Ang Pasko—Nagkakahalaga ba Ito Nang Higit sa Iyong Akala?
Ang Pasko—Nagkakahalaga ba Ito Nang Higit sa Iyong Akala?
“MOMMY, Daddy—talaga bang may Santa Klaus?” Dumating na ang panahong kinatatakutan ng maraming magulang. Taglay ang magkahalong kabiguan at kirot sa kaniyang mga mata, ang pitong-taóng-gulang na si Jimmy ay nakikiusap na tiyaking talagang umiiral ang kathang-isip na taong ito na siyang nagbibigay ng lahat ng magagandang regalo—at na ang kaniyang mga magulang ay hindi nagsisinungaling sa kaniya.
Ang nangyari pala, isang maliit na batang kapitbahay nila ang nagsiwalat ng masakit na katotohanan at naglagay sa mga magulang na ito sa ganitong alanganing kalagayan. Marahil ay ganito rin ang nangyari sa iyo noong ikaw ay bata pa.
Ang mga selebrasyon ng kapistahan sa ngayon ay hindi lamang relihiyosong mga pagdiriwang. Ang pasko, sa wari, ay nakapasok na rin sa mga di-inaasahang lugar. Ang mga Budistang Hapónes, Aprikanong mga animista, Amerikanong mga Judio, at gayundin ang mga Muslim sa Singapore ay nagbukas na ng pintuan sa mataba, nakapulang lalaki na may dalang mga regalo. Nagtanong ang isang lider ng relihiyon, “Hindi ba ang Pasko ay isa nang kapistahang ipinagdiriwang ng lahat sa buong daigdig?”
Para sa marami, ikinalat na ng kapaskuhan ang kanluraning “Kristiyanong” kasuutan nito at naging isang nakagagayumang panahon ng kasayahan para sa lahat. Ang mga bata ang nasa gitna ng selebrasyon. Ang ibang tao ay nagsasabi pa man din na hindi magiging kumpleto ang buhay ng isang bata kung wala ang mahiwagang katuwaan ng kapistahang ito. Mukha ngang ito’y mananatili. Umiikot dito ang mga pinag-aaralan sa paaralan. Palaging ipinalalabas ito sa TV. Nakapalamuti ito sa mga tindahan at mga department store. Gumugugol ng maraming panahon at salapi ang mga magulang ukol sa Pasko. Subalit bukod pa sa karaniwang resulta na malaking pagkakautang, mayroon pa kayang mas mabigat na pagbabayaran ang iyong pamilya?
Ang Alamat ng Santa—Paglapastangan Kaya sa Pagtitiwala?
“Hindi ako naniniwalang may Diyos,” sabi ng pitong-taóng-gulang na si John sa kaniyang ina. Ipinaliliwanag ito ng isang artikulo sa World Herald kung bakit: “Sa wari, kababatid lamang ni John nang araw na iyon na si Santa Klaus ay hindi totoo. Marahil ang Diyos ay hindi rin totoo, sabi niya sa kaniyang ina.” Sa paggunita ng kaniyang maagang pagkagising sa katotohanan, ang 25-taóng-gulang na si John ay nagsabi: “Kapag sinasabi ng mga magulang sa mga anak na si Santa ay totoo, sa palagay ko’y paglapastangan iyan sa pagtitiwala.”
Ano kaya ang dapat gawin sa maselang na situwasyong ito? Hindi nagkakasundo ang mga eksperto sa mga bata. Ang isa ay humimok sa mga magulang na ipagtapat sa kanilang mga anak ang katotohanan sa edad na anim o pito, na nagbababalang “ito’y makapipinsala sa kanilang isip kung ipagpapatuloy ang alamat.”
Sa aklat na Why Kids Lie—How Parents Can Encourage Truthfulness, sinasabi ni Dr. Paul Ekman: “Walang alinlangan na kayo bilang mga magulang ay may malaking impluwensiya sa inyong mga anak kung tungkol sa mga saloobin, paniniwala, at mga pakikitungo sa iba gaya ng pagsisinungaling o pandaraya.” Patuloy pa ni Ekman: “Ang relasyon ay maaaring hindi na maging tulad ng dati minsang lapastanganin ng pagsisinungaling ang pagtitiwala. Mahirap nang maibalik ang pagtitiwala; kung minsan hindi na iyon maibabalik pa kailanman.” Kaya bakit ipagpapatuloy ang panlilinlang tungkol sa pagbibigayan kung may okasyon?
