Hiniya ng Isang Kudu ang mga Leon
Hiniya ng Isang Kudu ang mga Leon
NOONG nakaraang taon sa Timog Aprika, isang malaking antelope—lalaking kudu—ang tumayo sa harap ng marangyang resort hotel na nasa isang game park sa Lowveld. Ang hitsura nito’y alisto at napakamabalasik, kaya hindi kataka-taka na ang lokal na lider ng mga kudu ay magalit sa pangahas na pagpasok na ito sa kaniyang teritoryo. Isang nakasaksi ang nag-ulat tungkol sa pagsalakay ng lider na kudu: “Ito’y suminghal, pumadyak sa lupa at umakmang sasalakay. Dumaluhong ito na nakaumang ang mga sungay. Nasindak ito nang tamaan niya ang lalaking kudu.” Ang pangahas ay hindi man lang natinag. Sumugod uli ang lokal na kudu. Wala pa ring nangyari. Sa matinding galit at sa makapal na alikabok, “itinumba [ng lokal na lider] ang lahat ng punò sa palibot saka umalis.” Hindi na siya bumalik, malamang na ipinalagay niyang walang tatalo sa baguhang ito.
Wala ring nagawa ang mga hari ng kagubatan. Ang tanod-gubat na si Carlson Mathebula ay nag-ulat na pinalibutan ng 12 leon ang kudu. Ganito ang sabi niya tungkol sa pakikipagsagupa ng mga ito: “Biglang-bigla dalawang babaing leon ang lumapit doon. Samantalang umuungal nang malakas isa sa mga ito ang lumundag sa likod ng kudu habang ang isa ay dumaluhong sa tagiliran at kinagat ang leeg nito. . . . Kapuwa sila nabuwal sa takot at napatigil. Isa pang babaing leon ang sumali sa labanan. Sinugod nito ang kudu at sinikap na itumba ito sa pamamagitan ng matinding paghampas sa mga paa nito, pero nanatili ito sa kaniyang kinatatayuan.” Lubhang ikinagalit ng 12 leon ang kanilang kabiguan na ibuwal ang kudu anupat “sinira nila ang isang instrumento na panukat ng ulan, pandilig sa halaman at isang muwebles panlabas bago tumalilis dahil sa kahihiyan.”
Ni hindi man lamang kumikilos, napalayas ng kudu ang pangkat ng mga kudu sa lugar na iyon mula sa kanilang teritoryo at naitaboy ang isang grupo ng mga leon. Sinabi ng ulat sa Sunday Times ng Johannesburg, Timog Aprika, na ang kudu na ito ay isang napakalaking barako na tumitimbang ng 300 kilo at yari sa tanso. Ganito ang sabi ni G. Keith Calder, na siyang nagmolde sa kudu: “Isang kapurihan para sa akin na iyon ay napagkamalang tunay ng mga leon at ng kudu.”