Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakikitang Katibayan ng Holocaust

Nakikitang Katibayan ng Holocaust

Nakikitang Katibayan ng Holocaust

SA IYONG PAGPASOK SA ISANG LUGAR NA ITINATANGHAL ANG LAHI NG TAO sa pinakamababang kalagayan nito, waring nakapagtataka na makita ang mga salitang ito mula sa Banal na Bibliya na iniukit sa bato: “Kayo Ay Aking mga Saksi.” Gayunman, marahil ito ang dako upang sipiin ang Bibliya, ang partikular na talatang iyan sa papaano man.​—Isaias 43:10.

Ang United States Holocaust Memorial Museum sa Washington, D.C., na pinasinayaan noong Abril 22, 1993, ay itinayo bilang isang tahasan at malungkot na alaala ng teknolohiya na pinilipit ng salat sa moral na mga pulitiko hanggang sa maging ubod-samang kasangkapang pamatay. Ang listahan ng walang-labang mga biktima na pinaslang ng pagmamalupit ng Nazi ay nagpapamanhid ng isipan​—mga anim na milyong Judio at milyun-milyong iba pang mga tao, kasali na ang mga taga-Polandya, Slavs, mga Saksi ni Jehova, mga Gypsy, homoseksuwal, at ang mga may kapansanan.

Isang Paglilibot na Di-Malilimot

Ang paglilibot ay nagsisimula sa isang malamig, kulay-abong elevator na nag-aakyat sa iyo mula sa unang palapag na Hall of Witness patungo sa ikaapat na palapag. Mula roon, habang ang mga bisita ay pababa, nadaraanan nila ang mga panoorin ng lahat ng bahagi ng Holocaust, mula sa propaganda ng Nazi hanggang sa pag-akyat ni Hitler sa kapangyarihan hanggang sa paglilikom sa mga biktima hanggang sa pagpapalaya mula sa mga kampo ng kamatayan. Ang paglilibot ay makaaabot sa Hall of Remembrance, kung saan naroroon ang di-namamatay na sindi ng apoy. Ang mga patotoo ng mga nakasaksi, mga larawan at pelikula, musika at likhang-sining​—lahat ay ginamit upang ilahad ang kakila-kilabot na kasaysayang ito.

Masasaksihan ng mga bisita ang tatlong palapag ng isang patuloy na nakapangingilabot at nakapanlulumong permanenteng panoorin. Ang ilan sa kakila-kilabot na panoorin ay nakakubli sa likod ng apat-na-talampakang taas ng tabing na dingding, totoong napakataas upang makita ng mga bata.

Isang Museong Nakapagtuturo

Ang Holocaust Researh Institute ng museo ay may kumpletong aklatan at archive. Magsisilbi rin itong isang pandaigdig na sentro para sa mga iskolar ng Holocaust sa buong daigdig. “Kami’y nakatalaga sa pagbibigay ng instruksiyon at edukasyon sa mga tao,” sabi ni Dr. Elizabeth Koenig, direktor ng Museum Library. Ang aklatan ay magkakaroon ng impormasyon hinggil sa ilang grupo ng minorya na nasa mga kampong piitan. “Napakarami na naming taglay kung tungkol sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi niya.

Noong 1933, nagbunsod si Hitler ng isang kampanya upang lipulin ang mga Saksi ni Jehova. Libu-libong mga Saksi​—mula sa Alemanya, Austria, Polandya, ang dating Czechoslovakia, ang Netherlands, Pransya, at iba pang mga bansa​—ang dinala sa mga kampong piitan. Sila’y pinag-usig dahil lamang sa relihiyon. Dalawa sa mga nakaligtas sa mga kampong ito ang inanyayahan sa pagbubukas ng museo.

Mga Nakaligtas sa Holocaust

Ang isang nakaligtas, si Franz Wohlfahrt, 73, ay nakasaksi sa pag-aresto sa kabuuang 15 miyembro ng kaniyang pinakamalapit na pamilya at kamag-anak dahil sa sila’y mga Saksi. “Pito sa kanila ang pinatay, karamihan ay sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Ang isa ay sa gas chamber, at ang iba ay namatay sa mga kampong piitan at mga Gestapo jail,” ang kaniyang ulat.

