“Hindi Kami Pinagkakaitan!”
“Hindi Kami Pinagkakaitan!”
Nagkomento ang mga guro at iba pa na ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay pinagkakaitan dahil sa hindi sila pinahihintulutang makisali sa katuwaan sa pagdiriwang ng paaralan ukol sa Pasko, Pasko ng Pagkabuhay, at Halloween. Ang sumusunod ay maliliit na halimbawa ng mga komento ng mga batang Saksi ni Jehova, na ipinahahayag sa sulat kung bakit sila mismo ay tumatangging makibahagi sa pagdiriwang ng mga okasyong ito.
“BAGAMAN ipinaliwanag ko na sa aking mga kaeskuwela kung bakit hindi ko ipinagdiriwang ang mga ito, ipinalalagay pa rin nilang ako’y pinagkakaitan. Ngunit talagang hindi! Tingnan ninyo, kailangan pa nilang laging maghintay ng Pasko o iba pang okasyon upang makatanggap ng mga regalo, samantalang ako’y laging binibigyan ng kung anu-ano at dumadalo sa mga party sa buong santaon. Alam kong mahal ako hindi lamang ng aking pamilya kundi maging ng kongregasyon at ni Jehova, at iyan ang mas mahalaga sa akin kaysa anumang okasyon.”—Becky, edad 13.
“Alam kong lahat ng kapistahan ay may masamang pinagmulan. Hindi ipinanganak si Jesus noong Pasko. Hindi kailangang tumbasan ng aking pamilya ang gayong mga kapistahan. Laging naririyan ang aking pamilya kapag kailangan ko sila. Mas mahalaga iyan sa akin kaysa anumang regalong maibibigay nila kailanman sa akin.”—Josh, edad 15.
“Pasko. Hindi ako pinagkakaitan dahil hindi naman talagang maka-Kristiyano iyon. Mas gusto ko pang alamin na binigyan ako ng aking mga magulang ng regalo kaysa ng sinasabing misteryosong Santa. Pasko ng Pagkabuhay. Sa Pasko ng Pagkabuhay iyon ay mahirap talaga dahil sasabihin ng mga tao na iyon ay para ‘kay Jesus at sa pagkabuhay-muli’ o basta ‘maghanap lamang ng mga itlog.’ Pero ano nga ba ang kaugnayan ng mga itlog kay Jesus? Ang pangalang Easter (Pasko ng Pagkabuhay) ay nagmula pa man din sa isang matandang diyosa. Halloween. Ang pangunahing idea ng Halloween ay ni hindi nakaakit sa akin. Mga multo at mangkukulam, NAKU PO!”—Katie, edad 10.
“Bilang isang kabataan hindi ako kailanman nalungkot dahil sa di-pakikisali sa mga pagdiriwang ng makasanlibutang mga kapistahan. Hindi ako sinabihan ng aking mga magulang na ‘hindi mo puwedeng gawin ito o iyan dahil isa ka sa mga Saksi ni Jehova,’ kundi naging pamilyar sa akin ang pangmalas ng Bibliya at ni Jehova sa mga okasyong ito. Kung tungkol sa mga regalo, sa aming tahanan, ang pagreregalo ay sa buong santaon.”—Ryan, edad 17.
“Ang bawat kapistahan ay nagdiriwang ng mga bagay na mali at nakapokus sa mga bagay na mali. Karamihan sa mga batang kilala ko ay nagdiriwang ng mga kapistahan dahil sa kendi o mga regalo. Ang isang bagay na taglay ko na mas mahalaga sa mga kapistahan ay ang kahanga-hangang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa halip na matapos lamang sa isang araw, gaya ng isang okasyon, ang Salita ng Diyos na Jehova ay may masayang mensahe na nananatili magpakailanman.”—Brooke, edad 14.
