Ang mga Katotohanan Tungkol sa Pasko, Pasko ng Pagkabuhay, at Halloween
Ang mga Katotohanan Tungkol sa Pasko, Pasko ng Pagkabuhay, at Halloween
IPINAKIKITA ng Bibliya na si Jesus ay 33 1/2 taóng gulang nang siya’y ipako sa tulos sa pasimula ng tagsibol nang taóng 33 C.E., sa panahon ng Judiong Paskuwa. Nangangahulugan ito, kung magbibilang pabalik, na siya’y isinilang sa unang bahagi ng taglagas ng taon.
Ang pagdiriwang ng Saturnalia sa paganong Roma, ang kaarawan ng di-magagaping araw, ay mga tatlong buwan pa. Papaanong ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus ay naging Disyembre 25, anupat may kapusungang matataon ito sa paganong pagdiriwang ng kaarawan ng araw?
Ang napakaikling mga araw ng Disyembre ay lumikha ng mapamahiing pangamba sa gitna ng mga mananamba ng araw, na natakot na ang kanilang diyos ay mamamatay. Sila’y nagsindi ng mga kandila at nagsiga upang tulungang mabuhay-muli ang may karamdamang diyos. Waring ito’y nagkabisa. Pagkatapos ng winter solstice ng Disyembre 21, tila nagbalik ang lakas ng diyos-araw habang ang mga araw ay humahaba na.
“Ang Disyembre ang pangunahing buwan ng paganong pagdiriwang, at Dis. 25 ang pinakasukdulan ng mga kasayahan sa taglamig,” paliwanag ng Church Christmas Tab. “Ipinalalagay ng ilan na pinili ng obispo ng Roma ang Dis. 25 bilang araw ng kapanganakan ni Kristo upang ‘banalin’ ang paganong mga pagdiriwang. Ang naging bunga ay kakatwang pagkahalo ng pagano at ng Kristiyanong mga kapistahan na tinatawag ngayon ng sanlibutan na Pasko.” Inaamin pa ng artikulo: “Ang salitang ‘Pasko’ ay hindi lumilitaw sa Bibliya. At ang Kasulatan ay hindi nagbibigay ng kautusan na ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus.”
Hindi kataka-taka na ang teologong si Tertullian ay dumaing: “Sa atin, na mga walang alam sa Sabbath, at sa bagong buwan at sa mga kapistahan, na minsang sinang-ayunan ng Diyos, ang Saturnalia [at iba pang paganong mga pagdiriwang] ay naging karaniwan na ngayon, ang pagpapalitan ng regalo, . . . at ang mga larô at mga piging ay ipinagdiriwang na may pagkakaingay.”
Ipinagpatuloy pa ni Papa Gregory I ang nagpaparuming kausuhang ito. Ayon sa magasing Natural History, “sa halip na pawiin ang mga kaugalian at mga paniwala ng tao, ang ipinag-utos ng papa ay, isagawa ang mga ito. Kung ang isang pangkat ng tao ay sumasamba sa punò, sa halip na ito’y putulin, ialay ito kay Kristo at hayaan silang magsisamba.”
Huwag Pagsamahin ang Katotohanan at Kabulaanan
Ang kaugalian bang ito ng pakikipagkompromiso ay may banal na pagsang-ayon? Pansinin ang babala ng Diyos sa kaniyang bayan na nakahanda nang pumasok sa paganong Canaan: “Mag-ingat kayo sa inyong sarili . . . sa takot na baka ikaw ay mag-usisa tungkol sa kanilang mga diyos, na nagsasabi, ‘Papaano naglingkod ang mga bansang ito sa kanilang mga diyos? At ako, ako nga, ay gagawa rin ng gayon.’ Huwag mong gagawin ang gayon sa iyong Diyos na si Jehova, sapagkat bawat karumal-dumal kay Jehova na kaniyang kinapopootan ay kanilang ginagawa sa kanilang mga diyos.” (Deuteronomio 12:30, 31) Ang gayunding babala ay inulit sa Kasulatang Griego Kristiyano: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial [talababa, Satanas]? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya?”—2 Corinto 6:14, 15.
Ano ang nasumpungan ng Diyos na karumal-dumal sa huwad na mga diyos na ito at sa pagsamba sa kanila? Si Saturno ay ang Romanong diyos-araw na pinararangalan kung Saturnalia. Karapat-dapat ba siyang parangalan? Tinatawag siya ni Simon Schama, propesor sa kasaysayan sa Harvard University, na “ang isa na walang habas
sa pagkain, pag-inom at iba pang uri ng kapilyuhan.” Tinatawag ng magasing Lear’s ang okasyon na “ang pinakakilalang walang-habas na pag-iinuman noong sinaunang daigdig.”Ang kultong pagsamba sa diyos-araw na si Mithra ay nakaabot sa Asia. Ayon sa antropologong si Gabriel Seabrook, siya’y “isang mandirigmang diyos, na nanunudla ng nakamamatay na mga palasô at di-gumagaling na mga sakit sa kaniyang mga kaaway sa larangan ng digmaan.”
