Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Nag-iingat sa mga Hayop sa Parang sa Aprika?

Sino ang Nag-iingat sa mga Hayop sa Parang sa Aprika?

Sino ang Nag-iingat sa mga Hayop sa Parang sa Aprika?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

MAY ilang mapapait na salita ang nasabi tungkol sa kung papaano minamalas ng mga taga-Aprika ang kanilang pamanang mga hayop sa parang. ‘Wala silang tunay na pagpapahalaga rito; itinuturing lamang nila ito bilang mapagkukunan ng pagkain at salapi,’ sabi ng ilang dumadalaw. Ang dahilan ng ganitong mga palagay? Ang mga lugar ng mga hayop (reserve) ay kalimitang punô ng mga turistang taga-Kanluran at kakaunti lamang ang mga tagaroon. Subalit isang lider ng Zulu sa Timog Aprika ang minsang nagpaliwanag: “May mga kahirapang humahadlang sa mga itim upang bumisita sa malalawak na lugar ng mga hayop. Para sa amin ang pangangalaga sa mga hayop sa parang ay isang luho anupat kakaunti lamang na mga itim ang nakaririwasa upang tamasahin ito.”

Maraming taga-Aprika ngayon, di-tulad ng kanilang mga ninuno, ang lumaki sa lugar ng mahihirap sa siyudad, kung saan sila’y napahiwalay mula sa mga hayop sa parang. Gayundin, ang mga naninirahan sa rurál ay kalimitang mga biktima ng karukhaan at kapabayaan. “Ang mga may makakain lamang ang may kakayahang makapag-ingat ng sariling mga hayop na pawang ukol sa sining, kultura at edukasyong mga dahilan,” ang paliwanag ng isang tagapangalaga ng lugar ng mga hayop sa isang bansa sa Kanlurang Aprika.

Sa kabila ng ganitong negatibong mga salik, ang mga hayop sa parang ang popular na tema sa sining ng Aprika, gaya ng mapatutunayan pagka pumasyal sa mga tindahan ng kakatwang mga bagay sa Aprika. Isinisiwalat ng arkeolohiya na ang mababangis na hayop ang pinakatema ng sining ng Aprika mula pa nang sinaunang panahon. Hindi ba iyan patotoo ng masining na pagpapahalaga sa mga hayop sa parang?

Isaalang-alang ang kalagayan nina Abel at Rebecca, na gumugol ng ilang pagbabakasyon sa mga lugar ng mga hayop sa katimugang Aprika. Subalit, kapuwa sila lumaki sa mga kabayanan ng itim sa Timog Aprika. Ang pagkahilig ni Rebecca sa mga hayop sa parang ay nagsimula dahil sa pampublikong mga zoo sa Johannesburg at Pretoria. “Noong ako’y bata pa,” paliwanag niya, “ang tanging panahon upang makita namin ang mababangis na hayop ay pagka kami’y dumadalaw sa mga zoo na ito.”

Ang pagkahumaling ni Abel sa mga hayop sa parang ay may naiibang pasimula. Kalimitang ginugugol niya ang bakasyon sa paaralan sa mga lalawigan kasama ng kaniyang mga nuno. “Ituturo ng aking lolo,” gunita niya, “ang iba’t ibang hayop at ipaliliwanag ang mga gawi ng mga ito. Natatandaan ko nang kuwentuhan niya ako tungkol sa honey badger at sa matalinong munting ibon, ang mas mahusay na tagaturo ng pulut-pukyutan, na ipinapalagay na umaakay sa mga hayop sa mga bahay-pukyutan.” Isinasalaysay ni Abel ang nakatutuwang karanasang ito noong siya’y 12-taóng-gulang na bata.