“Mga dahilan kung bakit hindi ko pinanghihinayangan ang mga kapistahan: 1. Sinasabi ng Bibliya na ang mga iyon ay masama. 2. Hindi ako interesado sa mga iyon. 3. Binibigyan ako ng mga regalo nina mommy at daddy.”—Brandi, edad 6.
“Hindi ko nadaramang ako’y pinagkakaitan. Wala sa akin iyon. Tumatanggap ako ng mga regalo, at naglalaro kami at nagpaparty. Tumatanggap ako ng kung anu-ano kahit walang okasyon. Nais kong manatiling Saksi anuman ang aking ginagawa at walang makapagtatalikod sa akin.”—Brianne, edad 9.
“Ako’y tutuntong na sa ikalimang grado at hindi ako nalulungkot na amining ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Minsan isang batang lalaki ang nagsabi sa akin na siguro’y masama ang loob ko dahil wala akong natatanggap na regalo kung Pasko, pero sabi ko tumatanggap ako sa buong santaon. Pagkatapos ay sinabi niyang mapalad ako. Sa palagay ko’y walang sinumang Saksi ni Jehova ang malulungkot dahil sa pagiging isang Saksi ni Jehova.”—Jeff, edad 10.
“Ginawa namin ng aking kapatid na babae na isang okasyon ng pamilya ang anibersaryo ng aming mga magulang. Natamo ko ang pinakamaliligayang sandali sa pagpaplano ng mga regalo at mga kard at mga bagay-bagay at pagtulong sa aking mga magulang na planuhin ang ilang bagay upang sorpresahin ang isa’t isa kaysa kung tumatanggap ako ng mga regalo mula sa iba. Ang pagbibigay ay mas mabuti kaysa pagtanggap.”—Rachel, edad 16.
“Noong ako’y maliit pa, ang ilang kapistahan ay mahirap para sa akin. Pero nang bandang huli ay napagtanto ko na ang mga kapistahan ay maaaring magbunga ng kasakiman, pagtatalo, at kalungkutan. Kapag may itinakdang mga panahon ng pagbibigay, hindi ka kailanman masosorpresa sa isang regalo. Mas gusto ko pang tumatanggap ng pantanging mga regalo anumang panahon ng taon. Ang magdiwang o hindi ay isang maliit na bahagi lamang ng isang mas malaking desisyon: kung iaalay mo o hindi ang iyong sarili na maglingkod kay Jehova. Kapag ganito ang aking kaisipan, malinaw ang tamang pagpili.”—Ben, edad 13.
“May mga pagkakataon noong ako’y maliit pa na nadarama kong may nagkukulang sa akin, pero napatawa ako nang sa dakong huli ay mapagwari ko kung papaanong ang mga itlog, si Jesus, at ang Easter bunny ay pinagsama-sama. Nang ako’y lumaki na at ipaliwanag sa akin ng aking mga magulang kung saan nanggaling ang mga simbolong ito, natuklasan kong ito’y nakasusuklam. Nasasaktan ako kapag iniisip ko kung ano kaya ang nadarama ni Jehova at ni Jesus kapag iniuugnay sa gayong paganong mga idea.”—Alexa, edad 18.
“Kapag panahon ng Pasko, ang pagiging nasa paaralan ay nakapagpapalungkot at nadarama mong ikaw ay ibinubukod. Pagkatapos ay napagtanto ko na ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi makalulutas ng iyong mga problema, hindi makapaglalapit sa iyong pamilya, at hindi makapagpapaligaya sa iyo. Ang pamumuhay lamang ayon sa mga pamantayan ng Bibliya ang makagagawa nito.”—Joe, edad 15.
“Sa halip na magpasko o magdiwang ng anumang kapistahan, mayroon kaming Araw ng Magagandang Laruan. Tumatanggap kami ng regalong pera upang ibili ng anumang maibigan namin. Minsan ay nagbigay ako ng pahayag sa aking klase tungkol sa aking relihiyon. Sa halip na sundan ang daan ng sanlibutan, gumawa ako ng aking sariling daan na makadalo sa mga pulong, makalabas sa larangan, at gawing bahagi ng aking buhay ang pananalangin. Magpapabautismo na ako sa darating na asamblea.”—George, edad 11.