Ang pagsamba ng mga Aztecs sa araw ay lalo nang madugo. Ipinaliliwanag ng magasing Natural History na “malibang maghandog ng mga biktima sa mga diyos ng araw, lahat ng mga buháy—pati na ang mga diyos—ay mamamatay.”
Kung susuriin ang pinagmulan ng mga pagdiriwang na ito (tingnan ang kahon sa ibaba), marahil ay hindi ka na magtataka na ang mga mangkukulam at mga mananamba ni Satanas ay nagpapahalaga pa rin sa Disyembre 25. Sinisipi ng San Francisco Chronicle ng Disyembre 21, 1991, ang isang mangkukulam na isang kilaláng manunulat na pagano na nagsasabi: “Isa ito sa pinakanakapapagod na mga okasyon namin. Gisíng kami buong magdamag.” Isang miyembro ng grupo na Covenant of the Goddess ay nagsabi: “Kami’y nagsasagawa ng ritwal. . . . Ang mga miyembro ng aming klero ay nagsasagawa ng misteryong dula tungkol sa pagsilang ng anak ng araw.”
Tatanggapin kaya ng Diyos o ng kaniyang Anak ang gayong pagpaparangal, na nagpapaaninaw ng pagsamba sa huwad na mga diyos?
Ito ba’y Easter—o si Astarte?
Ang pampamilyang okasyong ito ng mga pagdiriwang ay nagpapasimula sa pagbubukang-liwayway
anupat sila’y bumabangon nang maaga upang may pagpipitagang batiin ang pagsikat ng araw. Ang mga bata ay nabibihisan ng pinakamagagarang damit, na may kasama pang bagong mga bonete. Kasali sa pagdiriwang ang mga emblema ng mga kuneho, mga basket na punô ng mga itlog na may matitingkad na kulay, at mainit na mga tinapay na may krus. Ito na nga ang Easter. Ito na nga ba?Ang panahon ng tagsibol ay banal para sa mga mananamba sa sekso sa Phoenicia. Ang kanilang diyosa sa pagpaparami, na si Astarte, o Ishtar (Aphrodite sa mga Griego), ay nagtataglay ng itlog at ng kuneho bilang kaniyang mga simbolo. Siya’y may di-maampat na pagkauhaw sa dugo at imoral na pakikipagtalik. Sa kaniyang mga istatwa ay sari-sari ang paglalarawan sa kaniya na may napakasagwang mga sangkap sa pag-aanak, o may itlog sa kaniyang kamay at kuneho sa kaniyang tabi. Ang sagradong prostitusyon ay bahagi ng kaniyang kulto. Sa Canaan, ang diyosa ng sekso ay itinuturing na asawa ni Baal. Siya’y sinasamba sa mga lasingan na may kasamang walang patumanggang pagtatalik, anupat ang mga mananamba ay naniniwalang ang kanilang pakikipagtalik ang magdudulot ng lubusang pagkapukaw at pakikipagtalik ni Baal sa kaniyang asawa. Ayon sa aklat na Recent Discoveries in Bible Lands, “walang ibang bansa bukod dito ang nasumpungang may pinakamaraming pigurin ng nakahubad na diyosa ng pagpaparami, ang ilan ay napakahahalay.”
Sa ilalim ng kaniyang mga bantayog sa Carthage, natuklasan ang mga urna na may matitingkad na kulay na naglalaman ng sunóg na mga buto ng mga bata. Ang kanilang mga magulang, karaniwan nang matataas na tao, ay humiling ng pagbasbas ng kanilang mga diyos para sa kanilang kayamanan at kapangyarihan. Ang ilang urna ay natuklasang naglalaman ng labí ng ilang bata na may iba’t ibang edad, marahil ay nagmula sa iisang pamilya.
Ang pagsusuri sa kahon sa itaas ay magpapakita kung gaano ang halos pagkakatulad ng modernong bersiyon ng sinaunang mga seremonyang ito. Maging ang pangalang Easter (Pasko ng Pagkabuhay)
ay halos hindi nalalayo sa sinaunang paganong pangalan. Kung gayon, ito nga ba ang paraan ng pagpaparangal sa banal na Anak ng Diyos?Halloween—Sinaunang Gabi ng Lagim
Iyon ang huling gabi ng Oktubre. Sa liwanag ng buwan, isang maliit na grupo na may kakaibang kasuutan ang nagbabahay-bahay na may pananakot na humihiling ng kanilang mga kailangan. Nakabantay naman sa ilang pintuan ang nakangising mistulang ulo na kalabasa na naiilawan ng mga kandila—mula sa taba ng tao. Ang ibang mga pinto ay may tumutulong dugo ng tao. Ito ang gabi ni Samhain, ang Celtic na panginoon ng mga patay.
