Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Lugar ba Para sa Tao at Hayop?

May Lugar ba Para sa Tao at Hayop?

May Lugar ba Para sa Tao at Hayop?

BAKIT ang mga hayop sa parang ay umuunti sa maraming bahagi ng Aprika? (Tingnan ang kahon, sa kabilang pahina.) Sinisisi ng ilan ang mabilis na pagdami ng tao sa kontinente.

Totoo, may ilang bahagi sa Aprika, lalo na sa palibot ng mga lunsod, ang nagpuputok sa dami ng tao. Gayundin, ang ilang rehiyong rurál ay labis na pinanginainan ng mga alagang hayop ng maraming magbubukid. Halimbawa, isaalang-alang ang matataong rehiyon ng Venda, Gazankulu, at Kangwane, na nasa hangganan ng Kruger National Park. Ang mga tirahang ito ng itim ay itinatag bilang bahagi ng dating patakaran ng apartheid sa Timog Aprika at may dami ng populasyon na umaabot mula 180 hanggang 250 katao sa bawat kilometro kuwadrado. Ang paglalakbay sa mga rehiyong ito patungo sa Kruger National Park upang masiyahan sa pagbabakasyon ay nakababahala. “Ang mga pamayanan na nasa mga hangganan . . . ay mga dukha, karamihan ay walang trabaho at nagugutom,” paliwanag ng pahayagang Sowetan sa Timog Aprika. “Ang mga hayop,” sabi ng isang pahayagan doon, ang The Natal Witness, “ay namumuhay sa kasaganaan sa kabila ng kanilang bakod.”

Ayon sa kamakailang mga pag-uulat, nilayon ng mga awtoridad ng Kruger Park na gumawa pa ng higit upang matulungan ang mga taong nasa mga hangganan ng parke. Subalit ano naman ang mangyayari kung ang lahat ng bakod ay gibain at pahintulutan ang pagpasok ng mga mangangaso, tagapastol, at mga maninirahan? Nangangamba ang mga tagapangalaga ng kalikasan na sa dakong huli ay malilipol ang karamihan ng mababangis na hayop, gaya ng nangyari sa ibang mga bansa.

Ang mga lugar ng mga hayop na may mahusay na pangangasiwa ay may mahalagang ginagampanan sa pangangalaga sa mga hayop sa parang, lalo na sa mataong mga rehiyon. Ang mga lugar ng mga hayop ay nagpapanhik din ng kailangang-kailangang salapi mula sa mga banyagang turista. (Tingnan ang kahon, pahina 5.) “Ang mga lugar na ito,” ang pagtatapos ng isang manunulat na taga-Aprika na si Musa Zondi, sa artikulo ng Sowetan na binanggit sa itaas, “ay naglalaan din ng hanapbuhay para sa libu-libong tao​—lalo na yaong mga nakatira malapit sa mga lugar na ito ng mga hayop. Bukod pa rito, ito ang aming pamana. Wala kaming maiiwanang mas mabuting regalo sa aming mga anak kundi ang mga lugar lamang na ito.”

Labis na Populasyon—Ang Tanging Panganib Ba?

Ang pagdami ng populasyon ng tao ay hindi ang tanging panganib sa mga hayop sa parang ng Aprika. Halimbawa, isaalang-alang ang apat na malalaking bansa sa Aprika na nagsasalo sa iisang hangganan: Namibia, Botswana, Angola, at Zambia. Ang mga ito’y bumubuo ng isang lugar na mas malaki pa kaysa sa India, subalit may pinagsamang populasyon na 6 na katao lamang sa bawat kilometro kuwadrado. Kaunting-kaunti ito kung ihahambing sa dami ng populasyon ng mga bansang gaya ng Alemanya, na may 222 sa bawat kilometro kuwadrado; ng Britanya, na may 236 sa bawat kilometro kuwadrado; at ng India, na may 275 sa bawat kilometro kuwadrado! Sa katunayan, ang dami ng populasyon sa kabuuan ng Aprika, na 22 sa bawat kilometro kuwadrado, ay higit na mababa pa sa pandaigdig na promedyo na 40.

“Ang dami ng populasyon ng tao sa Aprika ay mabilis na lumalaki,” ang pag-amin ng taga-Zambia na si Richard Bell sa aklat na Conservation in Africa, “subalit ang panlahat na dami ng populasyon ay mababa pa rin maliban sa ilang siksikang mga lugar.”