“Gustung-gusto kong tatanggap ng mga regalo, at tumatanggap ako nito sa buong santaon. Hindi ko napapansin ang tungkol sa mga party. Pinagagalak ko si Jehova kapag ipinagtatanggol ko ang katotohanan. Nakapagtatakang makita na ang ilang kaklase ko na hindi Kristiyano, kundi Hindu, Judio, at iba pa, ay nagdiriwang ng Pasko at tumatanggap ng mga regalo gayong hindi naman alam kung tungkol saan ang okasyon.”—Julia, edad 12.
“Hindi ko ikinalulungkot ang di-pagsali sa mga kapistahan sa paaralan. Ang mga bata ay gumagawa ng maraming kakatwang bagay, gaya ng pagbibihis ng kung-anu-ano kapag Halloween. Hindi ko pinanghihinayangan iyon. Sinasabi ko sa kanila kung paano ako ibinibili ng aking mga magulang ng mga bagay-bagay sa buong santaon. Sinasabi nila sa akin ang tungkol sa kanilang simbahan at kung gaano iyon nakatatamad, at ikinukuwento ko naman sa kanila ang tungkol sa ating mga pulong sa mga parke, at sila’y naiinggit kung minsan. Pero hindi ako naiinggit sa kanila. Sa maigsi, sinasabi kong makipagkaibigan lamang doon sa gagalang sa iyong paniniwala at huwag kailanman pahintulutan ang isang estudyante o isang guro na pilitin kang gawin ang anumang bagay na labag sa kalooban ni Jehova.”—Justin, edad 12.
“Pinagkakaitan ba ako? Hindi, sapagkat may iba naman kaming mga pagtitipon, at kapag nagdiriwang ng Pasko ang mga tao, ang mga bata ay walang iniisip kundi si Santa Klaus, o kung Pasko ng Pagkabuhay naman ay walang iniisip kundi ang Easter bunny, pero alam kong ang mga ito’y galing sa paganong mga relihiyon. Gusto ko ang paglilingkod sa larangan dahil tumutulong ito sa akin upang magtuon ng pansin sa katotohanan.”—Sharon, edad 8.
“Tapatan kong masasabi na hindi ako kailanman nadiskontento sa aking pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Masaya kami ng aking pamilya. Kapag may party sa paaralan isinasama ako ni inay para pakanin ng tanghalian. Nagdadala ng pagkain ang aking mga magulang sa paaralan nang walang pantanging dahilan at nalalaman ng lahat ng mga bata na kami’y masaya. Ako’y napakalapit sa aking mga magulang at kapag tinatanong ako ng mga bata kung bakit hindi ako nagdiriwang ng kapistahan sinasabi ko sa kanilang ako’y nagdiriwang araw-araw. Papaano makadarama ang sinumang Saksi na siya’y napag-iiwanan?”—Megan, edad 13.
“Halloween. Ang mga bata ay nagbibihis na parang mga demonyo, mga tauhan sa komiks—para saan? Gumagala ang mga bata sa kalye at pumupunta sa bawat bahay para makatanggap ng suput-supot na mga kendi. O nambabato ng mga itlog sa mga bahay, isinasabit ang mga toilet paper sa mga punungkahoy, at ang pinakagrabe sa lahat, karamihan sa mga magulang ay nakikisasali rito.”—Zachary, edad 10.
“Hindi ko na kailangang maghintay pa ng isang pantanging araw upang makatanggap ng mga regalo. Palagi akong binibigyan nina inay at itay ng maraming laruan. Ang Halloween ay ang pagsamba sa namatay nang mga espiritu. Hindi tama iyon. Ang tanging Diyos na dapat nating sambahin ay si Jehova.”—Nicholas, edad 6.