Isang mananaliksik ukol sa mga bata ang nagpahayag: “Sa palagay ko’y higit na ikinabibigla ng mga anak ang pagsisinungaling sa kanila ng mga magulang at panlilinlang sa kanila kaysa ang pagkatuklas na si Santa Klaus ay hindi totoo.” Si Dr. Judith A. Boss, propesor sa pilosopya, ay nagsasabi: “Ang intensiyon ng mga nakatatanda . . . ay upang sadyang iligaw ang mga bata tungkol sa katangian ni Santa Klaus. . . . Sa pagsasabi sa mga
bata na si Santa Klaus ay isang tunay na tao, hindi natin inaakit ang imahinasyon ng mga bata. Tuwiran tayong nagsisinungaling sa kanila.”Kung ikaw ay isang magulang, ikaw ay napapaharap sa isang malaking pananagutan—ang magpalaki ng mapagmahal, maliligayang anak sa isang daigdig na doo’y natutuhan nila sa murang edad na ang mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan. “Huwag kang makikipag-usap sa di-kilala.” “Hindi mo dapat paniwalaan ang bawat iniaanunsiyo sa TV.” “Sabihin mo sa kanila na wala ang Mommy mo sa bahay.” Papaano malalaman ng isang bata kung sino ang dapat pagtiwalaan? Ang aklat na How to Help Your Child Grow Up ay nagsasabi: “Dapat matutuhan agad ng maliliit na bata ang pangangailangan at kagandahan ng katapatan, ng katapangan, ng marangal na pakikipagkapuwa-tao; at sa tahanan nagsisimula ang mga ito.”
Mangyari pa, walang masasabing sakdal na pamilya. Gayunman, ang awtor na si Dolores Curran ay nagtangkang kilalanin ang katangian ng matatatag na pamilya. Tinanong niya ang 551 espesyalista ukol sa pamilya sa iba’t ibang larangan upang piliin ang pinakamahahalagang katangian. Ang kaniyang mga natuklasan, sa aklat na Traits of a Healthy Family, ay tumatalakay sa nangungunang 15 katangiang pinili ng mga eksperto. Ang ikaapat na katangian ay “ang pagtitiwala.” “Sa isang maayos na pamilya,” sabi niya, “ang pagtitiwala ay kinikilala bilang mahalagang pag-aari, na maingat na pinauunlad at pinagyayaman habang kapuwa ang mga anak at mga magulang ay magkasamang nagpapatuloy sa iba’t ibang yugto ng buhay pampamilya.”
Isang katalinuhan sa mga magulang na magtanong, ‘Ang pagpapanatili ba ng gawa-gawang Santa ay sulit sa halaga ng pagtitiwala at pananalig ng aking anak sa akin?’ Baka hindi na iyon maibalik. Mayroon pa bang nakatagong kapalit na halaga ang Pasko?
Labis na Pagbibigay?
“Mula sa pagsilang bigyan mo ang bata ng lahat niyang maibigan. Sa ganitong paraan siya’y lálakí na inaakalang may obligasyon sa kaniya ang mundo,” sabi ng pamplet na 12 Rules for Raising Delinquent Children. Ang pag-uukol ng labis na pansin sa materyal na mga bagay ay tunay na nakapipinsala.
Ang manunulat at magulang na si Maureen Orth ay nagtatanong, “Papaano natin maikikintal ang mga alituntuning moral at kabutihang-asal sa isang materyalistikong daigdig na gaya ng sa atin, kung saan ang pag-aaksaya at kasakiman ay waring labis na pinahahalagahan, nang walang kamalay-malay?” Sa artikulong “Ang Kaloob ng Hindi Pagkakaloob,” siya’y nanangis: “Ang aming emperador na anak ay nag-aakalang ang mga regalo ay tinatanggap araw-araw—gaya ng pagtanggap ng mga sulat.” Ito ba ang tunay na mensahe ng Pasko?
Papaano naman ang mga pamilyang hindi kaya ang maluluhong regalo na inilalako bilang siyang dapat bilhin kung Pasko? Ano ang nadarama ng mga batang iyon kapag narinig nilang si Santa ay nagbibigay ng regalo sa mababait na bata lamang? At kumusta naman ang mga bata mula sa wasak na mga tahanan na lalo nang nasasaktan kapag may okasyon dahil sa paghihiwalay ng kani-kanilang pamilya?
“Madalas na ang pinakatampok sa pagkakatipon sa kapistahan ay ang pagbubukas ng mga regalo,” sabi ng The New York Times. “Ang pagpapahalagang iyan ay nagbibigay sa mga bata ng mensahe na ang mga regalo ang dahilan ng pagkakatipon ng pamilya at inihahanda sila sa kabiguan.”