Ang mga sakit, mapangwasak na tagtuyot, internasyonal na mga kilusan ng ilegal na pangangaso, mga gera sibil, at ang kapabayaan ng mga magbubukid ang pawang sanhi ng pag-unti ng mga hayop sa Aprika.

Ang paglalabanan ng kapangyarihan sa pagitan ng dating Unyong Sobyet at ng Kanluran ay nagbunga ng mga hidwaan sa buong Aprika, anupat ang magkabilang panig ay naghuhugos ng makabagong mga armas sa kontinente. Kalimitan, ang ilang sandatang automatic ay ginagamit sa mga hayop upang pakanin ang nagugutom na mga sundalo at upang makakuha ng mas marami pang armas mula sa pangangalakal ng mga garing ng elepante, sungay ng rhino, at ibang tropeo at mga produktong mula sa hayop. Ang mabilis na pagkalipol ng mga hayop ay hindi huminto sa pagtatapos ng Cold War. Ang mga armas ay nananatili pa rin sa Aprika. May kaugnayan sa isa sa mga gera sibil ng Aprika, sa Angola, ang magasing Africa South ay nag-uulat: “Ang ilegal na pangangaso, na palasak na sa buong panahon ng digmaan, ay lalong lumala nang magsimula ang tigil-putukan dahil sa nagkani-kaniya na ang mga sundalo.” At pagkatapos ay pinasimulang-muli ang digmaang iyon.

Maraming ilegal na mangangaso ang nagsasapanganib ng kanilang buhay dahil sa napakalaking halaga ng salaping nasasangkot. “Ang isang sungay [ng rhino] ay nagkakahalaga ng $25,000,” ang pag-uulat ng isang pahayagan sa Aprika, ang The Star. Isang tagapangalaga, si Dr. Esmond Martin, ang dumalaw sa isang bansa sa Asia noong 1988 at natuklasan na ang halaga ng sungay ng rhino ay tumaas sa loob ng tatlong taon mula $1,532 hanggang $4,660 bawat kilo.

Sino ang Unang Sasalakay?

Mahihigpit na pagkilos ang ginawa upang itawag-pansin ang panganib na dulot ng paghahangad ng garing at sungay ng rhino. Noong Hulyo 1989, milyun-milyong manonood sa TV sa buong mundo ang nakasaksi ng isang malaking bunton ng 12 toneladang garing, na tinatayang may halagang nasa pagitan ng tatlong milyon at anim na milyong dolyar, na sinunog ng pangulo ng Kenya, na si Daniel arap Moi. Ang patnugot ng mga hayop sa parang sa Kenya, na si Dr. Richard Leakey, ay tinanong kung paano mabibigyang-katuwiran ang maliwanag na pagsasayang na ito. “Hindi namin makukumbinsi ang mga tao sa Amerika, Canada o Hapon na tumigil na sa pagbili ng garing kung patuloy kaming nagbibili nito,” ang sabi niya. Tunay nga, ang gayong mga hakbang ay nakasindak sa maraming tao anupat sila’y nagsimulang makipagkaisa sa internasyonal na pagbabawal sa kalakalan ng garing. Ang pangangailangan sa mga produktong mula sa garing ay biglang bumaba.

Tungkol naman sa rhino, ang kalagayan ay naiiba. Bagaman sinunog ng pangulo ng Kenya ang nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar na sungay ng rhino noong 1990, ang pangangailangan ay nagpapatuloy. (Tingnan ang kahong “Kung Bakit Napakapopular ng Sungay ng Rhino,” pahina 9.) Upang mapangalagaan ang umuunting bilang ng rhino, ang ilang bansa ay bumaling sa paglalagare ng mga sungay ng mga nilikhang ito. Kung minsan ito’y isang mapanganib na pag-uunahan kung sino ang unang sasalakay, ang tagapangalaga na may pampatulog na maikling sibat o ang ilegal na mangangaso na may nakamamatay na sandatang automatic.