Naisip ba niya na makaliligtas pa kaya siya sa mga kampo? “Wala na akong pag-asa,” sabi ni Franz. “Halos araw-araw ako’y pinaaalalahanan ng mga guwardiya na kung sakali mang magapi ang Alemanya sa digmaan, may sapat pa rin silang bala upang patayin ako.”

Nagsisisi ba siya sa kaniyang pagkabilanggo dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala? “Hindi! Hindi kailanman!” sabi ni Franz, na para bang iyon ay isang insulto sa kaniyang katatagan. “Kami’y laging masaya. Madalas na pigilin ako ng mga guwardiya upang itanong: ‘Sa kabila ng lahat ng kahirapang ito, nakukuha mo pang ngumiti? Bakit?’ At sasabihin ko: ‘May dahilan ako para ngumiti sapagkat mayroon kaming pag-asa sa kabila ng mahirap na panahong ito​—isang pag-asa sa Kaharian ng Diyos na lahat ay isasauli at lahat ay magiging kasiya-siya dahil sa dinaranas namin sa ngayon.’ ”

Si Joseph Schoen, ipinanganak noong 1910, ay naging abala sa palihim na pag-iimprenta at pamamahagi ng literatura sa Bibliya sa Austria, na palaging nakaiiwas sa mga Gestapo​—hanggang noong 1940, nang siya’y madakip nila. Mula 1943 hanggang 1945, palaging nanganganib ang kaniyang buhay. Noong 1943 tinukoy ng lider ng kampong piitan si Joseph, sa harap ng lahat ng mga nagkakatipon, at sumigaw, “Hindi ka pa ba hihiwalay sa Diyos na si Jehova?”

“Hindi,” sagot ni Joseph.

“Kung gayon mapupugot ang iyong ulo!”

Noong 1945 makikita si Joseph na kasama sa death march patungong Dachau. “Kung sa pisikal, ako’y hindi na pakikinabangan,” nagugunita niya. “Pero hindi ako kailanman naging matibay sa pananampalataya na gaya noong ako’y nasa pagmamartsang iyon.”

Sa ngayon, habang naglilibot sa museo at ginugunita ang mga araw na iyon ng kaniyang pagkabilanggo, sinabi niya: “Hindi ako natakot noon. Ibinibigay ni Jehova ang iyong kailangan, kapag kailangan mo iyon. Dapat na matutuhan mong magtiwala kay Jehova at makita kung gaano siya katotoo sa panahon ng kagipitan. Lahat ng kapurihan ay sa kaniya. Wala sa aming naging bayani. Nagtiwala lamang kami kay Jehova.”

Ang Kahalagahan ng Museo

“Para sa akin ang museong ito ay may pambihirang kahalagahan,” sabi ng historyador na si Dr. Christine Elizabeth King, pro-vice chancellor ng Staffordshire University sa Inglatera. “Una sa lahat, ang rekord nito. At ito’y naririto upang pabulaanan yaong nagsasabi: ‘Hindi ito kailanman naganap.’ Napakaraming patotoo, bukod pa sa nabubuhay na mga saksi na nakaligtas sa Holocaust. Ikalawa, ang museo ay isang napakahusay na kasangkapan sa pagtuturo.”

“At para sa mga Saksi ni Jehova,” patuloy niya, “napakahalagang makita ang kanilang mga kapatid na nagdusa at namatay at nagbigay ng kanilang buhay. Ang makitang ito’y napaulat ay isang bagay na totoong natatangi.”

[Kahon sa pahina 18]

Ganito ang mababasa sa tudling:

“MGA SAKSI NI JEHOVA”

“Ang panliligalig ng Nazi sa mga Saksi ni Jehova ay nagsimula noong 1933. Dahil sa ayaw nilang magsundalo at sumumpa ng katapatan sa pamahalaan, madalas na inaakusahan ang mga Saksi ng pag-iispiya at pagsasabwatan laban sa estado. Binigyang-kahulugan ng mga Nazi ang pagsasabi ng mga Saksi tungkol sa napipintong anarkiya bilang mapaghimagsik na mga banta, at ang kanilang mga hula tungkol sa pagbabalik ng mga Judio sa Palestina, bilang mga pahayag ng Zionista.

