Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Kahoy Laban sa Plastik
Kapag naghihiwa ng hilaw na karne ng hayop, maaaring akalain ng isa na ang mga sangkalan na plastik ay mas malinis kaysa kahoy. Natuklasan ng kamakailang pagsusuri ang kabaligtaran. Ayon sa Berkeley Wellness Letter, dalawang microbiologist sa University of Wisconsin, E.U.A., ay sadyang naglagay sa kahoy at plastik na sangkalan ng baktirya, gaya ng salmonella, na sanhi ng pagkalason sa pagkain. Nakapagtataka, ang baktirya ay mabilis na dumami sa plastik na sangkalan, samantalang ang mga ito’y namatay o itinuturing na di-nakapipinsala sa kahoy na sangkalan—sa ilang kaso ay sa loob ng tatlong minuto lamang. Kapag nalagyan ng baktirya at itinago nang magdamag, ang mga kahoy na sangkalan ay wala nang baktirya sa kinaumagahan, samantalang ang plastik na sangkalan ay may pagkarami-raming baktirya. Ang lumang kahoy ay napatunayang mas epektibo kaysa bagong kahoy sa bagay na ito. Ang plastik ay napatunayan ding mas mahirap hugasan kaysa inaakala, lalo kapag ang pinakaibabaw ay nagasgas na. Anuman ang uri ng sangkalan, ang paghuhugas nito na may sabon at mainit na tubig pagkatapos maghiwa ng hilaw na mga karne ay mahalaga.
Araw-araw na Pagpaslang
“Araw-araw, halos apat na babae ang namamatay sa Brazil dahil sa mga komplikasyon ng aborsiyon—1,460 bawat taon,” ang ulat ng pahayagang Folha de S. Paulo sa Brazil. Kinilala ng pahayagan na ang pagtayang ito ay “optimistiko” at na ang tunay na bilang ay maaaring makaitlong beses na mas mataas. Isinusog pa nito: “Ang promedyo sa Latin Amerika ay mas nakabibigla. Tinataya ng UN na 50 porsiyento ng mga kamatayan ng ina ay dahil sa aborsiyon, na nangangahulugang 15 libong babae taun-taon ang namamatay—sa katamtamang bilang na 41 babaing taga-Latin Amerika ang namamatay araw-araw.”
Tumayo Nang Tuwid
Humukot ka, at sasakit ang iyong likod. Ayon sa isang pag-uulat sa International Herald Tribune, ang di-mabuting tindig ay 15 ulit na higit na nakapipinsala sa balakang kaysa kapag nakatayo nang tuwid. Ang paghukot ay nagiging sanhi rin ng kakapusan sa paghinga, at iyan ay nangangahulugang mas kakaunting oksiheno upang mabigyang-lakas ang katawan. Ito’y maaaring makaupos sa iyong lakas at magbunga ng sakit at kirot, lalo na sa leeg at likod. Ito rin ay magpapangyari sa iyo na magmukhang mas matanda, mas matabang tingnan, at di-gaanong mabikas kaysa kapag nakatayo nang tuwid. Ang mabuting tindig, sabi ng ulat, ay nangangahulugan na ang iyong tainga, balikat, pinakasentro ng balakang, bayugo ng tuhod, at bukungbukong ay dapat na magkakapantay. Gayunman, hindi ito nangangahulugan ng tulad militar na tindig na tuwid na tuwid anupat ang mga tuhod ay magkadikit at ang mga balikat ay unát-na-unát. Pasasakitin naman nito ang iyong gulugod. Sinasabi ng mga dalubhasa na ang di-mabuting tindig ay karaniwang isang masamang kinaugalian na maaaring maituwid.
Mga Aksidenteng Naghihintay na Maganap
“Isang plota ng lumulutang na kasakunaan ang naghihintay na maganap”—iyan, ayon sa International Environmental Update, ang itinawag ng ilang kritiko sa mga oil tanker sa daigdig. Sinasabi ng magasin na “ang mundo ay umaasa pa rin sa daan-daang kinakalawang, luma na, di-napangangasiwaang mabuti na mga tanker na may di-sanay na mga tripulante upang ihatid nito ang pinakadelikadong mga panggatong.” Ang isang malaking tanker ay inaasahang tatagal nang halos 15 taon. Subalit ang 65 porsiyento ng plota ng tanker sa daigdig ay halos gayon nang kaluma. Maging ang ilang opisyal sa industriya ng langis ay umamin na marami sa luma nang mga tanker na ito ay dapat nang tunawin. Tila wala ni isa man sa mga ahensiya ang may kapangyarihang mag-utos na huwag nang ipagamit ang mga barkong ito. Gayunman, ang problema ay higit na masusumpungan sa kung papaano pinangangasiwaan ang mga barkong ito sa halip na ang sasakyang-dagat mismo. Sinipi ng magasin ang isang may kaalaman sa polusyon sa langis na nagsasabi: “Ang karamihan sa mga aksidente sa tanker ay sanhi ng pagkakamali ng tao.”