Marahil wala nang iba pang pagdiriwang na “ginawang Kristiyano” maliban dito kung saan tahasang pinarangalan ni Satanas ang kaniyang sarili at inalaala ang kaniyang patay nang mga tagasunod. Sinabi ng manunulat na si J. Garnier na ang mga pagdiriwang ng paghihirap at kamatayan ay matutunton sa sinaunang pagkalipol ng lahat ng kaniyang mga tagasunod, gayundin sa higanteng mga anak ng nagkasalang mga anghel, noong panahon ng Baha. Ang mga kultura sa buong daigdig ay may pagdiriwang para sa mga patay, “na isinagawa ng lahat sa mismong araw o malapit sa araw, ayon sa ulat ni Moises, na naganap ang Baha, alalaong baga’y, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan—ang buwan na halos tumutugma sa ating buwan ng Nobyembre.”—The Worship of the Dead, ni J. Garnier.
Ang mga Druid ay hindi natatangi. Sa panahon ng Oktubre 31, si Samhain di-umano’y nagpapalabas ng mga espiritu ng mga patay upang makihalubilo sa mga buháy. Ang mga Druid ay naglilibot sa mga lansangan na may dalang mga ilawan, at kapag tumapat sa isang bahay, sila’y humihingi ng salapi bilang handog kay Satanas.
Ang Halloween ay ang pangunahing araw ng makasatanikong ritwal. “Ito’y isang relihiyosong okasyon sa daigdig ng mga yumaong kaluluwa, kung saan ang mga alagad ni Satanas ay nagsasagawa ng mga pag-aalay at ang mga mangkukulam ay tahimik na nagdiriwang na nananalangin nang grupu-grupo o may mga pagkain para sa mga patay,” ayon sa isang artikulo ng USA Today. Sinipi nito ang mangkukulam sa Washington na si Bryan Jordan na nagsasabi, “hindi ito nababatid ng [mga Kristiyano], subalit ipinagdiriwang nila ang aming okasyon. . . . Ibig namin iyon.”
Mga magulang, ibig ba ninyong tularan ng inyong mga anak ang masasamang ritwal na ito?
[Kahon sa pahina 12]
Ang mga Simbolo ng Pasko
Ang Christmas tree “ay halos walang kaugnayan sa Kristiyanong pagdiriwang at may higit na kaugnayan sa matagal nang nananatiling paganong mga ritwal ng tanglaw ng taglamig at muling pagsilang.” (The Boston Herald) “Ang mga punong may mga palamuting nakasabit ay bahagi ng paganong mga pagdiriwang sa loob ng mahabang panahon.”—Church Christmas Tab.
Ang holly ay popular sa mga Celt “upang mapatahimik ang mga espiritu sa tahanan kung taglamig na ang araw ay napakalayo sa ekwador. . . . Ito’y maaaring makapagpaalis ng masamang espiritu, makatulong sa pagbibigay-kahulugan sa mga panaginip, makapag-ingat ng bahay mula sa kidlat.”—Beautiful British Columbia.
Ang mistletoe “ay nagmula sa mga Druid sa Inglatera na ginagamit ito sa kakaibang pagsamba na may kaugnayan sa mga kapangyarihan ng demonyo at okultismo.”—Church Christmas Tab.
Sa panahon ng Disyembre 25 “ang mga mananamba ni Mithra ay nagdiriwang ng kapanganakan ni Mithra . . . Tunay na walang kautusan sa Bibliya na ituring ang Disyembre 25 bilang ang araw ng Kapanganakan ni Kristo.”—Isaac Asimov.
Ang pagbibigayan ng regalo ay isang tampok na bahagi ng Saturnalia. “Ikaw ay inaasahang magreregalo sa okasyong ito sa lahat ng iyong mga kaibigan.”—Ancient Italy and Modern Religion.
Ang bituin “sa tuktok ng punò ay sinamba sa Silangan bilang simbolo ng kadalisayan, kabutihan at kapayapaan sa loob ng 5,000 taon bago ang kapanganakan ni Kristo.”—United Church Herald.
Ang kandila “ay hindi nagmula . . . sa Kristiyanong santuwaryo. Nakuha natin ito mula sa sinauna pang altar, sa altar ng mga Druid na yari sa oak.”—United Church Herald.
