Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pumapatay ng Bata
Tatlong sakit ang dahilan ng halos dalawang-katlo sa 13 milyong pagkamatay ng mga bata sa nagpapaunlad na daigdig bawat taon, ayon sa pahayagan ng Aprika na Lesotho Today. Ang mga sakit na ito ay pulmunya, diarrhea, at tigdas. Idinagdag ng ulat na ang gayong mga sakit ay maaaring magamot o maiwasan sa pamamagitan ng mga pamamaraang magagamit at kayang mabili. Halimbawa, ang pulmunya, ang pinakamaraming pinapatay na bata, ang dahilan ng 3.5 milyong pagkamatay ng bata bawat taon. Karamihan sa mga kaso ay sanhi ng mikrobiyo at maaaring supilin sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotic na tatagal nang limang araw at nagkakahalaga lamang ng 25 cents. Ang diarrhea ang kumikitil sa buhay ng tatlong milyong bata bawat taon. Halos kalahati ng mga pagkamatay na ito ay naiwasan sana kung sinunod lamang ng mga magulang ang di-mamahaling oral rehydration therapy. Ang tigdas ay sanhi ng kamatayan ng 800,000 bata bawat taon. Binabanggit ng ulat na ito’y maaaring iwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna. Ang bakuna sa tigdas ay nagkakahalaga nang wala pang 50 cents sa bawat bata.
Kamatayan sa Pamamagitan ng Baril
Sa 4 na kamatayan ng mga kabataang Amerikano, ang 1 ay dahilan sa baril. Sang-ayon sa National Center for Health Statistics, gaya ng iniulat ng International Herald Tribune, mas maraming namamatay na mga kabataang mula sa 15 hanggang 24 taóng gulang dahil sa baril kaysa sa likas na mga kadahilanang pinagsama. Ang aksidente lamang sa sasakyan ang pumapatay ng maraming tao sa grupong iyan. Noong 1990, ang pinakahuling taon na nakumpleto ang mga estadistika, ang bilang ng mga tin-edyer na nabaril dahil sa pagpaslang, pagpapatiwakal, o aksidente ay halos 4,200. Noong 1985 ang bilang ay halos 2,500.
Maililigtas ba ang Lupa?
Wala nang iba pa kundi ang malaking pagbabago sa mga pamantayan ng pamahalaan at sa saloobin ng mga tao ang makapagliligtas sa sistema ng ekolohiya ng lupa mula sa pagkawasak, ayon sa ulat ng Worldwatch Institute. Nagbababala ang ulat na kung ang mga gayong suliranin tulad ng pagdami ng populasyon, pagdami ng inilalabas na karbon, pagnipis ng ozone, pagkawala ng kagubatan, at pagkaagnas ng lupa ay magpapatuloy, ang mga tao sa lupa ay darami at walang sapat na mapagkukunan upang matustusan sila. Binabanggit din nito na ang programa ng paggamit-muli ng mga bagay at pagtitipid ay makababawas ng suliranin subalit ang gayong mga pamamaraan ay hindi sapat. Para sa isang makabuluhang kalutasan, ang malawakang mga pagbabago ng pamahalaan, industriya, at ng madla ay kinakailangan.
Pagsugpo sa Kolera
Ang sukà buhat sa pulang alak ay maaaring makasugpo ng pagkalat ng kolera, ayon sa magasing Manchete ng Brazil. Isiniwalat ng isang pagsusuri na isinagawa ng Food Institute of the Secretary of Agriculture and Supplies ng São Paulo na ang sukang buhat sa pulang alak ay isandaang beses na mabisa kaysa sa pampaputi (bleach) sa pag-alis ng mikrobiyo sa maruming mga gulay. Iniuulat ng magasin na ang sukang ito ay nakababawas ng mikrobiyo ng kolera sa litsugas nang 10,000 beses samantalang ang tubig na hinaluan ng chlorine ay 100 beses lamang. Ang iminumungkahing timpla ay limang kutsara ng sukà sa bawat litro ng tubig.