“Isang araw, habang kami’y naglalakad sa palumpungan, itinawag-pansin sa akin ni lolo ang munting ibon na waring tumatawag sa amin. Iyon ay isang tagaturo ng pulut-pukyutan. Kaya sinundan namin ang ibon habang ito’y lumilipad-lipad sa mga palumpong. Ito’y nagpatuloy nang mahigit na kalahating oras. Sa wakas ang ibon ay dumapo sa sanga at huminto ng paghuni. Sinabi ng aking lolo na kailangang hanapin namin ngayon ang bahay-pukyutan. Gaya ng inaasahan, di-nagtagal nakita namin ang mga bubuyog na pumapasok sa isang butas sa ilalim ng bato. Maingat na pinatulo ng aking lolo ang pulut-pukyutan. Pagkatapos kumuha siya ng saray (honeycomb) na may uod nito at ipinatong sa bato. Ito ang paraan ng kaniyang pagpapasalamat sa ibon dahil itinuro nito ang bahay-pukyutan.”

Ang kahanga-hangang ugnayang ito sa pagitan ng tao at tagaturo ng pulut-pukyutan ay lubusang pinatunayan ng mga dalubhasa sa ibon. “Hindi ko kailanman malilimutan ang karanasang ito,” ang patuloy ni Abel. “Pinasabik ako nitong matutunan pang higit ang tungkol sa mga hayop sa parang.”

Isang dating mandirigmang Masai ng Tanzania, na si Solomon ole Saibull, na nang maglaon ay naging kuwalipikadong maging isang tagapangalaga ng mga hayop sa parang, ang nagsaalang-alang ng mga bagay nang siya’y may kahinahunang nagpaliwanag sa isang awtor na taga-Kanluran: “Batid ko na maraming taga-Aprika ang nagpapahalaga hindi lamang sa pananalapi sa pag-iingat sa mga hayop sa parang, kundi rin naman sa walang-katumbas na mga kapakinabangan . . . Ang mga ito’y mga tao​—mga taga-Aprika​—na maaaring maupo at magmasid sa Kalikasan habang ipinamamalas ang kakanyahan nito sa iba’t ibang mahihiwagang paraan. Ang lumulubog na araw sa kulay-lilang mga burol, ang maberdeng tanawin at ang hugis ng mga ilog at kapatagan, ang sari-sari at napakaraming nilikha na lubusang malaya​—lahat ay bumubuo ng napakaraming kaakit-akit na kababalaghan. Tunay nga, ang pagpapahalagang ito ay hindi lamang madarama sa Europa at Amerika?”

Oo, mula sa abang mga taganayon hanggang sa may mataas na pinag-aralang mga siyentipiko​—sino nga ba ang hindi hahanga sa pamanang mga hayop sa parang ng Aprika? Isang Alemang estudyante sa panggagamot ng hayop na kamakailan ay dumalaw sa Timog Aprika at sa Kruger National Park ang nagsabi: “Nasumpungan ko na ang kalikasan at mga hayop ang pinakakawili-wili at kahali-halinang bagay sa bansang ito. Dahil sa kami’y may kakaunting pagkasari-sari ng malalaking hayop at may kakulangan ng lugar sa Alemanya, ang bagay na tungkol sa paglilibang at pangangalaga sa kalikasan sa ganitong antas ay totoong hindi ko nabatid.”

Ang mga turista ay naaakit din sa napakalawak na mga lugar ng mga hayop sa Botswana, Namibia, at Zimbabwe. Subalit marahil ang pinakamalaking lugar na kinaroroonan ng malalaking hayop sa Aprika ay masusumpungan sa loob at palibot ng Serengeti National Park ng Tanzania at Masai Mara Game Reserve ng Kenya. Ang kilaláng mga parkeng ito ay magkakatabi, at ang mga hayop ay hindi nababakuran. “Magkasama,” paliwanag ng magasing International Wildlife, “na itinataguyod ng Serengeti-Mara ang isa sa pinakamaraming bilang ng hayop sa daigdig: 1.7 milyong wildebeest, 500,000 gazelle, 200,000 zebra, 18,000 eland, at napakarami pang elepante, leon at cheetah.”

Si John Ledger, patnugot ng magasin sa Timog Aprika na Endangered Wildlife, ay dumalaw sa unang pagkakataon sa Kenya noong 1992 at inilarawan ito bilang ‘isang pangarap na natupad.’ Ang Masai Mara, ang kaniyang sulat, “ay tiyak na katulad ng mga tanawin ng kahapon na nakita ni Cornwallis Harris [ika-19-na-siglong awtor at mangangaso], yamang kaniyang ginalugad ang dakong loob ng Timog Aprika noong dekada ng 1820. Ang mistulang umaalong damuhan, kalat-kalat na mga punong may tinik, at maraming mababangis na hayop, sa lawak na naaabot ng iyong tanaw!”