Mga Pamamaraan sa Pagbatá ng mga Bata
Ano ang nagpapangyaring mabatá ng ilang bata ang mabibigat na problema sa modernong pamumuhay? Upang matuklasan ito, nagsagawa ang mga mananaliksik sa Loyola University sa Chicago, E.U.A., ng isang pagsusuri sa 400 bata, 9 hanggang 13 taóng gulang, na may iba’t ibang pinagmulan. Sa halos kalahati ng mga bata na karaniwang napagtagumpayan ang mahihirap na kalagayan, natuklasan ng mga mananaliksik ang tatlong pangkaraniwang katangian, ang sabi ng magasing American Health. Una, sila’y handang humingi ng tulong, nagsasabi ng kanilang mga ikinababahala, at naghahangad ng emosyonal na tulong mula sa isang may gulang—kalimitan, bagaman hindi palagi, sa magulang. Ikalawa, kanilang pinananagutan ang kanila mismong ikinikilos at nagsisikap na mapagbagong-loob ang kanilang mga kasama upang makaiwas sa kapinsalaan. Ikatlo, sila’y naghahangad ng mapayapang panahon o paglilibang upang maibsan ang kaigtingan. Sa kabilang dako, natuklasan ng mga mananaliksik ang tatlong paggawi na nakabawas sa pagiging matatag ng mga bata: pagbaling sa kapusukan; paggawing nakapipinsala sa sarili
gaya ng pang-aabuso sa droga; at pag-iwas sa mga problema sa halip na harapin ang mga ito.Kaligayahan sa Asia
Isang surbey na isinagawa ng Survey Research Hong Kong Limited ang nakatuklas na ang pinakamaliligayang tao sa Taiwan at Republika ng Korea ay mga maralita at nasa mga edad na 30. Sa Pilipinas, kung saan ang GNP (gross national product o pangkabuuang produktong pambansa) ay $500 (U.S.) lamang sa bawat tao at 41 porsiyento ng mga tao ay namumuhay sa karalitaan, 94 na porsiyento ang nagsabing sila’y maligaya. Ang saloobin ding ito hinggil sa buhay ang nararanasan ng halos lahat ng kanilang mga kalapit-bansa sa Asia, maliban sa isa. “Sa isang lugar na karaniwang nag-uumapaw sa kasiyahan,” sabi ng Mainichi Daily News, ang pinakamayamang bansa sa Asia “ay lumitaw na pinakamalungkot na lugar.” Kahit na ang GNP ay lumalampas sa $27,000 (U.S.) sa bawat tao, 40 porsiyento ng mga Hapones ang umamin na hindi sila maligaya.
Ang Pagkabigong Makipagtalastasan
“Ang karaniwang mga mag-asawa sa Alemanya ay gumugugol lamang ng halos 10 minuto sa isang araw sa pakikipag-usap sa isa’t isa,” ulat ng pahayagang Nassauische Neue Presse sa Alemanya. Kaya karamihan sa mga mag-asawa ay nag-uukol ng kakaunting panahon lamang sa paglutas sa kanilang mga suliranin. Bukod pa rito, sinabi ng mga tagapayo sa pamilya sa Alemanya na ang mga mag-asawang nasa kabataan pa lalo na ang hindi marunong kung papaano pakikitunguhan ang pagkakaiba ng kanilang opinyon. Ito ang pangunahing sanhi ng maagang paghihiwalay sa mga pag-aasawa; dalawa sa limang mga pag-aasawa ang bigo sa loob ng unang apat na taon. Sinipi ng pahayagan ang tagapayong si Rosemarie Breindl na nagsasabi: “Halos walang sinumang mga uliran ang makapagpapakita ng halimbawa kung papaano lumutas ng mga hidwaan.” Sinabi pa ng ulat: “Kaya naman, may tumitinding pagnanais na tapusin ang mga suliranin sa pag-aasawa sa pamamagitan lamang ng paghihiwalay.”
