Nagtutulungan ang mga Saksi ni Jehova at ang Propesyon ng Medisina
Nagtutulungan ang mga Saksi ni Jehova at ang Propesyon ng Medisina
NOONG 1945, natanto ng mga Saksi ni Jehova na ang pagpapasalin ng dugo ay isang di-maka-kasulatang paggamit ng dugo. Dahil sa nakalangkap sa Kautusang Mosaico, ang pagbabawal ay pinanatili sa Kasulatang Griego Kristiyano. Ang Gawa 15:28, 29 ay nagsasabi: “Sapagkat ang banal na espiritu at kami na rin ay sumang-ayong huwag nang dagdagan pa ang pasanin ninyo, maliban sa mga bagay na ito na kailangan, na patuloy na layuan ninyo ang mga bagay na inihain sa mga idolo at ang dugo at ang mga binigti at ang pakikiapid. Kung maingat na lalayuan ninyo ang mga bagay na ito, kayo’y uunlad. Maging malusog nawa kayo!” (Tingnan ang Levitico 17:10-12.) Ang pagtanggi ng mga Saksi na pasalin ng dugo ay humantong sa maraming pakikipagtalo sa ilang nasa propesyon ng medisina.
Mga Hospital Liaison Committee
Upang masuportahan ang mga Saksi sa kanilang pagtanggi sa pagpapasalin ng dugo, upang mabigyang linaw ang anumang di-pagkakaunawaan sa panig ng mga doktor at mga ospital, at upang magkaroon ng higit na pagtutulungan sa pagitan ng medikal na mga institusyon at mga pasyenteng Saksi, itinatag ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang mga Hospital Liaison Committee. Palibhasa’y binubuo ito ng maygulang na mga Saksi na sinanay upang may kaalamang makitungo sa mga doktor at ospital, napayapa ng mga komiteng ito ang mga di-pagkakaunawaan, at sila’y lumikha ng higit na espiritu ng pagtutulungan. Mula sa iilan lamang na komite noong 1979, dumami ang bilang ng mga ito na umabot sa ngayon sa 850 sa 65 lupain. Iyan ay nangangahulugan na ang kanilang nakatutulong na paglilingkod ay maaasahan ng halos 3.5 milyong Saksi ni Jehova.
Mahigit na 4,500 matatanda sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang sinanay na makipag-usap sa mga doktor upang matulungan silang makaunawa mula sa babasahing pangmedikal mismo sa lahat ng bagay na magagawa nang hindi bumabaling sa pagpapasalin ng dugo. Sa mga kaso na may pantanging pangangailangan, ang angkop na mga artikulo ay tuwirang ipinadadala sa ospital sa pamamagitan ng fax upang matulungan ang mga manggagamot na lunasan ang mga Saksi nang walang pagsasalin ng dugo. O maaaring magsaayos ang mga komite ng pagsangguni sa ibang matulunging mga doktor upang luminang ng mga pamamaraan sa paggamot o pag-opera nang walang dugo.
Halimbawa, sa karamihan ng mga kaso ng nawalan ng dugo dahil sa malubhang anemia, na sinabi ng mga doktor na nangangailangan ng pagsasalin upang maparami ang bilang ng pulang selula, naibahagi ng mga miyembro ng Hospital Liaison Committee ang mga artikulo mula sa mga babasahing pangmedikal na nagpapakita ng pagkamabisa ng recombinant erythropoietin (EPO) na makagagawa rin ng gayon. Ang synthetic hormone na ito ay gaya ng likas na erythropoietin na nasa mga bató natin at tumutulong sa utak sa buto upang magpadala ng bago, sariwang mga pulang selula sa daluyan ng dugo.