Isang Bagong Kausuhan sa Pangangalaga

Ang mga taga-Kanlurang mangangaso at tagapangalaga ng kalikasan ay malaon nang nagpapahalaga sa kakayahan ng mga nakatira sa rurál na makasunod sa mga bakas ng hayop. Totoo nga, maraming taga-Aprika ang may kahanga-hangang kaalaman sa mga hayop sa parang. “Ang karamihan sa kaalamang ito,” paliwanag ni Lloyd Timberlake sa kaniyang aklat na Africa in Crisis, “ay ipinapasa nang bibigan, at nanganganib na mabaon sa limot habang nililisan ng mga taga-Aprika ang mga lalawigan patungo sa mga siyudad . . . Sa gayon ang daigdig ay nanganganib na mawalan ng . . . tinatawag ng antropologong si Leslie Brownrigg na ‘maraming dantaong makasiyentipikong pananaliksik ng tao.’ ”

Noong nakalipas, ang mga pamahalaang kolonyal ay nagtatayo ng pambansang mga parke sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga magbubukid na sa matagal na panahon ay umasa sa mga hayop sa parang para sa pagkain. Sa ngayon ang ilang pamahalaan sa Aprika ay humihingi ng tulong sa malaon nang pinabayaang mga magbubukid. “Sa ilang bansa sa katimugan ng Aprika,” ang pag-uulat ng Worldwatch Institute, “ipinagkaloob na ng estado ang eksklusibong pagsupil sa mga hayop sa parang. Ang mga pamayanang rurál na nakatira sa 10 sa 31 Game Management Areas sa Zambia ay binigyan ng karapatan sa mga hayop sa parang; ang ilegal na pangangaso ay agad na nabawasan at ang populasyon ng mga hayop sa parang ay sumulong bilang resulta.” May iba pang mga ulat ng tagumpay kung saan ang mga magbubukid ay nagiging abala sa kanilang sariling pangangalaga, gaya ng sa mga itim na rhino at mga elepante sa disyerto ng Kaokoland sa Namibia, sa lugar ng hayop sa Kangwane sa Timog Aprika, at sa iba pang mga bansa sa Aprika.

Sa kabila ng magandang kausuhang ito, ang mga tagapangalaga ng kalikasan ay nababahala pa rin sa kinabukasan. Sa papaano man ang bagong saloobing ito ay pansamantalang lunas lamang. Sa pagtagal-tagal, ang mabilis na pagdami ng populasyon ng sangkatauhan ay mananatiling isang panganib. “Sa susunod na dantaon,” paliwanag ng U.S.News & World Report, “ang populasyon ng tao ay inaasahang darami nang halos 5 bilyon, karamihan na sa nagpapaunlad na mga bansa na, hindi nagkataon lamang, siya ring pinakahuling kanlungan ng mga hayop sa planeta.”

Habang ang populasyon ng tao ay nakaaabot sa mga parang, may pagkakasalungatan ang sumisibol sa pagitan ng tao at hayop. “Maraming mga uri ng malalaking hayop sa Aprika ang hindi kaayon ng karamihan ng anyo ng pagpapaunlad sa rurál, halimbawa na ang elepante, hippopotamus, rhinoceros, buffalo, leon at buwaya, gayundin ang ilang mas malalaking antelope, unggoy at mga baboy,” paliwanag ng aklat na Conservation in Africa.

Yamang ang tao ay waring walang lunas sa ikatatagal ng buhay ng mga hayop sa Aprika, sino kaya ang may taglay?

[Kahon/Mapa sa pahina 7]

“Bumaba ang bilang ng buffalo mula 55,000 hanggang sa mas kaunti pa sa 4,000, ang waterbuck mula sa 45,000 hanggang sa 5,000, ang zebra mula sa 2,720 hanggang sa halos 1,000, at ang hippo ay bumaba mula sa 1,770 hanggang sa halos 260.”​—Isang paghahambing ng dalawang pagsusurbey sa himpapawid na isinagawa noong 1979 at 1990 sa Marromeu Delta sa Mozambique at iniulat sa magasing African Wildlife, Marso/Abril 1992.

“Noong 1981 mga 45,000 zebra ang naglakbay sa mga damuhan at kagubatan [ng kahilagaan ng Botswana]. Subalit noong 1991 mga 7,000 lamang ang nakatapos sa paglalakbay ring iyon.”​—Mula sa magasing Getaway sa pagsusuri-muli sa video ng mga hayop na Patterns in the Grass, Nobyembre 1992.

Sa panahon ng aming pagdalaw [sa Togo, Kanlurang Aprika] natuklasan namin ang nakatutuwa at di-inaasahang dami ng mga elepanteng-gubat sa Fosse aux Lions Nature Reserve . . . Isang pagsisiyasat mula sa himpapawid na isinigawa noong Marso 1991 ang nagbigay ng kabuuang bilang na 130 hayop. . . . [Subalit wala pang isang taon,] ang bilang ng mga elepante sa Fosse aux Lions ay bumaba sa 25.”​—Iniulat sa magasing African Wildlife, Marso/Abril 1992.