Ang Santa ay nakuha “mula sa sinaunang mitolohiya ng Aleman: ‘Si Thor ay may edad nang lalaki, masayahin at palakaibigan, may matipunong pangangatawan na may mahabang puting balbas. Siya’y nagpapatakbo ng isang karwahe at sinasabing nakatira sa Northland . . . Ang kaniyang elemento ay apoy, ang kaniyang kulay ay pula. Ang ápuyan sa bawat tahanan ay banal para sa kaniya, at sinasabing siya’y bumababa rito sa pamamagitan ng tsimenea.”—United Church Herald.
[Kahon sa pahina 13]
Ang mga Ritwal ng Tagsibol
Ang Easter sa “simula ay pagdiriwang sa tagsibol bilang pagpaparangal sa Teutonicong diyosa ng liwanag at tagsibol na kilala sa Anglo-Saxon bilang ang Eastre.” (The Westminster Dictionary of the Bible) “Walang makikitang pagdiriwang ng kapistahang Easter sa Bagong Tipan.”—Encyclopœdia Britannica.
Ang kuneho “ay ang kasa-kasama ng tipikal na Alemang diyosa na si Ostara.”—Funk & Wagnalls Standard Dictionary of Folklore, Mythology and Legend.
Ang mga itlog “ay sinasabing kinukulayan at kinakain sa panahon ng mga kapistahan sa tagsibol sa sinaunang Ehipto, Persia, Gresya, at Roma.”—Celebrations.
Sa simula ang bonete kung Easter “ay korona ng mga bulaklak at mga dahon. Ang bilog o korona ay lumalarawan sa bilóg na araw at ng pag-ikot nito sa kalangitan na dahilan ng pagbabalik ng tagsibol.” Ang bagong kasuutan kung Easter ay nauso dahil “ipinalalagay na kawalang-galang at sa gayon ay malas na bumati sa diyosa ng Tagsibol, o Eastre sa Scandinavia, kung hindi nakabihis ng bagong mga damit, yamang ang diyosa ay nagkakaloob nito sa lupa.”—The Giant Book of Superstitions.
Ang mainit na mga tinapay na may krus: “Tulad ng mga Griego, ang mga Romano ay kumakain ng tinapay na may krus . . . sa pangmadlang mga paghahandog.” Ang mga ito’y kinakain ng paganong mga Saxon upang ipagdiwang ang Easter.—Encyclopœdia Britannica.
Ang mga serbisyo sa pagsikat ng araw ay katumbas ng mga ritwal na “isinasagawa sa bagong equinox na sumasalubong sa araw at sa malakas na kapangyarihan nito upang magbigay ng bagong buhay sa lahat ng lumalagong mga bagay.”—Celebrations.
[Kahon sa pahina 14]
Nakapanghihilakbot na mga Pinagmulan ng Halloween
Mga maskara at kasuutan: “Ang mga Celt ay nag-iiwan ng pagkain, inumin, at ibang kaloob para sa mga espiritu at nililinlang ang mga ito upang mapaalis sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga maskara at kakaibang kasuutan at nagpaparada sa bungad ng nayon.”
Ang mga sigâ (bonfire) sa “literal ay ‘pagsusunog ng buto’ ” (bonefire) kung saan “pinapayapa ng mga saserdote ang diyos-araw sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hayop at, kalimitan, ay mga tao rin.” (The Tampa Tribune) “Sa pamamagitan ng pagmamasid kung papaano namatay ang mga handog, ang mga Druid ay naghihintay ng mga pangitain sa hinaharap.”—Beaumont Enterprise.
Ang trick or treat: “Ang hiyaw ng mga Druid ay maitutulad sa modernong ‘Trick or Treat.’ ”—Central Coast Parent.
Ang nakatatakot na mga kuwento: “Ang madugong mga ritwal ng mga Druid ay nagpapatuloy pa sa pambatang pagtatampok ng mga multo at espiritu. . . . Ang mga party kung Halloween at ang pagkukuwentuhan ng nakakatakot ay nagsimula rin sa panahon ng mga Druid nang ang mga espiritu ay ipinalalagay na lumilibut-libot sa lupain.”—The Tampa Tribune.
Sa kabila ng mga pinagmulan ng mga okasyong ito, matitigilan ang ilan na isiping pinagkakaitan ang mga bata ng kasiyahan ng modernong mga pagdiriwang. Sa papaano man, ano ba ang natatalos ng mga batang may kabatiran tungkol sa sinaunang Saturn, Astarte, at Samhain? May ilan na nakaaalam nang bahagya. Batid din nila na sila’y hindi dapat maging bahagi niyaon.
[Mga larawan sa pahina 12]
Mithra
Thor
[Credit Lines]
Mithra: Musée du Louvre, Paris
Thor: The Age of Fable by T. Bulfinch, 1898
[Larawan sa pahina 13]
Astarte
[Picture Credit Line sa pahina 14]
Bungo: Larawan ng U.S. Forest Service