Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Aborsiyon Ang inyong serye sa “Aborsiyon—Ang Paggawa at ang Pagkitil ng Buhay” (Mayo 22, 1993) ay nagpaluha at nakabagbag ng aking damdamin. Kung nabasa ko lamang ang impormasyong ito noong walong taóng nakalipas, hindi sana ako nakapagpalaglag. Halos pitong taon ang lumipas bago ko ipinagtapat ito sa aking asawa, na siya sanang ama. Sana yaong nag-iisip na magpalaglag ay makabasa ng mga artikulo at mabatid na ang buhay ay napakahalaga at isang kaloob buhat sa Diyos.
G. D., Estados Unidos
Ako ay 16 na taóng gulang, at natutuhan namin sa paaralan ang tungkol sa aborsiyon. Subalit, hindi ko batid ang kirot na dulot nito sa bata. Nang basahin ko ang magasin, galit na galit ako, na halos ayaw kong huminto sa pag-iyak. Bakit niwawalang-kabuluhan ng mga tao ang napakahalagang buhay na may kabaitang ipinagkaloob ni Jehova.?
N. K., Hapón
Dinala ko ang magasin sa paaralan, at sa labis kong pagtataka, nagustuhan ito ng mga estudyante! Nabagbag ang damdamin ng aking mga kamag-aral hanggang sa punto na isa sa kanila ang hindi na nakapagpigil at umiyak. Ilang araw lamang bago nito, siya pala’y nagpalaglag.
L. S., Estados Unidos
Helikopter Ang inyong artikulong “Kapaki-pakinabang na Sasakyan sa Himpapawid” (Marso 8, 1993) ay labis na nakaakit sa akin. Bilang inspektor sa pangkaligtasang abyasyon ng Federal Aviation Administration at isang piloto ng helikopter/instruktor ng paglipad, nakita ko na ang artikulo ay nagpapamalas ng di-pangkaraniwang pag-iingat sa tumpak na paraan. Pinahalagahan ko lalo na ang simpleng pagkakasulat nito.
J. R., Estados Unidos
Pagbabawas ng Timbang Binasa ko ang artikulong “Kung Ako’y Pumayat, Magagawa ito ng Sinuman!” (Enero 22, 1993), at bagaman ako’y natutuwa na nakakayanan ng manunulat ang kaniyang pakikipagpunyagi sa kaniyang timbang, ikinababahala ko na ang artikulo ay magpapangyari sa marami na isiping ang mga taong labis sa timbang ay basta nangangailangan lamang ng pagpipigil-sa-sarili at pagdi-diyeta. Ang problema ko’y nangangailangan ng higit pa kaysa malulutas lamang ng diyeta na “1,200 hanggang 1,500 calories bawat araw”. Ang pagkain ay isang matinding hangarin para sa akin, isang gamot. Kamakailan ko lamang naunawaan na bilang adultong anak ng isang alkoholiko, sinisikap kong mapunan ang pananabik sa pag-ibig at pagpapahalaga sa sarili. Ang mahigpit na pagdi-diyeta kung gayon ay hindi isang simpleng solusyon sa masalimuot na suliraning ito.
R. S., Estados Unidos
Pinahahalagahan namin ang tapat na mga punáng ito. Gayunpaman, ang artikulo ay pangunahin nang ipinatutungkol sa mga indibiduwal na may di-mabuting kaugalian sa pagkain, hindi sa mga nakikipagpunyagi sa isang malubhang sakit na kaugnay ng pagkain. Ang huli ay maaaring mangailangan ng propesyonal na tulong upang mapagtagumpayan ang kanilang suliranin. Ang makatutulong na impormasyon hinggil sa mga may sakit na kaugnay ng pagkain ay inilathala sa aming labas ng Pebrero 22, 1992.—ED.
Ang artikulo ay parang isang pagsusuri sa aking sariling kasaysayan ng di-mabuting kaugalian sa pagkain. Ang mga mungkahi ay totoong kapaki-pakinabang, at ikinakapit ko na ngayon ang mga ito. Maraming salamat sa artikulong ito!
S. P., Brazil
Itinuro ng artikulong ito sa akin kung papaano titimbangin ang aking mga kaugalian sa pagkain sa isang kapaki-pakinabang na paraan. Ito mismo ang kailangan ko. Salamat sa inyo!
S. G., Estados Unidos
Mga Kabayo Ako’y naakit ng artikulong “Mga Kabayo ang Dati kong Hilig sa Buhay.” (Mayo 22, 1993) Bago naging Kristiyano, iniukol ko ang halos lahat ng aking libreng panahon sa pagsakay at pag-aalaga ng mga kabayo. Gayunman, matapos kong pag-aralan ang Bibliya inihinto ko ang magastos na libangang ito at nagpasimula sa buong-panahong gawaing pangangaral. Gayunman, mahal ko pa rin ang mga kabayo. Tinulungan ako ng artikulo na maunawaang gayundin ang naging damdamin ng iba.
G. V., Alemanya