawang pinakamahalagang pangunahing pagkain ng Aprika. Ang mga murang talbos at dahon nito ay mabuting kanin—sagana sa bitamina, mineral, at protina.Ang isang malaking dahilan ng kahalagahan ng balinghoy ay na ito’y madaling patubuin. Hindi na kailangan ang masusing paghahanda ng lupa, maliban sa pag-aalis ng mga dawag at baging at pagtiyak na masisikatan ng araw. Kapag ang lupa ay mamasa-masâ, ang magsasaka ay nagtatanim ng pinutol na mga sanga na tutubuan ng balinghoy. Hindi kailangan ang puspusang paggamas, at halos hindi na kailangan ang pampataba, mga pambomba sa fungi at insekto. Maaari rin itong anihin anumang panahon.
Ang balinghoy ay may pambihirang katibayan. Ito’y tumutubo sa mabuti at di-mabuting lupa. Ito’y lumalago mula sa pantay ng dagat hanggang sa taas na 2,000 metro. Ito’y yumayabong sa mga lugar na maulan, ngunit nagbubunga rin ito sa mga klimang walang ulan sa loob ng siyam na buwan ng taon. Kahit na masunog pa ito nang sagad sa lupa, muling tumutubo ang balinghoy mula sa ilalim nito!
Ang Pagpoproseso Nito ay Mahirap na Trabaho
Kaya mula sa pagtatanim nito hanggang sa pag-aani, halos walang hirap sa balinghoy. Pero, minsang mabunot na ito sa lupa, magsisimula na ang tunay na pagtatrabaho. Sa katunayan, ang trabahong kailangan mula sa pag-aani hanggang sa paghahain sa mesa ay maaaring makatumbas o mahigitan pa ang lahat ng paghahandang ginawa bago ang pag-aani.
Ang gawaing ito ay dapat pasimulan agad. Kung ginusto niya, maaari sanang pabayaan ni Janyere ang mga bunga ng balinghoy hanggang dalawang taon sa lupa nang hindi inaalagaan. Ngunit minsang mabunot na ang mga ito, dapat na iproseso na agad ang mga bunga sa loob ng 48 oras o kung hindi’y mabubulok ang mga ito.
Ibig gumawa ni Ngozi ng gari, ang paborito ng mga taga-Nigeria. Una ay binabalatan niya ang balinghoy sa pamamagitan ng kutsilyo; pagkatapos ay hinuhugasan niya ito. Ngayon dadalhin nina Ngozi at Janyere ang binalatang balinghoy sa kanilang kaibigang si Alex na may gilingan. Dinudurog ng gilingan ang mga bunga hanggang maging masa. Ang masa ay inilalagay pagkatapos sa isang sakong may maliliit na butas, at pinipiga ang katas sa aparato ni Alex.
Ngunit hindi pa tapos ang trabaho! Sumunod ang masa ay dapat patuyuin sa loob ng ilang araw. Pagkatapos ay sasalain ito ni Janyere sa isang salaang yari sa raffia. Pagkatapos ay ipiprito ito ni Ngozi, na binabaligtad ng platong kahoy upang hindi ito masunog. Ang balinghoy, kapag nasa yugto na ito ng pagpoproseso, ay tinatawag na ngayong gari.
Bagaman pinili ni Ngozi ang isa sa maraming paraan ng pagpoproseso sa kaniyang balinghoy, ang karamihan sa mga balinghoy sa Aprika ay pinoproseso ng mga babaing nasa bukid o nayon. Ang pagmamadali ay hindi ipinapayo, yamang ang balinghoy ay may kaunting cyanide, na totoong nakalalason sa mga tao at hayop. Ang puspusang pagpoproseso ay nagbabawas ng taglay na cyanide hanggang sa isang antas na ligtas.
Kakain Na!
Ngayon, sa wakas, kakain na rin! Ang gari, na inihalo sa gata, ay nagiging masarap na bibingka. Maaari rin itong gawing biskwit. Ngunit sina Ngozi at Janyere sa halip ay nagpasiyang kumain ng eba, na ginagawa sa pamamagitan ng simpleng paghalo sa gari sa mainit na tubig.
Sa buong Aprika ang mga putaheng balinghoy ay nagkakaiba-iba na gaya ng mga katawagang ibinibigay sa mga ito. Sa Côte d’Ivoire ito’y inihahain kasama ng karne at gulay bilang attieke. Sa Ghana, ang balinghoy na may katambal na isda o sarsang itlog ay nagiging isang putaheng pagkain na tinatawag na garifoto. Sa Tanzania, kapag humingi ka ng ugali, aahinan ka ng balinghoy (nasa anyong malapot na pasta) na may sabaw. Sa Cameroon, gustung-gusto ng mga tao ang kumkum. At sa Sierra Leone, lalo na kung Sabado, iginigiit ng mahihilig sa balinghoy ang foofoo!
Anuman ang itawag mo rito, ang balinghoy ay isang malaking bahagi sa buhay ng mga Aprikano. Napakalaki, sa katunayan, anupat maraming tao ang nagpapalagay na kapag hindi pa sila nakakakain ng balinghoy, kahit na kumain na sila ng iba, hindi pa sila talagang kumakain!
[Talababa]
a Tinatawag ding manioc, tapioca, at yuca.
[Mga larawan sa pahina 26]
Pagbabalat at paghuhugas ng balinghoy
Paggigiling
Pagsasalà
Pagpiprito