Inakala ng ilang doktor na ang EPO ay hindi gayong kabilis upang makatugon sa pangangailangan, subalit ipinakita sa maraming kaso ng mga Saksi ni Jehova kung gaano kabisa ito. Sa isang pagkakataon, pagkalipas mismo ng araw na ipasok sa katawan ang EPO, ang bilang ng bagong mga pulang selula ay apat na ulit ang dami kaysa sa normal na bilang! Nang sumunod na araw ay normal na ang kalagayan ng pasyente, at sa ikaapat na araw, ang bilang ng pulang selula ay dumami na. Sa sumunod na ilang araw pa, bumibilis ang pagdami nito. Ang pasyente ay ligtas na. Nakinabang sa paraang ito ang mga doktor gayundin ang pasyente dahil sa mga gawain ng mga Hospital Liaison Committee na ito.
Nang sabihin ng mga doktor sa Australia na hindi nila kayang iligtas ang buhay ng isang pasyenteng Saksi nang hindi gumagamit ng dugo upang lunasan ang isang di-pangkaraniwang sakit sa tropiko, sila’y dumulog sa Hospital Liaison Committee doon para sa anumang tulong na maipagkakaloob
ng komite sa kanila sa paghahanap ng impormasyon tungkol sa medikal na paggamot na walang dugo. Ipinagbigay-alam sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia ang kahilingan. Sila’y nakipag-ugnayan sa Hospital Information Services sa pambuong daigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Sinaliksik ito sa medical data base. Ang mga artikulong nakatutulong ay ipinadala sa Australia sa pamamagitan ng fax. Pagkalipas lamang ng 11 oras na paglisan sa tanggapan ng doktor, nakabalik na ang miyembro ng Hospital Liaison Committee na taga-Australia taglay ang kinakailangang mga artikulo. Ito’y napatunayang mabisa, at ang pasyente ay gumaling. Ang materyal na pangmedikal ay naipadala na mula sa New York hanggang sa malayong Nepal sa pamamagitan ng fax.Mahuhusay na Pananaliksik at Pagtulong
Ang uri ng pananaliksik na ginawa ng mga Saksi ni Jehova sa medikal na babasahin ay maaasahan at makabago. Isang registered nurse na kasamang direktor ng mga paglilingkuran ukol sa pag-oopera sa isang ospital sa Oregon, E.U.A., ay nagsabi sa isang artikulo ng babasahing pangmedikal para sa mga namamanihala sa mga operating room: “Ang [mga] Saksi ni Jehova . . .[ay] nakauungos sa atin. Sila ang may pinakamaraming kaalaman sa mga panghalili sa dugo at mga produkto ng dugo at kalimitang naglalaan sa atin ng literatura bago pa man natin mapag-alaman ang tungkol dito.”—OR Manager, Enero 1993, pahina 12.
Ang ilang kilalang doktor at mga medical center na maaaring manggamot nang hindi gumagamit ng dugong homologous ay nakahanda sa sinumang sasangguni sa kanila tungkol sa kanilang mga pamamaraan at paggamit ng dugo. Ang kanilang may kabaitang pagtugon sa pangangailangang ito ay nakatulong sa pagliligtas ng buhay, gaya ng nakita sa mga kaso ng matagumpay na paggamot sa leukemia at sa iba’t ibang uri ng pag-oopera. Ang mga pagsangguning ito ukol sa medikal ay kalimitang isinasagawa sa pamamagitan ng telepono sa buong daigdig.
Isa pa rin na nagpapakita ng lawak ng abot ng
pagtulong ng mga Saksi ni Jehova sa mga nangangailangan kapag sila’y napapaharap sa kalagayang pangmedikal na humahamon sa kanilang pananampalataya ay ang kaayusan sa paglilipat ng pasyente mula sa iba’t ibang ospital, mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at maging mula sa iba’t ibang bansa. Ang ilang halimbawa: Isang adultong pasyente ang inilipad mula Suriname patungong Puerto Rico; isa pa ang inilipad mula sa Samoa patungong Hawaii; isang sanggol, mula sa Austria patungong Florida, E.U.A.Nakikipagtulungan ang Higit Pang mga Doktor
Ang pagsulong sa kalagayan ng mga Saksi ni Jehova ay makikita rin sa pagdami ng mga manggagamot na handang makipagtulungan sa kanila sa bagay na ito, mula sa halos 5,000 sa nakalipas na limang taon tungo sa mahigit na 30,000 ngayon sa 65 lupain. Ang bilang na iyan ng may kakayahang mga doktor ang dahilan ng isa pang kaaya-ayang pagsulong—ang pagbuo ng mahigit sa 30 sentro ng paggamot at pag-oopera nang walang dugo sa iba’t ibang bansa.
