Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nakatatawang Warthog

Ang Nakatatawang Warthog

Ang Nakatatawang Warthog

ANG isa sa nakalilibang na panoorin sa kagubatan ng Aprika ay ang isang pamilya ng mga warthog na patakbu-takbo. Sila’y makikitang masiglang nananakbo sa isang kapita-pitagang paraan ng isang warthog, na ang bawat isa’y may makitid, nakatungkos na buntot na naninigas na nakataas na parang isang maliit na antena ng radyo. Mangyari pa, hindi layunin ng warthog na libangin ang mga nagmamasid. Ayon sa aklat na Maberly’s Mammals of Southern Africa, “ang ugaling ito ay malamang na tumutulong sa mga hayop na sila’y magkakitaan sa nagtataasang damo kapag tumatakas, lalo na sa kaso ng mga bata na may limitadong paningin.”

Ang mas nakatutuwa pa ay kapag pumapasok sila sa kanilang “bahay,” lalo na kung napakabilis. Ang “bahay” ng mga warthog ay maaaring isang pinalaking lungga ng ant-bear o porcupine sa lupa, at ang mga warthog ay may naiibang paraan ng pagpasok. Ang mga bata, na hindi pa marunong ng tamang paraan ng isang warthog, ay sisibad sa lungga na una ang ulo gaya ng alinmang hayop na may paggalang-sa-sarili. Iba naman ang mga magulang! Napakabilis, na parang sundalo, sila’y biglang tatalikod sa pasukan ng kanilang lungga​—at dali-daling papasok sa kanilang bahay nang patalikod! Ang munting paraang ito ay hindi upang libangin ang nagmamasid. Kapag ganito, ang warthog ay may tiyak na bentaha ngayon na harapin ang kaniyang maninila at mailagan ang anumang pag-atake sa pamamagitan ng kaniyang pumapatay na mga pangil.

Mangyari pa, kung minsan sa di-inaasahan ay nagkakaproblema ang ganitong nagmamadaling pag-urong. Ang problema ay na hindi lamang mga warthog ang maaaring umokupa ng maalikabok na mga lunggang ito sa ilalim ng lupa. Ang mga hyena, honey badger, jackal, at porcupine ay maaaring magkubli sa mga hukay na ito. “Kung ang butas ay okupado na, ang [mga warthog] ay maaaring mapaharap sa manaka-nakang sagupaan na di-kasiya-siya,” ulat ng magasing Custos. “Sa ilang pagkakataon makikita ang mga warthog na may matutulis na balahibo [ng porcupine] na nangakatusok sa likod nila.” Di-maikakaila, ito’y hindi nakatutuwa para sa kawawang warthog.

Dahil sa kaniyang nagbabantang mga pangil, ang warthog ay nagmumukhang isang mabangis na maninila na naghahanap ng makakain. Ngunit hindi naman. Ang warthog ay inilalarawan bilang isang “karaniwan nang di-nananakit na hayop.” Napatunayang damo ang kinakain ng warthog, at napakapihikan! Nanginginain siya sa halos maiigsing damuhan lamang, kinakain lamang ang malalambot na supang ng damo; ayaw niya ng mga dawag, matataas na damo, o iba pang halaman. Bukod dito, nakahanda ang warthog na siyasatin kahit na ang pinakamasukal na lugar upang maghanap ng kaniyang pagkain. At kapag itinutulak niya ang kaniyang mukha sa matitinik na lugar sa paghahanap ng masasarap na murang damo na baka tumutubo sa ilalim, ang kaniyang mga pangil ang proteksiyon ng kaniyang mukha.

Kapag napakainit, ang mga warthog ay matatagpuan sa “bahay” sa isang inalisang lungga ng aardvark na pinalaki ng kanilang mga pangil. Kung hindi sila nagpapahinga, maaaring makita mo sila na naglulublob at umiinom sa malapit na bukal ng tubig. Kapag oras na ng pagkain, makikita silang tumatakbo-takbo sa madamong kapatagan. (Ayaw nilang magmabilis sa pagtakbo kung hindi kailangan.) Sila’y mapitagan kung kumilos, lahat sila​—mula sa matanda hanggang sa pinakabata—​na palaging nakataas ang waring-kawad na buntot.

Ang mga warthog ay hindi siyang pinakamagagandang miyembro ng pamilya ng mga baboy. Subalit, taglay nila ang pinakaangkop na pangalan, na mula sa kitang-kitang “warts” [mga kulugo] sa kanilang taluhabang mga mukha. Hindi ito tunay na mga kulugo kundi mga usbong ng makapal na balat, at ang mga ito’y gamit na gamit. Nakatutulong ang mga ito na maingatan ang mga mata ng warthog kapag ito’y naghuhukay at nanginginain. Nakatutulong din ang mga ito kapag nag-aaway ang mga lalaki, na ginagamit bilang panangga sa lumalaslas na mga pangil ng kalaban.

Nakatago sa nakatatawang mukhang ito ang kabangisan. Ang mga inang warthog ay napakamaasikaso at napakaingat sa kanilang mga anak. Ang ibang nakatatandang miyembro ng kawan ay nag-iingat din ng mga bata, kahit mapalagay sa panganib ang kanilang mga sarili. Halimbawa, kung tatangkain ng isang cheetah na kunin ang isang batang warthog, susugurin ng matanda ang nagtangka. Karaniwan nang kumakaripas sa pagtakas ang cheetah makita lamang ang pagngangalit nito at ang matutulis na pangil. Samantala, ang mga anak ay nagpapanakbuhan, anupat nagsusumiksik sa tiyan ng kanilang ina upang makaligtas. Mangyari pa, kung ang banta ay mas mapanganib, gaya ng leon o leopardo, sa gayon matalinong uurong ang mga warthog, habang ang kanilang mga buntot ay nakataas pa rin. Gayunman, ang matatanda ay magpapahuli, anupat tinitiyak muna ang kaligtasan ng mga bata.

Gayunpaman, binanggit ni Dr. Darryl Mason sa magasing Custos, “Ang matatandang warthog ay maaaring maging mabibigat na kalaban para sa mga cheetah, leopardo at hyaena.” Ang isang inahing warthog ay pinagmasdan habang ipinagtatanggol ang kaniyang mga anak laban sa isang malaking lalaking leopardo. Buong-katapangan niyang sinusugod ang leopardo, hinahabol ito nang tatlumpung metro hanggang sa dali-dali itong makaakyat sa isang punò. Sa isa pang pagkakataon ay nakita ang dalawang warthog na pinipigilan ang isang pangkat ng 16 na mababangis na aso.

Tunay na nakatutuwang pagmasdan ang mga gawi ng mahirap taluning komikong ito sa kagubatan ng Aprika!