Ang Anino ng Nakalipas na Karingalan

Nakalulungkot, sa kalakhan ng Aprika ngayon, makikita natin ang mas kakaunting mga hayop kaysa nakita ng mga naninirahang taga-Europa sa nakalipas na dantaon. Halimbawa, noong 1824 ang unang puti ay nanirahan sa naging kolonya ng Britanya na Natal (ngayo’y isang lalawigan ng Timog Aprika). Ang munting kolonya ay punung-punô ng napakaraming hayop anupat ang mga tropeo na ulo ng nahuling hayop at iba pang mga produktong yari sa hayop ang pangunahing kalakal nito. Sa loob ng isang taon, mahigit sa 62,000 balat ng wildebeest at zebra ang inilulan mula sa daungan ng Durban, at sa isa pang táong maraming naipagbili, mahigit na 19 na tonelada ng garing ang inilabas sa bansa. Di-nagtagal, dumami ang populasyon ng puti sa mahigit na 30,000, subalit karamihan ng mga hayop ay nalipol na. “Kakaunti ang natirang mga hayop,” ulat ng mahistrado ng Natal noong 1878.

Ang gayunding malungkot na salaysay ay masasabi sa ibang mga bahagi ng Aprika kung saan ang mga pamahalaang kolonyal ay nagpahintulot sa paglipol ng mga hayop na magpatuloy pa hanggang sa ika-20 siglo. Isaalang-alang ang Angola, na nagtamo ng kalayaan mula sa Portugal noong 1975. “Ang ulat ng nakaraang rehimeng kolonyal,” ang sulat ni Michael Main sa kaniyang aklat na Kalahari, “ay hindi kahanga-hanga. Upang mabuksan lamang ang Distrito ng Huila para sa mga rantso ng baka, ang nakahihiyang Diploma Legislativo Bilang 2242 ng 1950 ay nagpahayag na ang lugar ay isang malayang sona ng pangangaso. Bilang resulta, naganap ang lansakang pagpatay sa mga hayop . . . Aktuwal na nalipol ang bawat malaking hayop na nagpapasuso. Tinaya na kasama sa napatay ang 1,000 itim na rhino, ilang libong giraffe, at sampu-sampung libong wildebeest, zebra at buffalo. Ang Diploma ay hindi napawalang-bisa nang halos dalawa at kalahating taon, na sa loob ng panahong iyon ay nangyari na ang pinsala, at wala nang natirang hayop.”

Subalit ano ba ang kalagayan sa ngayon, at anong kinabukasan ang naghihintay sa mga hayop sa Aprika?

[Kahon sa pahina 5]

Salapi sa mga Lugar ng mga Hayop

Ang mga lugar ng mga hayop at ang pambansang mga parke ay nakakalat sa napakalaking kontinenteng ito na tinatayang may kabuuang sukat na 850,000 kilometro kuwadrado. Ito’y katumbas ng isang lugar na mas malaki kaysa sa pinagsamang Britanya at Alemanya.

Karamihan sa mga lugar na ito ng mga hayop, makikita mo ang tinaguriang limang pinakamalalaki​—elepante, rhino, leon, leopardo, at buffalo. Mula sa maririlag na agilang pumapailanlang sa kaitaasan hanggang sa hamak na mga uwang na nagpapagulong ng kanilang dumi sa mga daanan, napakaraming nilikha ang nakasisiyang pagmasdan.

Libu-libong turista mula sa ibayong-dagat ang nagpapahalaga sa mga hayop na ito sa parang. Taun-taon naglalagay sila ng mahigit sa isang bilyong dolyar sa mga bansa na nagbibigay-kasiyahan sa mahihilig sa mga hayop sa parang. Oo, ang mga lugar ng mga hayop ay pinagkakakitaan.

[Larawan sa pahina 4]

Hindi pa natatagalan, libu-libong mababangis na hayop ang pinatay taun-taon dahil sa mga ulo ng hayop at mga balat sa Timog Aprika

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Africana Museum, Johannesburg