Ang pag-ibig ay isang mas nakasisiyang pagganyak na gumawa ng mabuti. Si Glenn Austin, awtor ng Love and Power: Parent and Child, ay nagsasabi: “Sa isang nagkakasundong pamilya kung saan ang anak ay kapuwa umiibig at gumagalang sa magulang, ang bata ay maaaring gumawi sa isang sinangayunang
paraan upang paluguran ang magulang.” Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na magkaroon ng gayong mainit na pagmamahalan sa kanilang mga tahanan. Karagdagan pa, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay pinalalaki upang makilala at ibigin ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran, si Jehova. Anong makapangyarihang lakas sa kanilang mga buhay para gumawa ng mabuti! Hindi nila kailangan ang gawa-gawang tao upang mamilit ng mabubuting gawa.Minamahal ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga anak bilang regalo mula sa Diyos. (Awit 127:3) Kaya, sa halip na maghintay pa ng petsa upang magregalo, ang mga magulang na ito ay makapagbibigay ng mga regalo sa buong santaon. Sa mga pagkakataong iyon ay mahirap makita kung sino ang higit na nasasabik—ang nasorpresang anak o ang kaniyang natutuwang magulang. Alam ng bata kung kanino galing ang regalo. Bukod dito, hinihimok ang mga Saksing magulang na palaging magbigay ng kaloob na panahon nila. Sapagkat kapag ang isang batang babae ay nalulungkot o namamanglaw, papaano maihahambing ang isang silid na punô ng manika sa ilang panahong ginugol yakap ng kaniyang ina habang nakikinig sa mga kuwento ng Nanay noong siya’y bata pa? Matuturuan ba ng isang silid na punô ng kagamitan sa baseball ang isang batang lalaki kung papaano magiging isang binata o sa pamamagitan ng isang mahaba, kanais-nais na pakikipag-usap sa kaniyang ama habang sila’y magkasamang namamasyal?
Ang pagiging matalik na ito kung iingatan ay makapagliligtas-buhay. Natuklasan ng mga mananaliksik ukol sa mga bata na kapag nagsisimula na ang kasabihang generation gap para sa isang kabataan, siya’y higit na naiimpluwensiyahan ng mga kasamahan. Ang kapilyuhan ng kabataan at ang sumasamang saloobin sa mga nakatatanda ay magkatugma. “Subalit yaong napangangalagaan ang magandang pangmalas sa kani-kanilang ama at nakatatanda sa kalahatan ay hindi nakisali sa ibang kasamahan sa paggawa ng mga kalokohan.”
Kung minsan ang mga Saksi ni Jehova ay pinipintasan dahil sa hindi pakikisama sa pagkakatuwaan sa kapistahan kasama ng kani-kanilang pamilya. Maaaring magmukhang pinagkakaitan ng pantanging katuwaang ito ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova. Ngunit ang tapat na mga magulang at mga anak na ito ay may mabubuting dahilan mula sa Bibliya kung kaya umiiwas. (Pakisuyong tingnan ang mga pahina 11-14.) At ang mga kabataang ito ay nagkakaroon ng matibay na kalooban anupat napagtitiisan ang bigat ng panggigipit ng kasamahan na sumisira sa kalooban ng ibang kabataan. Ang kabutihang-asal ay nawawala dahil sa lumalagong kabalakyutan. Imoral na pagtatalik, droga, karahasan, alak, mga kulto, mga mang-aabúso ng bata—napakaraming kapanganiban ang nagbabanta sa mahihinang kabataan.
Papaano maikukubli ng isang magulang ang isang kabataan mula sa paulit-ulit na kapanganibang ito? Mula sa pagkabata ang mga anak na Saksi ay tumatanggap ng di-nababagong pagsasanay na manghawakan sa matitibay na batas ng Bibliya sa moral. Ang mapagmahal na mga magulang ay tumutulong sa kanila na maunawaan ang pangmalas ng Diyos hindi lamang sa mga kapistahan kundi tungkol din naman sa lahat ng bahagi ng buhay. Ang pagsunod sa kanilang Diyos ay bumubukal mula sa pag-ibig at paggalang sa kaniya, kahit na iyon ay mangahulugan ng pagiging naiiba. Gunigunihin kung papaano ito ay tiyak na makapaghahanda sa kanila para sa matagumpay na pagbibinata! Kung ang isang bata ay makauupo sa isang klase na punô ng mga kasamahang gumagawa ng sa tingi’y nakatutuwa at manindigan sa inaakala niyang tama, lalo nang mapaglalabanan niya ang darating na tukso ng wari’y lalo pang nakatutuwang mga bagay—droga, pagtatalik bago ang kasal, at iba pang nakapipinsalang pang-aakit! Ang
mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay maaaring luminang ng katatagan sa moral na wala sa karamihan ng ibang bata.“Marami sa mga batang natingnan ko ay walang pananampalataya,” puna ni Dr. Robert Coles, mananaliksik ng Harvard. “Naiwala na nila ang lahat-lahat maliban sa labis na pagtingin sa kanilang sarili, at ito’y patuloy na lumulubha araw-araw sa paraan ng pagpapalaki sa kanila.”