Pagód na mga Ina
Aling grupo ng populasyon sa Alemanya ang higit na nagdurusa dahil sa tensiyon? Ayon sa isang pagsusuri ng Medical Sociological Department of the University of Medicine sa Hanover, “ang mga ina sa pangkalahatan ay madaling makadama ng labis na pagkapagod at pagkahapis sa mental at pisikal kaysa iba pang grupo ng populasyon.” Ang Nassauische Neue Presse, na nag-ulat sa pagsusuri, ay nagsabi na “mahigit sa doble ng mga inang bumibisita sa doktor ang pinahihirapan ng tensiyon, sakit ng tiyan, kabalisahan, at di mahimbing na pagtulog kaysa sinumang miyembro ng ibang grupo ng populasyon.” Sa paghahanap ng 21medikal na tulong, maraming ina ang tumatanggap ng pampahupa ng sakit, pampakalma, at iba pang mga gamot. Sa ilang kaso ito’y humahantong sa pagkasugapa.
Karahasan ng mga Kabataan—Bakit?
“Ang mga pagsasakdal na ipinataw ng pulisya ng Canada laban sa mga kabataan (12-17 taóng gulang) dahil sa karahasan ay mahigit na nadoble noong nakaraang limang taon,” ayon sa The Toronto Star. Ang mga karahasang ito ay isinagawa nang walang maliwanag na dahilan. Ang simpleng pagtititigan ay maaaring pagmulan ng karahasan sa isang walang-malay na napatingin lamang. Ito’y waring isang bagay na “pagmamarahas alang-alang sa karahasan,” idinagdag pa ng Star. Ano ang dahilan? Ang iba’y naniniwala na may kaugnayan ang nagaganap na karahasan sa mga kabataan at ang marahas na mga palabas sa mga pelikula at telebisyon. “Pinamamanhid at hinuhubog ng TV ang ating kabataan, habang ginagawang kaakit-akit ang karahasan bilang mas mainam na paraan ng paglutas sa mga problema,” ang sabi ng Star.
Marahil ngayon ay mas maraming magulang ang magnanais na kontrolin ang panonood ng telebisyon ng kanilang mga anak.“Sentro ng Pagpaslang sa Mundo”
“Natamo ng Johannesburg ang masamang katayuan bilang ang sentro ng pagpaslang sa mundo,” ang sabi ng The Star, isang pahayagan sa Timog Aprika. “Sang-ayon sa mga estadistika ng pulisya, ang Johannesburg at Soweto ay may kabuuang 3,402 pagpaslang noong 1992—9,3 pagpaslang bawat araw, o isa sa bawat 2 1/2 oras.” Ang Rio de Janeiro, na dating “sentro ng pagpaslang” ang pumangalawa ngayon. Ang Rio ay may aberids na 8,722 pagpaslang bawat taon sa nakalipas na sampung taon. Gayunpaman, ang populasyon ng Rio ay mahigit na 10 milyon, samantalang ang pinagsamang populasyon ng Johannesburg at Soweto ay sinasabing 2.2 milyon. Ang Paris, na halos kasindami ng populasyon sa Johannesburg, ay may aberids na 153 pagpaslang sa isang taon. Ang mga posibilidad na mapaslang ay itinala gaya ng: 1 sa bawat 647 sa Johannesburg; 1 sa bawat 1,158 sa Rio de Janeiro; 1 sa bawat 3,196 sa Los Angeles; 1 sa bawat 4,303 sa New York; 1 sa bawat 6,272 sa Miami; 1 sa bawat 10,120 sa Moscow; at 1 sa bawat 14,065 sa Paris.
Kaligaligan sa mga Iglesya
“Ang suliranin ng panghahalay sa loob ng iglesya ay hindi mawawala,” iniuulat ng The Toronto Star. Ang mga iskandalo sa sekso ay laganap sa mga pinunò ng iglesya. Hindi lamang ito nagaganap sa mga ebanghelisador sa telebisyon at sa Iglesya Katolika. “Nagaganap [din ang pag-abuso] sa Salvation Army, sa United Church, sa Presbyterian Church,” ang sabi ng isang opisyal ng Salvation Army. Sinabi ng Anglikanong Pinunong Arsobispo na si Michael Peers na ang gayong pang-aabuso ay isang “pirmihan at lihim” na suliranin sa iglesya. Sang-ayon sa Star, inamin ni Arsobispo Peers na ang tugon ng iglesya noon sa mga paratang ng pang-aabuso sa sekso “ay patuluyang pagtanggi at pagsupil.” Si Timothy Bently mula sa Toronto Centre for the Family ay iniulat na nagsabing kung “hindi haharapin ng mga iglesya nang lantaran at tapat ang pangunahing espirituwal na suliranin ang kanilang awtoridad na mangaral tungkol sa moralidad ay guguho.”