Ilagay sa Lugar ang Trabaho
Ang ulcer, sakit sa puso, pagkahapo, pagliban, at mga aksidente—ito ang mga kabayaran ng labis na kaigtingan, na pinagdurusahan ng empleyado at ng pinaglilingkuran. Ayon sa isang pag-uulat ng French International Office of Labor, ang kaigtingan na may kaugnayan sa trabaho ay naging ang “isa sa pinakamalulubhang suliranin sa ating kapanahunan.” Sa Europa, ang pagbabawas ng mga kawani at ang dumaraming responsibilidad ng mga empleyado, pati na ang pagnanais na lumaki ang produksiyon at kita, ay nakitaan ng tuminding kaigtingan sa lugar ng trabaho, sabi ng Pranses na magasing pangmedikal na Le Concours Médical, na nagsasabi pa na ang ilan sa Pransya ay nasasawi pa nga dahil sa labis na pagtatrabaho. Kapuna-puna, ipinakikita ng ilang pag-aaral na lubusang napaglalabanan ng indibiduwal ang kaigtingan kapag pinauunlad niya ang magiliw at mapagmahal na pakikipagkaibigan sa mga taong nasa paligid niya. Iminumungkahi rin ng mga doktor ang pagpapahingalay, pag-eehersisyo, timbang na pagkain, at pagsasalugar sa trabaho—na naglalaan ng oras para sa pamilya at paglilibang.
Pinag-aralan ng Pulisya ang Tungkol sa mga Kulto
Ang mga pulis mula sa lahat ng dako ng bansa ay nagtipon sa Rhode Island, E.U.A., nang unang bahagi ng taóng ito para sa tatlong-araw na komperensiya sa isang di-pangkaraniwang paksa: satanikong pagsamba, mga kulto, at pangkukulam. Iniulat ng Daily News ng New York na ang layunin ng seminar ay upang magsanay ng bihasang mga pulis upang makatutop ng karahasan na isinasagawa ng gayong kulto. Si Sarhento Edmund Pierce ng Departamento ng Pulisya sa Warwick ay sinipi na nagsasabi: “Ang aming ginagawa ay magtuon ng pansin sa mga krimen mula sa kalupitan sa mga hayop, paglapastangan at mga nakawan sa mga libingan, hanggang sa mga pagsalakay, may rituwal na pang-aabuso sa bata at maging ng pagpaslang.” Sinipi ng Daily News si Dr. Carl Raschke, isang propesor sa University of Denver, na nagkokomento nang ganito: “Mas marami akong nakikitang lumilitaw na mararahas na kulto, at marahas na pang-aabuso na nagaganap na pakunwaring mga paniwala sa okultismo.” Ang mga dalubhasang dumalo sa seminar ay nagbabala rin na ang malulupit na pangkat gaya ng mga neo-Nazi at ang Ku Klux Klan ay gumagamit ng mga patibong upang umakit ng mga miyembro at upang sila’y higit na masupil.
Isang Nakamamatay na Negosyo ang Nagbabalik
Sa kabila ng ilang pagsulong sa nakaraang mga taon, ang mga pagsisikap sa pangangalaga sa kalikasan sa India ay pinabagal ng ilegal na mga mangangaso, ulat ng India Today. Noong 1988 may tinatayang 4,500 tigre ang nalabi sa kagubatan ng India. Pagsapit ng 1992, ang bilang na iyan ay bumaba sa 1,500. Ang tigre ay ipinagbibili dahil sa balat nito, dugo nito, at mga buto nito (na ginagamit sa katutubong mga gamot), mga kuko nito, at maging ng mga sangkap nito sa pagpaparami. Subalit hindi lamang ang tigre ang tanging biktima ng pangkat ng ilegal na mga mangangaso. Apatnapu’t walong Indian rhino ang pinatay noong 1992 dahil sa mga sungay nito, ang pinakamataas na bilang sa loob ng sampung taon. Bumaba nang husto ang bilang ng mga elepanteng Indian mula sa 5,000 sa nakalipas na sampung taon tungo sa 1,500 sa ngayon. Ang mga tanod sa kagubatan ay iniulat na lubhang natatakot sa lubusang nasasandatahang ilegal na mga mangangaso sa kasalukuyan anupat ang ilan ay hindi na nagsusuot ng kanilang opisyal na uniporme; ang iba ay tahasang tumangging gampanan ang kanilang trabaho malibang sila’y may hustong kagamitan upang maipagtanggol ang kanilang mga sarili.