Papaano Ko Mapakikitunguhan ang Sumpunging mga Magulang?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Papaano Ko Mapakikitunguhan ang Sumpunging mga Magulang?
“ANG aking problema,” sabi ni Claudia, “ay na ang aking ina ay nerbiyosa at mayayamutin. a Isang araw kinumusta niya ang pag-aaral ko sa piyano. Basta sinabi ko na mabuti naman ang pag-aaral ko at nagpatuloy ako sa pag-eensayo sa piyano. Lumapit si inay, at pagalit na sinabi niyang ako’y nagiging walang-galang, pagkatapos ay biglang umalis. Nainis ako at kinalampag ko ang piyano at tumakbo sa aking silid. Pagkatapos ay pumasok si inay at kinagalitan ako dahil sa kinalampag ko ang piyano.”
Ang mga magulang ay nagiging totoong maramdamin kapag sila’y may sumpong. Kung minsan para bang kailangang maging napakaingat mo sa iyong kilos kapag kasama sila, kinakabahan sa paghihintay ng susunod na pagkakataong ikaw ay punahin, sigawan, o sisihin pa nga. Gayunman, ipinakita ng artikulong “Bakit Napakasumpungin ng Aking mga Magulang?” sa nakaraang labas ng Gumising! na normal lamang para sa mga magulang na maging sumpungin paminsan-minsan. Ang kaigtingan, pagkahapo, karamdaman, at ang kahirapan sa buhay ang kalimitang dahilan. b Ang pagkaalam sa mga bagay na ito ay makatutulong sa iyo na dumamay sa iyong mga magulang. (Ihambing ang Kawikaan 19:11.) Subalit hindi nito binabago ang bagay na kung minsa’y mahirap silang pakitunguhan. Ano ang magagawa mo upang mapabuti ang mga kalagayan?
Nagbababalang mga Tanda
Ganito ang sabi ng Kawikaan 24:3: “Sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay magiging matatag.” Kasuwato ng simulaing ito, ang isang bagay na magagawa mo ay sikaping maunawaan ang iyong mga magulang kapag sila’y may sumpong. Ganito ang sabi ng salmista tungkol sa kaniya mismong nakapanlulumong kalagayan: “Ako’y tumangis buong araw.” (Awit 38:6) Ang isang mapagmasid na tao ay madaling makahalata na hindi mabuti ang kaniyang kondisyon! Sa katulad na paraan, ang magulang ay karaniwang makapagbibigay ng nakikitang mga tanda na siya ay wala sa kondisyon.
Kaya tinipon ng mga kabataang awtor ng aklat na The Kids’ Book About Parents ang isang talaan ng karaniwang mga tanda na kailangang alamin ng mga kabataan. Ang ilan sa mga bagay na napansin ay ‘malakas kumain [ang mga magulang], hindi umiimik, natutulog nang maaga, hindi bumabati kapag sila’y umuwi galing sa trabaho, nambubulyaw sa lahat, hindi pinapansin ang iyong mga tanong,’ at ‘nakatulala sa TV.’ Sa ilang pamilya, malalaman antimano ang pag-init ng ulo ng mga magulang sa ilang pagkakataon—gaya ng pagdating ng mga bayarin. Anuman ang kalagayan, sa pagiging mapagmasid matatalos mo ang nagbababalang mga tanda ng iyo mismong mga magulang.
‘Mayroon Po Bang Problema?’
Kung gayon, ano ang iyong ginagawa kapag nahalata mong matamlay ang iyong magulang? Umiwas sa kanila? Hindi naman. Ang Kawikaan 15:20 ay nagsasabi: “Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama.” Hindi ito nangangahulugan na kailangan mong pasanin ang mga suliranin ng iyong mga magulang. Sa papaano man, ang bawat magulang ay kailangang ‘magpasan ng kaniyang sariling pasan.’ (Galacia 6:5) Subalit sa papaano man ay maaari kang magpakita ng interes sa kanila. Halimbawa, baka sa mataktikang paraan ay maitatanong mo: ‘Mayroon po bang problema?’ (Ihambing ang Nehemias 2:1, 2.) Marahil ay wala kang magagawa upang mabago ang kalagayan, subalit pahahalagahan nila ang iyong maibiging interes sa kanilang kapakanan.