Inilarawan ng isang pediatrician ang isang naiibang pamilya: “Ibig nila ng mga batang may malasakit sa iba at naglalaan ng kanilang kaunting panahon. . . . Sila’y may mas simpleng buhay . . . , ngunit mayroon silang taglay. Bagaman hindi ko mahagilap ang tamang salita, masasabi kong ito’y ang pagkakontento.”
Binanggit ni Dolores Curran ang pagpapahalaga na maglingkod sa iba bilang siyang kailangan upang lumigaya. “Para sa ilang pamilya sa aming lupain [ang Estados Unidos]—halos lahat, masasabi ko—ang tagumpay at pagsusumakit na yumaman ang pangunahing layunin.” Ngunit “ang mga pamilya na nagpapalagay na ang mga miyembro ay nagmamalasakit at magmamalasakit sa iba ang siyang nagiging mahuhusay na pamilya na nagpapahalaga sa paglilingkod sa iba. . . . Habang lumalaki ang mga anak ng mga pamilyang ito, sila’y nagiging mapagmalasakit at responsableng mga tao bilang resulta ng kanilang nakikita sa pamilya.” Napansin ni Curran sa matagumpay na mga magulang “ang muling pagpapahalaga na makapagpaligaya sa iba at ang pagbibigay sa halip na pagbili, pagtanggap, at pag-aaksaya.”
Ganito naman ang sabi ng pinakaeksperto sa pagbibigay, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Ang mga pamilyang Saksi ay buháy na patotoo sa sinabing ito ni Kristo Jesus. Gaya niya ang kanilang buhay ay nakasentro sa ministeryong Kristiyano. Baka isipin ng ilan na ang mga batang Saksi ay sinasamantala at pinipilit na sumama sa kanilang mga magulang sa bahay-bahay. Sa kabaligtaran, sila’y tinuturuan mula sa halimbawa ng mga magulang na magpakita ng pag-ibig sa kanilang kapuwa sa pamamagitan ng malayang pagsasabi sa kanilang mga kapitbahay ng mabuting balita hinggil sa Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
‘Hindi Kaya Ito’y Pagpigil sa mga Anak?’
Ngunit hindi kaya ang isang mahigpit na pagtuturo ng relihiyon ay pagpigil sa isang musmos? Hindi kaya mas mabuti na ipaubaya sa bawat isa ang relihiyosong pagpili kapag malaki na? Maaaring iyan nga ang tuntunin bilang 3 sa 12 Rules for Raising Delinquent Children: “Huwag mo siyang bibigyan kailanman ng anumang pagsasanay sa espirituwal. Maghintay hanggang siya’y maging 21 at pagkatapos ay hayaan siyang ‘magpasiya para sa kaniyang sarili.’ ”
Gayunman, ang pangunahing interes ng bata hinggil sa kabutihang-asal, sang-ayon kay Dr. Coles, ay nagsisimulang mapansin sa gulang na tatlong taon lamang. “Sa kalooban ng isang bata ay umuusbong ang hinggil sa kabutihang-asal. Naiisip kong ito’y bigay-Diyos, anupat hinahangad ang pagkakaroon ng isang maayos na moralidad.” Ito ang maselang na panahon para sa pagkikintal ng tunay na pagpapahalaga sa kabutihang-asal. Bilang paghahalimbawa, ito ang panahon para ituro sa pamamagitan ng halimbawa ang kahalagahan ng pagtatapat bilang kabaligtaran ng pagsisinungaling. Idiniriin ng Bibliya ang kahalagahan ng pagsasanay sa panahon ng kabataan: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.”—Kawikaan 22:6.
Napansin ni Curran: “Ang mga bata sa ngayon ay hindi maaasahang magkaroon ng mabuting asal nang walang tumutulong. . . . Ang mga sumagot sa aking surbey ay nagmungkahi na mientras maayos ang pamilya lalong nahuhubog ang kanilang pagkakilala ng tama at mali.”