Pagsamba sa Daga?
Araw-araw halos 1,000 mananamba at mga 70 turista ang dumadalaw sa templo ng Karni Mata sa Deshnoke, India. Bakit? Sa templong iyon halos 300 daga ang gumagala-gala habang ang mga deboto ay naghahandog sa mga idolo. Ang mga daga “ay sinasamba at ang kanilang pangangailangan ay ibinibigay ng mapagparayang mga mananamba,” ayon sa Evening Post ng New Zealand. Ang mga pari sa templo at ang mga daga ay kumakain sa iisang mangkok at umiinom ng pareho ring tubig. Isa sa mga pari ang nagpahayag na “ang mga iyon ay hindi mga daga, iyon ay mga sugò ng Diyos, isang kaloob sa atin ng diyosa.” Sang-ayon sa Post, ipinahayag ng pari na kapag ang mga pari sa templo ay namatay, sila’y makapagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsilang-muli bilang mga daga. Kapag namatay ang mga daga, ang sabi pa niya, sila’y muling isinisilang bilang mga pari.
Paghihirap sa Himpapawid
Ang paglalakbay sa himpapawid ay “naging isang lumalagong dahilan ng kirot, paghihirap at maging sakit sa mga pasahero at tripulante nitong nagdaang mga taon,” ayon sa The New York Times. Pagkaraan ng ilang oras na paglalakbay sa siksikang mga upuan, ang mga manlalakbay ay nag-ulat ng pamumuo ng dugo sa mga baga, pananakit ng likod, sipon, sakit ng ulo, pagduwal, at pulmonya. Ang pagkaubos ng tubig sa katawan ay isa pang problema. “Taglay ang antas ng halumigmig na halos 10 porsiyento, ang hangin sa mga eroplano ay mas tuyo kaysa sa Sahara,” ang sabi ng Times. Kalakip sa mga sintoma ng pagkaubos ng tubig sa katawan ay ang paglapot ng dugo, labis na pagkahapo, at paghapdi ng mga mata. Isa pa, ang pagkatuyo ng mga daanan ng hangin sa katawan ay nagpapangyari na sila’y madaling maimpeksiyon. Inirerekomenda ng pahayagan ang pag-inom ng 250 cc ng tubig sa bawat oras ng paglalakbay sa himpapawid upang maiwasan ang pagkaubos ng tubig sa katawan.
Kaguluhan Dahil sa Insesto sa Ireland
Sinabi ng Dublin Rape Crisis Center na ang bilang ng mga iniulat na mga kaso ng panghahalay sa bata sa Ireland ay tumaas mula sa 408 noong 1984 tungo sa 2,000 noong 1992. Isang malupit na kaso ng insesto roon ang naging dahilan ng kaguluhan sa bansa. Isang ama, na gumon sa isang matapang na inuming tinatawag na poteen, ang paulit-ulit na nanghalay sa kaniyang anak sa loob ng 16 na taon at nagkaanak sa kaniya. Binulag niya ang isang mata nito nang hampasin niya ito ng patpat. At karaniwan na sa gayong mga kaso, nalalaman ng ina ng biktima ang insesto subalit nagsisinungaling sa mga pulis upang mapangalagaan ang kaniyang asawa; nalalaman din ng mga kapitbahay ang kalagayan ng bata subalit sila’y walang ginagawang anuman. Bagaman ang lalaki ay umamin sa salang panghahalay, insesto, at panggagahis, itinuring lamang ng hukom ang kaso bilang insesto. Ang ama ay nahatulang mabilanggo ng pitong taon, ang pinakamatagal para sa insesto, at maaari siyang makalaya pagkaraan ng apat na taon. Galit na galit dahil sa kaso, maraming Katoliko sa Ireland ang humihiling sa kanilang iglesya ng espesipikong pagpapahayag laban sa insesto.