Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Bigong Pag-ibig Ako’y 17 taóng gulang at nasumpungan kong naging malaking tulong ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mababata ang Isang Bigong Pag-ibig?” (Mayo 8, 1993) Ako’y laging nanlulumo dahil sa hindi ako iniibig ng sinuman. Ngayon ay ibinabaling ko ang aking isip sa ibang mga bagay at hindi ako nag-iisip na mag-asawa kaagad.
S. M., Australia
Ako’y nahumaling sa isang lalaking hindi Kristiyano at talagang umibig sa kaniya. Ako’y natauhan at nakipagkalas sa kaniya, ngunit nagkaroon ako ng damdamin ng pagpapatiwakal. Inaakala ko noon na hindi ako mabubuhay kung wala siya at talagang nanlumo ako sa loob ng ilang linggo. Nakatulong sa akin ang artikulo na mag-isip nang positibo at mabatid na ang masakit na karanasang ito’y lilipas din.
A. H., Estados Unidos
Mga Resipe Nagbigay ang inyong artikulong “Ang Mabalahibong Munting Prutas ng New Zealand” (Oktubre 22, 1992) ng resipe na gumagamit ng sangkap na alak na kahel. Dapat na paalalahanan ang inyong mga mambabasa na hindi sila dapat magmaneho kaagad pagkatapos kumain ng anuman na may alkohol.
J. S., Estados Unidos
Tiyak na angkop lamang na ipagbigay-alam sa mga panauhin kung ang isang pagkain ay may lahok na alkohol. Ang nabanggit na pagkain ay humihiling ng isang kutsara ng alak na kahel sa salad na prutas na para sa anim na katao—na hindi naman nakalalasing ang dami. Ang panganib ng pagkalasing ay mas mababa sa mga resipe na hinihiling sa pagluluto. Yamang ang alkohol ay may mababang punto ng pagkulo, karamihan, kung hindi man lahat, ay sumisingaw.—ED.
Kahilingan ni Joshua Salamat sa inyong paglalathala ng artikulong “Ang Kahilingan ni Joshua.” (Hunyo 22, 1993) Ito’y nakapagpatibay sa akin. Kung siya ay naging tapat bagaman may nakamamatay na sakit [leukemia], anong dali para sa akin na maging tapat din! Ako po’y siyam na taóng gulang.
M. M., Estados Unidos
Ang aking damdamin ay nabagbag nang husto ng “Ang Kahilingan ni Joshua.” Ang kaniyang tibay ng loob, pananampalataya, at pag-ibig kay Jehova ay labis na nakaantig sa akin.
K. M., Estados Unidos
Mga Martir sa Modernong Kaarawan Katatapos ko lamang basahin ang serye ng artikulong pinamagatang “Matagumpay sa Harap ng Kamatayan.” (Mayo 8, 1993) Ako’y napighati dahil sa di-makataong kalupitan na sinapit ng ating mga kapatid na Kristiyano. Habang aking binubulay-bulay ang kanilang pagtitiis, ako’y napaluha. Ang bagay na nakaaantig sa akin ay ang kanilang pananampalataya at katapatan kahit sa harap ng kamatayan. Harinawang pagkalooban tayo ni Jehova ng kalakasan at pagtitiis upang tayo’y makapagpatuloy sa ating katapatan, tulad nila.
B. D., Italya
Sa aking pag-aaral ng Bibliya, nang una kong napag-alaman ang tungkol sa usapin ng pananatiling tapat sa ilalim ng mga pagsubok, hindi ko matanggap na totoo ngang may mga kalagayan na tayo’y mapapaharap sa matitinding pagsubok sa pananampalataya. Subalit pagkabasa ko ng kahabag-habag na mga karanasan ng mga Kristiyano na nanatiling tapat sa harap ng kamatayan, hindi ko napigilang mapaluha. Labis akong nagpapasalamat sa serye ng mga artikulong ito.
J. P., Pilipinas
Pagpaplano ng Pamilya Sinabi ng inyong serye sa artikulong “Pagpaplano ng Pamilya—Isang Pangglobong Problema” (Pebrero 22, 1993) na kapag ang progestin-lamang na inilalagay ang ginamit [bilang isang pamamaraan sa pagpigil sa pag-aanak], may posibilidad na ito’y pagpapalaglag. Sinasabi ng aking doktor na ito’y hindi totoo.
M. D., Estados Unidos
Ang mga mananaliksik ay hindi nakatitiyak kung papaano ang pagpapasok ng progestin-lamang ay nakahahadlang sa pagdadalantao. Ipinalalagay ng ilan na nakahahadlang ito dahil sa pagpigil sa obulasyon. Inaakala naman ng iba na may katibayan na ang mga ito’y mabisa kung minsan dahil sa hinahadlangan nito ang pertilisadong itlog na kumapit sa bahay-bata—sa gayon, ang ipinagbubuntis ay nalalaglag. Yamang ang pamamaraang ito ay hindi naman tahasang pagpapalaglag, ang mga mag-asawang Kristiyano ay kailangang magpasiya sa kanilang sarili kung makatuwirang gamitin nila ito o hindi. (Galacia 6:5)—ED.