Ganito ang mungkahi ng kabataang nagngangalang Kama tungkol sa pakikitungo sa mga bagay-bagay kapag ang magulang na may sumpong ay umuwi sa bahay: “Pagkatapos mong bumati, pumasok ka sandali sa iyong silid, hanggang sa sila’y mapanatag na. Pagkatapos ay lumabas at magtanong kung ano ang problema at kumustahin ang kanilang araw . . . Tingnan kung may ibig silang ipagawa sa iyo.” Kung minsan, ang pagpapakita sa magulang na iyon ng kailangang atensiyon o pagmamahal ay makapagpapalamig sa kanilang ulo.
Sa kaniyang aklat na My Parents Are Driving Me Crazy, sinabi ni Dr. Joyce Vedral kung papaano tinugunan ng tin-edyer na babae na nagngangalang Deena ang init ng ulo ng kaniyang ina. Ganito ang sabi ni Deena: “Nang lumabas ako [ng aking silid] at nakita kong nakasimangot siya, hinila ko siya at niyakap nang mahigpit bago siya nakaiwas. Pagkatapos ay hinalikan ko siya nang mariin at sinabi, ‘Mahal kita, Inay.’ Nakita mo sana kung papaano nagbago ang kaniyang pakiramdam—agad-agad.” Ganito ang pagtatapos ni Dr. Vedral: “Ang pinakamabuting lunas para sa may sumpong na magulang ay pagmamahal. . . . Ang pagmamahal ay tunay na nakapagpapagalak.” Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay nagpapatibay.”—1 Corinto 8:1.
Bagaman, kung minsan, waring ang iyong mga magulang ay personal na nayayamot sa iyo. Kung hindi ka nakatitiyak kung bakit, sikapin mong mapagsalita ang iyong mga magulang upang kanilang maihinga ang anumang samâ ng loob. (Ihambing ang Kawikaan 20:5.) Halimbawa, isang kabataang babae na nagngangalang Ruth, ang nagsabi na siya at ang kaniyang ama ay “lalong nagiging malayô sa isa’t isa” anupat ang kaniyang ama ay higit na naging mapamuna sa kaniyang mga marka. Pagkatapos ng isang pampamilyang pagtalakay sa artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” itinanong ni Ruth kung ano ang nakababalisa sa kaniyang ama. “Natuklasan namin na ibig ni Itay na magtagumpay sa pamamagitan ng kaniyang mga anak, yamang siya ay napilitang huminto sa pag-aaral. Ibig niya na kami’y magkaroon ng pinakamatataas na ulat sa kard.” Kapag mas mababa ang nakuhang marka ni Ruth kaysa sa inaasahan, siya’y nagagalit. Ang kinalabasan ng kanilang pag-uusap? “Natulungan ako na malasin ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang pangmalas,” sabi niya. Mangyari pa, kailangang gumawa rin ng ilang pagbabago ang kaniyang ama sa kaniyang pag-iisip. Sinabi ni Ruth: “Nagsimulang bumuti ang mga kalagayan.”
Sa pagkakaroon ng gayon ding pag-uusap, matutuklasan mo na may makatuwirang mga dahilan ang iyong mga magulang na mainis sa iyo. Maaaring iyon ay isang simpleng pagkalimot lamang na gawin ang iniatas na gawaing bahay. Ang Kawikaan 10:5 ay nagpapaalaala: “Siyang nagtitipon sa tag-init ay pantas na anak; ngunit siyang natutulog sa pag-aani ay anak na kahiya-hiya.” Marahil malaki ang magagawa ng higit na pagsisikap sa panig mo para masiyahan ang iyong mga magulang.
Kumilos Nang may Kapantasan!
Bagaman, kung minsan ang iyong magulang ay hindi lamang handang makipag-usap, at lahat ng pagsisikap na himukin siyang magsalita ay sinasalubong ng galit o pagtanggi. Ano kung gayon? Sinasabi sa atin ng Bibliya kung papaanong si David, bilang isang kabataan, ay napakitunguhan ang gayon ding mahirap na kalagayan. Noong siya’y nasa kabataan pa, si David ay nagtatrabaho sa korte ni Haring Saul bilang isang manunugtog. Gayunman, si Saul ay madaling magbagu-bago ng emosyon at magalit. Aba, sa isang pagkakataon ay sinibat pa nga ni Saul si David! Subalit pansinin ang sinasabi ng Bibliya sa 1 Samuel 18:14 tungkol sa paggawi ni David: “At si David ay nagpatuloy na lumakad nang may kapantasan sa lahat ng kaniyang lakad, at sumakaniya si Jehova.”
