Si Jehova ba’y Mandirigmang Diyos?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Si Jehova ba’y Mandirigmang Diyos?
ANG ilang mambabasa ng Bibliya ay malaon nang nagpaparatang kay Jehova bilang isang mandirigmang diyos, anupat isang uhaw sa dugo. Halimbawa, si George A. Dorsey, sa kaniyang aklat na The Story of Civilization—Man’s Own Show, ay nag-aangkin na ang Diyos ng Bibliya, si Jehova, “ay Diyos ng mga mandarambong, ng mga tagapagpahirap, ng mga mandirigma, ng pananakop, ng bawat silakbo ng kalupitan.” Tuwirang sinabi ng kritiko ng Bibliya na si Roland H. Bainton: “Mas makatao ang digmaan kung hindi makikisali ang Diyos.”
Tunay nga bang isang mandirigmang diyos si Jehova? Talaga nga bang nasisiyahan siyang pumatay ng walang-malay na mga tao, tulad ng ipinahihiwatig ng iba?
Nakaraang mga Hatol
Totoo, tapatang inilahad ng Bibliya ang nakaraang masasamang hatol ng Diyos na Jehova. Gayunman, ang mga ito’y pawang laban sa makasalanang mga tao. Halimbawa, nang ‘mapunô ng karahasan’ ang lupa sa panahon ni Noe saka lamang sinabi ni Jehova: “Narito ako’y magpapadagsa ng isang baha ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may hininga ng buhay.” (Genesis 6:11, 17) Tungkol sa isa pang hatol, dahil sa ang Sodoma at Gomora ay “nagpakagumon sa seksuwal na imoralidad at isinuko ang sarili sa lisyang kahalayan” kung kaya ang Diyos ay ‘nagpaulan ng asupre at apoy.’—Judas 7, The New Berkeley Version; Genesis 19:24.
Natuwa ba ang Diyos sa pagpuksa sa lahat ng laman noong panahon ni Noe? O nagtamo ba siya ng kaluguran sa pagpuksa sa mga taga-Sodoma at Gomora? Para sa sagot, tingnan natin ang mga pangyayaring nakapalibot sa Baha noong panahon ni Noe. Matapos ipahayag na aalisin ng Diyos ang balakyot na sangkatauhan sa ibabaw ng lupa upang linisin ito mula sa karahasan, ganito ang sabi ng Bibliya: “Si Jehova’y . . . nakadama ng hapdi sa kaniyang puso.” Oo, ikinalungkot ng Diyos ang bagay na “bawat hilig ng mga kaisipan ng puso [ng tao] ay pawang kasamaan na lamang palagi.” Dahil dito, upang makaligtas sa nalalapit na Baha ang pinakamarami hangga’t maaari, isinugo ng Diyos si Noe, “isang mángangarál ng katuwiran,” upang magbigay ng babala at gumawa ng daong para sa kaligtasan.—Genesis 6:5-18; 2 Pedro 2:5.
Sa katulad na paraan, bago isugo ang mga anghel upang puksain ang Sodoma at Gomora, sinabi ng Diyos: “Ipinanukala kong bumaba at tingnan kung ginawa na nga ang ayon sa sigaw laban sa kanila . . . Ipinasiya kong alamin.” (Genesis 18:20-32, The Jerusalem Bible) Tiniyak ni Jehova kay Abraham (na ang pamangking si Lot ay nakatira sa Sodoma) na kung sa Kaniyang pagsisiyasat ay may kahit sampung matuwid na mga lalaki, ang mga lunsod ay patatawarin. Ang isa bang Diyos na natutuwa sa pagdanak ng dugo ay may ganitong maawaing pagmamalasakit? Sa kabaligtaran, hindi ba natin masasabi na ang isa sa nangingibabaw na katangian ni Jehova ay ang pagiging maawain? (Exodo 34:6) Siya mismo ay nagsasabi: “Wala akong kasiyahan sa kamatayan ng balakyot, kundi ang balakyot ay humiwalay sa kaniyang lakad at aktuwal na mabuhay nang patuloy.”—Ezekiel 33:11.
Ang masasamang hatol mula sa Diyos ay bunga ng matatag na pagtanggi ng balakyot na mga tao na iwanan ang masamang landas, hindi dahil sa nasisiyahan si Jehova sa pagpatay sa mga tao. Subalit marahil ay magtataka kayo, ‘Hindi ba inamuki ni Jehova ang mga Israelita na makipagdigma sa mga taga-Canaan at lipulin sila?’