Isang social worker bilang pagkilala sa surbey ni Curran ang nagsabi: “May isang di-maiiwasang lakas na ibinibigay ang relihiyosong pananampalataya sa mga pamilya.” Para sa isang pamilyang may iisang relihiyosong pundasyon, sabi ni Curran, “ang pananampalataya sa Diyos ay gumaganap ng isang matatag na papel sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang relihiyosong pundasyon ay nagpapatibay sa pagtutulungan ng pamilya. Nadarama ng mga magulang ang isang matinding pananagutan na ituro ang kanilang pananampalataya, ngunit ginagawa ito sa positibo at makahulugang pamamaraan.”
Tulungan ang Inyong mga Anak na Makadama ng Pag-ibig sa Diyos
Ipakita sa mga bata ang mga kaloob ng Diyos na nagdadala sa kanila ng gayong kaligayahan. Dumapa sa damuhan at suriing kasama nila ang isang maliit na bulaklak na napakadetalyado ang pagkadisenyo.
Panoorin ang ladybug na lumilitaw sa madamong kagubatang ito habang gumagapang sa dulo ng isang dahon ng damo, na itinataas ang pakpak na kulay matingkad na pula at may tulduk-tuldok na itim, at lumilipad papalayo. Hayaan ninyong madama nila ang makapigil-hiningang kagandahan kapag biglang dumadapo sa kamay ang isang paruparo na ikinakampay nang pataas at pababa ang kaniyang kulay matingkad na dilaw na mga pakpak para magpahinga sandali at pagkatapos ay magbabad sa init ng araw. Humiga ka upang makita ang animo’y malambot na mapuputing ulap na naglalakbay sa itaas, at pagmasdan habang ang mga ito’y nagbabago ng hugis mula sa pagiging mga barko tungo sa mga kabayo sa mga palasyo sa kalangitan. Sa bawat pagkakataon ay ipaliwanag sa mga anak na ang ating Manlilikhang Diyos ang nagbibigay sa atin ng gayong nakagagalak na mga kaloob.At marami pang ibang kaloob, gaya ng kuting na pinag-iihit tayo sa tawa dahil sa nakatutuwang mga kilos nito habang nilalaro ang isang dahon o kaya’y ang mabalahibong tuta na “sumusugod” sa atin, na ang ulo’y pumapaling sa magkabilang tabi, umuungol habang hinahatak ang ating manggas, pero walang-tigil namang iginagalaw ang buntot dahil sa tuwa. O ang isang pagkakatuwaan sa malalaking alon sa karagatan, isang mahabang paglalakad sa mga bundok, o ang pagtitig na may paghanga sa kalangitan na punô ng mga bituin na nagniningning at kumikislap sa itaas kung gabi. Ang pagkaalam na ang mga kaloob na ito at di-mabilang na iba pa ay galing sa Isa na nagbigay sa atin ng buhay, ang makapagpasalamat sa kaniya dahil sa mga kaloob na ito, ang pagkadama ng pasasalamat dahil nakilala natin siya—ang lahat ng ito ay nagdadala sa atin ng kagalakan at nagpapaaninag ng isang taimtim at nakasisiyang pag-ibig sa kaniya.
At sa wakas sa pamilya, ang malimit na pagyakap at paghalik ng Daddy at Mommy, na tumutulong upang madama ng mga bata ang nakasisiyang katiwasayan at pasasalamat araw-araw. Tumutulong sa kanila na mapanatili ang pananampalataya kay Jehova, na tinatanggihan ang isa pang mas malaking kasinungalingan kaysa yaong tungkol sa nakapulang Santa, alalaong baga’y, na ang lahat ng magagandang kaloob na ito mula sa Diyos ay basta nangyari, unti-unting lumitaw—isang maling turo na walang makasiyentipikong patotoo, hindi inaalalayan ng siyensiya, at iginigiit lamang ng dogmatismo na inuulit-ulit upang lunurin ang isipan ng mga kabataan. a
Makisama sa inyong mga anak sa malimit na pananalangin sa pinakadakilang Tagapagbigay—sa pagkain, kapag binabasa ang kaniyang Salita, sa pagtatapos ng araw. Magpalaki ng isang anak na marunong tumanaw ng utang na loob, at ang kalugurang iyon ay magpapatamis sa lahat ng kaniyang magiging karanasan sa buhay. Siya’y lálakí mismong isang maligayang tagapagbigay sa pagtulad sa tunay na Diyos at sa mahal na mga magulang. Pagkatapos ay madarama ang kaligayahan, hindi sa itinakdang mga araw sa kalendaryo, kundi sa kusang mga pagkakataon ng ganap na kagalakan ng pamumuhay. “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 7]
Ang isa sa pinakamagagandang regalo na maibibigay ninyo sa inyong mga anak ay panahon