“Gayunman, nagpatuloy ang mga Saksi sa kanilang pagtitipon, pangangaral, at pamamahagi ng literatura. Nawalan sila ng hanapbuhay, pensiyon, at lahat ng karapatang sibil, at sa pasimula ng 1937 sila’y dinala sa mga kampong piitan. Doon, tinagurian sila ng mga Nazi bilang ‘boluntaryong mga bilanggo’: Ang mga Saksi ni Jehova na magtatakwil sa kanilang paniniwala ay maaaring palayain. Wala isa man ang tumalikod.”

[Kahon sa pahina 19]

“Iyo’y Isang Mahalagang Kasaysayang Dapat Ikuwento”

“Ang mga Saksi ni Jehova ay isa sa pambihirang kasaysayan. Dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala, sila ang isa sa mga naunang relihiyong ipinagbawal . . . ng pamahalaang Nazi ng Alemanya noong 1933. Iyan ay dahilan lamang sa nakita nila ang kanilang paggalang at ang kanilang obligasyon sa nakatataas na batas, ang batas ng Diyos. Bunga nito, sila’y walang-awang pinag-usig na gaya ng mga Judio at mga Gypsy at dinala sa mga kampong piitan kung saan marami sa kanila ang nasawi.

“Iyo’y isang mahalagang kasaysayang dapat ikuwento. Marahil ang pinakanakahahambal na bahagi nito [ay] ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova. Kapag ang kanilang ama ay kinailangang dalhin sa isang kampo at ang kanilang ina naman ay inaresto, sila’y inilalagay sa likod na hanay ng paaralan, kasama ng mga anak ng Judio at Gypsy. Kapag patuloy na tinanggihan ng mga bata ang pagsaludo ng ‘Heil Hitler!’ o pagpapakita ng paggalang sa Estado ng Nazi, sila’y itinuturing na mga batang delingkuwente dahil lamang sa kanilang paniniwala. At ang mga batang ito, mangyari pa, ay nagdusa hindi lamang dahil sa wari at di-umano’y krimen ng kanilang mga magulang, alalaong baga’y pagkakasala laban sa budhi, kundi nagdusa rin dahil sa pangyayaring sila’y mga anak nila.”​—Dr. Sybil Milton, punong historyador ng museo.

[Larawan sa pahina 16]

Mga amerikana na may insigniya ng purple triangle na pagkakakilanlan sa mga Saksi ni Jehova

[Larawan sa pahina 17]

Ang mga nakaligtas sa Holocaust na sina Franz Wohlfahrt (kaliwa) at Joseph Schoen kasama ang historyador na si Dr. Christine King sa pagtatanghal na “Ang mga Biktima”

[Larawan sa pahina 17]

Mga bagol na gaya nito ang nagdala kina Wohlfahrt at Schoen sa mga kampong piitan

[Larawan sa pahina 18]

Itaas: Ang mga nakaligtas na sina Wohlfahrt (kaliwa) at Schoen sa ipinalalabas na kasaysayan sa video na “Mga Kaaway ng Estado” na kasali ang mga Saksi ni Jehova

Larawan sa pahina 18]

Ibaba: Sina Maria at Franz Wohlfahrt sa nakatanghal na Bibliya ni Johann Stossier, kapatid ni Maria. “Sa papaano man naitago ito ni Johann nang ilang panahon bago ito natuklasan,” sabi ni Franz. “Ang Bibliya ang tanging pag-aari na ibinalik sa kaniyang ina pagkatapos ng pagbitay sa kaniya”

[Larawan sa pahina 18]

Sa tabi ng Bibliya, ganito ang mababasa: “Ang Bibliyang ito ay pag-aari ni Johann Stossier, isang Saksi ni Jehova na ibinilanggo sa kampong piitan ng Sachsenhausen. Namatay si Stossier di pa natatagalan bago palayain ng mga kawal Sobyet ang kampo”

[Larawan sa pahina 19]

“Gaano karupok ang mga pananggalang ng sibilisasyon,” sabi ni Presidente Clinton ng E.U. sa pag-aalay ng museo. “Ang Holocaust ay patuloy na magpapagunita sa atin na ang kaalamang hiwalay sa moralidad ay magpapatindi lamang sa masamang panaginip ng mga tao, na ang ulong walang puso ay hindi makatao”