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang mga lugar ng hayop sa Aprika ay may mahalagang ginagampanan sa pangangalaga ng maraming uri ng hayop

APRIKA

MOROCCO

KANLURANG SAHARA

MAURITANIA

ALGERIA

MALI

TUNISIA

LIBYA

NIGER

NIGERIA

EHIPTO

CHAD

SUDAN

DJIBOUTI

ETHIOPIA

GITNANG REPUBLIKA NG APRIKA

CAMEROON

CONGO

Cabinda (Angola)

GABON

ZAIRE

UGANDA

KENYA

SOMALIA

TANZANIA

ANGOLA

ZAMBIA

MALAWI

NAMIBIA

ZIMBABWE

MOZAMBIQUE

BOTSWANA

MADAGASCAR

TIMOG APRIKA

SENEGAL

GAMBIA

GUINEA-BISSAU

GUINEA

BURKINA FASO

BENIN

SIERRA LEONE

LIBERIA

CÔTE D’IVOIRE

GHANA

TOGO

EQUATORIAL GUINEA

RWANDA

BURUNDI

SWAZILAND

LESOTHO

Fosse aux Lions

Nature Reserve

Masai Mara Game Reserve

Serengeti National Park

Marromeu Delta

Kruger National Park

Dagat Mediterraneo

Mapulang Dagat

Indian Ocean

Mga lugar na Tinukoy sa Artikulo

Pangunahing Pambansang mga Parke

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

Kung Bakit ang Sungay ng Rhino ay Napakapopular

“THREE LEGS Brand Rhinoceros Horn Anti-Fever Water.” Iyan ang pangalan ng kilalang gamot na ipinagbibili sa Malaysia, ayon sa mga may akda ng aklat na Rhino, na sina Daryl at Sharna Balfour. Ang etiketa ng nasabing gamot ay nagsasaad ng ganitong mensahe: “Ang gamot na ito ay maingat na inihanda mula sa pinakapiling Sungay ng Rhinoceros at Mga Gamot na Panlaban sa Lagnat, at sa ilalim ng mahigpit na pangangasiwa ng mga Eksperto. Ang kamangha-manghang gamot na ito ay gaya ng isang galíng na nagbibigay ng dagliang lunas sa mga may sakit na: Malaria, Mataas na Temperatura, Lagnat na nakaaapekto sa Puso at mga Paa at Bisig, Laban sa Pagkaliyo Dahil sa Klima, Pagkabaliw, Sakit ng Ngipin, atb.”​—Amin ang italiko.

Ang gayong mga paniniwala ay laganap sa mga bansa sa Asia. Ang sungay ng Rhino na nasa anyong likido o pulbos ay mabibili sa maraming lunsod sa Asia. Sa pag-asang mahahadlangan ang pagiging popular nito, ganito ang sabi ng mga Balfour: “Ang pag-inom ng isang dosis ng sungay ng rhino ay kasimbisa rin ng pagngatngat ng iyong mga kuko.”

Sa Yemen, ang sungay ng rhino ay napakahalaga dahil sa isa pang kadahilanan​—bilang gamit para sa puluhan ng punyal. Mahigit sa 22 tonelada ang inangkat ng bansa sa loob ng dekada ng 1970, at mahirap na makasumpong ng angkop na kapalit. “Natuklasan ng mga taga-Yemen,” paliwanag ng mga Balfour, “na wala nang huhusay pa sa sungay ng rhino kung tungkol sa pagiging matibay at gayundin sa ganda nito. . . . Mientras tumatagal [ang mga puluhan] ay lalong gumaganda ang mga ito, na tinatagusan ng liwanag na gaya ng amber.”

[Mga graph/Mga larawan sa pahina 8]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

2,720

1,000

1979 Populasyon ng Zebra 1990

55,000

3,696

1979 Populasyon ng Buffalo 1990

1,770

260

1979 Populasyon ng Hippo 1990

45,000

4,480

1979 Populasyon ng Waterbuck 1990

Paghahambing ng populasyon ng mga hayop sa Marromeu Delta noong 1979 at 1990

[Credit Line]

Sa ibaba gawing kaliwa: Safari-Zoo ng Ramat-Gan, Tel Aviv