Kaya naman, sa ngayon, lalo na sa Hilagang Amerika, bihira nang makarinig na pinipilit ang isang adulto na pasalin ng dugo, at marami pang ibang bansa ang sumusulong sa katulad na kalagayan. Ang karamihan ng mga suliranin sa ngayon ay sa bagong silang na mga sanggol at lalo na sa mga sanggol na kulang sa buwan. Ang mga sanggol na ito na kulang sa buwan ay nagkakaroon ng maraming problema na may kaugnayan sa di pa kumpletong mga sangkap ng katawan na hindi kumikilos nang normal, gaya ng bagà at bató. Subalit ang mga doktor ay naghahanap ng paraan upang malunasan ang mga kalagayang ito nang walang pagsasalin ng dugo. Halimbawa, ang synthetic surfactant, ay madaling makuha upang guminhawa sa sakit na respiratory distress syndrome. Ang paggamit ng EPO ay malawakan nang tinanggap para malunasan ang anemia sa mga sanggol na kulang sa buwan.
Tulong Para sa mga Manggagamot at Opisyal
Upang matulungan ang mga manggagamot sa bata at mga neonatologist upang gamutin nang walang pagsasalin ng dugo ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova, ang Hospital Information Services ay gumawa ng triple-indexed volume ng 55 artikulo mula sa babasahing pangmedikal na nagpapakita ng maaaring gawin na walang dugo sa maraming problema ng bagong silang.
Upang mapaabutan ng impormasyon ang mga hukom, mga social worker, ospital ng mga bata, neonatologist, at mga manggagamot ng bata tungkol sa maaaring pagpiliang paggamot nang walang dugo, ang mga Saksi ni Jehova ay pantanging gumawa para sa mga manggagamot at opisyal na ito ng isang 260-pahinang tomo ng tinatawag na Family Care and Medical Management for Jehovah’s Witnesses. a Ito’y isang handbook na hiwa-hiwalay ang pahina upang ito’y maisunod sa makabagong impormasyon. Yamang may ilang di-pagkakaunawaan tungkol sa buhay pampamilya sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, nililinaw rin nito sa propesyonal na mga tao ang pag-ibig na taglay ng mga magulang sa kanilang mga anak sa isang lubhang kapaki-pakinabang, mapagmahal na kapaligiran bunga ng istilo ng pamumuhay na ginagawa ayon sa turo ng Bibliya.
Papaano tinanggap ang lathalaing iyon? Pagkatapos na masuri ang nilalaman, ang pangalawang pangulo ng ospital ng mga bata sa Pennsylvania, E.U.A., ay nagsabi na inaasahan niyang uunawaing mabuti at gagamitin ng kaniyang mga tauhan ito. Sabi pa niya: “Kapag hindi bumalik sa akin ang aklat na mukhang lumang-luma na at halos masira na, aalamin ko kung bakit!” May ilang hukom
ang nagbago na ng kanilang mga batas sa korte na humihiling na gamitin muna ang lahat ng walang-dugong panghalili bago gumamit ng dugo. Ang mga bata ay ginamot na walang dugo at nakauwing nasa mabuting kalagayan.Ang karaniwang reaksiyon ay gaya niyaong sa isang hukom ukol sa mga kabataan sa Ohio, E.U.A. Siya’y labis na humanga sa tomo ng Family Care anupat umorder siya ng pito pang kopya para sa kaniyang mga kasamahan. Binabago niya ngayon ang kaniyang mga kautusan sa korte upang gawing timbang ang pagsasaalang-alang ng mga manggagamot sa mga karapatan ng mga magulang, na isinasagawa ito sa dalawang paraan. Kaniyang binabanggit sa kaniyang kautusan (1) na dapat munang gamitin ng mga doktor ang lahat ng panghaliling mga panggagamot bago gamitin ang dugo; at (2) na dapat tiyakin ng mga doktor sa kaniya na ang dugo na kanilang gagamitin ay nasuri at ligtas sa AIDS at hepatitis. Sa tatlong kautusang ipinalabas simula nang kaniyang baguhin ang mga ito, ang tatlong bata ay matagumpay na nalunasan nang walang pagsasalin ng dugo.