Kakaunting magulang lamang ang gaya ni Haring Saul sa pagkasumpungin. Gayunman, kailangan mo pa ring maging pantas sa pakikitungo sa kanila. Halimbawa, ang kabataang si Sam ay nagsasabi: “Hindi isang Kristiyano ang aking ama, at mainitin ang kaniyang ulo! Kapag siya’y nagalit sa iyo, talagang siya’y nagsisisigaw. Talagang dapat na maging maingat ka sa iyong sinasabi at ginagawa. Sikapin mong huwag siyang galitin.” Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang matalinong tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli.”—Kawikaan 22:3.
Hindi naman ito nangangahulugan na lalayuan mo ang iyong mga magulang. Sikapin na maging magiliw at masayahin. Kung ang magulang na mainit ang ulo ay iniinis mo ng walang-kuwentang mga tanong o maliliit na problema na maaari namang pag-usapan sa susunod na pagkakataon, ginagalit mo lamang sila. (Ihambing ang Kawikaan 15:23; 25:11.) Oo, kapag sila’y balisa at pagod, sila man ay makadarama ng gaya ng matuwid na taong si Job nang kaniyang sabihin: “Hanggang kailan ninyo pahihirapan ang aking kaluluwa?” (Job 19:2) Sa gayon may katalinuhang iwasan mo ang anumang nakasusuyang paggawi na alam mong makayayamot sa iyong mga magulang—gaya ng pagpapaputok ng chewing gum o pagpapatunog ng iyong mga daliri. Gayundin naman, ikaw ay magiging walang-pakundangan kung patutugtugin mo nang napakalakas ang stereo o bubuksan nang malakas ang telebisyon.
Ang isa pang paraan ng may kapantasang pagkilos ay ang pagkukusa. Si Inay ba ay laging wala sa kondisyon kapag umuuwi galing sa trabaho? Kung nauna kang umuwi, bakit hindi ikaw ang maghain, magtapon ng basura, o maghugas ng pinggan? Batiin ang iyong ina nang may paglalambing. Ang gayong paglalambing ay makapagpapasabik sa kaniya na umuwi. Ginawa iyan ng isang tin-edyer na babae na nagngangalang Julie. Ang sabi niya: “Si Inay ay nagmamaneho ng school bus, at siya’y karaniwang umuuwi na mainit ang ulo. Kaya naman hindi ako nagpapakita sa kaniya. Hindi muna ako lumalapit sa kaniya hanggang sa siya’y mapanatag na. Pagkatapos ako na ang nag-aalaga ng aking mga kapatid o naglilinis o gumagawa para sa kaniya.”
Bagaman iniiwasan mo, ang ilang di-pagkakaunawaan ay tiyak na mangyayari kapag ang mga magulang ay may sumpong o naiinis. Kapag nangyari ito, makatutulong ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya upang maiwasang lumala ang kalagayan. Halimbawa, ang Kawikaan 15:1 ay nagsasabi: “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakasasakit ay humihila ng galit.” Ang higit pang payo ay ibinigay sa Kawikaan 17:27, na ganito ang mababasa: “Siyang nagtitipid ng mga salita ay may kaalaman, at ang taong may unawa ay may malamig na kalooban.” Tandaan din, na bagaman ang mga magulang ay may masasamang araw, malamang na may mga araw rin na sila’y masayahin, mapagbiro, natutuwang kasama ka. Pahalagahan ang mga panahong iyon, at gamitin ang mga ito na pagkakataon upang mapaunlad ang mabuting kaugnayan sa iyong mga magulang. Mapagagaan nito ang mahihirap na kalagayan.
[Mga talababa]
a Ang ilang pangalan ay pinalitan.
b Tinatalakay ng artikulong ito ang normal na pabagu-bagong emosyon na nararanasan ng karamihan. Ang mga magulang na naliligalig ang damdamin dahil sa malubhang panlulumo, pagkasugapa sa alkohol o droga, o iba pang malulubhang karamdaman sa pisikal at emosyon ay maaaring mangailangan ng propesyonal na tulong.
[Larawan sa pahina 17]
Pinahahalagahan ng mga magulang na nagtatrabaho kapag ang kanilang mga anak ay tumutulong sa mga gawaing bahay