Kinailangan ang Pakikidigma ng Diyos Para sa Kapayapaan
Iginuguhit ng kasaysayan ang nakasusuklam na larawan ng buhay ng mga taga-Canaan—labis-labis ang kanilang kabalakyutan. Laganap ang espiritismo, paghahain ng mga bata, masidhing karahasan, at ang iba’t ibang uri ng lisyang pagsamba sa sekso. Bilang isang Diyos ng katarungan na humihiling ng pantanging debosyon, hindi pahihintulutan ni Jehova na ligaligin ng nakapandidiring mga gawaing ito ang kapayapaan at katiwasayan ng walang-malay na mga tao, lalo na ang Israel. (Deuteronomio 5:9) Halimbawa, gunigunihin kung ang komunidad na iyong tinitirhan ay walang marangal na sandatahang-lakas ng pulisya o militar na magpapasunod ng mga batas sa lupain—hindi ba iyon ay aakay sa pinakamasamang uri ng anarkiya at karahasan? Katulad nito, napilitan si Jehova na kumilos laban sa mga taga-Canaan dahil sa kanilang kahalayan at sa aktuwal na kapanganiban na kanilang iniumang sa tunay na pagsamba. Sa gayon, siya’y nagpasiya: “Ang lupain ay marumi, at ako’y magpaparusa sa kaniyang kasalanan.”—Levitico 18:25.
Ang banal na katarungan ay isinagawa nang puksain ng tagatupad na puwersa—ang mga sundalong Israelita—ang mga taga-Canaan. Ang bagay na pinili ng Diyos ang mga tao upang isagawa ang hatol na ito, sa halip na apoy o baha, ay hindi nagpababa sa sentensiya. Kaya, nang nakikipagdigma sa pitong bansa ng Canaan, inatasan ang mga sundalong Israelita: “Huwag kayong magtitira ng buhay sa anumang bagay na humihinga.”—Deuteronomio 20:16.
Gayunman, bilang may paggalang sa buhay, hindi pinahintulutan ng Diyos ang walang-taros na pagpatay. Halimbawa, nang ang mga residente ng isang lunsod sa Canaan, ang Gibeon, ay humingi ng awa, pinatawad sila ni Jehova. (Josue 9:3-27) Gagawin ba ito ng isang mabagsik na mandirigmang diyos? Hindi, kundi ng isang Diyos na umiibig sa kapayapaan at katarungan.—Awit 33:5; 37:28.
Ang mga Pamantayan ni Jehova ay Nagtataguyod ng Kapayapaan
Paulit-ulit, iniuugnay ng Bibliya ang pagpapala ng Diyos sa kapayapaan. Iyan ay dahilan sa si Jehova ay maibigin sa kapayapaan, hindi sa digmaan. (Bilang 6:24-26; Awit 29:11; 147:12-14) Samakatuwid, nang naisin ni Haring David na magtayo ng isang templo ng pagsamba kay Jehova, sinabi sa kaniya ng Diyos: “Hindi ka magtatayo ng bahay sa aking pangalan, sapagkat nagbubo ka ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin.”—1 Cronica 22:8; Gawa 13:22.
Habang nasa lupa, ang Lalong Dakilang David, si Jesu-Kristo, ay nagsabi hinggil sa isang panahon na hindi na pahihintulutan ng pag-ibig ng Diyos sa katarungan na panatilihin pa niya ang nakikita nating kasamaan sa ngayon. (Mateo 24:3, 36-39) Gaya ng kaniyang ginawa noong Baha sa panahon ni Noe at sa pagpuksa sa Sodoma at Gomora, malapit nang ipataw ng Diyos ang katarungan upang linisin ang lupa mula sa kasakiman, balakyot na mga tao, anupat inihahanda ang daan para sa pag-iral ng mapayapang kalagayan sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang makalangit na Kaharian.—Awit 37:10, 11, 29; Daniel 2:44.
Maliwanag, si Jehova ay hindi isang mandirigmang diyos na uhaw sa dugo. Sa kabilang banda, hindi siya nag-atubili sa paglalapat ng ayon sa batas na parusa kung kinakailangan. Ang pag-ibig ng Diyos sa kabutihan ay nangangailangan ng kaniyang pagkilos alang-alang sa mga umiibig sa kaniya sa pamamagitan ng pagpuksa sa balakyot na sistema na siyang nagpapahirap sa kanila. Kapag ginawa niya ito, lalago ang tunay na kapayapaan sa buong lupa habang ang tunay na maaamo ay nagkakaisang sumasamba kay Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan.”—Filipos 4:9.
[Picture Credit Line sa pahina 20]
David at Goliat/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications, Inc.