Si Dr. Charles H. Baron, isang propesor sa batas sa Boston College Law School, ay nagpahayag ng isang sanaysay noong nakaraang taon sa isang kapulungan ng mga iskolar sa University of Paris. Ang kaniyang paksa ay “Dugo, Kasalanan, at Kamatayan: Kilusang Pangkarapatan ng mga Saksi ni Jehova at ng mga Amerikanong Pasyente.” Sa sanaysay mismo, ang sumusunod na parapo ay nagsabi hinggil sa gawain ng mga Hospital Liaison Committee ng mga Saksi:
“Nagawa pa man din nilang maisaalang-alang muli ng paggamot sa Amerika ang ilan sa mga paniniwala nito sa liwanag ng higit pang katibayan. Sa katagalan, ang buong lipunang Amerikano ay nakinabang. Hindi lamang ang mga Saksi ni Jehova, kundi ang mga pasyente sa pangkalahatan, ay sa ngayon ang malamang na hindi na bigyan ng di-kinakailangang pagsalin ng dugo dahil sa gawain ng mga Hospital Liaison Committee ng mga Saksi. Ang mga pasyente sa pangkalahatan ay nagtatamasa ng higit na kalayaan sa buong mapagpipiliang mga pagpapasiya sa pangangalaga sa kalusugan dahil sa ginawa ng mga Saksi bilang bahagi ng pangkalahatang kilusang pangkarapatan ng mga pasyente. At ang mga ipinaglalabang kalayaan sa pangkalahatan at lalo na ang relihiyosong kalayaan ay napasulong ng matatag na pagtanggi ng mga Saksi sa mga pagsisikap ng pumipilit sa kanilang sila’y makibahagi na labag naman sa kanilang relihiyosong mga paniniwala.”
Ang lahat ng gawaing ito ng mga Hospital Liaison Committee ay maaaring hindi tuwirang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, subalit tiyak na ito’y sumasagot sa tuwirang paghamon sa ating pagsamba sa tinatawag ng sinaunang lupong tagapamahala na ‘mga bagay na kailangan’ ng ating banal na paglilingkod. (Gawa 15:28, 29) Gayunman, kapuna-puna na ang ating magiting subalit may pagpipitagang lawak ng pakikipag-usap ay nagbukas ng daan sa ilang nasa propesyon ng medisina na tumugon sa balita ng Kaharian. Ang ilang miyembro ng mga Hospital Liaison Committee ay nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga doktor na kanilang nakilala dahil sa gawain ng komite, anupat dalawa sa mga doktor na ito ay nabautismuhan kamakailan.
Kaya naman sa tulong ng kaayusan ng Hospital Liaison Committee, tinutulungan ang mga Saksi ni Jehova na sumunod sa sakdal na kautusan ni Jehova tungkol sa pag-iwas sa dugo, na hindi ikinokompromiso ang kanilang katapatan at nakakukuha pa rin ng kinakailangang medikal na pangangalaga. (Awit 19:7) Tunay na patuloy pa rin ang mainam na tagumpay ng pagtutuwid sa di-pagkakaunawaan na minsang umiral. Ang mga doktor at mga ospital ay higit na nabigyan ng impormasyon kung papaano sila makapaglalaan ng nakahandang paggamot na walang dugo. Para sa mga pasyente, kamag-anak, kasamahan sa relihiyon, at tauhan ng ospital, iyan ay nagdudulot ng ibig mangyari ng lahat—ang mabuting paggaling ng may sakit.—Gaya ng inilahad ng Hospital Information Services sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower.
[Talababa]
a Makukuha lamang sa Ingles.
[Larawan sa pahina 25]
Ang Liaison Committee na nakikipag-ugnayan sa isang doktor
[Larawan sa pahina 26]
“Family Care”